Ang Misteryo ay Tumitindi
TAYO ay namumuhay nang malapit sa katotohanan kapag tayo ay nagkakatipon sa paligid ng isang malapit nang mamatay. Gayunman, ang kamatayan ay nananatiling isang nakatatakot, nakasisindak pa nga, na karanasan na pag-isipan. Hindi kataka-taka na ang sapantaha at misteryo ay sagana sa tuwing sumasapit ang kamatayan. Ang buhay ay maikli, at gaya ng sabi ni Shakespeare, “Ang kamatayan ay may kaniyang araw.”
Ano, kung gayon, ang pisikal na kamatayan? Iyan ang unang katanungan na dapat nating tiyakin.
Isang Di-matanggap na Katotohanan
Sang-ayon sa Encyclopædia Britannica, ang kamatayan ay basta binibigyan-kahulugan bilang “ang kawalan ng buhay.” Bagaman maaaring tanggapin ng tao na ang isda, mga hayop, at mga ibon ay likas na namamatay, ang kaniya mismong katalinuhan ay nagsasabi sa kaniya na ang kamatayan sa tao ay dumarating na gaya ng isang kaaway, gaya ng binabanggit ng Bibliya.a
Sa lahat ng mga nilikha sa lupang ito, ang tao lamang ang may kakayahang pag-isipan ang kaniya mismong kamatayan. Natatangi rin siya sa paglilibing ng kaniyang mga patay. Kadalasan, gaya ng sabi ng Encyclopædia Britannica, ang ritwal ng paglilibing sa mga patay, “ay nagmumula sa isang katutubong hindi pagtanggap o pagtanggi ng tao na tanggapin ang kamatayan bilang isang tiyak na wakas ng buhay ng tao. Sa kabila ng nakapangingilabot na katibayan ng pagkaagnas ng katawan dahil sa kamatayan, nananatili pa rin ang paniniwala na mayroong isang bagay sa indibiduwal na tao na patuloy na nabubuhay.”
Bunga nito, ang mga kaugalian na kasama ng kamatayan ay kadalasang nalalatagan ng matatandang tradisyon at misteryosong mga pamahiin.
Mga Kaugalian at Paniniwala
Halimbawa, maraming sinaunang mga nitso ang naglalaman hindi lamang ng mga buto ng mga patay kundi ng katibayan ng pagkain at inumin, na isinama sa libing sa paniniwalang kakailanganin ng mga namatay ang gayong mga bagay sa kabilang-buhay. Mga mapa at mga mata ay ipinipinta sa mga kabaong na kahoy ng mga Ehipsiyo upang patnubayan ang mga yumao. Mga kagamitan at personal na mga bagay, gaya ng alahas, ay isinasama rin sa paniniwalang ang mga patay ay magagalak na magkaroon nito sa kabilang-buhay.
Nasumpungan ang mga kalansay na nakayukyok, katulad ng posisyon ng isang batang nasa bahay-bata, na binibigyan-kahulugan ng ibang awtoridad upang magpahiwatig ng paniniwala sa muling-pagsilang. Ang mga Griego at ang mga Romano ay naniniwala na ang mga patay ay kailangang itawid sa ibayo ng Styx, ang pangunahing ilog sa kabilang daigdig. Ang paglilingkod na ito ay isinasagawa ni Charon, isang makademonyong mamamangka. Siya’y binabayaran sa kaniyang mga paglilingkod sa pamamagitan ng isang baryang inilalagay sa bibig ng namatay, isang kaugalian na nagpapatuloy hanggang sa araw na ito sa maraming bahagi ng daigdig.
“Maliwanag na ang bawa’t pangunahing relihiyon ay may mga paniniwala tungkol sa pagkamatay, sa kamatayan mismo at sa kabilang-buhay,” sabi ng A Dictionary of Religious Education. Totoo—at bakit? Sapagkat lubhang hindi matanggap na isip-isipin ang wakas ng may malay na pag-iral. “Walang naniniwala sa kaniya mismong kamatayan,” giit ng sikologong si Sigmund Freud, at sa ating “walang malay [na isipan] ang bawat isa ay kumbinsido tungkol sa kaniya mismong pagkawalang-kamatayan.”
Ang gayong kaisipan ay natural na umakay sa pagkakaroon ng maraming popular na mga paniwala. Isaalang-alang ang ilan sa pangunahing mga paniwala.
Purgatoryo at Impierno
Kung ang mga patay ay nabubuhay, sila ay dapat na nasa isang lugar—subalit saan? At narito ang problema, yamang hindi naman lahat ng namatay ay masama o mabuti. Taglay ang pangunahing diwa ng katarungan, tradisyonal na pinaghihiwalay ng tao ang mga yumao, ang mabuti sa masama.
Ang pangmalas ng rabiniko, gaya ng inilathala sa The Jewish Encyclopedia, ay kababasahan ng sumusunod: “Sa huling araw ng paghuhukom magkakaroon ng tatlong uri ng kaluluwa: ang matuwid ay agad na mapasusulat sa buhay na walang-hanggan; ang balakyot, sa Gehenna; subalit yaong ang mga kagalingan at mga kasalanan ay pantay ay bababa sa Gehenna at lulutang-lutang hanggang sa sila ay bumangong dalisay.” Kikilalanin ng marami ang huling pangungusap na ito bilang isang paglalarawan sa purgatoryo.
Kawili-wili, ang New Catholic Encyclopedia, sa pagbibigay ng opisyal na pagtatasa tungkol sa doktrina ng purgatoryo, ay basta nagsasabi: “Sa pangwakas na pagsusuri, ang [Romano] Katolikong doktrina tungkol sa purgatoryo ay salig sa tradisyon, hindi sa Banal na Kasulatan.” Ito ay hindi kataka-taka, yamang ang salita ay hindi lumilitaw sa Bibliya, at ang ideya ay hindi itinuro roon. Subalit kumusta naman ang tungkol sa Gehenna, ang patutunguhan ng mga balakyot ayon sa The Jewish Encyclopedia?
Ang Gehenna ay isang anyong Griego na hinango sa Hebreong geh hin·nomʹ, ang Libis ng Hinnom, na nasa timog-kanluran ng Jerusalem. Isa itong dako kung saan ang mga bata noong unang panahon ay inihahain sa diyos na si Molech at, gaya ng sabi ng The Jewish Encyclopedia, “sa kadahilanang ito ang libis ay ipinalalagay na isinumpa, at hindi nagtagal ang ‘Gehenna’ ay naging makasagisag na katumbas ng ‘impierno.’
“Ang impierno, sang-ayon sa maraming relihiyon,” sabi ng The World Book Encyclopedia, “ay isang dako o kalagayan na pinaninirahan ng mga demonyo, kung saan ang balakyot na mga tao ay pinarurusahan pagkamatay nila.” Ito ay isang doktrina na masigasig pa ring ipinangangaral ng ilang iba pang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan at ng iba pang mga relihiyon. Bunga nito, maraming tao ang lumaking takot na takot na magtungo sa impierno.
“Nang ako ay bata pa,” sulat ng nobelistang Ingles na si Jerome K. Jerome noong taóng 1926, “ang materyal na Impierno ay tinatanggap pa rin ng pinakarelihiyosong mga tao bilang katotohanan. Ang paghihirap na dala nito sa isang maguniguning bata ay totoo. Ito ang nagpangyari sa akin na mapoot sa Diyos at nang maglaon, nang tanggihan ng aking lumalagong katalinuhan ang ideyang ito bilang hindi totoo, kinasuklaman ko ang relihiyon na nagturo nito.”
Anuman ang iyong palagay tungkol sa impierno (tingnan ang kalakip na kahon na “Impierno at Gehenna—Ang Pagkakaiba” para sa higit na impormasyon), ang mas maligayang patutunguhan na inaasam-asam ng marami ay ang langit o Nirvana.
Langit at Nirvana
“Ang langit ang dako at ang pinagpalang kalagayan ng walang katapusang kaligayahan sa Presensiya ng Diyos, at ng Kaniyang banal na mga anghel at mga santo,” sabi ng The Catholic Religion—A Manual of Instruction for Members of the Anglican Church. Sabi pa nito: “Binubuo rin ito ng walang katapusang muling pagsasama sa lahat ng mga minahal natin sa lupa, na namatay na may biyaya, at sa ating pagiging sakdal buti at banal magpakailanman.”
Sa kabilang dako, ang Nirvana ay nagpapabanaag sa paniniwalang Budista na ang kalagayan ng “sakdal na kapayapaan at pagiging pinagpala” ay matatamo lamang kapag ang “makirot, patuloy na siklo ng kamatayan at muling-pagsilang” sa dakong huli ay nagwawakas. Sa alinmang paraan, sa pamamagitan ng langit o Nirvana, inihaharap sa atin ng relihiyon ang ilang paglalaan para wakasan ang mga paghihirap sa buhay na ito, sinusundan ng buhay sa isang maligayang daigdig.
Tumutulong ba sa atin ang nagkakasalungatang mga turo na ito upang sagutin ang ating katanungang, Ano ang nangyayari pagkamatay natin? o ang misteryo ba ay tumitindi? Paano tayo makatitiyak na ang pinipili nating paniwalaan ay totoo? Ang itinuturo ba sa atin ng relihiyon ay katotohanan o bungang-isip?
Ang ating tadhana pagkamatay natin ay mananatiling isang misteryo—malibang masagot natin ang napakahalagang katanungang: Ano ba ang kaluluwa? Ito ang dapat nating susunod na sagutin.
[Talababa]
a Tingnan ang unang liham ni Pablo sa mga taga-Corinto, 1Cor kabanata 15, talatang 26.
[Kahon sa pahina 6]
“Cryonics” at Kawalang-Kamatayan?
Ang cryonic suspension ay isang pamamaraan na nagpapangyaring ang mga taong patay ay mapanatili sa napakababang temperatura. Ang buong katawan ay inilalagay sa isang sisidlan na punô ng likidong nitroheno sa temperatura na -232° C., o maaaring piliin ng mga parokyano na maging mga “neuropatient,” na nangangahulugan na ang ulo lamang ang pinipreserba. “Hindi ako naniniwala sa kabilang-buhay sa relihiyosong diwa,” sabi ng presidente ng Britanong kompaniya na nagtataguyod sa cryonics, “subalit nasisiyahan ako sa buhay at sa palagay ko ang paghinto ng malay ay isang masamang bagay.” Ang ideya sa likuran ng pagbibenta ay na balang araw, baka magawa ng siyensiya na maisauli ang buhay, gumawa pa nga ng bagong mga katawan para sa nahiwalay na mga ulo. Isa itong paraan, ulat ng The Sunday Times ng London, upang “matamo ang kawalang-kamatayan.”
[Kahon sa pahina 7]
Impierno at Gehenna—Ang Pagkakaiba
Ang salitang “apoy ng “impierno” ay isang Ingles na pagpilipit sa “Gehenna,” ang pangalan ng sinaunang basurahan sa labas ng lunsod ng Jerusalem, ang terminong ginamit ni Jesus bilang isang sagisag ng walang-hanggang pagkapuksa. (Mateo 10:28) Ano, kung gayon, ang tungkol sa impierno mismo (isinalin buhat sa Hebreo na “she’ohlʹ” at sa Griego na “haiʹdes”)? Kung ito ay isang dakong pahirapan, mayroon bang magnanais magtungo roon? Wala. Gayunman, ang patriarkang si Job ay humiling sa Diyos na siya’y ikubli roon. (Job 14:13) Si Jonas ay nagtungo sa impierno na binabanggit ng Bibliya nang siya ay nasa tiyan ng malaking isda, at doon siya ay nanalangin sa Diyos ukol sa kaligtasan. (Jonas 2:1, 2) Ang impierno ng Bibliya ay ang karaniwang libingan ng sangkatauhan, kung saan yaong mga namatay ay nasa maibiging alaala ng Diyos, naghihintay ng isang pagkabuhay-muli.—Juan 5:28, 29.
[Larawan sa pahina 5]
Mga mata ay ipininta sa sinaunang mga kabaong ng Ehipsiyo sa paniniwalang ‘ang kaluluwa ng namatay ay maaaring sumungaw sa labas’
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng British Museum, London
[Larawan sa pahina 7]
Kasalukuyang Libis ng Hinnom, timog-kanluran ng Jerusalem