Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 1/8 p. 7-11
  • Linangin ang Ligtas na mga Pag-uugali sa Pagmamaneho

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Linangin ang Ligtas na mga Pag-uugali sa Pagmamaneho
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Iyo bang Sasakyan ay Nararapat-sa-Daan?
  • Ang Pagsubok sa Pagmamaneho
  • Pagbutihin ang Pamamaraan Mo
  • Ang Kaligtasan ay Nagsasangkot ng Saloobin
  • Dapat Na Ba Akong Huminto sa Pagmamaneho?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Handa Na ba Akong Magmaneho?
    Gumising!—1989
  • Mga Aksidente sa Sasakyan—Ligtas Ka Ba?
    Gumising!—2002
  • Ligtas na Pagmamaneho—Lubhang Kailangan
    Gumising!—1988
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 1/8 p. 7-11

Linangin ang Ligtas na mga Pag-uugali sa Pagmamaneho

LIGTAS, maingat, hindi pabagu-bago, napakaingat, sobrang-ingat, mali-mali, walang ingat, mapanganib​—ang mga ito ay pawang paglalarawan sa mga tsuper. Alin ang kapit sa iyo? Ipinalalagay ng karamihan ng mga tsuper ang kanilang mga sarili na ligtas at maingat na mga tsuper, ngunit ang kanilang mga pasahero at iba pang mga gumagamit ng daan ay maaaring hindi gaanong pumuri sa kanilang pagmamaneho.

Isang mahalagang bagay sa ligtas na pagmamaneho ang nararapat-sa-daan na sasakyan.

Ang Iyo bang Sasakyan ay Nararapat-sa-Daan?

Sinusuri ng ibang mga bansa ang mekanikal na kalagayan ng mga sasakyan nang regular. Ang mga resulta ay kadalasang kataka-taka. Sa Pransiya, halimbawa, isinisiwalat ng isang inspeksiyon kamakailan sa limang-taóng-gulang na mga sasakyan na 73 porsiyento ang alin sa kainaman, napakahina, o mapanganib ang kondisyon.

Upang tulungan ka na suriin ang iyo mismong sasakyan, masusumpungan mong mahalagang sundin ang isang rutina na katulad niyaong ginagawa ng mga piloto ng eruplano upang tiyakin na ang lahat ay handa na sa paglipad. Ang mungkahing pagsusuri ay ipinakikita sa pahina 8.

Kasama sa nararapat-sa-daan na sasakyan, na may wastong seguro at legal na tinatanggap, kailangan mo ng isang balidong pahintulot sa pagmamaneho. Upang makakuha nito, kailangang kumuha ka ng isang pagsubok. Ikaw kaya ay makakapasa o babagsak?

Ang Pagsubok sa Pagmamaneho

Ipinalalagay ng karamihan sa nag-aaral na mga tsuper ang pagsubok sa pagmamaneho na isang hadlang. Isa itong pangunahing paksang pinag-uusapan sa gitna nila. Ang mga pagsubok ay iba-iba sa bansa at bansa.

Sa Pransiya, gaya ng sa maraming iba pang bansa, ang nag-aaral na mga tsuper ay kumukuha ng isang pagsubok sa pagmamaneho sa dalawang bahagi, praktis o pagmamaneho at teoriya. Sa Alemanya, ang pagsasanay ay kinabibilangan ng instruksiyon sa paunang-lunas tungkol sa kung ano ang gagawin sa isang tagpo ng aksidente. Karagdagan pa, ipinag-uutos ng mga awtoridad doon ang legal na kahilingan na isa at kalahating oras na pagsasanay sa pagmamaneho sa gabi gayundin ang mahigit na dalawang oras na pagmamaneho sa isang motorway (freeway). Kung maipasa ng nag-aaral na tsuper ang pagsubok, siya ay tumatanggap ng isang probasyonaryong lisensiya na may bisa sa loob ng dalawang taon. Kung lumampas ang panahong ito nang walang anumang insidente, isang permanenteng lisensiya ang ipagkakaloob.

Iginigiit naman ng Hapón mula 30 hanggang 60 oras ng praktikal na instruksiyon mula sa kuwalipikadong mga instruktor sa pagmamaneho, na sinusundan ng tatlong-bahaging pagsubok: medikal (para sa paningin, color blindness, pandinig), pagmamaneho (para sa praktikal na kasanayan), at nasusulat (tungkol sa mga regulasyon sa trapiko).

Sang-ayon sa The Times ng London, “ang mahirap na pagsubok sa pagmamaneho sa Britaniya ay nagpapawalang-saysay sa daan-daang nagagalit na mga Amerikanong [naninirahan doon].” Dahilan sa 51-porsiyentong bumabagsak (kung ihahambing sa 15 porsiyento sa E.U.A.), ipinalalagay na ito ay “isa sa pinakaistrikto sa daigdig.”

Ang pagkakaiba-iba ay higit pa sa mga teknikalidad. Si Ben Yoshida, na namamahala sa isang paaralan sa pagmamaneho sa New York, ay nagsasabi: “Sa Tokyo, sinusubok ng isang inspektor [ang mga tsuper] kung gaano kahusay nilang mapatatakbo ang isang kotse sa teknikal na paraan, subalit sa Estados Unidos, sinusubok niya kung gaano kaligtas silang magmaneho.”

Anuman ang mga pagkakaiba, kailangang ikapit ng lahat ng mga tsuper sa kanilang sarili ang ligtas na pagmamaneho. Paano nila magagawa ito?

Nasumpungan ng isang babaing taga-Inglatera, edad 50, na kumuha ng pagsubok sa pagmamaneho at naipasa naman, na makabubuting maghanda sa pamamagitan ng lubusang pag-aaral sa Highway Code ng Britaniya.a Subalit gaya ng sa anumang kasanayan, nasumpungan niya na higit pa ang kinakailangan kaysa pag-aaral lamang ng isang aklat-aralin.

Ang pagsasanay ay mahalaga. Kung ikaw ay isang bagong tsuper, matutong magmaneho nang ligtas sa ilalim ng iba’t ibang mga kalagayan. Halimbawa, kapag nagbabago ang taya ng panahon, nagbabago rin ang kalagayan ng daan. Bagaman mayroon lamang bahagyang pag-ambon, ang kapit ng mga gulong ng iyong sasakyan ay hindi magiging kasimbisa ng kapit nito sa isang tuyong daan. Kaya, ang mas mabagal na pagpapatakbo at ang higit na kabatiran sa mga panganib sa daan ay kinakailangan. Ang malakas na ulan ay nagdadala ng karagdagang mga problema, gaya halimbawa kapag ang tilamsik mula sa sinusundang sasakyan ay makasagabal sa iyong malinaw na pananaw sa unahan. Oo, masanay sa iba’t ibang mga kalagayan ng panahon at ibagay ang iyong pagmamaneho nang alinsunod dito.

Malamang na ikaw ay hindi isang kuwalipikadong mekaniko. Sa katunayan, “hindi alam ng isa sa limang motorista ang presyon ng hangin sa gulong ng kaniyang kotse o ang mga pagitan ng mantensiyon,” sabi ng Daily Mail ng London, sabi pa: “Isa sa tatlo ay hindi kailanman nakabasa ng isang hanbuk at halos lahat ay nalilito sa makabagong mga makina.” Kumusta ka naman?

Bagaman hindi naman kinakailangan na malaman ang lahat ng masalimuot na mekanikal na mga detalye ng mga sasakyan sa ngayon, nakatutulong na malaman ang mga pangunahing bagay. Ito ay magpapangyari sa iyo na magkaroon ng ‘simpatiya sa kotse.’

Pagbutihin ang Pamamaraan Mo

Ang pagpasa mo sa pagsubok sa pagmamaneho ay magbibigay sa iyo ng mabuting pakiramdam, isang diwa ng tagumpay. Subalit ano ngayon? Hahayaan mo bang bumaba ang iyong mga pamantayan? “Kadalasan nang pagkatapos maipasa ang pagsubok, maraming tsuper ang medyo nagiging walang ingat,” sabi ng isang instruktor sa pagmamaneho. Ibinibigay niya ang payong ito: “Alamin mo ang iyong mga limitasyon at ang mga limitasyon ng sasakyan sa iba’t ibang mga kalagayan. Hanggang sa matuklasan mo ang mga ito, malamang na ikaw ay magkaroon ng isang aksidente.” Ganito ang inamin ng isang bagong tsuper: “Kung ako’y nagmaneho sa paraan ng pagmamaneho ko noong mga unang linggo pagkatapos ng aking pagsubok, ako ay magiging mas maingat na tsuper.” Bakit gayon? Sabi niya: “Ako ngayon ay higit na nakikipagsapalaran.”

Nang maipasa mo ang iyong pagsubok, ipinakita mo na ikaw ay pangunahin nang isang maingat na tsuper. Upang maging isang mahusay na tsuper, dapat na patuloy mong pagbutihin ang iyong pagmamaneho. Tiyak na mapahuhusay mo ang iyong kasanayan dahil sa karanasan at pagbibigay-pansin sa iyong paraan ng pagmamaneho.

Maging higit na alisto sa posibleng mga panganib. “Ang kakulangan ng patiunang kaalaman at kabatiran ng kung ano ang nangyayari sa unahan, sa likuran at sa paligid ng iyong kotse ang pangunahing kamalian ng mga tsuper sa ngayon,” sabi ng Britanong pulis na nag-eeksamen sa pagmamaneho, si Alex Miller. Sikapin mong asahan ang mga hindi inaasahan. Makatutulong na iyong ‘alamin ang daan.’​—Tingnan ang kahon sa pahina 10.

Ang Kaligtasan ay Nagsasangkot ng Saloobin

Ang “pag-uugali,” sang-ayon sa nag-eeksamen sa pagmamaneho na si Miller, “ang pinakamahalagang bagay.” Ganito ang sabi ng isang tsuper na may 30 taóng karanasan sa pagmamaneho, sa Aprika at sa Europa: “Ang pagmamaneho ay isang suliranin ng pagkatao. Ang mga pag-uugali ng isang tao sa pagmamaneho ay nagpapabanaag ng paraan ng pakikitungo niya sa iba sa araw-araw na buhay.”

Itinutuon ng isang tsuper na taga-Canada ang pansin sa kahalagahan ng tamang saloobin, na sumusulat: “Kung ang isang lisensiya ng tsuper ay itinuturing na isang ‘pribilehiyo’ sa halip na isang ‘karapatan,’ lubhang pagbubutihin ng magandang asal sa trapiko ang kaligtasan sa ating mga haywey.”

“Kung ang kaligtasan ay isang saloobin ng isipan,” sabi ng isang manwal sa pagmamaneho ng Britanong Kagawaran ng Transportasyon, “kung gayon ang kapakumbabaan ang isa sa pangunahing sangkap nito.” Para sa marami, ito ay mangangahulugan ng isang pagbabago ng ugali. Posible kaya iyan? Oo. Ito’y nagsasangkot ng pagkabahala sa iba, hindi makasarili. Anong inam na ipinahahayag ito ng ginintuang tuntunin ng Bibliya: “Lahat ng bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, ganoon din ang gawin ninyo sa kanila.”​—Mateo 7:12.

Subalit paano ba ito naisasagawa? “Kapag naiinis sa daan, talagang mahirap linangin ang mabubuting katangian,” sabi ng isang tsuper sa Inglatera. Tiyak na sumasang-ayon ka. Ang pagnanais na gumanti ay malakas. “Gayumpaman, ginamit ko ang mga cassette sa musika upang tumulong sa akin. Ang nakapagpapahinahong epekto ay kahanga-hanga.”​—Tingnan ang kahon sa pahina 9.

“Sikaping maigi na supilin ang anumang mga damdamin ng pagkainis,” ang payo ng isang may karanasang tsuper na Haponés. “Kung ikaw ay nababalisa sa ilang kadahilanan, humuni o umawit.”

Huwag umasa nang higit mula sa iba. Ang mga estadistika sa aksidente ay malinaw na nagbababala tungkol sa panganib mula sa peligrosong mga tsuper. Maging disididong magmaneho nang depensibo, o gaya ng pagkakasabi rito ng isang tsuper: “Magmaneho na para bang ang lahat ng iba pa sa daan ay isang potensiyal na panganib.”

Kilalanin din, na ikaw man ay maaaring matuto buhat sa iba. Suriin ang uri ng kanilang pagmamaneho.​—Tingnan ang kahon sa pahinang ito.

“Wala namang gaanong madyik sa pagiging isang Driving Ace,” sabi ni Jim Kenzie, na sumusulat sa The Toronto Star. “Ang kailangan mo lamang ay ilang kaalaman, sentido komon, [at] ilang konsiderasyon sa ibang tao.” Ikaw man ay isang bagong tsuper o isa na may karanasan, tandaan na ang daan ay hindi ang dako para sa pagyayabang, kawalang-tiyaga, o kasakiman.

Sa pagkakaroon ng ‘simpatiya sa kotse,’ sa ‘pag-alam sa daan,’ sa pagtutuon ng isip at pag-alam nang patiuna, gayundin sa paglinang ng isang mapagpakumbabang saloobin, ikaw ay magtatagumpay sa pagmamaneho​—nang ligtas!

[Talababa]

a Binago nang maraming beses mula sa unang paglitaw nito noong 1931, ang publikasyong ito ng pamahalaan, ang “No. 2 na pinakamabiling aklat sa buong panahon, pangalawa lamang sa Bibliya” sa Britaniya, ay nagbibigay ng maliwanag na mga tuntunin sa kaligtasan para sa lahat ng mga gumagamit ng daan.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 8]

Ang Iyo bang Sasakyan ay Nararapat-sa-Daan?

Mga bagay na dapat suriin ng isa sa bawat biyahe:

Pananggang-hangin at mga bintana: Malinis? Punô ba ang washer ng pananggang-hangin? Nasa mabuting kondisyon ba ang mga blade ng wiper?

Mga Ilaw, ilaw ng preno, at mga senyas sa pagliko: Gumagana ba?

Mga gulong: Mayroon bang malalim na mga hiwa o bitak, biyak, umbok, o iba pang pinsala?

Preno: Karaka-raka hangga’t maaari pagkatapos na paandarin, tingnan kung ito ay gumagana.

Pana-panahong pagtingin ayon sa manwal ng may-ari:

Makina: Ang antas ba ng langis ay nasa ibabaw ng “ADD” na guhit? Huwag paaapawin.

Radyetor (kung mayroon): Mataas ba ang antas ng lamig? Mayroon bang sapat na proteksiyon sa sobrang lamig?

Mga Gulong: Tama ba ang presyon ng hangin, kapal ng goma, at pagkapantay ng gamit?

Batirya: Tama ba ang antas ng tubig ng batirya sa bawat selda? Huwag paaapawin.

[Kahon sa pahina 9]

Mga Pang-abala

Ang mga radyo at cassette recorder sa kotse ay nagbibigay ng pinakahuling balita at musika. Nakakasagabal ba ito sa pagtutuon ng isip ng tsuper? Ang mga opinyon ay nagkakaiba-iba. Sinasabi ng ilang mga tsuper na nakapagtutuon silang mainam ng isip anuman ang ibinubrodkas. Pinipili naman ng iba na takdaan ang gayong paggamit sa pakikinig lamang sa musika kapag nagmamaneho sa napakatrapik na daan. Ito ay kasuwato ng babala ng manwal na Driving: “Ang seryosong pakikinig ay maaaring makaapekto sa iyong pagtutuon ng isip.” Ano naman, kung gayon, ang tungkol sa paggamit ng mga telepono sa kotse? Payo nito: “Huminto bago tumawag o sagutin ang tawag sa telepono.”b

[Talababa]

b Ang mga tsuper sa Britaniya ay pinayuhan na gumamit lamang ng isang “handsfree” na set ng telepono kapag nagmamaneho at tangi lamang kung ang gamit nito ay hindi makakaabala sa kanilang atensiyon sa daan.

[Kahon sa pahina 10]

Alamin ang Kalagayan ng Daan

Sa isang serye ng mga pulyeto na idinisenyo upang tulungan kapuwa ang mga nag-aaral at ang kuwalipikadong mga tsuper, kinikilala muna ng RoSPA (Royal Society for the Prevention of Accidents) ng Britaniya ang pamumuhunan ng industriya ng mga sasakyan sa paggawa ng mga sasakyan na nakatutugon sa mataas na mga pamantayan sa kaligtasan. Subalit ipinaaalala nito sa mga tsuper na ang “isang kotse ay maaari lamang maging ligtas depende sa tsuper na nagpapatakbo nito.” Iminumungkahi nito na ‘alamin [ng lahat ng mga tsuper] ang kalagayan ng daan.’ Paano magagawa ito? Ano ang nasasangkot?

1. Patiunang alamin ang mga kalagayan sa daan at trapiko. Kadalasan, ang tsuper ay dapat tumingin sa unahan, humanap ng impormasyon na magpapaalisto sa kaniya sa posibleng mga panganib. Samakatuwid, malalaman niya kung ano ang nangyayari sa panig ng daan.

2. Obserbahan ang kinaroroonan, taya ng panahon, oras, at iba pang mga gumagamit ng daan. Kung saan ka naroroon, sa bayan o sa lalawigan, ay dapat makaimpluwensiya sa iyong pagmamaneho. Ang mga daan na basa, may niyebe, o malapit nang magniyebe ay mas mapanganib. Ang mga ulap ay lalo pang mapanganib. Baka liparin ka ng malalakas na hangin mula sa landas ng trapiko. Ang nakakasilaw na liwanag, mula sa araw o mula sa isang kasalubong na ilaw ng kotse, ay maaaring pansamantalang bumulag sa iyo o sa paano man ay lubhang pahinain ang iyong paningin. Ang panahon ng bakasyon ay nagdadala ng maraming walang karanasang mga tsuper sa lansangan. Mag-ingat sa naglalakad na mga tao at mga hayop. Pansinin ang mga anino na nagbababala sa iyo sa mga taong tumatawid ng daan sa harap ng bus na nilalampasan mo.

3. Hulaan kung paano makakaapekto sa iyong pagmamaneho ang iyong nakikita. Maingat na magpasiya kung paano pakikitunguhan ito, at maingat na magmaneho sa gayong mga kalagayan.

“Ang paraang ito,” sabi ng RoSPA, “ay laging ginagamit ng eskpertong mga tsuper. . . . Dapat pagbutihin nito ang iyong pamantayan sa pagmamaneho.” Higit pa riyan, “nalalaman na ito’y nakatutulong upang bawasan ang posibilidad ng mga aksidente.”

[Kahon sa pahina 11]

Mga Tip Mula sa mga Eksperto

Ipagkapuri ang pagbibigay sa iyong mga pasahero ng isang komportable, maayos na pagsakay.

alasin ang pagmamaneho bilang isang kasanayan na dapat pasakdalin.

Tiyakin na ang iyong sasakyan ay nasa mahusay na kondisyon.

Tumanaw sa malayong distansiya at sa kalagitnaang distansiya, gayundin sa malapit na distansiya.

Tumingin sa mga salamin upang malaman kung ano ang nangyayari sa likuran at sa magkabilang tabi ng iyong sasakyan.

Mag-ingat sa hindi nakikita ng iyong paningin.

Bago lumiko o lumipat ng linya, tumingin sa salamin at patiunang sumenyas.

Kung kinakailangan, tumingin bago ka magpalit ng direksiyon sa halip na basta magtiwala lamang sa mga salamin.

Maging mapagpaumanhin. Manatiling mahinahon.

Ang ligtas na pagmamaneho ay nangangahulugan ng pagsunod sa mga batas ng trapiko.

[Larawan sa pahina 7]

Ang pagsubok sa pagmamaneho ay upang tiyakin na ikaw ay ligtas na magmamaneho

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share