Ang Taon Para kay Maria—Nagkakaiba-ibang Palagay
Hindi maikakailang inilalarawan ng Bibliya si Maria bilang isang tapat na alagad ni Jesus. (Gawa 1:14) Habang sinusuri natin ang kahalagahan ng Taon para kay Maria, wala kaming intensiyon na maliitin ang kaniyang karangalan o ang kaniyang katapatan. Gayunman, dahilan sa bagay na ang taóng iyan na inialay sa kaniya ay isang napakahalagang relihiyosong pagdiriwang, matuwid lamang na tanungin ng mga sumasampalataya ang kanilang sarili: Sinasang-ayunan ba ng Diyos ang pagsambang iniuukol kay Maria? At si Maria ba ang lunas sa krisis ng daigdig?
ANG Taon para kay Maria ang ikalawa na ipinagdiwang ng Iglesya Katolika. Ang una, mula 1953 hanggang 1954, ay ipinahayag ni Pius XII upang ipagdiwang ang sentenaryo ng proklamasyon ng doktrina ng Imaculada Concepcion. Ito ay mga ilang taon lamang pagkatapos na ipahayag ng papa ring iyon ang turo ng Asuncion (Assumption).a
Ang natatandaan ng ilang Katoliko tungkol sa unang Taon para kay Maria ay ang malaking bilang ng bagong mga nagsipasok sa pagkapari. Maliwanag na sila’y umaasa na ito ay mauulit, dahilan sa kasalukuyang krisis sa bokasyon. Sa katunayan, may labis-labis na pagkabalisa sa kakulangan ng mga pari. Sang-ayon kay Luigi Accattoli, dalubhasa sa mga bagay sa Vaticano para sa Il Corriere della Sera, tinatantiya na sa 300,000 mga pamayanang Katoliko sa daigdig, “mahigit na kalahati ang walang residenteng pari.” Kaya hindi pagkakataon lamang na ang mga tapat ay himukin sa dalawing madalas ang mga santuwaryo para kay Maria, na binigyang-kahulugan bilang “mga dako para sa pagtataguyod ng bokasyon.” Magiging sapat kaya ang Taon para kay Maria upang bigyan ng bagong buhay ang umuunting bilang ng mga klerong Katoliko?
Si Maria, ang Bokasyon, at ang Ateismo
Nagugunita ng iba ang maringal na pagpapahayag ng debosyon sa “Birhen” noong unang Taon para kay Maria. Noong okasyong iyon, maging ang hukbong sandatahan ng ilang bansa ay pinakilos. Sa Loreto, Italya, tahanan ng bantog na santuwaryo para kay Maria, may kahanga-hangang parada ng hukbong panghimpapawid ng Italya. Limang daang marinong Amerikano ang nagtungo sa isang peregrinasyon sa Lourdes, Pransiya. Sa Ireland, “ang mga yunit ng hukbo ay itinalaga sa Madonna, na ang okasyong iyon ay ipinahayag na Mariskal ng hukbo,” sabi ng La Repubblica.
Si Papa Pius XII, sa pagpapahayag noong 1953, ay umasa na ang Taon para kay Maria ay tutulong sa pagsalansang sa lahat niyaong “nagsisikap na alisin mula sa mga kaluluwa ang pananampalataya kay Kristo” at sasalungat sa kanilang ateistikong ideolohiya. “Hindi kalabisang sabihin na ang Taon para kay Maria ng 1954,” sabi ng Avvenire, “ay nagtamo ng kapani-paniwalang himala ng di-inaasahan at minimithing pagbabalik-loob sa Diyos.” Gayundin naman, sa ngayon, sa mga grupong Katoliko, inaakalang ang panibagong sigasig para kay Maria ay tutulong upang labanan ang mga ideolohiyang ateistiko at ang mga gobyerno na nagpapalaganap nito.
Binabanggit ng The New York Times na “hayagang binanggit [ni John Paul II] ang kaniyang pagnanasang dumalaw sa Unyong Sobyet kung siya ay malayang makakapangaral doon.” At inaasahan pa nga na ang 1988, “ang taon ng pagdiriwang ng sanlibong taon ng Kristiyanismo sa Russia, ang siya ring magiging taon upang baguhin ng Papa ang maliwanag na pagpapabanal sa Bansang [iyon] . . . para sa pagbabalik-loob nito sa Diyos,” sulat ng Katolikong teologo na si René Laurentin sa Avvenire.
Pantanging Pakikitungo kay Maria
Sarisaring proyekto ang binalak para sa 14 na buwan na nagtapos noong Agosto 15, 1988, ang huling araw ng Taon para kay Maria, pawang idinisenyo upang ‘parangalan ang Ina ng Panginoon’ at upang buhayin-muli ang pagsamba sa kaniya pagkatapos ng mga taon ng paghina. Ang papa ay naglabas ng isang liham na handog para kay Maria, at sarisaring kombensiyon ay binalak upang suriin ang kahalagahan niya.
Ang mga Katoliko ay tumanggap ng eksaktong mga tagubilin kung tungkol sa Taon para kay Maria. Kabilang sa iba pang mga bagay, kailangang taimtim na ipagdiwang nila ang lahat ng mga kapistahan para kay Maria at gumawa ng peregrinasyon sa mga simbahan na naaalay sa “Madonna.” Makikinabang din sila mula sa “indulhensiyang plenaryo”b sa pamamagitan ng taimtim na pakikibahagi sa mga kapistahan para kay Maria at mga kapistahang liturhiko o sa pamamagitan ng may kabanalang pagtanggap ng bendisyon ng papa na ipinagkaloob ng mga obispo, kahit na sa pamamagitan ng isang brodkas sa radyo at telebisyon. Sila ay pinayuhan na mag-ukol ng higit na halaga sa altar na inialay kay Maria sa bawat simbahang Katoliko.
Reaksiyon ng Protestante at Pagtutol ng Katoliko
Ang pangungunang ito ng Katoliko ay positibong tinanggap ng mga Simbahang Orthodoxo, na nagsasagawa rin ng pagsamba kay Maria, subalit gaya ng inaasahan, nagkaroon ng lubhang kakaibang reaksiyon mula sa relihiyosong mga grupong Protestante.
Nalalamang mainam ang tungkol sa bagay na si Maria ay patuloy na kumakatawan sa isa sa mga puntong hindi sinasang-ayunan ng mga Protestante, sinikap ng herarkiyang Katoliko na huwag nang dagdagan pa ang mga pagkakaiba, inuulit na ang Taon para kay Maria ay “mag-uudyok ng ekumenikal na usapan.” Subalit kinikilala rin ng mga Katolikong iyon na ang Taon para kay Maria ay nagdulot ng ‘mapait na mga reaksiyon,’ “sabay-sabay na pagbatikos,” at “isang bagyo ng pagtutol” sa gitna ng mga Protestante. Sang-ayon sa babasahing Vita pastorale, ito ang dahilan kung bakit ang ekumenikal na mga grupong Katoliko ay nakibahagi sa “pagsugpo sa panatikong kasiglahan, sa pag-iwas sa nakapagpapasakit na sentimentalismo, sa pag-oorganisang-muli sa pagsamba sa mga relikya” ng “Madonna.” Paulit-ulit na iginiit ng ilang babasahing Katoliko na ang mga nagdiriwang ng Taon para kay Maria ay dapat na ‘ingatan sa isipan ang bagong kabatirang ekumenikal’ at isaisang-tabi ang ‘debosyonalistiko at laban sa ekumenikal na mga aspekto.’
Para sa maraming Protestante, ang debosyon kay Maria at ang mga gawain kaugnay nito ay idolatroso. Kaya ang iba’t ibang pangkat ng mga Protestanteng Italyano ay nagmungkahi ng pagsuspinde sa lahat ng ekumenikal na pakikitungo sa mga Katoliko sa panahon ng Taon para kay Maria, at ang sinodo ng Waldenses at ang Simbahang Methodista ay naglabas ng pangungusap na matinding binatikos ang pangunguna ng papa, tinatawag itong isang “hadlang sa tunay na ekumenikal na paghaharap.”
Isa pa, hindi lahat ng mga klerong Katoliko ay sang-ayon sa pangunguna ng papa. Ang paring Katoliko na si Franco Barbero ay lumikha ng gulo nang hayagang ipinahayag niya na hindi siya kailanman nagdasal kay Maria. Sa kaniyang “Liham kay Maria,” sinabi ni Barbero na si Maria ay niyurakan sa “ilalim ng isang bunton ng mga doktrina, relikya, debosyonalismo, alamat, pamahiin.” Sinabi rin ng paring ito na kahit na ang “pagsasalita tungkol sa isang ‘taon ni Maria’ ay maaaring magbangon ng tunay na mga kalituhan.”
Ang Com-nuovi tempi, isang babasahing lathala ng progresibong mga Katoliko, ay nagsabi: “Waring ang ekumenikal na mga panimula ng Iglesya Katolika [pagkatapos ng Ikalawang Konsilyo Vaticano] sa paano man ay tutulong upang hindi maulit ang dating relihiyosong mga gawain para kay Maria na kakaunti ang ugat sa karaniwang Kristiyanong pinagmulan. Sa kasamaang palad, ang mga pagdiriwang sa taóng ito para kay ‘Maria’ ay magiging laban sa kapakanan ng pagpapanauli . . . ng isang malapit na pananampalatayang Kristiyano.”
Bakit, kung gayon, ipinipilit ng mga awtoridad sa simbahan at maging ng papa mismo ang paglalagay ng labis-labis na pagdiriin kay Maria? Bakit ang mga Katoliko ay “inuuna ang pag-ibig kay Maria bago ang pag-ibig kay Jesus,” gaya ng sabi ni “Mother” Teresa ng Calcutta? Sa ibang pananalita, bakit ang kulto ni Maria?
[Mga talababa]
a Sang-ayon sa katekismong Katoliko, si Maria ay “iningatan ng grasya ng Diyos mula sa lahat ng batik ng kasalanan mula sa paglilihi sa kaniya patuloy” (ang doktrina ng Imaculada Concepcion), at na sa wakas ng kaniyang makalupang pag-iral, siya ay “katawan at kaluluwang” dinala sa langit (ang doktrina ng Asuncion).—Signore, da chi andremo?—Il catechismo degli adulti (Panginoon, Kanino Kami Pupunta?—Katekismo para sa mga Adulto).
b Sang-ayon sa doktrinang Katoliko, ang lahat ng parusa na igagawad sa purgatoryo dahil sa mga kasalanang venial ay aalisin sa pamamagitan ng indulhensiyang plenaryo.