Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 3/8 p. 14-18
  • Rio de Janeiro—Maganda at Kaakit-akit

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Rio de Janeiro—Maganda at Kaakit-akit
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Look, Dalampasigan, at Sikat ng Araw
  • Isang Gubat na Napalilibutan ng Isang Lunsod
  • Pagdalaw sa Sentro
  • Soccer at Samba
  • May mga Problema ang Rio
  • Iba Pang mga Hamon
  • Maganda Pa Rin ang Rio!
  • Ang “Sugarloaf” at Corcovado ng Rio
    Gumising!—1987
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1999
  • Nanatili Kami sa Aming Atas
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • Papaano Ka Makapananatiling Ligtas sa Mapanganib na Kapaligiran?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 3/8 p. 14-18

Rio de Janeiro​—Maganda at Kaakit-akit

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRAZIL

NASA Rio de Janeiro na ang lahat​—mga dalampasigan, burol, lawa, at tropikal na kagubatan. “Lubhang kaakit-akit ang tanawin nito anupat hindi ko malaman kung alin ang unang titingnan!” bulalas ng isang panauhin. Ang Rio de Janeiro, o basta Rio, ay itinuturing ng marami bilang isa sa pinakamagagandang lunsod sa daigdig. Bagaman ang salitang “rio” ay nangangahulugan ng “ilog,” ang lunsod ay aktuwal na nasa isang look.​—Tingnan ang kahon sa pahina 18.

Sabihin pa, dahil sa 11 milyon katao ang nakatira sa pangunahing lugar, mayroong mga problema sa Rio​—karahasan, kawalang-trabaho, at kakulangan sa pabahay, bukod pa sa polusyon at magulong trapiko. Sa kabila nito, ito’y buong-pagmamalaking tinatawag ng mga taga-Rio na Cidade Maravilhosa (Kamangha-manghang Lunsod). Sa mga salita ng isang Carioca:a “Ang Rio ay isang maligayang lunsod. Nasisiyahan kami sa nakikitang mga dalampasigan at burol na nadaraanan papunta at pauwi sa trabaho sa isang maaliwalas na araw.” Isang romantikong pananaw? Tingnan natin.

Mga Look, Dalampasigan, at Sikat ng Araw

Magsisimula tayo sa Guanabara Bay​—ang pinagsilangan ng Rio. Ang lawak nito na 380 kilometro kudrado ay nakakalatan ng mga isla ng kagubatan, at napalilibutan ito ng mga burol at bundok, na ang pinakakilala sa mga ito ay ang Corcovado (nangangahulugang “Kuba”) at ang Sugarloaf Mountain (Portuges, Pão de Açúcar). Sa taluktok ng Corcovado, na may taas na 704 metro mula sa look, ay naroroon ang 30-metro, 1,145-toneladang istatuwa ni Kristo na nakadipa. Nakuha naman ng Sugarloaf Mountain, na 395 metro lamang ang taas, ang pangalan nito mula sa hugis-balisungsong na pormang ginamit ng mga tagapino ng asukal noong panahon ng kolonya. Maaaring akyatin ng mga panauhin ang Corcovado sa pamamagitan ng isang maliit na tren o kotse, at inihahatid naman ng cable car ang mga namamasyal sa taluktok ng Sugarloaf. Makapigil-hininga ang tanawin ng Rio na nasa pagitan ng malalim at bughaw na dagat sa isang panig at makapal na luntiang kagubatan at masalimuot na hugis ng Rodrigo de Freitas Lake naman sa kabilang panig.

Dahil sa mga dalampasigang puti ang buhangin kasabay ng sikat ng araw​—marami nito​—kung kaya ang Rio ay pangarap ng isang turista. Gaya ng maaasahan mo, yamang ang temperatura sa tag-araw ay umaabot sa 40 digri Celcius, siksikan sa tao ang mahigit na 70 dalampasigan sa kahabaan ng 90-kilometrong baybayin ng Rio. Aling dalampasigan ang pinakamaganda? Ang sagot ay depende sa nagpupunta. Para sa mga Carioca, ang dalampasigan ay isang tagpuan, dako para sa pagbabasa, soccer field, volleyball court, bar, restawran, palaruan, bulwagang pangkonsiyerto, himnasyo, at opisina, gayundin isang languyan. Tuwing umaga, ang mga pasyalan ng Rio ay punô ng mga nagdya-jogging at namimisikleta. At sa isang maaliwalas na araw, laging punô ang mga dalampasigan. Gayunman, sa kabila ng kanilang waring maginhawang istilo ng pamumuhay, ang mga Carioca ay kailangang magtrabaho nang husto upang makuha ang kanilang gusto.

Hanggang sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, ang lunsod ng Rio ay binuo sa kahabaan ng mga dalampasigan ng Guanabara Bay. Pagkatapos, ang mga tunel na ginawa upang iugnay ang look sa mga dalampasigan ng karagatan ay naging daan sa paglawak ng lunsod patungong timog. Nang pasinayaan noong 1923 ang Copacabana Palace Hotel, isa sa unang magagarang otel sa Timog Amerika, ang naging unang napabantog na dalampasigan ay ang Copacabana, na siyang “Munting Prinsesa ng Dagat.” Pagkaraan, noong dekada ’60, ang dalampasigan ng Ipanema ay naging tagpuan para sa mga intelektuwal at bohemyo. Kung ang isang bagay ay hindi uso sa Ipanema, talagang hindi iyon uso. Ang pinakabago at pinakamalaki sa pinagandang mga dalampasigan sa Rio ay ang Barra da Tijuca (18 kilometro ang haba), na binansagang Miami ng Brazil. Tahanan ito ng pinakamalalaking sentro ng pamilihan at ng maraming bagong gusaling tirahan sa Rio.

Isang Gubat na Napalilibutan ng Isang Lunsod

Ang mga halaman ay isang mahalagang bahagi ng tanawin sa Rio, at ang payapa, 141-ektaryang botanical garden nito, na nasa sentro ng lunsod, ay mararating sa loob lamang ng ilang minuto mula sa mataong mga dalampasigan. Ginawa noong ika-19 na siglo, matatagpuan sa hardin ang mahigit sa 6,200 uri ng tropikal na mga halaman at punungkahoy.

Isa pang kanlungan sa loob ng lunsod ang Forest of Tijuca. Palibhasa’y nasa mga 20 kilometro mula sa sentro ng Rio at sumasaklaw ng mahigit sa 100 kilometro kudrado, ito na marahil ang pinakamalaking kagubatan sa daigdig na nasa loob ng isang lunsod. Kasali rito ang bahagi ng Atlantic Forest, na dating sumasaklaw sa buong baybayin ng Brazil. Maaaring makita ng mga panauhin ang kahanga-hangang pink jequitiba pati ang magandang canelas-santas na kulay dilaw ang mga bulaklak. Mayroon ding kaakit-akit na mga asul na paruparong kabilang sa uring Morpho. Sa mga ibon naman, karaniwang makikita ang makukulay na tanager na may berdeng ulo at mapulang leeg.

Pagdalaw sa Sentro

Ang sentro ng Rio ay abalang-abala​—anupat sa lahat ng dako ang mga tao’y nagmamadali at napakaingay at napakainit dito. Ang mga naglalakad ay nakikipagsiksikan sa mga tagapaglako, na nagtitinda ng halos lahat ng bagay, mula sa inangkat na mga kalakal na electronic hanggang sa mga damit, espesya, at mga remedyo para sa kalyo. Masisiyahan kang sumakay sa trambiya sa ibabaw ng 42 buong granitong mga arko na kilala bilang Arcos da Lapa. Iyon ay itinayo ng mga Indian at mga alipin sa pagitan ng 1712 at 1750, at orihinal na daluyan ng tubig patungo sa sentro ng Rio. Gayunman, noong 1896, ang serbisyo ng trambiya ay nagsimulang tumakbo sa daluyan ng tubig, anupat ginawa itong isang tulay.

Nasa sentro rin ang Europeong bahagi ng lunsod. Ang National Museum of Fine Arts, na itinayo sa pagitan ng 1906 at 1908, ay may harapan na kahawig ng sa Louvre Museum sa Paris, at ang kinulayang mga panel at mosaic ay nagpapaalaala sa isa ng Italian Renaissance. Isa pang mahalagang gusali ang Municipal Theater, na pinasinayaan noong 1909, na mauupuan ng 2,357 manonood at ginaya sa Paris Opera House.

Soccer at Samba

Tuwang-tuwa ang mga Carioca sa isang magandang laro ng soccer, at kapag nakatakda ang mga laro ng malaking liga, ang Maracanã Stadium ay nagiging sentro ng atensiyon. Palibhasa’y kilala bilang ang pinakamalaking istadyum ng soccer sa daigdig, ginaganap dito ang mga laro na dinadaluhan ng hanggang 200,000. Sa kasalukuyan, ang sukdulang kapasidad ay nilimitahan sa 100,000 sa mga kadahilanang panseguridad at para sa kaalwanan ng mga tagahanga.

Isang paboritong sayaw ng mga Carioca ang samba, na galing sa Aprika. Sa buong lunsod, ang mga paaralan ng samba ay umaakit sa libu-libong mananayaw​—mga lalaki, babae, at mga bata​—kadalasa’y galing sa parehong pamayanan. Sa panahon ng karnabal, bago ang Mahal na Araw, ang mga paaralang ito​—na bawat isa ay may hanggang 5,000 mananayaw​—ay nakahanay sa Sambódromo, isang napakalawak na lugar para sa parada na pantanging ginawa, sa pagitan ng dalawang magkahanay na kongkretong grandstand na doo’y magkakasya ang hanggang 100,000 katao. Nakalulungkot naman, ang karnabal ay higit na nakikilala dahil sa mga pagmamalabis nito, mula sa pagmamaneho nang lasing hanggang sa pag-aabuso sa droga at kahalayan sa sekso.

May mga Problema ang Rio

Sa loob ng maraming dekada hanggang sa ito ay malampasan ng São Paulo noong mga dekada ’50, ang Rio de Janeiro ang siyang sentro ng industriya sa Brazil. Dahil sa pangangarap ng mas mabuting buhay, iniwan ng marami ang buhay sa kabukiran at lumipat sa Rio, anupat napilitang magsiksikan ang bahagi ng populasyon ng lunsod sa mga bloke ng mga apartment samantalang yaong mga walang-kaya ay nagpunta sa mga burol at nagtayo ng pulu-pulutong na pansamantalang mga tirahan​—mga barungbarong, o favelas. Sa simula, ang mga ito ay yari sa mga tinastas na kahon at lata at tinakpan ng yero. Sila’y walang kuryente, kanal, o gripo, pero kahit paano, naging madali ang buhay para sa mga residenteng ito dahil ang kanilang lugar ay malapit sa trabaho. Sa ngayon, ang gilid ng mga burol ay punô ng mga bayan ng barungbarong sa tabi mismo ng magagandang gusali ng mga apartment na nasa mga hangganan ng Copacabana at Ipanema. Iilang lugar lamang sa daigdig ang may gayong kitang-kitang pagkakaiba sa pagitan ng mga mayroon at ng mga walang-wala.

Ang mga bagong barungbarong ay yari na sa ladrilyo. Sa pamamagitan ng paggawa ng mga kalye at paglalagay ng mga kaalwanan, tinangka ng mga tagaplano ng lunsod na pagbutihin ang mga kalagayan; pero hindi ito madaling trabaho. Ayon sa isang kamakailang surbey, mahigit sa 900,000 katao ang naninirahan sa 450 bayan ng mga barungbarong sa Rio. Ang Rocinha, na siyang pinakamalaki, ay may 150,000 residente. “Iyon ay gaya ng isang lunsod sa loob ng isang lunsod,” paliwanag ni Antônio, na nakatira roon ngunit nagtatrabaho sa isang bangko sa Ipanema. Ang mga residente ay may cable TV, radyo ng pamayanan, at isang istasyon ng FM radio gayundin ng isang propesyonal na koponan sa soccer at isang paaralan ng samba. Ngunit may mapanganib na bahagi ang buhay sa bayan ng mga barungbarong. Kapag umuulan sa tag-araw, natitibag ang lupa sa mga burol, na nagbubunga ng pinsala at ng kamatayan pa nga. Naipaalis ng kamakailang programa ng muling pagtatanim sa kagubatan ang mga bahay na nakatayo sa ilang mapanganib na mga lugar, kaya naman bumuti ang situwasyon.

Isa pang malaking problema ang organisadong krimen. Ang pangunahing mga biktima nito ay mga kabataan na ginagawang karera ang pagbebenta ng droga. Ang kaugnayan sa pagitan ng mga nagbebenta ng droga at ng mga residente ay inuugitan ng ilang alituntunin. “Halos walang mga nakawan, tambangan, o panghahalay sa mga bayan ng barungbarong. Walang sinuman ang nangangahas gumawa ng mga krimeng ito. Alam ng mga tao na papatayin sila kapag ginawa nila ito,” paliwanag ni João, na nakatira sa isang bayan ng mga barungbarong sa loob ng 40 taon. Pinarurusahan ng mga nagbebenta ng droga ang mga krimeng walang kinalaman sa droga upang makuha ang suporta at simpatiya ng mga residente. “Bagaman medyo nagbago na ang mga bagay-bagay,” sabi pa ni João, “pangkaraniwan pa rin sa mga residente na humingi ng pera sa mga nagbebenta ng droga para ibayad sa libing, ibili ng gamot o pagkain, ibayad sa upa, o para sa paglilibang.”

Iba Pang mga Hamon

Sa pagitan ng dagat at ng mga bundok, lumaki ang Rio sa isang maputik na kapatagan​—isang lugar na hindi angkop sa pag-unlad ng isang malaking lunsod. Sa paglipas ng mga taon, kinailangang ipaglaban ang isang “pakikibaka laban sa tatlong elementong ito: mga latian, ang dagat, at ang mga bundok,” paliwanag ng aklat na Rio de Janeiro​—Cidade e Região (Rio de Janeiro​—Lunsod at Rehiyon). Upang magwagi sa pakikibakang ito, napakaraming tunel at pagtatambak ng lupa ang ginawa upang pag-ugnayin ang iba’t ibang pamayanan. Gumanap din ng mahalagang bahagi ang perokaril sa pagdami ng naninirahan sa mga lugar sa labas ng lunsod, bagaman isang pakikipagsapalaran ngayon ang pagbibiyahe sa tren. “Napakaraming tao na nagsisikap makasakay sa tren anupat hindi mo na kailangang magsikap na sumakay. Itutulak ka na lang ng pulutong,” paliwanag ni Sérgio, na kailangang sumakay ng tren sa labas ng lunsod tuwing alas singko ng umaga upang makarating sa trabaho nang alas siyete. Punung-puno ang mga tren anupat umaalis ang mga ito sa istasyon nang bukás ang mga pinto at nakakapit ang mga pasahero sa gilid ng mga bagon. Ang mga Carioca na malalakas ang loob ay sumasakay pa nga sa ibabaw ng mga ito, train-surfing ang tawag dito. Anumang pagkakamali habang iniiwasan ang mga kable ng kuryente ay nangangahulugan ng halos tiyak na kamatayan.

Isa pang hamon ang pangangalaga ng Guanabara Bay, isang sagisag ng kagandahan ng lunsod. Ayon sa isang ulat ng World Bank, sa ilang lugar ang katubigan nito ay “halos parang imburnal dahil sa napakaraming dumi mula sa mga pabrika at di-nilagyan ng gamot (o bahagyang nilagyan ng gamot) na alkantarilya.” Napakalaki ng pinsala at kasali ang pag-unti ng bilang ng mga uri ng isda, na nakaaapekto sa 70,000 mangingisda na umaasa sa look para sa kanilang ikabubuhay. Natatakot na rin ang mga turista sa maruruming dalampasigan. Sinisikap ng pamahalaan na pasulungin ang sistema ng imburnal at pangasiwaan ang industriya. Inampon ng kampanya ng Rio laban sa polusyon ang dalawang lampasot bilang sagisag nito. Humuhula ang mga nag-organisa na magkakaroon ng mga lampasot na lalangoy sa Guanabara Bay bago ang taóng 2025!

Maganda Pa Rin ang Rio!

Matapos ang maikling sulyap na ito sa Rio, ano sa palagay mo? Para sa maraming turista at mga Carioca, maganda pa rin ang Rio! At kumusta naman ang mga problema? Mabuti sana kung malulutas ang mga ito. Pero hangga’t hindi nangyayari iyan, ang magagawa lamang ng mga Carioca ay ang sikapin ang buong makakaya nila sa pagharap sa mga problema ng lunsod at masiyahan sa magandang kapaligiran nito. Iyan ang natutuhan nilang gawin, nang may pagkamalikhain at pagpapatawa.

[Talababa]

a Ang “Carioca” ay tumutukoy sa sinumang katutubo o naninirahan sa Rio de Janeiro.

[Kahon/Larawan sa pahina 18]

Mahahalagang Pangyayari sa Kasaysayan ng Rio

1502: Noong Enero 1, napagkamalan ni André Gonçalves, isang maglalayag na Portuges, ang pasukan ng Guanabara Bay na isang wawa ng ilog at pinanganlan ang katubigan na Rio de Janeiro (Ilog ng Enero).

1565: Itinatag ni Estácio de Sá, hepe ng mga puwersang Portuges, ang isang munting pamayanan sa pagitan ng mga burol ng Sugarloaf Mountain at Cara de Cão, upang labanan ang mga Pranses, na nag-aangkin din sa rehiyon. Ang pamayanang ito ang naging lunsod ng Rio.

1763: Sa pagtatangkang kontrolin ang maraming ginto at brilyante na dumaraan sa daungan patungo sa Portugal mula sa karatig na Estado ng Minas Gerais, itinaas ng mga Portuges ang posisyon ng Rio tungo sa pagiging kabisera. Sumigla ang kalakalan ng mga alipin sa Aprika.

1808: Dumating ang maharlikang pamilya ng Portugal, na tumatakas mula sa napipintong pananakop ni Napoléon I sa Portugal, at ang Rio ay naging pansamantalang luklukan ng monarkiya ng Portugal. Nanatiling kabisera ang Rio hanggang sa itayo ang Brasília, noong 1960.

[Credit Line]

FOTO: MOURA

[Larawan sa pahina 16, 17]

Barra da Tijuca Beach

[Larawan sa pahina 17]

Maracanã, ang pinakamalalaking istadyum ng soccer sa daigdig

[Larawan sa pahina 18]

Arcos da Lapa, ang daluyan ng tubig na naging tulay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share