Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ako Higit na Makikinabang sa mga Pulong Kristiyano?
“IPINAKIKITA ng lubhang pagbaba ng bilang ng mga dumadalo na hindi na nabibihag at nakukuha ng simbahan ang pansin ng mga kabataang membro nito.” Gayon ang sabi ng arsobispong Katoliko na si Emmett Cardinal Carter. Gayunding mga report ang maririnig sa buong daigdig.
Gayunman, ipinakita ng naunang labas ng Gumising! na libu-libong mga kabataan ang nakasusumpong na ang mga pulong sa lokal na mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova ay kakaiba sa nakababagot na mga serbisyo sa simbahan. Ang mga pulong na ito ay nagbibigay sa isa ng tunay na pagkakataon upang lumaki sa espirituwal na paraan. Gayumpaman, ang basta pagdalo sa mga pulong na ito ay hindi nangangahulugan na ang isa ay talagang nakikinabang mula rito.
Halimbawa, isang binatilyong dumadalo sa kaniyang unang pulong sa Kingdom Hall ay nagsabi na bagaman nagugustuhan niya ang mga taong nakilala niya roon, “hindi [niya] maunawaan kung ano ang nagaganap sa plataporma.” At kung ang mga pulong ay bago sa iyo, ang mga katagang gaya ng “Armagedon,” “malaking pulutong” at “nalabi” ay maaaring nakalilito na para bang isang banyagang wika sa iyo. Aba, kinikilala mismo ng Bibliya ang kaibhan, inihahambing ang mga katotohanan ng Diyos sa “isang dalisay na wika.”—Zefanias 3:9.
Bagaman sa simula ay para bang nakalilito ang “wikang” ito, huwag kang masiraan ng loob. Ganito ang sabi ni Janet, 15 anyos, na kamakailan ay nagsimulang dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall: “Sa simula ay naisip ko, ‘Ano ba ang pinag-uusapan nila?’ Subalit unti-unti ay naging pamilyar ako sa mga katagang ginagamit.” Oo, ang pagkatuto ng anumang bagong wika ay hindi madali. Isang kurso sa banyagang-wika ay nagsasabi na ang isang tao ay nangangailangan ng “tiyaga, tatag sa pag-aaral” upang maging bihasa sa isang bagong wika. Iminumungkahi pa nga nito ang “araw-araw na pagsasanay.” Gayundin naman, upang maging bihasa sa dalisay na wika ng katotohanan ng Bibliya, ang isa ay natural lamang na magtungo kung saan ito ay sinasalita, sa mga pulong Kristiyano!
Gayumpaman, ang regular na pagdalo sa pulong ay pasimula lamang. Upang makinabang ka nang higit sa mga pulong, iminumungkahi namin na sundin mo ang tatlong payak na mga hakbang.
Unang Hakbang: Maghanda
Sandaling panahon bago ang kamatayan ni Jesus, tinanong siya ng kaniyang mga alagad: “Saan mo gustong ipaghanda ka namin upang kumain sa paskua?” Sinabi sa kanila ni Jesus. Kaya, bilang pagsunod, “ginawa ng mga alagad ang ayon sa ipinag-utos sa kanila ni Jesus, at inihanda nila ang mga bagay.” (Mateo 26:17-19) Bagaman ito ay isang pantanging pulong, ang huwarang ito ay totoo rin para sa lingguhang mga pulong sa Kingdom Hall. Upang makinabang ng higit mula rito, kailangan mo ring “maghanda” at ‘ihanda ang mga bagay.’ Paano mo magagawa iyan?
“Nagsasaayos ako ng takdang panahon upang pag-aralan ang mga aklat na ginagamit sa mga pulong,” sabi ng 16-anyos na si Anita. Sabi pa ni Malene, 11 anyos: “Bago ang mga pulong, tinatanong ko ang aking nanay tungkol sa mahihirap na salita na nababasa ko sa Ang Bantayan.” Ang babasahing salig-Bibliya ay regular na pinag-aaralan sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Si Anne, 13 anyos, ay tinutulungan din. “Tuwing Biyernes, pinag-aaralan namin ng tatay ko ang kalahati ng aralin sa Bantayan,” sabi niya. “At kung Sabado, pinag-aaralan namin ang natitirang kalahati.” Ang resulta? Sila’y dumadalo sa mga pulong na nasasangkapan ng balangkas sa isipan tungkol sa pag-aaralan. Sa panahon ng pulong, napupunan nila ito ng mga detalye. “Sa gayong paraan,” sabi ni Anne, “ikaw ay nasasangkot at ang pagkatuto ay nagiging madali.”—Ihambing ang Kawikaan 14:6.
Higit pa ang nasasangkot sa paghahanda. “Sinasanay ko ang mga awit na aawitin namin sa pulong,” sabi ni Simeon, 14 anyos. “Pinatutugtog ko ang cassette rekording ng mga awit sa bahay at umaalinsabay ako sa pag-awit. Kung minsan sumasali sa akin ang aking nakababatang kapatid na lalaki. Pagkatapos, sa pulong,” sabi pa niya, “ako ay nakakaawit nang malakas.” (Awit 105:2) Mayroon pa bang ibang mga bagay na ‘inihahanda’ niya? “Mayroon pa, patuloy ni Simeon. “Isang araw bago ang pulong, inilalagay ko ang aking Bibliya, aklat awitan, at ang aklat-aralin sa aking bag, upang sa kinabukasan dadamputin ko na lamang ito.”
Ikalawang Hakbang: Makibahagi!
Ang dose-anyos na si Jesus ay hindi isa na walang kibo pagdating sa pagsamba sa Diyos. Sinasabi ng Bibliya na sa templo sa Jerusalem, si Jesus ay nasumpungang ‘nakikinig, nagtatanong, sumasagot.’ (Lucas 2:46, 47) Ang pakikibahagi ay isa pang susi upang makinabang sa mga pulong. Gayunman, ang paggawa ng gayon ay nangangailangan ng pagsisikap.
Kunin halimbawa ang pakikinig. “Ang makinig sa isang pahayag ay kadalasang mas mahirap kaysa magpahayag,” sabi ng isang manunulat. Sa isang bagay, tayo ay nakapag-iisip ng halos apat na beses na mas mabilis kaysa maaaring salitain ng isang karaniwang tao. Ang resulta? Ganito ang sabi ng 11-anyos na si Joseph: “Kung minsan sa panahon ng pulong ang aking isipan ay gumagala—nag-aalala tungkol sa aking gawain sa paaralan.” Ito ay nangyayari sa ating lahat kung minsan. Kaya gamitin mo ang matandang paraan upang pigilin ang paggala ng isipan. Ang unang-siglong mga Kristiyano ay karaniwang nagdadala ng mga piraso ng palayok sa kanilang mga pulong. “Habang naririnig nilang binabasa ang mga Kasulatan,” sabi ng publikasyong Aid to Bible Understanding, “maaari nilang kopyahin ito sa mga piraso ng palayok na gumagamit ng tinta.”
Ngayon, pinalitan na ng kombinyenteng mga notebook ang mga piraso ng palayok, datapuwat gumagana pa rin ang pagkuha ng nota. Sabi ni Anita: “Isinusulat ko ang mga kasulatang binabanggit sa panahon ng isang pahayag; pagkatapos ay maaari kong repasuhin ang pahayag sa bahay.” Ganito pa ang sabi ni Michael, 16 anyos: “Itinatala ko ang pangunahing mga punto. Pinananatili nitong sumusubaybay ang aking isipan.” Oo, ang pagkuha ng nota ay nakatutulong sa iyo upang “magbigay ng higit kaysa karaniwang pansin sa mga bagay na pinakikinggan.”—Hebreo 2:1.
Gaya ng binanggit kanina, ang batang si Jesus ay nagtanong at sumagot. Sa gayunding paraan maraming kabataan ang nakikibahagi sa mga pulong. Sa bansa ng Suriname, halimbawa, ipinakikita ng isang surbey kamakailan na pito sa sampung mga kabataan, edad 12 hanggang 20 anyos, ay dumadalo ng mga pulong sa Kingdom Hall, at nakikibahagi sa lingguhang tanong-at-sagot na mga sesyon.
Gaya ni Jesus, sinisikap nilang sumagot na nagpapakita ng unawa. Hindi lamang basta binabasa nila ang mga sagot mula sa mga aklat-aralin na ginagamit kundi sumasagot sila sa kanilang sariling pananalita. Isinusulat ng iba ang kanilang mga sagot sa isang notebook at binabasa ang sagot sa panahon ng pulong. Pagkaraan ng ilang praktis, hindi na sila gumagamit ng notebook at, sa kagalakan ng lahat ng naroroon, sila ay nagsasalita mula sa puso. Sabi ni Anil, 13 anyos: “Sa ganitong paraan ang iba ay nakikinabang ng higit mula rito, gayundin naman ako.”—Kawikaan 15:28.
Oo, maaaring makadama ka na gaya ng batang si Anita, na nagsabi: “Takot akong magsalita.” Subalit hindi magtatagal sasang-ayon ka kay Michael, na ngayo’y nagsasabi: “Gustung-gusto kong sumagot!” ang Kawikaan 15:23 ay nagsasabi: “Ang tao ay may kagalakan sa sagot ng kaniyang bibig.”
Ikatlong Hakbang: Gamitin ang Iyong Natutuhan
Ang panghuling hakbang ay tiyaking ang iyong natutuhan ay “gumagana sa iyo.” (1 Tesalonica 2:13) Ito’y nangangahulugan ng paggamit ng natutuhan mo. Si Tammy, isang kabataang babae sa Estados Unidos, ay nagsasabi: “Mula nang dumalo ako sa mga pulong, malaki ang ipinagbago ko.”
Maaaring mapansin ng iyong mga kaklase ang pagbabagong ito at tanungin ka tungkol dito. Ito’y nagbibigay sa iyo ng pagkakataon na ibahagi sa kanila ang edukasyon na tinatanggap mo sa mga pulong. Ngayon ito ay nangangailangan ng tibay-loob, subalit ito ay kasiya-siya. Sabi ni Susan, isang batang babae na mula sa Canada: “Talagang nasisiyahan akong magpatotoo sa aking mga kaibigan sa paaralan.” (Kawikaan 3:27) Oo, ang paggamit ng kung ano ang natututuhan mo sa mga pulong ay makadaragdag sa iyong kagalakan sa pag-aaral.
Isang pangwakas na payo: Isagawa mo ang tatlong mga hakbang na ito nang regular. Maghanda para sa mga pulong. Makibahagi. At pagkatapos ay gamitin ang iyong natutuhan. Kung gagawin mo ito, lubusan kang masisiyahan sa mga pulong sa Kingdom Hall. Sa lahat ng paraan, gawin mong “ugali” ang pagdalo sa pulong, gaya ng ugali ni Jesus.—Lucas 4:16.
[Kahon sa pahina 11]
Gawain sa Paaralan at mga Pulong?
“Kadalasan ako ay umuuwi ng bahay na may napakaraming gawain sa paaralan. Pagkatapos ay natutukso akong sabihin, ‘Hindi na muna ako dadalo sa pulong upang gawin ang aking gawain sa paaralan,’ ” sabi ni Anita. Kung minsan maaaring makaharap mo rin ang ganitong tukso. Gayunman, paano pinakikitunguhan ito ng ibang kabataang Kristiyano?
“Ginagawa ko ang ilan sa aking gawain sa paaralan bago ang mga pulong at ang iba pa ay pag-uwi ko ng bahay mula sa mga pulong,” sabi ni Wanita. “Sa mga gabing iyon,” susog pa niya, “gabi na akong natutulog kaysa normal na pagtulog ko, subalit inuna ko muna ang pulong!” (Mateo 6:33) Sabi pa ni Simeon: “Gustung-gusto kong makipag-usap pagkatapos ng mga pulong at nananatili ako hanggang sa kahuli-hulihan. Subalit kapag mayroon akong gawain sa paaralan, kaagad akong umaalis upang gawin ang aking gawain.”
‘Subalit maaapektuhan kaya ng pagdalo sa mga pulong ang aking rekord sa paaralan?’ maitatanong mo. Oo, subalit hindi sa negatibong paraan. Sa katunayan, napansin ng isang guro sa Scotland na ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova “ay magaling sa klase . . . sapagkat, mula sa maagang gulang, sila ay naturuang maupo at makinig at kung paano ikakapit ang kanilang natutuhan.”
[Mga larawan sa pahina 12, 13]
Ang susi upang ikaw ay masiyahan sa mga pulong ay maghanda at makibahagi, gayundin isagawa ang iyong natutuhan