Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 8/22 p. 26-27
  • Ang “Sugarloaf” at Corcovado ng Rio

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang “Sugarloaf” at Corcovado ng Rio
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Bundok ng Sugarloaf
  • Ang Bundok ng Corcovado
  • Rio de Janeiro—Maganda at Kaakit-akit
    Gumising!—1999
  • Corcovado—Ang Brilyante ng Costa Rica na Hindi Pa Natatabas
    Gumising!—2005
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1999
  • Kung Saan Nakalatag ang mga Glacier sa Ekwador
    Gumising!—2005
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 8/22 p. 26-27

Ang “Sugarloaf” at Corcovado ng Rio

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Brazil

“WALA nang gaganda pang lunsod sa daigdig na ito.” Ganiyan ang pagkakalarawan ng romantisistang Austriano na si Stefan Zweig sa Rio de Janeiro. Tiyak, ang tanawin ng Rio mula sa nakalululang kaitaasan ng mga bundok ng Sugarloaf at Corcovado (Kuba) ay talagang makapigil-hininga.

Mula sa tuktok ng dalawang bantog na bundok na ito ay makikita ang isang tanawin ng kagandahan na lumalaganap hanggang sa abot-tanaw. Nariyan ang mga loók, ang mga sapa, mga isla, tabing-dagat, mga bato na umuusli ng mga daan-daang piye, gayundin ang mayabong na mga punungkahoy sa dalisdis ng bundok, ang kumikinang na dagat na may nagbabagu-bagong kulay, at, mangyari pa, ang lunsod mismo.

Ang Rio ay naghaharap ng isang natatanging halina, dahilan sa tahanan nito na nakaayos sa bawat matitirahang sulok at bitak, paitaas sa mga gilid ng bundok at sa mas mababang mga tulis ng bundok. At anong pagkasarisaring disenyo ng arkitektura! Kolonyal na mga kayarian na katabi ng totoong makabagong mga gusali, na napaliligiran ng mga barungbarong na nasa maliliit na burol.

Ang Bundok ng Sugarloaf

Ang unang paglalarawan ng Sugarloaf ay masusumpungan sa isang liham na may petsang Hulyo 9, 1565. Sumusulat sa kaniyang mga superyor, ang misyonerong Jesuita na si José de Anchieta ay bumabanggit ng “isang napakataas na bundok, parang isang kono ng asukal, na nakatunghay sa basal na kakahuyan at masukal na kagubatan.” Ang granitikong batong ito na hugis kono, na tumataas ng mga 1,300 piye (395 m), ay tumatayong parang bantay sa pasukan ng Guanabara Bay.

Hanggang noong 1817 ang tuktok ng Sugarloaf ay mahirap marating ng tao. Noong taóng iyon inakyat ng isang babaing Ingles, na kasintatag ni Marco Polo, ang matarik na dalisdis nito at itinaas ang banderang Britano sa tuktok nito. Ito ay lumikha ng kaguluhan sa gitna ng lokal na mga maninirahan​—mga sakop ng Portuges na Haring John VI, na noo’y naninirahan sa Brazil​—anupa’t kinabukasan isang sundalo ang umakyat sa mapanganib na dalisdis, inalis ang nakapagpapagalit na bandera at inihalili rito ang bandera ng kaniyang bansa! Dahilan sa kaniyang padalus-dalos na kabayanihan, siya ay inalis sa tungkulin mula sa serbisyo militar​—ang Portugal at Britaniya ay magkaalyado!

Sa Internasyonal na Eksposisyon na ginanap sa Rio noong 1909, ang ideya na gawing isang atraksiyon para sa mga turista ang Bundok ng Sugarloaf ay pinag-usapan. Inawtorisa ng alkalde ang isang proyekto upang magtayo ng isang sistema ng cable-car, at ang gawain ay nagsimula nang taon ding iyon. Simula sa Vermelha Beach, ang unang yugto ng perokaril sa himpapawid ay nakompleto noong Oktubre 27, 1912. Noong araw ng inagurasyon, 577 katao ang nagtungo sa tuktok ng Urca Hill (mga 720 piye [220 m]), isang tuntungang-bato sa tuktok ng Sugarloaf. Ang ikalawang yugto ay handa na noong Enero 19, 1913, nang 449 katao ang inihatid ng cable car sa ibayo ng 2,460 piye (750 m) ng makapigil-hiningang layo sa tuktok ng bundok na pinagmumulan ng halina sa loob ng mga dantaon.

Ang dating mga cable car ay naghatid ng milyun-milyong mga tao sa loob ng kanilang 60 taóng paglilingkod. Pagkatapos, noong Oktubre 29, 1972, ang mga ito ay hinalinhan ng modernong mga modelo, na yari sa Italya. Ang bagong mga cable car na ito ay may kakayahang maghatid ng 1,360 mga pasahero sa bawat oras.

Ang Bundok ng Corcovado

Habang ikaw ay nakatayo sa taluktok ng Sugarloaf, isa pang bundok ang makakatawag ng iyong pansin​—ang Bundok ng Corcovado (Kuba)! Sa gawi pa roon ng baybaying-dagat, ang matulis, mabatong bundok na ito na 2,310 piye (704 m) ay nagbibigay ng isang tanawin sa buong lunsod, sa mga loók nito, at sa nakapaligid na mga distrito.

Mas madaling marating kaysa Bundok ng Sugarloaf, ang Bundok Corcovado ay unang inakyat, gaya ng sabi, ng emperador ng Brazil na si Dom Pedro I (1822-31) at ang kaniyang asawa, si Leopoldina, sakay ng kabayo. Mula noon ito ay naging isang paboritong pamasyalan kapuwa ng mga maninirahan ng Rio at ng mga bisitang tagaibang bansa.

Si Dom Pedro II ay nagpalabas ng isang utos noong Enero 7, 1882, na nag-aawtorisa sa pagtatayo ng isang perokaril, na pinasinayanan noong Oktubre 9, 1884. Ang panimulang istasyon, ang Cosme Velho, ay halos 120 piye (37 m) sa ibabaw ng antas ng dagat at ang huling istasyon ay mga 2,200 piye (670 m) sa ibabaw ng antas ng dagat. Noong 1912 ang linya ay ginawang de kuryente, at ang mga makinang pinatatakbo ng singaw ay inalis na.

Ang paliku-likong pagbibiyahe paitaas, sa daan man o sa riles ng tren, ay kaaya-aya na gaya ng tanawin sa tuktok ng bundok. Ang nakatutuwang amoy ng tropikal na kagubatan, ang mga ibon at pagkalalaking mga paruparo na sarisaring kulay, ang kalamigan ng makapal na mga lilim, at ang biglang pagpasok ng maningning na liwanag sa mga kaingin ay gumagawa pa sa pag-akyat sa bundok na isang di-malilimutang karanasan.

Ang ‘pinakamagandang lunsod sa daigdig’? Marahil sa ilan​—mga bisita at mga katutubo. Subalit isang bagay ang tiyak, ang Rio de Janeiro ay may dalawang kahanga-hangang bundok​—ang mga bundok ng Sugarloaf at ng Corcovado (Kuba),​—kung saan ang ‘magandang lunsod’ ay maaaring tanawin at pahalagahan.

[Picture Credit Line sa pahina 26]

Photos: Colombo Cine Foto Produções Ltda., Rio de Janeiro

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share