Aborsiyon—Sino ang Tama?
DALAWANG kilalang espesyalista ang nagsasabi sa iyo na ang iyong sanggol ay mayroon lamang 0.1-porsiyentong tsansa na mabuhay. Kung ito ay ipanganganak na buháy, magkakaroon ito ng malubhang mga abnormalidad at maaaring mamatay sa loob ng mga ilang araw. Ano ang gagawin mo? Makipagsapalaran? O magpalaglag?
Malayong mangyari, baka isipin mo. Subalit maaari itong mangyari, at nangyari nga ito, sa London, Inglatera. Mabuti na lamang, itinaguyod ng ospital ang pasiya ng mga magulang na ipagpatuloy ang pagdadalang-tao. “Sa anumang yugto ay hindi kami sinabihan na magpalaglag,” paliwanag ng ama. Sila ngayon ay mayroong isang anak na lalaki, ipinanganak nang walang anumang pisikal na mga depekto.
“Talagang tuwang-tuwa kami,” sabi ng isa sa mga medikal na kasangguni, at sabi pa: “Ang problema ay na walang anumang bagay sa biyolohiya na 100 porsiyento.” Totoo, subalit ang maling paghatol ng doktor (o ng isang magulang) ay isa lamang bahagi ng suliranin ngayon tungkol sa aborsiyon.
Nagkakasalungatang mga Salik
Ang medikal at etikal na mga isyu na pabor at laban sa aborsiyon ay punô ng emosyon. Ang mapuwersang mga pangkat mula sa magkabilang panig ay nagtataas ng taimtim na mga tinig upang marinig at maunawaan, at ang debate ay kadalasang matindi. Sino ang tama?
Maliwanag na ang mga magulang na nabanggit kanina ay gumawa ng tamang pasiya. Subalit ano kung ang mga doktor ay tama sa kanilang rikonosi? Sa ilalim ng gayong mga kalagayan, tama kaya para sa isang ina na magpalaglag?
Kung nasusumpungan mong mahirap, o imposibleng sagutin ang katanungang iyan, hindi ka nag-iisa. Gayunman, may pumapatnubay na mga simulain na nakatutulong, gaya ng makikita natin. Subalit isaalang-alang muna ang pandaigdig na kalakihan ng suliranin tungkol sa aborsiyon.