Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 3/8 p. 11-13
  • Handa Na ba Akong Magmaneho?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Handa Na ba Akong Magmaneho?
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Tsuper na Tin-edyer: Ang Rekord ay Nagsasalita
  • Kung Bakit Maraming Kabataan ay Mahinang mga Tsuper
  • ‘Hindi! Hindi Ka Maaaring Magmaneho!’
  • Linangin ang Ligtas na mga Pag-uugali sa Pagmamaneho
    Gumising!—1988
  • Paano Ko Makukumbinsi ang Aking mga Magulang na Handa na Akong Magmaneho?
    Gumising!—1989
  • Mga Aksidente sa Sasakyan—Ligtas Ka Ba?
    Gumising!—2002
  • Dapat Na Ba Akong Huminto sa Pagmamaneho?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 3/8 p. 11-13

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Handa Na ba Akong Magmaneho?

“ANG isang tin-edyer na walang lisensiya [sa pagmamaneho] ay hindi isang tin-edyer.” Walang alinlangan na ganiyan din ang palagay ng maraming kabataan na gaya ng sabi ng tin-edyer na lalaking ito. Sa ibang salita, sa maraming bansa sabik na sabik silang magmaneho.

Para sa maraming kabataan ang isang lisensiya sa pagmamaneho ay isang sagisag ng kalagayan at pagkamaygulang. Ang ikaw ay makapagmaneho ay nangangahulugan ng kalayaan, isang pagluluwag ng pangangasiwa ng magulang. Nangangahulugan ito ng pagkilos, hindi mo na kailangang umasa sa iyong mga magulang o sa mas nakatatandang kapatid na lalaki at babae para sa transportasyon. Sabihin pa, hindi lahat ng kabataan ay may matinong motibo sa pagnanais na magmaneho. Ang ilan, halimbawa, ay gustong magmaneho dahil sa romantikong mga posibilidad sa hindi kasekso na binubuksan nito. At gaya ng sinabi ni Dr. Haim G. Ginott sa kaniyang aklat na Between Parent & Teenager, para sa ibang kabataan ang isang kotse ay “nangangahulugan ng . . . kapangyarihan, bilis at katuwaan.”

Gayunman, kung patatakbuhin sa maygulang, responsableng paraan, ang isang kotse ay maaaring maging isang tunay na mahalagang bagay. Maraming kabataang mga saksi ni Jehova, halimbawa, ang mabuting ginagamit ang kotse sa kanilang ministeryo sa madla. Pinangyayari rin ng isang kotse na gawin ng isang kabataan ang ipinakikisuyo sa kanila ng iba at upang tulungan yaong mga nangangailangan ng transportasyon sa mga pulong Kristiyano.

Kung gayon, ipagpalagay na natin na ikaw ay nasa edad na upang magmaneho. Ikaw ay kumuha ng mga kurso sa pagmamaneho sa paaralan at maingat na pinag-aralan ang mga tuntunin sa daan. Sa ilalim ng patnubay ng iyong mga magulang (o ng paaralan), nagkaroon ka pa nga ng ilang karanasan sa pagmamaneho. Baka naipasa mo ang isang pagsubok sa pagmamaneho at nakakuha ka ng isang lisensiya! Ang lahat bang ito ay nangangahulugan na ikaw ay handa na ngayong magmaneho? Hindi naman.

Mga Tsuper na Tin-edyer: Ang Rekord ay Nagsasalita

Sabi ni Dr. Ginott: “May mga disiseis-anyos na mahusay at matatag sa pagmamaneho; mas mahusay pa silang magmaneho kaysa kanilang mga magulang. Sa kabaligtaran, may mga disiotso-anyos na napakawalang gulang anupa’t magiging iresponsable ka kung hahayaan mo silang magmaneho.”

Pinatutunayan ng mga katotohanan ang pagiging totoo ng paratang na ito. Ipinakikita ng Statistical Abstract of the United States 1988 na ang mga tsuper na ang edad ay 21 anyos at pababa ay bumubuo lamang ng halos 10 porsiyento ng mga tsuper. Gayunman, binubuo nila ang nakatatakot na 20 porsiyento ng mga tsuper na nasasangkot sa nakamamatay na mga aksidente sa kotse. Isa pa, ayon sa aklat na Driving High: The Hazards of Driving, Drinking, and Drugs, ang mga aksidente sa sasakyan ang nangungunang sanhi ng kamatayan sa gitna ng mga kabataan na ang edad ay 16 hanggang 19! Libu-libo pang mga kabataan ang nagkapeklat at napinsala habang-buhay sa mga aksidente sa kotse.

Marami sa mga sakunang iyon ang maaari sanang naiwasan kung sinunod lamang ng mga kabataang tsuper ang simpleng pag-iingat na gamitin ang mga seatbelt. Gayunman, ipinananangis ni Dr. David Hochberg ang bagay na iginigiit ng maraming kabataan ang kanilang “karapatan” na magmaneho nang walang sagabal sa nagliligtas-buhay na mga pagbabawal. Tuwirang nagsasalita sa mga kabataan, sabi ni Hochberg: “Malapit ako sa stretcher niyaong mga nakaligtas, tasahin ang iyong mga pinsala at planuhin ang kinakailangang mga pagkumpuni. Itinatanong ko ang isang tanong na isang daang beses ko nang itinanong: ‘Bakit hindi mo ginamit ang iyong seat belt . . . ?’ Sa maikli, ang pagtatapang-tapangan at paghahambog na sagot ay: ‘Mayroon akong sariling karapatan, Dok.’”

Gayunman, kadalasan ang “karapatan” ng mga kabataan ay nakakabangga ng karapatan ng iba sa kalusugan at kaligayahan. Iniulat ng isang artikulong inilathala sa magasing Car and Driver ang isang pag-aaral na nagpapakita na “madalas na napapatay ng mga tsuper na tin-edyer ang ibang tao kaysa kanilang mga sarili. Mahigit na kalahati ng lahat ng mga taong namatay sa mga banggaan na ang may kasalanan ay isang tin-edyer ay alin sa mga pasahero ng tin-edyer o mga sakay ng ‘walang kasalanang’ sasakyan.” Ang artikulo ay naghinuha na “sa payak na pananalita, ang mga tsuper na tin-edyer ay makatuwirang maituturing na wala kundi isang panganib.”

Ang malungkot na rekord na ito ng pagmamaneho ay umiiral sa kabila ng katotohanan na ang mga batang tsuper ay mayroong mas mabilis na mga replekso, mas matalas na paningin, mas mahusay na pandinig, mas malaking kahusayan ng kamay, at kadalasang mas mahusay ang pagkaunawa sa mekaniks ng kotse kaysa mga nakatatanda sa kanila. Maliwanag, ang kasanayan lamang ay hindi gumagawa sa isa na may kakayahang tsuper, ni ang bagay na ang isa ay nasa hustong gulang na at nagtataglay ng kinakailangang kaalaman upang makapasa sa isang pagsubok sa pagmamaneho.a

Kung Bakit Maraming Kabataan ay Mahinang mga Tsuper

Sabi ng The Family Handbook of Adolescence: “Ang pisikal na lakas-loob ay isang maliit na isyu sa pagmamaneho. . . . Sa tuwina ang pisikal na kakayahan ay nauuna sa emosyonal na kakayahan.” Oo, bahagi ng problema ng may kabataang mga tsuper ay ang kalikasan mismo ng kabataan. Sinabi ni Solomon na “ang kagandahan ng mga binata ay ang kanilang kalakasan,” yaon ay, ang mga kabataan ay maaaring sagana sa lakas at kakayahan. (Kawikaan 20:29) Gayunman, karaniwan nang kulang sila ng mabuting paghatol. Oo, sa pamamagitan ng kanilang walang-ingat na pagmamaneho, ipinakikita ng ilang kabataan na ang kamangmangan ay ‘nababalot [pa rin] sa kanilang mga puso.’​—Kawikaan 22:15.

Ang iba sa gayon ay nahihilig na maging walang-ingat, ginagamit ang isang kotse para sa katuwaan at kagalakan, manghamon at hamunin. Sa kamay ng mga kabataang iyon, ang isang kotse ay isang potensiyal na sandatang pamatay; ang lisensiya sa pagmamaneho, isang lisensiya upang pumatay. Isaalang-alang, halimbawa, ang isang aksidente na nangyari na kinasangkutan ng isang 17-anyos na high school na manlalaro ng football na nagngangalang Harvey. Sa unang gabi niyang mag-isa sa isang kotse, si Harvey ay biglang nagpaandar sa isang tawiran​—at nasagasaan niya ang isang ina at anak.

Binanggit ng tagasanay ni Harvey ang sanhi ng sakunang ito: “Kung tinanong lamang nila ako, masasabi ko sa kanila na hindi pa emosyonal na handa si Harvey na magmaneho. Mainit ang ulo niya sa locker room at tinutukso ang ibang manlalaro. Siya ay isang mayabang na manlalaro at palaaway. Ang kaniyang mental na saloobin mismo ay makikita sa kaniyang pagmamaneho nang siya ay hindi na pinangangasiwaan. Kailangan niyang mauna nang ang ilaw ay maging berde.”

Nakalulungkot sabihin, maraming may lisensiyang mga kabataan ang ‘hindi pa emosyonal na handang magmaneho.’ Sa kaniyang aklat na Licensed to Kill, sinipi ni Ronald M. Weiers ang isang pag-aaral na ginawa ng isang malaking kompaniya ng seguro sa E.U. sa tin-edyer na mga tsuper. Ipinakita ng pag-aaral “ang kawalang-ingat, kasabikan at hilig na ‘magpasikat’ ng mga tin-edyer” bilang pangunahing salik sa maraming aksidente sa kotse na kinasasangkutan ng mga tsuper na tin-edyer.

Lalo pang ikinababahala ang bagay na napakaraming kabataan ang nagmamaneho sa ilalim ng impluwensiya ng alkohol. Ipinakikita ng mga estadistika kamakailan sa Estados Unidos na ang mga tsuper na wala pang 21 anyos ang bumubuo ng halos sangkapat ng mga tsuper na nasa impluwensiya ng alkohol na nasangkot sa nakamamatay na mga aksidente. Sabi ng mga autor ng How to Survive Your Adolescent’s Adolescence: “Ang pagmamaneho samantalang lasing ay lalo nang pangkaraniwan sa mga tin-edyer sa tatlong kadahilanan: (1) wala silang karanasan sa pakikitungo kapuwa sa pag-inom at pagmamaneho, at sa gayo’y walang gaanong karanasan sa paghatol sa alinmang gawain; (2) sinisikap nilang pahangain ang kanilang mga kaibigan kung gaano sila ‘kamaygulang’; at (3) hindi nila iniisip na mangyayari sa kanila na sila’y mahuhuli dahil sa pagmamaneho nang lasing o sila’y maaaksidente, mangyayari lamang ito sa iba. Subalit ipinakikita ng mga estadistika mula sa nakalipas na dekada na hanggang 60 porsiyento ng mga namatay sa mga aksidente dahil sa pagmamaneho nang lasing ay mga tin-edyer.”

‘Hindi! Hindi Ka Maaaring Magmaneho!’

Dahil sa lahat ng mga bagay na ito, hindi kataka-taka na ang ilan ay nanawagan sa mga pamahalaan na magpatupad ng mas mataas na kahilingan sa edad para sa mga lisensiya sa pagmamaneho, nananawagan pa nga para sa mga curfew sa pagmamaneho. Gayunman, baka mas may kinalaman ang reaksiyon ng iyong mga magulang.

Palibhasa’y nalalamang mabuti ang mga panganib ng pagmamaneho ng mga tin-edyer, ayaw payagan ng ilang mga magulang ang kanilang mga anak na magmaneho kahit na sila ay nasa hustong gulang na. Sabi ng isang magulang: “Hindi namin pinapayagan ang aming disiseis-anyos na anak na lalaki na magmaneho. Nagbabasa kami ng mga pahayagan at alam namin kung ano ang maaaring mangyari. Ayaw kong mag-alala tuwing siya ay nagmamaneho.”

Ang gayong katayuan ay maaaring magtinging di-makatarungan at di-makatuwiran sa iyo. Tutal, maaaring ikaw ay isang seryoso, maingat na kabataan, wala kang hilig na ipakipagsapalaran ang iyong buhay o ang buhay ng iba. Ang problema ay, Paano mo kukumbinsihin ang iyong mga magulang tungkol dito? Tatalakayin ng aming susunod na labas ang tanong na ito.

[Talababa]

a Bagaman ang ibang bansa, gaya ng Hapón, ay may mahigpit na pamantayan, ang lisensiya sa pagmamaneho ay karaniwang madaling ibinibigay sa Estados Unidos. Ang mga pamamaraan ng pagsubok doon ay pinipintasan na lubhang di-sapat.

[Larawan sa pahina 12]

Ang isang kotse ay sagisag ng prestihiyo, kapangyarihan, at katuwaan

[Larawan sa pahina 13]

Kung hindi tama o walang-ingat na patatakbuhin, ang isang kotse ay nagiging isang potensiyal na sandatang pamatay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share