Mula sa Aming Mambabasa
Pusong Wasak
Ang 16-anyos na dalagitang anak ng isang babaing kasama ko sa trabaho ay balisang-balisa pagkatapos makipagkasira sa kaniyang nobyo ng 1 1/2 taon. Ayaw niyang makipag-usap sa kaniyang mga kaibigang babae, at hindi pa nga pumasok sa eskuwela sa loob ng dalawang linggo. Dinala ko ang Enero 22, 1988, na Gumising! sa kaniyang ina, itinuturo ang artikulong “Paano Ko Makakayanan ang Isang Pusong Wasak?” Kinabukasan maligayang ibinalita niya sa akin na karakaraka pagkatapos basahin ito ng kaniyang anak, siya ay nag-ayos, tinawagan niya ang dalawa niyang kaibigang babae at inanyayahan sila sa kanila. Silang tatlo ay naupo sa mesa sa kusina at pinag-usapan ang artikulo. Kinabukasan siya ay pumasok sa eskuwela.
C. G., Estados Unidos
Nais ko kayong batiin sa inyong napakainam na artikulo. Aking napag-isip-isip ang “mabuting panig” ng pakikipagkasira, napagwari ko ang kalagayan at nakita ko na ito nga ang pinakamabuti para sa aming dalawa, at natutuhan kong makibagay upang ito ay hindi na maulit.
S. B., Brazil
Kailangan ang Ekstrang Pag-iingat?
Pagkatapos kong basahin ang artikulong “Lindol—Kung Paano Ka Makapaghahanda para sa Kaligtasan!” (Disyembre 22, 1987), nais kong banggitin ang isang pagkakamali sa ibinigay na payo. Ipinayo ninyo na patayin kapuwa ang gas at kuryente mula sa kanilang pinagmumulan karakaraka kapag tumatagas ang gas mula sa isang sirang tubo. Subalit bilang isang gas fitter, nais kong ipaalam sa inyo na, sa ilalim ng gayong kalagayan, ang magbukas o magpatay ng isang suwits ng kuryente ay maaaring magpangyari ng isang siklab taglay ang panganib ng isang pagsabog.
T. C., Inglatera
Ako’y nasiyahan sa “Linangin ang Ligtas na Pag-uugali sa Pagmamaneho” (Enero 8, 1988), itinala ang mga bagay na dapat suriin ng isa bago magmaneho ng kotse. Gayunman, hindi ninyo isinama ang isang mahalagang bagay. Oh, kung sana’y nasabihan ako na suriin ang aking brake fluid bago magmaneho, hindi ko kailangang makipaglaban nang mawala ang aking preno sa panahong matrapik sa tollgate. Binigyan ng ganap na pangkaligtasang pagsusuri ng isang kilalang mekaniko ang aking kotse bago ang biyahe. Nasumpungan ko na hindi ginagawa ng karamihan ng mga mekaniko ang mahalagang pagsusuring ito, gaya ng makikita sa inyong artikulo.
M. L., Estados Unidos
Pinasasalamatan ko ang artikulo sa Gumising! (Mayo 22, 1988) tungkol sa kaligtasan sa tubig. Isa pang bagay—kung mayroong karatula sa tubig na hindi mo mabasa o na nakasulat sa isang wika na hindi mo alam, huwag kang lumangoy sa dakong iyon! Malamang na iyon ay isang nagbababalang tanda. Isang bata ang nalunod dito sapagkat hindi mabasa ng mga magulang ang Ingles na nakasulat sa karatula (nagbababala tungkol sa malakas na pasalungat na agos sa ilalim ng tubig), kaya pinayagan nila ang bata na lumangoy doon.
C. S., Estados Unidos
Pinasasalamatan namin ang karagdagang mga pag-iingat na ito buhat sa aming mga mambabasa.—ED.
Bantayog sa Digmaan
Ang pagsipi ninyo ng inskripsiyon sa Evesham War Memorial (Abril 8, 1988, pahina 4) ay partikular na nakainteres sa akin. Noong 1936 ako at ang nanay ko ay kinunan ng litrato ng aking tatay, sadyang pinili niya ang background na iyon upang ituro sa akin ang tungkol sa kawalang-saysay ng lahat ng digmaan. Mga ilang taon lamang pagkatapos, naranasan ko mismo ang kakilabutan, kabiguan at kasawian ng ikalawang digmaang pandaigdig bilang isang may kabataang hukbo sa impanteriya, makalawang nasugatan at bahagya nang nakatakas sa kamatayan. Ang inyong publikasyon ay tumutulong sa mga tao na magkaroon ng timbang na pangmalas, ipinakikita sa mga tao ang tamang mga mapagpipiliang dapat gawin, kung nais nilang gawin iyon. Sa bagay na iyan, ako ay lubos na nagpapasalamat.
J. G., Inglatera