Mula sa Aming mga Mambabasa
Pag-abuso sa Droga
Ako’y isang masugid na mambabasa ng inyong nagbibigay-impormasyong babasahin. Gayunman, sa labas ng Nobyembre 22, 1987, ito ay naglalaman ng isang artikulo tungkol sa isang tao na nagbago mula sa isang buhay ng sugapa sa droga tungo sa isa na may-takot-sa-Diyos at nabuhay-nang maligaya-pagkatapos (“Hinangad Ko ang Mas Simpleng Buhay sa Pamamagitan ng mga Droga”). Sa aking pang-unawa ang mga taong nasasangkot sa pag-abuso sa droga at/o alak ay dumaranas ng (1) mga sintomas ng pag-urong, (2) mahabang-panahong paggaling na may wastong paggamot; [ito ay] ipinalalagay rin na isang sakit ng pamilya sapagkat apektado ang buong pamilya. Alinman sa mga isyung ito ay hindi tinalakay sa artikulong iyon.
T. F., Estados Unidos
Mangyari pa, hindi sinasaklaw ng karanasan ng isang tao ang lahat ng bahagi ng suliranin sa droga. Ang mga isyu na binanggit ng aming mambabasa ay tinalakay na sa naunang artikulo, gaya ng: “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ako Makakabangon Mula sa Pag-abuso sa Droga?” (Disyembre 8, 1986) at “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ako Makakaalpas sa mga Droga?” (Pebrero 22, 1986).—ED.
Kamatayan ng Sanggol
Nais kong sabihin ang aming [National SIDS Foundation] pagpapahalaga sa ekselente, wasto at malawak na pagtalakay na ginawa ninyo tungkol sa ‘Sudden Infant Death Syndrome’ sa inyong labas ng Gumising! noong Enero 22, 1988. Ang bilang na nararating ng inyong publikasyon ay lubhang kagila-gilalas at tiyak na nakaragdag sa aming mga pagsisikap sa pagtuturo sa publiko . . . Gusto kong malaman kung mapadadalhan ninyo ako ng kopya ng labas noong Enero 22 sa wikang Danes, Olandes, Pranses, Aleman, Italyano, Sweko, Norwego at Ruso.
C. S., Western Regional Director, Estados Unidos
Noong Enero 18, 1988, nakaharap namin ng mister ko ang kamatayan ng aming magandang tatlo-at-kalahating-taóng-gulang na anak na babae dahil sa sudden infant death syndrome. Isip-isipin ninyo na hindi kami makapaniwala na ito ay aktuwal na nangyari sa amin nang ilathala ng Gumising! (Enero 22, 1988) ang isang artikulo tungkol dito! Bagaman nangyari ang gayong kalunus-lunos na sakuna ito’y lalong nagpalapit sa aming lahat, at napakaraming kaibigan ang nagsabi sa amin na kanilang binasang-muli ang artikulong iyon tungkol sa SIDS upang malaman nila kung ano ang kanilang gagawin sa amin at kung ano ang kanilang sasabihin sa amin. Sila’y naghanda ng pagkain; sila’y naglinis, pati sa bakuran, at pinantay ang mga puno; sila’y saganang nag-abuloy upang tulungan kami na mapagtakpan ang mga pagkakagastos, at iba pa. Pakisuyong magpatuloy kayo sa paglalathala ng gayong napapanahong mga artikulo.
L. G., Estados Unidos
Sa Enero 22, 1988 ng Gumising!, pahina 4, parapo 2, sinasabi nito na ang sanggol [sa isang kaso na iniharap kay Haring Solomon] na namatay ay tatlong araw lamang ang edad. Ewan ko kung tama iyan. Sa palagay ko ay sinasabi ng Bibliya (1 Hari 3:18, 19) na ang mga sanggol ay ipinanganak na tatlong araw ang pagitan at na “pagkalipas” ng ilang panahon, ang isang sanggol ay namatay.
M. B., Estados Unidos
Tama ka. Ang konklusyon na ang sanggol ay tatlong araw ang edad ay nahinuha ng patologong sinipi ng “Gumising!” at di-sinasadyang naisama sa artikulo.—ED.
Ako po ay 12-anyos at nais ko po kayong pasalamatan sa artikulo sa Gumising! ng Disyembre 8, 1987, “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Buong Tapang na Mahaharap ang Aking Dalamhati?” Anim na linggo lamang bago nito ay namatay ang aking munting kapatid na lalaki, na ipinanganak na patay. Bagaman hindi ko siya nakilala, labis ko itong dinamdam na para bang ang namatay ay ang aking walong-taóng-gulang na kapatid na babae. Ang artikulo ay tumulong sa akin na maunawaan na ang pag-iyak ay normal at ito ay hindi tanda ng mahinang pananampalataya.
P. K., Pederal na Republika ng Alemanya