Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 9/8 p. 12-15
  • Pagsusugal—Mayroon Bang Nagwawagi?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagsusugal—Mayroon Bang Nagwawagi?
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Bakit Sila Nagsusugal
  • Pagdaig sa Maaaring Mangyari
  • Ang Pagsusugal at ang Bibliya
  • Ang Pagsusugal ba’y Para sa mga Kristiyano?
    Gumising!—1994
  • Ano ba ang Masama sa Pagsusugal?
    Gumising!—2002
  • Talaga Bang Napakasama ng Pagsusugal?
    Gumising!—1991
  • Mga Bagong Kalap sa Sugal—Mga Kabataan!
    Gumising!—1995
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 9/8 p. 12-15

Pagsusugal​—Mayroon Bang Nagwawagi?

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Italya

‘SA PANAHONG ito ng malubhang pag-urong ng kabuhayan, may industriya na hindi apektado ng krisis.’ Tinutukoy ng magasing Italyano na Corriere della Sera Illustrato ang industriya ng pagsusugal. Oo, sa Italya, gaya ng sa maraming lupain, ang pagsusugal ay isang malaking negosyo.

“Ang E.U. ay nasa gitna ng isang pagsabog ng legal na pagsusugal,” sabi ng magasing Fortune. “Matubung-matubò, ang mga loteryá noong nakaraang taon [1983] ay kumita . . . ng halos $2.1 bilyon.” Naaakit din ng pagsusugal ang maraming taga-Canada. Sang-ayon sa pahayagang La Presse, ang mga pamilyang nakatira sa Quebec ay gumugugol ng higit sa pagsusugal kaysa sa medisina at pangangalaga sa ngipin!

Bagaman ang mga loteryá, roulette wheels, dice, at mga baraha ay ginagamit sa pagsusugal, ang resulta ng mga labanan sa boksing, mga laro ng football, at mga karera ng kabayo ang ilan sa mas popular na mga bagay na tinatayaan ng mga nagsusugal. Subalit gaya ng pagkakasabi ng The Complete Illustrated Guide to Gambling: “Ang pusakal na mga sugarol ay tataya o pupusta sa kung alin sa dalawang patak ng ulan ang unang makararating sa ibaba ng salamin ng bintana, o sa bilang ng mga buhok na tumutubo sa isang mabalahibong nunal.” Kaya, sa Italya sila ay pumupusta sa kalalabasan ng eleksiyon na pampanguluhan, kung baga ang gobyerno ay babagsak o hindi, pati na nga ang eleksiyon ng papa! Ang gabi bago ang isang laban sa football ay isang magulong panahon para sa mga sugarol, na gumagastos ng pagkalaki-laking halaga ng salapi sa mga pustahan sa football. Tinatawag ito ng mga pahayagan na ‘Saturday night fever.’

Sino, gayon man, ang nagwawagi sa laro ng sugal? Ang bagay ba na angaw-angaw​—oo, bilyun-bilyon​—na mga dolyar ang nakataya ay nagpapakita na ang pagsusugal ay tila kapaki-pakinabang?

Kung Bakit Sila Nagsusugal

Sina Sharon at Steve ay maligayang mag-asawa. Subalit natuklasan ni Sharon na sila ay baon sa utang, nakiusap si Sharon kay Steve na tigilan na ang pagsusugal. Di-mabilang na mga pangakong hihinto sa pagsusugal ang napapako. Nahulog ang katawan ni Sharon, at siya ay nakadama ng mga kirot sa dibdib. Hindi iyon gaanong nakabahala kay Steve. Ang naiisip niya lamang ay na kung mamatay si Sharon, magagamit niya ang salaping makukuha sa seguro upang ibayad sa kaniyang mga pagkakautang sa sugal.

Ang tunay-sa-buhay na kasong ito, na inilahad sa Medical Aspects of Human Sexuality, ay mainam na naglalarawan ng kung gaano kahigpit ang hawak ng pagsusugal sa ilang tao. Para sa iba, ang pang-akit ng pagsusugal ay kaimbutan, puro at simple. Gayunman, ang pulyetong Compulsive Gambling ay nagsasabi: “Ang mga taong nagsusugal . . . ay ginagawa ang gayon para sa pantanging mga kasiyahan: ginhawa mula sa tensiyon at kaigtingan, ang katuwaan sa pakikipagsapalaran, ang kagalakan na asam-asamin ang panalo, ang ‘init’ o ‘sigla’ na kahawig niyaon nagagawa ng alak, at ang pakikisalimuha at pakikisama. Kapag ang resulta’y isang panalo, karagdagan sa iba pang mga epekto ay ang damdamin ng kapangyarihan, ng walang-hanggang kapangyarihan pa nga.”

Gayunman, ang pagwawagi maaga sa buhay ay kadalasang naglalagay ng isang tusong patibong. Bagaman maaaring hindi gaanong pansinin ng karamihan ang gayong panalo bilang “buena mano,” may kamangmangang bibigyang-kahulugan naman ito ng iba bilang isang uri na pangitain o palatandaan. Sabi ng isang artikulo sa Psychology Today: “Ang tunay, masaklap na maaaring mangyari​—ang bagay na 90 porsiyento niyaong nagsusugal ay natatalo​—ay hindi nagkakabisa sa kanila. Inaakala nila na sila ay hindi na tinatablan nito, na sila ay, sa katunayan, natatangi.” Ang halos hindi normal na pagtangging ito na harapin ang mga katotohanan ay isa sa unang mga hakbang tungo sa pagiging isang pusakal na sugarol.

Ang pahayagang Italyano na Stampa Sera ay nagsabi na sa gayong mga sugarol, ang pagsusugal ay “isang gamot o droga na kailangang-kailangan ng isa.” O gaya ng isinulat ni Giovanni Arpino sa Il Giornale nuovo: “Ang bisyong ito ay wala nang remedyong naibabaon sa laman ng isa.” Ang pagsusugal ay naglalaan ng isang pagtakas mula sa isang paraan ng buhay na maaaring maging kabagut-bagot.

Kahit na kung nagsusugal lamang bilang isang uri ng paglilibang, ang lumalahok ay maaaring maging biktima ng pagmamataas at egotismo, tumatangging huminto kapag siya ay natatalo o nagpapatuloy maglaro pagka siya’y nananalo​—upang matalo lamang muli.

Pagdaig sa Maaaring Mangyari

Bagaman maaaring akalain ng sugarol na siya ay ‘itinalagang manalo,’ ang totoo ay na ang isang sugarol ay halos nakatitiyak na maging isang talunan! Ang dahilan? Simpleng matematika. Pitikin mo ang isang barya nang sampung beses, at gaano kadalas na ito ay lumalabas na kara o krus? Maaaring sabihin ng intuition na ito ay dapat na lima at lima. Subukan mo ito. Bihirang mangyari ang gayon. Alam mo, ang sinasabing batas ng mga katamtaman ay gumagana lamang sa malalaking bilang. Sa ibang salita, pitikin mo ang isang barya nang maraming-maraming ulit at, oo, ito ay lalabas na magkaparehong kara at krus. Subalit sa maikling panahon, ang anumang kombinasyon ay maaaring lumitaw. Kaya, hindi mo masasabi kung ano ang kalalabasan ng anumang espisipikong hagis.

Hindi ito tinatanggap ng sugarol. Kung ang isang barya ay walong ulit na sunud-sunod na lumabas na kara, baka maniwala siya na taglay ang halos ay relihiyosong sigasig na ito ay kinakailangang maging krus sa susunod na hagis. At siya’y pupusta ng malaking halaga sa paniniwalang iyon. Sa katunayan, ang barya ay walang alaala ng nakalipas na nagawa nito. Ang maaaring mangyari sa bawat hagis ay patas pa rin!

Walang saysay nga, kung gayon, na sikaping hulaan nang may kawastuan kung ano ang mangyayari sa isang mas masalimuot na laro na gaya ng blackjack o roulette! Ang mga tsansa na manalo palagi ay totoong napakalaking imposibilidad. Totoo ito kahit na sa mga laro na gaya ng mga karera ng kabayo o football kung saan ang mga pusta ay ibinabatay sa kahusayan ng mga kalahok. Winawasak ng “panahon at di-inaasahang pangyayari” ang mga hula. (Eclesiastes 9:11) Ni karaniwan nang posible kayang daigin ang mga maaaring mangyari sa isang “sistema.” Sa Italya ay sinusubok ito ng mahigit na kalahati niyaong nakikibahagi sa mga pustahan sa football sa pamamagitan ng pagbili ng ilang mga kupon sa isang panahon. Gayunman, ang tanging seguradong sistema sa ganitong uri ng laro ay magpadala ng lahat ng posibleng resulta sa bawat laro. Totoo, ikaw ay mananalo. Subalit ang halagang napanalunan ay hindi maaaring makabawi sa halagang nagugol.

Ang tanging nagwawagi sa sugal ay yaong mga tagapagtatag ng pasugalan. Basta binabago ng mga may-ari ng pasugalan ang mga kalamangan sa anumang laro upang ang pasugalan halos ay laging nakalalamang. Sa mga pustahan sa football sa Italya, iniuulat na 35 porsiyento lamang ng lahat na halagang ipinusta ang ibinabayad bilang gantimpalang salapi. Ang mga namamahala sa pustahan ang kumukuha ng lahat ng iba pa.

Kaya, ang mga taong nagsasabing, ‘Subalit ako’y masuwerte’ o, ‘Minamalas ako, pero natitiyak ko na mananalo na ako mula ngayon’ ay dinadaya ang kanilang sarili. Ang pagsusugal ay isang gawaing walang saysay. At bagaman ang media ay nagbibigay ng malaking publisidad sa iilan-ilang mga nagwagi, bihira mong marinig ang tungkol sa angaw-angaw na mga talunan.

Ang Pagsusugal at ang Bibliya

“Kalokohan, bisyo, pagkahumaling, labis na pagkabalisa, pagtakas sa katotohanan, pakikipagsapalaran, mailap na pangarap, pagkakasala, at masidhing paghahangad sa panganib na mabilis na muling sumisibol na gaya ng pagbibigay-kasiyahan dito​—pagsusugal ang lahat ng ito, pati na ang pagmimithi sa mga kayamanan, pangangarap, at pangingibabaw sa mga damdamin.” Gayon ang sabi ng magasing La Repubblica. Hindi kataka-taka na kadalasang ginagawa ng mga pamahalaan na labag sa batas ang pagsusugal, bagaman marahil may pagpapaimbabaw na pinalalampas ang gawain sa may lisensiyang mga pasugalan o ipinahihintulot mismo ang binggo at mga katulad nito!

Ano man ang pangmalas dito ng mga tao, ipinakikita ng Bibliya na ang pagsusugal ay hindi kasuwato ng Kristiyanismo. Ang ilan, halimbawa, ay may akala na ang pagsusugal ay basta pinupunan ang isang pangangailangan sa kabuhayan. Subalit tinuruan tayo ni Jesus na manalangin, “Ibigay mo sa amin ngayon ang aming kakainin para sa araw na ito.” Paano ngang ang isang tao ay masakim na magsugal alang-alang sa salapi at pagkatapos ay manalangin nito? O paano niya masusunod ang payo na: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at lahat ng iba pang mga bagay [materyal na mga pangangailangan] ay pawang idaragdag sa inyo”?​—Mateo 6:11, 33.

Ang Bibliya ay nagpapayo pa: “Mangilag kayo sa pag-ibig sa salapi, samantalang kontento na kayo sa kasalukuyang mga bagay.” (Hebreo 13:5) Ang sugarol ay kadalasan nang hindi kontento. Sa katunayan, siya ay sakim, at ang Bibliya ay nagsasabi na ang masasakim “ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”​—1 Corinto 6:9, 10.

Oo, ang iba ay nangangatuwiran na sila ay nagsusugal hindi para sa salapi kundi para sa katuwaan. Gayunman, lubusang hinahatulan ng Bibliya yaong mga lumilihis sa maka-Diyos na mga simulain at nagiging “mga maibigin sa kalayawan kaysa mga maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:4, 5) Isa pa, sinabi ni Jesus: “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.” (Mateo 22:39) Paano nga maiibig ng isang tao ang kaniyang kapuwa kung sinisikap niyang kunin ang pera ng kaniyang kapuwa? Paano makakasuwato ng pagsusugal ang mahalagang simulaing, “May higit na kaligayahan ang magbigay kaysa tumanggap”?​—Gawa 20:35.

Hindi rin dapat kaligtaan ang bagay na ang mga sugarol ay kadalasang humihingi ng tulong sa “diyos ng Mabuting Kapalaran,” isang bagay na malinaw na hinahatulan ng Bibliya.​—Isaias 65:11.

Sa katapusan, isaalang-alang ang nakasasamáng impluwensiya ng pagsusugal sa “kapaki-pakinabang na mga ugali” ng isang Kristiyano. (1 Corinto 15:33) Ang Kristiyanong paraan ng pamumuhay ay nagsasangkot ng pagpapagal at pagtitipid. (Efeso 4:28) Ipinakita mismo ni Jesus na siya ay hindi maaksaya o bulagsak nang, pagkatapos na makahimalang paramihin ang mga tinapay at isda, siya ay nag-utos na ang mga tira ay hindi dapat aksayahin. (Juan 6:12, 13) Subalit sa halip na sundin ang mga yapak ni Jesus, ang sugarol ay mas nakakahawig ng alibughang anak sa talinghaga ni Jesus, na “inaksaya ang kaniyang kabuhayan sa palunging pamumuhay.”​—Lucas 15:13.

Ang mga tunay na Kristiyano sa gayon ay lalayo sa silo ng pagsusugal sa lahat ng anyo nito. Hindi mahalaga kung ito ay nagsasangkot ng maliit o malaking halaga. Gaya ng sinabi ni Jesus: “Ang taong mapagtapat sa kakaunti ay mapagtapat din naman sa marami, at ang taong di-matuwid sa kakaunti ay di rin naman matuwid sa marami.”​—Lucas 16:10.

Kawili-wili, natulungan ng mga Saksi ni Jehova ang marami na nasilo sa pusakal na pagsusugal na makalaya. (Tingnan ang naunang pahina.) Hindi na nila nararanasan ang katuwaan na dala ng pagsusugal, kundi ngayon sila ay may tunay na layunin sa buhay. At sa halip na makibahagi sa isang gawain na sumisira ng kalusugan at pamilya, sila ay “mayaman sa mabubuting gawa.” Sila ay “handang magbigay,” sa halip na handang magpanukala kung paano kukunin ang pinagpagurang salapi ng iba. Sila ay “nakakapit nang mahigpit sa tunay na buhay,” hindi sa daigdig ng pantasya ng pagsusugal. (1 Timoteo 6:18, 19) Sa gayon sila ay naging tunay na mga nagwagi!

[Blurb sa pahina 13]

“Ang tunay, masaklap na maaaring mangyari​—ang bagay na 90 porsiyento niyaong nagsusugal ay natatalo​—ay hindi nagkakabisa sa kanila. Inaakala nila na sila ay hindi tinatablan nito, na sila ay, sa katunayan, natatangi.”​—Psychology Today.

[Kahon sa pahina 14]

Ako’y Dating Sugarol

Ako’y nalulong sa laro ng poker sa gulang na 12. Nang ako’y mag-asawa, pinanatili ko ang aking bisyo, sinisimulan ang aking pagsusugal sa alas nueve ng gabi, na natatapos sa alas singko o alas seis ng umaga. Pagkatapos nito, ako ay manhid na sa kapaguran, sisikapin kong pumasok sa trabaho. Kadalasan nang hindi ko nagagawa ito.

Sinisira ng pagsusugal ang aking buhay pampamilya at personalidad. Ang poker ay humihiling ng maraming pagkukunwari. At nasusumpungan ko ang aking sarili na nagkukunwari at nagsisinungaling sa tunay na buhay. At nariyan pa ang problema tungkol sa salapi. Kapag ako’y nananalo, mayroon akong simbuyo na gastusin ito karaka-raka, kaya hindi ito nagtatagal sa aking bulsa. Hindi nagtagal ay nabigo ang aking pag-aasawa.

Noong 1972, dalawang Saksi ni Jehova ang kumatok sa aking pinto. Samantalang sila’y nakikipag-usap sa akin, naisip ko, ‘Walang sinuman ang gagawa ng anumang bagay nang walang bayad. Tiyak na mayroon silang lihim na motibo.’ (Sinasanay ng isang manlalaro ng poker ang kaniyang sarili na maging mapaghinala sa lahat ng bagay!) Subalit sa paglipas ng panahon, natanto ko na ito ay hindi totoo. Dumalo ako sa isa sa kanilang mga pulong, at bagaman hindi ko naunawaan ang lahat ng bagay, hinangaan ko ang kanilang kaayusan, pagkakaisa, at kabaitan.

Sinimulan kong pag-aralan ang Bibliya. At ang pagsusugal? Kailangan kong talikdan ito. Subalit kapag ang katotohanan ng Bibliya ay pumasok sa iyong buhay, mawawalan ka ng pangganyak na magsugal. Kaya taglay ang malaking pagsisikap, ako ay huminto. Ako’y nabautismuhan noong 1975.

Ang mga pakinabang ay napakarami. Ang aking kalusugan ay bumuti​—at gayundin ang aking personalidad. Ang aking buhay ay hindi na pinangingibabawan ng pagsusugal kundi ng espirituwal na mga kapakanan. Dati, mga kapuwa sugarol lamang ang may mataas na pagpapahalaga sa akin. Ngayon ako ay minamahal ng kongregasyon kung saan ako naglilingkod bilang isang elder. Ngayon ay natanto ko na ang sugarol ay isang talunan. At ang mga katotohanan ng Bibliya ang tumulong sa akin na makita ito.​—Isinulat.

[Larawan sa pahina 15]

Kasang-ayon ba para sa isang Kristiyano ang magsugal at gayunman ay manalangin na “ibigay mo sa amin ang aming kakainin sa araw na ito”?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share