Dapat Na Ba Akong Huminto sa Pagmamaneho?
MARAMING taon ka nang nagmamaneho. Nae-enjoy mo iyon kasi nakakapunta ka sa mga lugar na gusto mong puntahan. Pero nag-aalala ang mga kapamilya at kaibigan mo. Gusto nilang pag-isipan mong mabuti kung dapat ka pa ring magmaneho. Pero hindi mo maintindihan kung bakit sila nag-aalala.
Kung ganiyan ang sitwasyon mo, ano ang makakatulong sa iyo na magdesisyon kung magmamaneho ka pa rin ba o hihinto na?
Sa ilang bansa, kapag umabot na sa isang partikular na edad ang mga nagmamaneho at gusto nilang magpa-renew ng lisensiya nila, dapat muna silang magpatingin at maaprobahan ng doktor. Batas iyan ng gobyerno sa mga bansang iyon, at sinusunod iyan ng mga Kristiyano. (Roma 13:1) Pero saan ka man nakatira, makakatulong ang mga sumusunod para makapagdesisyon ka kung dapat ka na bang huminto sa pagmamaneho.
SURIIN ANG PAGMAMANEHO MO
Ayon sa website na National Institute on Aging (NIA), may mga puwedeng itanong ang isa sa sarili niya para malaman kung puwede pa siyang magmaneho. Puwede mo ring pag-isipan ang mga tanong na ito:
Nahihirapan na ba akong makita ang mga road sign, o kaya naman, makakita kapag gabi?
Nahihirapan na ba akong lumingon para tumingin sa mga side mirror, rearview mirror, at mga blind spot habang nagmamaneho?
Mabagal na ba akong mag-react, halimbawa, kung kailangan kong magpreno agad?
Napakabagal ko na bang magmaneho kaya naging dahilan na ako ng traffic?
Maraming beses na ba akong muntik mabangga, o kaya naman, may mga gasgas o yupi na ang sasakyan ko dahil may nabangga ako?
Pinara na ba ako o pinatabi ng pulis dahil sa pagmamaneho ko?
Inantok na ba ako habang nagmamaneho?
May mga iniinom ba akong gamot na puwedeng makaapekto sa pagmamaneho ko?
Kinausap na ba ako ng mga kapamilya o kaibigan ko dahil sa pagmamaneho ko?
Kung oo ang sagot mo sa isa o dalawa sa mga tanong na iyan, baka kailangan mong mag-adjust sa pagmamaneho mo. Halimbawa, baka puwede mong limitahan kung gaano ka kadalas magmaneho, lalo na kapag gabi. Lagi mong suriin ang pagmamaneho mo. Puwede kang magtanong sa isang kapamilya o kaibigan mo. Posible ring makatulong sa iyo ang pag-e-enroll sa driving school. Pero paano naman kung oo ang sagot mo sa tatlo o higit pang mga tanong na binanggit kanina? Baka panahon na para huminto ka sa pagmamaneho.a
PAG-ISIPAN ANG MGA PRINSIPYO SA BIBLIYA
Baka mahirap sa atin na tanggaping hindi na tayo gaya ng dati pagdating sa pagmamaneho. At baka ayaw mo ring pag-usapan ang tungkol diyan. Matutulungan ba tayo ng Bibliya para makagawa ng tamang desisyon pagdating sa pagmamaneho? Tingnan natin ang dalawang prinsipyong ito.
Maging mapagpakumbaba. (Kaw. 11:2) Tumatanda tayong lahat. At dahil diyan, lumalabo ang paningin natin, humihina ang pandinig, at bumabagal tayo sa pagkilos. Pag-isipan ito: Marami ang humihinto na sa paglalaro ng sports habang nagkakaedad sila dahil alam nilang mas madali na silang mai-injure. Ganiyan din pagdating sa pagmamaneho. Hihinto na sa pagmamaneho ang isang taong mapagpakumbaba para sa kaligtasan niya. (Kaw. 22:3) At kung kakausapin siya ng iba dahil nag-aalala sila, handa siyang makinig sa kanila.—Ihambing ang 2 Samuel 21:15-17.
Ayaw nating may masaktan o mamatay dahil sa pagmamaneho natin. (Deut. 22:8) Kung hindi maingat ang isa sa pagmamaneho, puwede siyang makaaksidente. At ganiyan din ang puwedeng mangyari kapag nagmamaneho pa rin ang isa kahit hindi na siya gaya ng dati. Baka nga makapatay pa siya dahil sa pagmamaneho niya.
Baka nahihirapan kang magdesisyon kung magmamaneho ka pa rin ba o hihinto na. Huwag mong iisipin na kapag huminto ka sa pagmamaneho, mababawasan ang pagpapahalaga at respeto sa iyo ng iba. Mahal na mahal ka ni Jehova, at mas mahalaga sa kaniya ang magagandang katangian mo. Kasama na diyan ang pagiging mapagpakumbaba mo at pagmamalasakit mo sa iba. Nangangako siyang tutulungan ka niya at aalalayan. (Isa. 46:4) Hindi ka niya pababayaan. Kaya humingi ka ng karunungan sa kaniya at pag-isipan ang mga prinsipyo sa Bibliya para makapagdesisyon ka pagdating sa pagmamaneho.
a Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang artikulong “Mga Aksidente sa Sasakyan—Ligtas Ka Ba?” sa Gumising! isyu ng Agosto 22, 2002.