Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 11/8 p. 3-4
  • Bakit Dapat Ipahayag ang “Taon Para kay Maria”?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Dapat Ipahayag ang “Taon Para kay Maria”?
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Si John Paul II​—Ang “Papa ng Madonna”
  • Si Maria at ang Pag-asa ng Isang Bagong Daigdig
  • Ang Taon Para kay Maria—Nagkakaiba-ibang Palagay
    Gumising!—1988
  • Ang Dahilan Para sa Kulto
    Gumising!—1988
  • Sino Bang Talaga ang May Lunas sa mga Problema ng Sangkatauhan?
    Gumising!—1988
  • Isang Kasiya-siya at Maligayang Buhay ng Kusang-Loob na Pagsasakripisyo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 11/8 p. 3-4

Bakit Dapat Ipahayag ang “Taon Para kay Maria”?

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Italya

“ANG Planeta ay Nagtipun-tipon sa Paligid ni Maria,” “Kay Maria sa Taóng 2000,” “Ang Daigdig ay Nanalangin nang Live,” sabi ng mga paulong-balita sa pahayagan na nagkukomento sa paghahatid sa pandaigdig na telebisyon ng Rosaryo,a isa sa mas tradisyonal na anyo ng pagsambang Katoliko. Ang tinig ng libu-libong tapat ay nakisama sa tinig ng papa sa panalangin. Bakit napakaraming tao ang nakibahagi sa pangyayaring ito? Ano ang gumagawa sa pagbigkas na ito ng Rosaryo na natatangi? Bakit ‘ang daigdig ay nagtipun-tipon sa paligid ni Maria’?

Sa kagila-gilalas na seremonyang ito, ipinagkatiwala ni John Paul II ang buong sangkatauhan sa “Madonna,” hinihingi ang proteksiyon niya. Sa paggawa niyaon, binuksan niya ang Taon para kay Maria (Marian Year), isang taon na inialay kay Maria.

Gaya ng inaasahan, ang pangyayari ay nagbangon kapuwa ng pagsang-ayon at pagpuna. Masiglang inilarawan ito ng mga Katolikong tradisyonalista bilang isang “kahindik-hindik na halimbawa kung paano magagamit ang modernong teknolohiya bilang isang mahalagang instrumento sa paglilingkod sa isang pangyayari na nauugnay sa pananampalataya.” Para sa iba, kapuwa Katoliko at hindi Katoliko, ito ay walang-saysay na pag-aaksaya ng pera, isang “napakalaking pagtatanghal” na hindi mo matiyak. Ang marami ay nabagabag ng baga na ang isang relihiyosong pagdiriwang ay itinaguyod ng “isang pangkat ng palasak na mga ahensiya sa pag-aanunsiyo,” sa isang kabuuang halaga ng halos dalawang milyong dolyar. At ikinalungkot nang labis ni Giancarlo Zizola, tagamasid sa Vaticano ng Il Giorno, ang bagay na isang “multimilyong-dolyar na uring-Barnum na palabas sa telebisyon ay dapat itanghal, ang Madonna ay ginawang pangalawang tauhan lamang sa itinatapong talim ng labaha, ballpoint pens, at tights, at para sa relihiyosong idolatriya na walang takda.”

Si John Paul II​—Ang “Papa ng Madonna”

Ano ang nag-udyok sa punong kinatawan ng Katolisismo na ipahayag ang Taon para kay Maria? Sarisaring dahilan, sang-ayon sa mga tagamasid sa Vaticano.

Binabanggit ng ilan ang “sigasig kay Maria” ni John Paul II. Itinuturing siya ng maraming Katoliko na ang “papa ng Madonna.” Maliwanag, isinama pa nga niya ang letrang “M,” ang unang titik ng Maria, sa kaniyang episkopal na sagisag. Kaniyang itinaguyod na pinaka-sawikain ang mga salita ni Louis-Marie Grignion de Montfort, isang mistikong Katoliko noong ika-17 siglo, ganap na itinatalaga ang kaniyang sarili sa “Madonna” sa mga salitang Totus tuus (Iyung-iyo). Ipinakita niya ang kaniyang marubdub na debosyon kay Maria samantalang siya’y naglalakbay sa Mexico, Pransiya, Alemanya, Poland, Brazil, Portugal, Espanya, at iba pang mga bansa, sa pamamagitan ng pagdalaw sa pinakabantog na mga santuwaryo na inialay kay Maria. Kaya nga, sang-ayon sa mga tagamasid ang proklamasyon ng Taon para kay Maria ay isa pang kapahayagan ng maalab na “espirituwalidad [ng papa] kay Maria.”

Gayundin, mga ilang panahon na ang nakalipas, sa mas konserbatibong mga grupong Katoliko, nagkaroon ng pagkabahala tungkol sa bagay na ang pagsamba kay Maria ay wari bang naging malabo. Sa siglong ito, matagumpay na inilarawan ni Papa Pius XII bilang “ang panahon ni Maria,” nasaksihan ng mga klerong Katoliko ang tinatawag nilang isang “matinding krisis may kaugnayan kay Maria.” Inaasahan nilang ang Taon para kay Maria ay tutulong upang “tuklasing-muli si Maria,” muling pinasisigla ang pagsamba sa kaniya.

Sa panalangin na ginawa para sa pagbubukas ng Taon para kay Maria, itinalaga ni John Paul II “ang buong sangkatauhan, taglay ang mga pag-asa at mga pangamba nito,” kay Maria. Ginawa niya ang gayon sa dalawang naunang mga okasyon, gaya ng ginawa ng iba pang mga papa na nauna sa kaniya. Yamang ang mas maalab na mga Marianista ay kumbinsido na ang “kasalukuyang nakatatakot na krisis ng pananampalataya” ay dahilan din sa krisis sa pagsamba kay Maria, sinasabi nilang kung ang daigdig ay magbabalik kay Maria, ang ilan sa pinakamabigat na mga suliranin ng sangkatauhan ay malulutas. “Hahalinhan ng pamumuhay Kristiyano ang kasalukuyang materyalismo, magkakaroon ng pagkakumberte ng mga bansang ateistiko. At ang sangkatauhan ay magkakaroon ng kapayapaan,” sulat ng babasahing Katoliko na Ecce Mater Tua.

Si Maria at ang Pag-asa ng Isang Bagong Daigdig

Sa wakas, ang papa ay umaasa na sa ilalim ng patnubay ng “Madonna” posibleng maghanda para sa taóng 2000, ang taon na lubhang binibigyang-halaga ng lider ng Katolisismo. Ayon sa simbahan, ang paghahanda para sa petsang ito ay kailangang-kailangan yamang, gaya ng sabi ng babasahing Katoliko na Verona fedele: “Sa pagtatapos ng siglong ito, ang sangkatauhan ay nasa panahon ng pinakamalaking kapahamakan nito, subalit ito rin ay nasa pinakamagandang panahon ng kasaysayan nito. Tayo ay dumating sa isang sangandaan: sa isang panig, ang napakatibay na posibilidad ng pagkawasak-sa-sarili; sa kabilang panig naman, ang pag-asa ng isang bagong panahon, isang bagong daigdig. . . . Kung gagamitin natin ang isang Biblikal na termino, nais naming sabihin na tayo ay ‘nasa mga huling panahon,’ yaon ay, ang panahon na magwawakas sa isang mahaba at mahirap na pangyayari sa kasaysayan ng tao; subalit isa ring panahon na wari bang nagbubukas ng isa pang panahon, mas payapa at maligaya.” Samakatuwid makabubuting magbalik sa Diyos sa isang panahon na ipinalalagay na mapanganib anupa’t itinalaga ng papa ang buong daigdig kay Maria.

Subalit ano nga ba ang kahulugan ng panahong ito mula noong Hunyo 7, 1987, hanggang Agosto 15, 1988, sa mga Katoliko? Paano ipinagdiwang ang Taon para kay Maria? Ano ang naging reaksiyon ng ibang relihiyosong paniniwala sa pangunguna ng Iglesya Katolika?

[Talababa]

a Isang debosyong Katoliko, ginagamit ang dasalang-kuwintas, “ng pagbubulaybulay sa kar[aniwang] limang banal na misteryo sa pagbigkas ng limang Aba Ginoong Maria.”​—Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary.

[Picture Credit Line sa pahina 4]

Cover: Courtesy of the El Prado Museum, Espanya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share