Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 3/8 p. 3-4
  • Mga Walang Tahanan—Gaano Kalubha ang Problema?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Walang Tahanan—Gaano Kalubha ang Problema?
  • Gumising!—1988
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Walang Tahanan—Ano ang mga Dahilan?
    Gumising!—1988
  • Mga Walang Tahanan—May Pag-asa Ba?
    Gumising!—1988
  • 1987—Taon ng mga Walang Tahanan
    Gumising!—1987
  • Ano ang Nasa Likod ng Krisis sa Pabahay?
    Gumising!—2005
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 3/8 p. 3-4

Mga Walang Tahanan​—Gaano Kalubha ang Problema?

SA BUONG daigdig, angaw-angaw na mga tao ang nakatira sa kung ano ang karaniwang tinatawag na mahinang klaseng mga tirahan. Sang-ayon sa publikasyon ng UN na pinamagatang Building for the Homeless, sa nagpapaunlad na mga bansa “hanggang 50 porsiyento​—sa ilang mga lunsod ay halos 80 porsiyento​—ng mga mamamayan sa lunsod ang nakatira sa mga slum at mga panirahanang iskuwater,” nang walang sapat na tubig, ilaw, sanitasyon, at pagtatapon ng dumi. Kumusta ba ang buhay sa gayong mga lugar? Ganito ang ulat ng mga kabalitaan ng Gumising! sa sumusunod na mga lugar-na-pinangyarihan.

Bombay, India​—Ang maalinsangang init ng tag-araw sa kalagitnaang Bombay ay matindi. Sa ilalim ng mayabong na sanga ng punong banyan, isang lalaki, babae, at isang sanggol ay nakahiga’t natutulog sa bangketa. May ilang higaan, kaunting gamit sa pagluluto, at mga abo ng munting apoy na nagpapahiwatig na itinaya nila ang kanilang pag-aangkin sa dakong iyon bilang pansamantalang tahanan. Wala nang iba pang dako para sa kanila. Ang mga mámimili at mga negosyante ay nagdaraan, waring di-alintana ang pamilya. Tutal, mayroong sampu-sampung libong tulad nila sa lunsod. Sa isang bansa kung saan tinatayang ang kakulangang pabahay ay 24.7 milyong mga tirahan, ang mga taong walang tahanan ay isang karaniwang tanawin.

Sa kalapit na lugar, sa mga bakanteng lote at sa kahabaan ng mga haywey at riles ng tren, nagsulputan ang pangit na mga tolda. Ang gamít nang mga sako at lumang basahan ay pinagtatagpi-tagpi at ginagawang mga tirahan para sa di-mabilang na mga taong tinatawag na mga iskuwater. Kung ang mga tirahang ito ay hindi aalisin ng mga maykapangyarihan, lilitaw ang siksikan, walang bintanang mga kubo na yari sa pinulot na mga materyales. Ang mga nakatira roon ay maghahanap araw-araw ng tubig. Ang mga riles ng tren at mga tambakan ng basura ay nagiging mga palikuran. Halos nakaiinggit kung ihahambing ang “permanenteng” mga bahay sa matatag na mga slum, kung saan sa paanuman ay may kaunting tubig sa gripo at may mga kasilyas.

Johannesburg, Timog Aprika​—Para sa mga puti na taga-Timog Aprika, ang pabahay ay hindi isang malaking problema, basta ba kaya ng isa ang tumataas na halaga ng pabahay. Gayunman, sang-ayon sa opisyal na taunang-aklat ng pamahalaan na South Africa 1986, “kasalukuyang nararanasan ng Timog Aprika ang napakaraming natabunang tambak na trabaho sa paglalaan ng pabahay sa mga Itim, lalo na sa mga lunsod.” Dahil sa libu-libong tao na nasa listahan ng mga naghihintay para sa mga bahay, tatlong pamilya kung minsan ang kailangang tumira sa isang apat-na-silid na bahay o isang pamilya na binubuo ng tatlo o apat sa isang silid. Kapag ang isang anak na lalaki ay nag-asawa, siya ay nagpapatala sa listahan ng mga naghihintay, umaasang sa loob ng dalawa o tatlong taon baka sakaling mayroon na siyang matitirhan. Samantala, ang mga bagong kasal ay alin sa makikitira sa silid na kasama ng mga magulang o magtatayo ng barungbarong na yari sa yero sa likod-bahay​—kung mayroong lugar.

Sa ibang lugar, ang mga may-ari ay nagtatayo ng mga barungbarong at sumisingil ng napakamahal na mga upa. Ipinahihintulot ito ng mga konseho ng lunsod sapagkat hindi nila matugunan ang kahilingan para sa mga pabahay. Ito ay lumilikha ng mga slum at nagbubunga ng krimen at sakit. Iniulat ng radyo na 136 na mga sanggol sa bawat 1,000 ang namamatay dahil sa pagkasilang sa ilalim ng gayong maruming mga kalagayan​—walang tubig, marahil isang kasilyas para sa apat o limang pamilya. Ang mas matatandang bata ay apektado rin. Natututo silang magnakaw o magdroga sa murang gulang. Ang pag-inom ay karaniwan sa gitna ng mga kabataan.

Shanghai, Tsina​—Para sa pinakamataong lunsod na ito ng pinakamataong bansa sa daigdig, ang paghahanap ng sapat na pabahay para sa mahigit 12 milyong mga maninirahan nito ay isang mahirap na hamon. Bagaman ginagawa ng gobyerno ang lahat ng magagawa nito upang magtayo ng bagong mga yunit ng pabahay, ang karamihan ng mga tao ay nakatira pa rin sa maliliit na tahanan, na itinayo noong ’30’s at ’40’s, na mukhang mga laruang bahay. Ang mga ito ay siksikan sa malalaking bloke sa lunsod, nararating lamang sa pamamagitan ng tinatawag ng mga taga-Shanghai na mga eskinita. Marami sa mga bahay na ito ay walang tubig, panloob na kusina, o kasilyas, at hindi iniinit, kahit na ang temperatura kung taglamig ay mababa pa sa temperatura ng yelo. Ang mas malalaking gusali sa dating mga sonang Pranses at Britano ay karaniwang hinahati na isang pamilya sa isang kuwarto, lahat ay gumagamit ng iisang kusina at banyo. Kadalasan, tatlong salinhali ang sama-samang nakatira sa isang silid na iyon.

Ang mas mahusay na pabahay para sa mga tao ay pangunahin sa listahan ng mga opisyal ng lunsod. Sa kasalukuyan, tinataya na ang bawat tao ay mayroon lamang mula 4 hanggang 5.4 metro kuwadradong tinitirhang espasyo. Ito ay mababa sa pambansang tunguhin na 5.9 metro kuwadrado sa bawat tao. Ipinakikita ng mga ulat na sa Shanghai 6,000 bagong mga apartment ang itinayo noong 1985, at $135 milyon (U.S.) ang ginugol sa pagtatayo noong 1986. Gayunman, mahigit pa sa sandaang libo katao ang nasa opisyal na listahan ng mga naghihintay para sa bagong mga tahanan, at hindi malaman kung gaano pa karami ang naghahanap ng isang lugar na matatawag nilang kanila.

São Paulo, Brazil​—Naglitawan ang mga bayan ng mga barungbarong saanman sa lunsod na ito. Dahil sa kawalang-pag-asa, pinapasok ng mga walang tahanan ang pribadong mga pag-aari at bakanteng mga lote at nagtatayo ng mabuway na mga kubo at mga dampang yari sa lata, kung minsan ay sa tabi mismo ng magagarang tahanan at modernong apartment na mga gusali. Maraming tradisyunal na mga tahanan ng pamilya ang ginawang pansamantala, isang-silid na mga aksesorya, kadalasan ay mayroon lamang isang banyo para sa mahigit na 50 katao.

Ang mga bagay ay lumala pa noong nakaraang Abril nang ang militar na mga pulis ay pinakilos upang paalisin ang ilegal na mga iskuwater sa isang arabal sa São Paulo. Sang-ayon sa pahayagang O Estado de S. Paulo, ang matatandang tao ay binugbog, ang mga babae ay kinaladkad sa kanilang mga buhok palabas, at ang mga bata ay pinabagsak. Marami ang dumanas ng mga suliranin sa palahingahan dahil sa mga bombang tear-gas na inihagis sa kanilang mga barungbarong.

Sinumang hindi pa nakaranas ng hirap, kasalatan, at kawalang-pag-asa sa buhay sa mga slum, sa mga lugar ng iskuwater, at sa mga nayon ng mga barungbarong (o anuman ang itawag rito) ay mahihirapang gunigunihin ang gayong mga kalagayan. Gayunman, para sa daan-daang angaw na mga tao, ang mga ito ang mga katotohanan ng pang-araw-araw na buhay.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share