‘Sino ang Magbabantay sa Aming mga Anak?’
ANG mga day-care center sa buong daigdig ay isang produkto ng walang katulad na pagdagsa ng mga babae sa trabaho. “Ang pinakamabilis-lumagong pangkat ng mga manggagawa,” sabi ng dalubhasa sa day-care na si Alison Clarke-Stewart, “ay ang mga ina ng mga batang hindi pa nag-aaral, lalo na ng mga batang wala pang tatlong taóng gulang. Ang hilig na ito ay maliwanag at pambuong-daigdig.”
Ang paghanap ng isa na maaasahang mag-alaga sa mga bata samantalang ang ina ay nagtatrabaho, gayunman, ay baka mas madaling sabihin kaysa gawin. Ang mga kamag-anak ay bihirang nagbuboluntaryo. Ang masalimuot na sistema ng mga yaya—binubuo ng nangangalap na mga kaibigan at mga kapitbahay—ay kadalasang walang katiyakan at nakalilito sa mga bata. Ang mapagkakatiwalaang mga yaya ay mahirap makita—at napakamahal para sa karamihang mag-asawa.
Ang kalagayan ay gayundin sa nagpapaunlad na mga bansa. Ang mga babaing taga-Nigeria ay basta pinapasan ang kanilang mga anak samantalang nagtatrabaho. Subalit iniiwan ng parami nang paraming mga babaing Aprikano ang gawain sa bahay o sa bukid alang-alang sa mga trabaho sa mga opisina, sa mga tindahan, at sa mga pabrika kung saan ang batang-nakatali-sa-likod na paraan ay hindi angkop. Noon, maaaring asahan ng mga babae ang kanilang mga kamag-anakan upang mag-alaga ng bata. Subalit, paliwanag ng Sunday Times ng Lagos, Nigeria, “dahil sa libreng primaryang edukasyon at sa pagkakaroon ng mas maraming trabahong pangkamay, mga trabahong hindi nangangailangan ng kasanayan, ang huling [kamag-anak na maaaring] mag-alaga ng mga bata sa bahay ay umalis din.” Ganito ang mungkahi ng pahayagang ito: “Ang organisadong mainam na mga Day Care Centre ay baka siyang kasagutan.”
Oo, ang mga day-care home at center ay mabilis na nagiging mapagpipilian para sa pag-aalaga ng bata. Tutal, ang mga ito sa pangkalahatan ay maaasahan, kombinyente, at mas mura kaysa isang bayarang yaya. Ipinahihintulot din nito na ang mga bata ay makisama sa isang grupo ng mga batang kasing-edad nila. Ang mga ito ay naglalaan ng masustansiyang mga pagkain, pati ng mga programa sa paglilibang at sa edukasyon. Gaya ng sabi ng kasangguni sa day-care na si Delores Alexander sa Gumising!: “Ang day care ay isang pagtangkilik sa buong pamilya.”
Gayumpaman, ikinatatakot ng ilan na ang kasalukuyang hilig tungo sa day care ay maaaring nagbabanta ng masamang mga implikasyon para sa mga bata. May matuwid na mga dahilan ba para sa gayong pagkabahala? Kailangang malaman ito ng mga magulang upang makagawa sila ng isang may-kabatirang pasiya pagdating sa kanila mismong mga anak.