Aborsiyon—Ano ang Kabayaran?
SA Glasgow, Scotland, dalawang narses ang nagkaroon ng “nakatatakot na masamang panaginip” at hindi mapagkatulog, ulat ng The Daily Telegraph. Bakit? Sapagkat sila ay nakibahagi sa isang operasyon upang ilaglag ang isang sanggol na lalaki na 24 na linggo ang gulang. Hindi inaasahan, ang batang lalaki ay nabuhay “sa loob ng maikling panahon.”
Sa Detroit, E.U.A., isang 29-linggong-gulang na sanggol na ipinagbubuntis, na ipinalalagay na patay na dahilan sa isang turok ng iniksiyon sa bahay-bata ng ina nito, ay ibinunton sa isang hindi kinakalawang na balde sa isang silid para sa aborsiyon sa isang ospital. Subalit ito ay nabuhay. Ang mga pag-iyak nito ay narinig, at tama lamang sa panahon, ang batang babaing ito ay isinugod sa intensive-care unit.
Ang paglalaglag ng mabubuhay na mga sanggol na ipinagbubuntis ay isang lumalagong problema yamang ang bilang ng mga aborsiyon ay dumarami. Ang modernong mga pamamaraan sa medisina ay naglalaan ng mas mahusay na pangangalaga para sa mga sanggol na ipinanganganak nang wala sa panahon, anupa’t sa loob ng 26 na mga linggo ay posible na ngayon na mabuhay ang isang malusog na sanggol—isang bagay na totoong napakahirap mga ilang taon ang nakalipas. Bunga nito, ang mga narses sa ilang bansa ay may legal na karapatang tumanggi, batay sa budhi, na makibahagi sa pagsasagawa ng aborsiyon.
Subalit kumusta naman ang tungkol sa mga doktor? Ano ang kanilang reaksiyon?
Ang Negosyo ng Aborsiyon
“Ang ikaw ay makilala ng publiko bilang isang aborsiyunista o tagapaglaglag ng sanggol ay isang paghalik sa kamatayan,” sabi ni Dr. Phillip Stubblefield sa isang panayam sa Newsweek. Sa katunayan, ang panggigipit ng publiko ang nagpangyari sa maraming doktor sa Estados Unidos na lubusang ihinto ang pagsasagawa ng aborsiyon. Maraming insidente ng pagbomba ang sumira ng mga klinika sa aborsiyon, at “sa buong bansa, mayroon tayong mga klinika na hindi makakuha ng medikal na mga direktor sapagkat natatakot ang mga doktor sa kung ano ang maaaring gawin ng pamayanan,” paliwanag ni Dr. Stubblefield.
Gayumpaman, marami pa ring aborsiyon ang isinasagawa. At ang isang dahilan ay marahil madaling masumpungan. Ito ay isang malakas na negosyo.
Sa Paris, Pransiya, halimbawa, ang mga magulang ay nagbabayad ng halagang £1,000 ($1,400) upang ang kanilang tin-edyer na anak na babae ay magkaroon ng pribadong aborsiyon, sang-ayon sa isang report sa medikal na magasing Pulse. Ang ibang mga klinika sa London, sabi ng report ding iyon, ay sumisingil ng hanggang £2,000 ($2,800) sa bawat aborsiyon na kanilang isinasagawa.
Noong 1982, dalawa sa pinakamalaking ahensiya sa aborsiyon ng Britaniya ay nagkaroon ng pinagsamang kita na £4.5 milyon ($6.3 milyon). Iniuulat ang bilang na ito, ang Human Concern ay nagkukomento: “Ang aborsiyon ay isang malakas na negosyo.” Sa Hapón ang gobyerno ay tumatangging gawing legal ang birth-control pill. “Ang pagbabawal,” ulat ng The Sunday Times ng London, “ay dahilan sa pagsisikap ng mga doktor, na kumikita ng malaki mula sa aborsiyon, na impluwensiyahan ang mga mambabatas.” Saan ka man tumingin sa daigdig ng aborsiyon, ang salapi ang nangingibabaw.
Hindi ito kataka-taka. Kapag napaharap sa isang biglaang traumatikong kalagayan, gaya niyaong isang walang asawa, nagdadalang-taong tin-edyer, itinuturing ng maraming magulang ang anumang halaga na makatuwiran upang lutasin ang kalagayan, lalo na kung ang isang aborsiyon ay maaaring gawin nang ligtas, mabilis, at nang lihim.
Magkagayon man, ikinalulungkot ng parami nang paraming mga doktor ang bagay na ito. Sa pasimula ng panahon ng aborsiyon sa Britaniya, iniulat ng Daily Mail si Propesor Ian Morris na nagsasabi: “Kung ako ay nagsisimula pa lamang sa aking karera na nalalaman kung ano ang nalalaman ko tungkol sa mga aborsiyon, hinding-hindi ko pipiliin ang gynaecology.” Sabi pa niya: “Kinamumuhian ko ang operasyon. Ganap itong kabaligtaran ng lahat ng aking medikal na pagsasanay. Ang buong layunin ay upang iligtas ang buhay, hindi ang isagawa ang partikular na anyong ito ng omisidyo.” Mariing mga salita nga, at hindi lahat ng doktor ay sumasang-ayon dito. Subalit ito ay naghahatid ng ideya ng biglang pagbabago sa gawain na likas na nadarama ng ilang mga doktor.
Ang Paglalaglag—Kaninong Pasiya?
Kapag nakakaharap ng isang babae ang isyu ng aborsiyon, iilang tao, marahil kahit na ang babae mismo, ang pinag-iisipan o isinasaalang-alang ang ama. Ang pasiyang magpalaglag ay kadalasang ginagawang mag-isa ng babae, humihingi ng alalay o suporta sa matalik na mga kaibigan at mga kamag-anak. Subalit “ang mga lalaki ay dumaranas din ng pagdadalamhati, ng kawalan,” ulat ng The New York Times, “at maaari ring dumanas ng pagkabalisa na nararanasan ng mga babae sa pagiging magulang.”
Inaakala ng ibang mga ama na ang kanilang mga kagustuhan ay dapat ding isaalang-alang, na sila ay dapat na magkaroon ng higit na karapatan sa pagpapasiya bago magpasiya ang ina na ipalaglag ang kanilang anak. “Nais ng mga lalaking makibahagi, hindi mag-utos, sa paggawa ng pasiya,” sabi ng sosyologong si Arthur Shostak kasunod ng sampung-taóng surbey sa problema. Tiyak na ang gayong pag-iisip ay makatuwiran.
Pagharap sa Reaksiyon
Gayunman, sa paggawa ng pasiya, kailangang harapin ng babae, di-gaya ng lalaki, ang pisikal na pagkabigla sa kaniyang buong sistema kung ang yugto ng kaniyang pagdadalang-tao ay biglang magwakas. Ano nga ba ang nasasangkot?
Kahit na pagkatapos ng isang maagang aborsiyon, karaniwan na sa isang babae na makadama ng panghihina at pagod. Karaniwan din ang mga pulikat, sakit, at posibleng pagdurugo. Kapag ang isang aborsiyon ay isinagawa sa lalong atrasadong panahon, ang mga palatandaan ng winakasang pagdadalang-tao ay maaaring tumagal hanggang isang linggo o mahigit pa yamang bumababa ang antas ng hormone. Ang pananakit ng suso at ang pagkadama ng panlulumo ay karagdagang mga salik na dapat harapin. Oo, ang aborsiyon ay isang masakit na karanasan, na tanging ang babae lamang ang nakakaalam, at ito kadalasan na ay isang mahirap na pasiya.
Lalo pang mahalaga ay ang bagay na, sa emosyonal at mental na paraan, ang epekto ng isang aborsiyon ay maaaring maging kapaha-pahamak. Ang problema ay na samantalang ang pisikal na reaksiyon ay maaaring kagyat at inaasahan, ang mental at emosyonal na mga sugat ay lumilitaw sa dakong huli at mas matagal gumaling, kung gumaling man ito. “Nagsasalita bilang isa na propesyonal na paminsan-minsan ay nakikitungo sa mga pasyenteng dumanas ng aborsiyon, sila ay kadalasang lubhang balisa sa loob ng maraming taon pagkatapos ng aborsiyon,” sulat ng isang kabalitaan sa The Times ng London. Gaano kalaki ang suliraning ito?
“Ngayon wari bang ang laki ng natatagong suliranin ay mas malaki kaysa dating inaakala,” sabi ng The Sunday Times. Ang mga epekto ng panlulumo at emosyonal na pagkabalisa ay kadalasang napakalaki anupa’t “kalahati ng mga babaing walang asawa na dumanas ng aborsiyon sa terapeutikong mga kadahilanan ay nangailangan ng tulong ng saykayatris sa dakong huli.” Ang mga tuklas na ito ay pinatutunayan ng isang pag-aaral sa King’s College Hospital sa London. Isinisiwalat ng pag-aaral na ito, sang-ayon sa The Times, na “maaaring makaharap ng mga mag-asawa na nagpasiyang wakasan ang isang pagdadalang-tao ang matinding mga reaksiyon ng pagdadalamhati” at na nasusumpungan nila ang kanilang mga dalamhati na “mahirap pakitunguhan o harapin.”
Ang mga Haponés ay may pambihirang paraan ng pakikitungo sa suliraning ito ng tao. Munting mga estatuwa, na yari sa plastik, eskayola, o bato upang kumatawan sa inilaglag na mga bata, ay inilalagay sa kapaligiran ng templo. Doon sila ay ipinagkakatiwala sa pangangalaga ni Jizo, ang Budhistang tagapag-alaga ng mga bata. Sa gayon ang mga magulang, habang sila ay nananalangin sa diyos para sa kapatawaran, ay naibubuhos ang kanilang mga damdamin ng pagkapahiya, kalungkutan, at pagkadama ng kasalanan. Ngunit hindi sila nag-iisa sa pagkadama ng pangangailangan na gawin ito. Isaalang-alang ang sumusunod na personal na mga karanasan.
“Agad Kong Ikinahiya ang Aking Sarili”
Nang siya ay 22 anyos, si Elaine ay dumanas na ng tatlong aborsiyon. Gunita niya: “Ako’y sinabihan na hindi mali o masamang gawin ito kapag anim na linggo pa lamang ng pagdadalang-tao, yamang ang sanggol ay hindi pa buo sa panahong iyon, maliban na lamang kung ito ay tatlong buwan na o mahigit pa. Pagkatapos niyan, nang marinig ko ang mga taong nagsasabi ng masama tungkol sa mga dalagang ina, natuwa ako na winakasan ko ang aking pagdadalang-tao. Pagkaraan ng dalawang taon inulit kong muli ang pamamaraang iyon nang makalawa, higit na naliligayahan na ako ay nakasumpong ng paraan upang huwag magsilang ng mga anak sa daigdig na ito.”
Hindi nagtagal pagkatapos nito, si Elaine ay pumasok sa propesyon ng pagiging nars, nagtatrabaho na tumutulong sa pagpapaanak. “Kasiya-siya,” gunita niya, “na makita ang pagsilang ng isang sanggol at maranasan ang kagalakan na dulot ng gayong pagsilang sa mga doktor, mga komadrona, at mga magulang. Subalit agad kong ikinahiya ang aking sarili sa pagpatay sa tatlong walang-malay na mga buhay at nasumpungan ko ang aking sarili na nakikipagpunyagi sa aking mga damdamin ng pagkabalisa at pagkapahiya. Lagi kong nililingon ang nakaraan at ginugunita kung gaano na sana katanda ang aking mga anak at kung sila kaya ay naging mga lalaki o mga babae at kung ano kaya ang hitsura nila. Kakila-kilabot na malagay sa gayong kalagayan.”
Si Janet, isang ina na ngayo’y 39 na taóng gulang, ay naglalahad ng kaniyang mga damdamin kasunod ng isang aborsiyon: “Ang tanging paraan na nakaya ko ito ay sa pamamagitan ng pagsasabi ko sa aking sarili na maniwala na hindi ito talagang nangyari sa akin. Kinumbinsi ko ang aking sarili sa loob ng maraming taon na hindi ko nagawa ito, na ito ay isang kakila-kilabot na masamang panaginip.”
Ganito ang sabi ng labinsiyam-na-taóng-gulang na si Karen: “Ginawa ko ang lahat ng magagawa ko upang kalimutan ang nagawa ko, subalit umiyak ako nang makita ko ang isang sanggol o isang babaing nagdadalang-tao. Lubha akong nanlumo. Pagkatapos ay gumibik ang gatas sa aking mga suso upang ipaalaala sa akin. Ginising akong umiiyak ng mga masamang panaginip na napanaginip ko, at naririnig ko ang mga batang umiiyak. Labis kong dinamdam ang lahat ng ito.”
Mali na ipalagay ang isang aborsiyon na isa lamang payak na operasyon para sa kaginhawahan. Minsang ang hakbang ay naisagawa, hindi na ito maaaring baligtarin. Ang kagyat na problema ay maaaring lumayo, gayunman, ang mga epekto nito, gaya ng nakita na natin ay maaaring malayo ang nararating at nagtatagal. Ngunit kumusta naman kung ang aborsiyon ay inirirekomenda ng isang doktor?
“Dapat Mong Ilaglag ang Bata”
Iyan ang tahasang payo na ibinigay kay Sue ng kaniyang doktor. Bakit? Si Sue ay mayroon ng dalawang anak, at hindi pa natatagalan ay napag-alaman niya na siya ay nagdadalang-tao nang ang isa sa kaniyang anak ay magkaroon ng rubella, o tigdas gaya ng mas karaniwang tawag dito. “Tiyak na magkakaroon din ako nito, yamang hindi pa ako nagkaroon nito noon,” sabi niya. Nangyari nga, siya mismo ay nagkasakit.
Napatunayan na ng medikal na karanasan na ang tigdas, kapag nagkaroon nito ang isang babae maaga sa kaniyang pagdadalang-tao, ay maaaring pagmulan ng mga kapinsalaan ng lumalaking binhi. Taglay ang bagay na ito sa isipan na binanggit ng doktor ang gaya ng kaniyang sinabi. “Sinabi niya sa akin nang tahasan,” gunita ni Sue, “na ang sanggol ay madidesporma o mapipinsala at na hinding-hindi ko ito makakayanan. Sa kaniyang klinika ay iginiit niya na kung wawalaing-bahala ko ang kaniyang payo, dapat akong pumirma ng isang liham na aking tinatanggap ang ganap na pananagutan sa anumang maaaring mangyari, inaalisan siya ng pananagutan.” Nilagdaan ito ni Sue. “Taglay ang lahat ng kabutihan, masasabi ko sa pagtatanggol sa kaniya na siya ay totoong nababahala sa akin, lalo na yamang ako ay isang epileptiko,” susog niya.
Bagaman totoong nababahala, ipinaubaya ng asawa ni Sue ang pagpapasiya sa kaniyang asawa, at si Sue ay gumawa ng mga kaayusan upang ipanganak ang kaniyang sanggol. Sa takdang panahon isang anak na babae ang ipinanganak. Kaagad na isinagawa ang mga pagsubok sa bata, subalit maliban sa bahagyang anemia, ayos naman ang lahat sa kaniya. Gayunman, ang mga doktor ay nagulat na makasumpong ng mga antibodies sa dugo ng sanggol na hindi taglay ng kaniyang ina, ipinakikita na ang lumalaking bata ay tiyak na naapektuhan ng tigdas.
Pagharap sa Depormidad
Bagaman sa kasong iyon ay maligaya ang kinalabasan, ang bagay ay nananatili na maraming mga anak ang ipinanganganak na depormado, na nangangailangan ng pantanging pangangalaga. Madaling sabihin na makataong hadlangan ang pagsilang sa mundo ng mga lumpo, subalit sino ang nasa katayuan na hatulan ang kalidad ng buhay ng iba? Hindi baga may mga tao na may sarisaring antas ng kadaliang kumilos sa bawat pamayanan, nagtatamasa ng buhay sa lawak na nagagawa nila at nag-aabuloy, sa gayon, ng isang bagay sa ikabubuti ng sangkatauhan?a
Ganito minalas ni Sue ang mga bagay-bagay. Subalit mayroon din siyang iba pang pinagmumulan ng lakas—ang kaniyang pananampalataya. Nang unang banggitin ng kaniyang doktor na ang kaniyang sanggol ay magiging depormado, sinabi niya sa doktor na kahit na magkagayon, batid niya na maaaring maasahan ang lakas mula sa Diyos upang tulungan siya na makaya ito. Gayundin, wala siyang karapatan na ipagkait sa isang lumpong anak ang “kahanga-hangang pag-asa ng paggaling sa lahat ng pisikal na karamdaman sa bagong sistema ng mga bagay ng Diyos,” sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang Kaharian. (Apocalipsis 21:1-4) Ang gayong pananampalataya ay may kaniyang mga gantimpala.
Ang Napakahalagang Pasiya
“Panganganak? O Aborsiyon?” Nakakaharap ang mapagpipilian, alin ang pipiliin mo?
Si Sue ay nangatuwiran: “Hindi kagustuhan ng aking sanggol na siya ay ipaglihi, kaya’t ano ang karapatan ko na wakasan ang munting buhay na iyon bago pa man ito magkaroon ng pagkakataon na makita ang buhay?”
Simple lamang ang kaniyang katanungan. Paano mo sasagutin ito?
[Mga talababa]
a Ang pangangalaga sa isang sanggol na may sakit na Down’s syndrome ay tinalakay sa Hulyo 8, 1986, na labas ng magasing ito.
[Kahon sa pahina 9]
Salungatan ng mga Katapatan?
Ang Deklarasyon sa Geneva ay pinagtibay ng General Assembly ng World Medical Association sa Geneva, Switzerland, noong Setyembre 1948. Batay ito sa sinaunang Hippocratic oath. Ang sumusunod ay halaw mula sa Deklarasyong ito:
“Sa Panahon na Ako ay Tanggapin bilang Membro ng Medikal na Propesyon: Matapat kong ipinangangako sa aking sarili na italaga ang aking buhay sa paglilingkod sa sangkatauhan. . . . Isasagawa ko ang aking propesyon na taglay ang budhi at dignidad. . . . Iingatan ko ang pinakamataas na paggalang sa buhay ng tao, mula sa panahon ng paglilihi; kahit na sa ilalim ng banta o panganib, hindi ko gagamitin ang aking medikal na kaalaman na labag sa mga batas ng sangkatauhan.”
Paano ipinaliliwanag ng mga doktor ang gayong panunumpa? Narito ang dalawang magkasalungat na palagay. Alin ang pinaniniwalaan mo?
DOKTOR I. M.
“Hinding-hindi ko matingnan ang mga himaymay na inalis ko sa panahon ng aborsiyon nang hindi naririmarim. Maaaring ito’y isang animo’y halaya o jelly, ngunit ito, sa paano man, ay isang buhay ng tao na aking sinisira.”
DOKTOR V. A.
“Hindi ko kailanman ipinalagay na ang aborsiyon ay mali. Habang ang isang indibiduwal ay ganap na dumidepende sa ina, hindi ito isang tao.”
[Kahon sa pahina 11]
Mga Pamamaraan sa Aborsiyon
Ang mga panganib ng isang aborsiyon sa ina ay tuwirang nauugnay sa edad ng sanggol na ipinagbubuntis. Hindi ito dapat na maliitin.
Sa unang trimestre (tatlong buwan) karaniwan nang ang binhi ay sipsiping palabas sa pamamagitan ng vacuum pump.b Ito ay karaniwang ginagawa sa isang klinika sa loob ng maikling panahon. Para sa mga ikalawang trimestre ang pagpuputul-putol sa sanggol na ipinagbubuntis upang palabasin ito mula sa ina, o ang aborsiyon dala ng iniksiyon, ang karaniwang mga pamamaraan. Normal lamang ang maikling pagtigil sa ospital. Sa anumang ikatlong trimestre isang malaking operasyon, gaya ng hysterotomy, ang tanging maaaring mapagpilian.c
[Mga talababa]
b Ang siyam na buwang yugto ng pagdadalang-tao ay kung minsan medikal na hinahati sa tatlong tatlong-buwan na mga panahon na tinatawag na trimestre.
c Ang hysterotomy ay ang pagbiyak sa matres, o bahay-bata, upang alisin ang lumalaking sanggol. Hindi ito dapat ipagkamali sa hysterectomy, ang pag-aalis mismo ng matres.
[Larawan sa pahina 8]
Maaari na ngayong mabuhay ang mga sanggol na isinilang nang maaga o kulang sa buwan dahil sa makabagong medikal na mga pamamaraan
[Credit Line]
Justitz/Zefa/H. Armstrong Roberts
[Larawan sa pahina 10]
Iilang tao ang isinasaalang-alang ang mga damdamin ng ama ng bata
[Larawan sa pahina 12]
Sa emosyonal at mental na paraan, ang epekto ng isang aborsiyon ay maaaring maging kapaha-pahamak