Natatalo ba ang Pagpapapayat?
ANG PAGWAWAGI SA LABANANG ITO AY HINDI MADALI NA GAYA NG AKALA NG MGA PAYAT!
ANG labanang ito ay ipinakikipagbaka sa maraming paraan. Mabilis na inaalis ng pag-aayuno ang di-naiibigang timbang. Tinutunaw ng mga pagkaing likido ang maraming taba. Inaalis ito ng mga mananakbo sa pamamagitan ng pagjo-jogging. Ginagawa naman ito ng mga lumalakad na mas mabagal. Ang mga nagbibilang-calorie ay nag-iingat ng mga listahan ng kanilang kinakain. Ang iba ay bumabaling sa mas mahigpit na mga paraan. Ang mga panga ay tinalian ng kawad upang hadlangan ang mga walang pagpipigil kapag napaharap sa pagkain. Isinasagawa ang mga operasyon upang bawasan ang ilang dako sa daanan ng panunaw, i-stapler ang tiyan, at upang isagawa ang pamamaraan na sisipsip sa taba mula sa mga deposito ng taba. Taglay ang lahat ng mga mapagpipiliang ito, malamang na nalalapit na ang tagumpay.
Subalit sandali lang! Ang mga selula ng taba minsang madaig ay muling nagbabalik. Ang nawalang timbang ay nagbabalik, kadalasa’y may dagdag pa. Ang pakikipagbaka ay urong-sulong, habang ang pansamantalang mga tagumpay ay sinusundan ng nakapanghihinang kabiguan. Ang pagpupunyagi ay humihina, dumarating ang pagkasira ng loob, at ang pagód na mga nagdidiyeta ay handa nang sumuko. Hindi sila dapat sumuko. Ang landas ay mahaba at ang daan ay bakú-bakô, subalit ang tagumpay ay nasa unahan para sa mga matatag na nagtitiyagâ. Kaya ihanda mo ang iyong isipan at tandaan, mientras mas mahirap ang laban ay mas matamis ang tagumpay. Sa pasimula ng iyong pakikipagbaka laban sa taba, dapat mong ihanda ang iyong isipan na panatilihin ang paggalang-sa-sarili at pagpapahalaga-sa-sarili. Baka kailanganin mong pagtiisan ang mga paghamak at pintas ng isang lipunan na gustung-gusto ang pagiging payat.
Dapat mong tanggihan ang hindi nag-iintinding mga maybisita na hinihimok kang kumain ng kung ano ang hindi mo dapat kainin. Dapat na mapagtagumpayan mo ang mga maling opinyon ng malupit na mga kritiko na binabansagan kang matakaw.a Ang nauna ay tatalunin ka sa kabaitan; ang huling banggit naman, ay patiunang hahatulan ka sa panlabas na anyo.
Huwag mong intindihin ang sabi-sabi ng mga walang kabatiran: “Kung hindi ka nagpakalabis sa pagkain, hindi ka sana labis sa timbang!” Pinagtitingin nila itong payak, subalit ito ay napakamasalimuot. Totoo na kung hindi ka kakain ng mas maraming calories kaysa sinusunog mo, hindi ka tataba. Gayunman, sa iba’t ibang kadahilanan hindi lahat ng calories na kinakain ay nasusunog. Sa iba’t ibang dahilan, marami nito ang iniimbak bilang taba sa mga selula ng taba. Kaya para sa labis ang timbang, ito kung minsan ay maaaring maging isang malungkot na pakikipagbaka, maliban sa sumusuportang mga kaibigan na nababatid ang kalamangan ng kanilang pakikipagbaka. At ang mga kalamangang iyon ay maaaring maging totoong mahirap talunin.
Gayunman, bago sumuong sa mga kasalimuotan ng pakikipagpunyagi, may tanong na dapat isaalang-alang: Kailangan mo bang magpapayat? Sa ilang bansa ang pagiging payat ay kinahahalingan. Ang iba ay nagiging payat hanggang sa punto ng pagiging payat dahil sa di hustong pagkain, o grabe pa nga ay nagkakasakit ng anorexia nervosa o bulimia. Sa halip na ang timbang lamang ang saligan ng paghatol, ang porsiyento ng taba sa katawan ay itinuturing ng mga siyentipiko na mas mabuting saligan. Binibigyan-kahulugan nila ang labis na timbang na labis na katabaan kapag 20 hanggang 25 porsiyento ng timbang ng katawan ng mga lalaki ay taba at sa mga babae kapag 25 hanggang 30 porsiyento ay taba.
Tiyak, ang espisipikong timbang sa mga talaan na batay sa taas at timbang ay hindi sapat sa ganang sarili. Gaya ng sabi ng isang mananaliksik: “Gayunman, ang hindi sinasabi sa iyo ng mga talaan ay na ang dalawang tao na magkatulad ang timbang at taas ay maaaring lubhang magkaiba sa kanilang antas ng katabaan at panlahat ng kondisyon ng katawan. Ang himaymay at kalamnang walang taba ay mas mabigat kaysa taba sa bawat dami, kaya ang bigat lamang ay hindi isang mabuting panukat ng kalusugan o kalakasan ng katawan.” Ang mas maaasahang saligan—bagaman di pa rin sakdal—ay ang mga talaan na isinasaalang-alang ang edad, sekso, at ang uri ng katawan, at nagbibigay ng ilang karapat-dapat na timbang, gaya ng ipinakikita sa pahina 7.
Ipinalalagay ng maraming tao na ang mga selula ng taba (tinatawag na adipocytes) ay ubod ng tamad na mga bagay, basta naroroon sa katawan at umuokupa ng lugar—napakalaking lugar! Ang himaymay ng taba (tinatawag na adipose tissue) ay higit pa sa isang imbakang bodega ng mga triglyceride (taba). Halos 95 porsiyento ng himaymay ng taba ay di-nabubuhay na taba, subalit ang natitirang 5 porsiyento ay nahahati sa materyales sa pagtatayo, ang dugo at mga daluyan ng dugo, at sa nabubuhay na mga selula na aktibo sa metabolismo ng katawan. Ang mga selulang ito ay maaaring maging napakatakaw, sinusunggaban at ginagawang taba ang mga nutriyenteng pagkain mula sa dugong tumatakbo sa pinakamaliit na daluyan ng dugo na nagkakalat ng himaymay ng taba. Pinauunlad ng ilang hormone ang paggawa ng taba o ang paglalabas ng fatty acids sa dugo upang matugunan ang pangangailangan ng katawan ng enerhiya. Sa halip na tamad, sa kabiguan ng ilang tao, ang kanilang mga selula ng taba ay nagtatrabaho ng obertaim!
Inaakala noon na minsang nasa katawan na, ang mga selula ng taba ay hindi na dumarami, lumalaki lamang. Iba naman ang ipinakikita ng pananaliksik nang dakong huli. Gaya ng sabi ng isang pinagmumulang siyentipiko: “Ang paglaki ng kakayahang mag-imbak ng himaymay ng taba ay nagagawa sa pamamagitan muna ng pagpapalaki sa laman ng mga selula ng taba sa imbakan ng taba, ang triglyceride, at sa dakong huli, kapag ang makukuhang selula ng taba ay punô na, sa pamamagitan ng paggawa ng bagong mga selula ng taba.” Kapag halos wala nang laman, ang mga selula ng taba ay pagkaliit-liit, subalit habang ito ay nagdaragdag ng taba, maaari nitong palakihin ang diyametro nito nang sampung ulit, na nangangahulugan ng paglaki nang makaisang libo.
May ilang bodega ng taba sa katawan kung saan waring nagtitipon ang taba. Sa mga lalaki ito ay sa baywang. Sa mga babae ito ay sa balakang at sa hita. Ang gayong mga tao ay maaaring magbawas ng taba, subalit ang mga dakong ito ang huling nagbabawas ng kanilang taba. Natuklasan ng mga mananaliksik na ang mga selula ng taba ay may maliliit na molekulang tinatawag na alpha at beta receptors (tagatanggap) sa ibabaw nito. Itinataguyod ng mga tagatanggap na alpha ang pagtitipon ng taba; itinataguyod naman ng mga tagatanggap na beta ang pagkasira ng taba. Yaong pabor sa pagtitipon ng taba ay nangingibabaw sa mga selula ng taba sa balakang at mga hita ng babae at sa tiyan ng mga lalaki. Isang babae ang nabawasan ng 15 porsiyento ng taba sa kaniyang katawan subalit walang nabawas sa kaniyang balakang at hita. Lubhang nabawasan ng isang lalaki ang kaniyang timbang subalit malaki pa rin ang kaniyang tiyan.
Ang pagbilang ng calories ay hindi isang payak na lunas sa pagpapapayat na inaakala ng marami. Ang mga calories ay hindi pare-pareho. Kumain ka ng 100 calories na carbohydrate at maaaring iimbak mo ang 77 nito bilang taba sa katawan—23 ang sinusunog sa pagtunaw ng mga carbohydrate. Subalit kumain ka ng 100 calories na mantikilya at 97 ang iniimbak bilang taba—tatlo lamang ang kinukunsumo upang tunawin. Ang dahilan: Ang kinakain na taba ay halos katulad na ng taba ng katawan sa kemikal na paraan anupa’t mas madali itong iimbak. Ang pagbilang ng calories ay bahagi lamang ng kuwento. Mahalaga rin ang pinagmumulan ng mga calories na iyon. Calorie sa calorie, ang matatabang pagkain ay mas nakatataba at hindi gaanong nakapagpapalusog na gaya ng carbohydrate. Sa isang pag-aaral, ang mga lalaking labis na pinakain ng pagkaing mayaman-sa-carbohydrate sa loob ng pitong buwan ay naragdagan ng 14 na kilo, subalit ang mga lalaking labis na pinakain ng pagkaing mayaman-sa-taba ay naragdagan ng 14 na kilo sa loob ng tatlong buwan.
Ang mga pagkaing likido ay mas mabilis makapagpapayat, na kadalasa’y nagbubunga ng mga komplikasyon. Noong 1970’s itinaguyod ang mga pagkaing likidong-proteina, at sa pagtatapos ng 1977 humigit-kumulang 60 kamatayan ay dahil dito. Ang ventricular arrhythmias, alalaong baga, ang mabilis at iregular na pagtibok ng ventricle chambers ng puso, ay ipinalalagay na siyang dahilan ng marami sa mga kamatayang ito. Ang mga pagkaing likido sa ngayon ay bumuti sa pamamagitan ng pagdaragdag hindi lamang ng proteina kundi gayundin ng carbohydrate, taba, bitamina, at mineral. Gayumpaman, ang gayong mga pagkain na mababa-sa-enerhiya na mabilis na nagbabawas ng timbang ay may kani-kaniyang pa ring mga disbentaha.
Ang mahigpit na pagbawas ng calorie sa mga pagkain na nagbubunga ng mabilis na pagpayat ay nagpapabagal sa metabolismo ng katawan—ang paghina ay nagsisimula sa loob ng 24 oras, at sa loob ng dalawang linggo ang pagbagal ng metabolismo ay maaaring kasindami ng 20 porsiyento. Ganito ang komento ng isang doktor na tinanong tungkol sa likidong mga pagkain na mababa-sa-calorie: “Ang iyong metabolismo ay lubhang babagal sa kakaunting calories, at ikaw ay magiging bugnutin at pagod. At, hanggang 70% ng iyong pangmatagalang pangangayayat ay sa kalamnan, hindi sa taba.” Ang mga nagdidiyeta ay nagnanais magbawas ng taba, hindi ng kalamnan. Ang himaymay ng kalamnan ang pinakamagaling na tagapagsunog ng calorie ng katawan. Ang pagkawala nito ay nagpapabagal sa bilis ng iyong metabolismo—ang sukat ng enerhiya na ginagamit upang panatilihin ang rutinang mga gawain ng katawan, gaya ng paghinga at pagkumpuni ng mga selula. Ito ang dahilan ng humigit-kumulang 60 hanggang 75 porsiyentong enerhiyang nakukunsumo ng katawan.
Ang paghinang ito ng metabolismo ang dahilan kung bakit ang mga nagdidiyeta ay kadalasang humihinto sa pagpayat pagkaraan lamang ng ilang linggo ng matinding pagdidiyeta. Isang babae, na sapol nang siya’y 16 anyos ay pinanatiling mababa ang kaniyang timbang sa pamamagitan ng pagdidiyeta, ang bumigat ng 11 kilo sa pagsilang ng kaniyang panganay na anak subalit mabilis na naiwala ito, pagkatapos siya ay naragdagan ng 23 kilo pagkasilang ng kaniyang ikalawang sanggol at hindi na ito naalis. Ulat niya: “Noong minsan ako’y nagtungo sa isang klinika ng pagpapapayat kung saan ako’y binawasan ng hanggang 500 calories isang araw. Nabawasan ako ng mga apat na kilo sa unang buwan, dalawa noong ikalawang buwan at wala noong sumunod na dalawang buwan sa kabila ng matapat na pagsunod ko sa programa. Nang ang kinakain kong calorie ay itaas tungo sa 800 sa isang araw, patuloy akong bumigat ng halos 1 kilo sa bawat linggo hanggang sa naibalik ang 5 kilo na napakahirap kong inalis. Talagang nakapanghihinang-loob!”
Karagdagan pa sa bumagal na metabolismo, isang enzyme, ang lipoprotein lipase, na kumukontrol sa pag-iimbak ng taba, ay maaaring maging mas aktibo sa pag-iimbak ng taba pagkatapos ng mahigpit na pagdidiyeta. Sa dalawang kadahilanang ito, ang ilang mga tao ay muling tumataba nang ibinalik nila ang normal na pagkain. Sa katunayan, naibabalik-muli ng karamihan ang timbang na naiwala nila—95 porsiyento para sa mga napakataba at 66 na porsiyento sa lahat. Gayunman, ang natamo-muling timbang ay karaniwang taba, hindi ang nawalang kalamnan, na nangangahulugan ng mas kaunting metabolismo na nagpapasigla sa pag-iimbak ng higit na taba.
Napansin ng isang mananaliksik na yaong mga pumayat sa dating mga diyeta at muling tumaba at mas nahirapang pumayat na muli sa sumunod na mga diyeta. “Nahahadlangan ba ng pagdidiyeta ang pangangayayat sa dakong huli?” tanong niya. Ang mga pagsubok ay isinagawa sa matatabang daga. Sa kanilang unang diyeta, kumuha ng 21 araw upang maalis ang labis na timbang at, pagkatapos magdiyeta, kumuha ng 45 araw upang maibalik ito. Sa ikalawang diyeta, kumuha ng 46 na araw upang maalis ito at 14 na araw lamang upang maibalik ito—doble sa tagal na maalis ito at tatlong beses ang bilis na maibalik ito!
Pareho rin ba ang resulta sa mga tao? Sa mababa-calorie na mga diyeta, 111 mga pasyente ang nabawasan ng katamtamang 1.4 kilo isang linggo, subalit sa katulad na diyeta sa ikalawang pagkakataon 1 kilo lamang ang nababawas sa isang linggo. Ang kasunod na mga pagsubok sa dalawa pang grupo ng mga tao ay nagpapatunay sa mga resultang iyon.
Tinatawag ng maraming eksperto ang labis na katabaan na isang sakit, sinasabi na ito ay nasa mga gene, ito’y namamana, at na ang katawan ay may takdang punto para sa timbang na maaaring magtalaga sa iyo sa katabaan. Subalit hindi lahat ng mga siyentipiko ay sang-ayon sa mga teoriya tungkol sa labis na katabaan. Ang Annals of the New York Academy of Sciences ay nagsasabi na ang labis na timbang mismo, anuman ang orihinal na dahilan nito, ay maaaring siyang may pananagutan sa mga pagbabago sa kemistri ng katawan: “Ang kalagayang labis ang katabaan, minsang naitatag, ay maaaring panatilihin sa pamamagitan ng pangalawang pagbabago sa metabolismo na ginagawa mismo ng labis na katabaan.”
Kinukuwestiyon din ng Annals ang teoriya ng itinakdang punto: “Ang Annal na ito ay nagbibigay ng kaunting katibayan bilang pagsuporta sa iba pang palagay.” Ang mga problema sa glandula ay binanggit bilang mga dahilan ng labis na timbang, lalo na ang glandulang thyroid, na siyang may malaking bahagi sa pagkontrol ng metabolismo. Gayunman, ang puntong ibinangon ng ilan ay na ang hindi nito pagkilos ay maaaring dala ng labis na pagkain. Ganito ang komento ni Dr. Riggle ng Texas: “Ang thyroid ang siyang namamahala sa metabolismo, gayundin ang glandulang pituitary. Ngunit dapat nating tandaan na ang mga taong hindi kumakain ng masustansiyang pagkain ay nagpapangyari sa mga glandulang ito na hindi tumanggap ng mga sustansiyang kailangan nila upang gawin ang kanilang produkto. Kaya ang mga problema sa glandula ay maaaring magsimula sa kawalang-ingat sa pagkain.”
Ang labis na pagkain ang payak na dahilan ng labis na katabaan anupa’t napakaraming tao, pati na ang mga mananaliksik tungkol sa labis na katabaan, ay iniuugnay ito rito: “Gayunman, para sa karamihan ng mga taong labis ang katabaan ang pagtitipon ng labis na timbang at himaymay ng taba ay malamang na mangahulugan ng pinatagal, at kadalasan ay, tusong pamamaraan: labis-labis na pagkunsumo ng calories, sa loob ng ilang araw, higit pa kaysa ginagamit para sa gawain ng kalamnan o ng metabolismo.” (Annals of the New York Academy of Sciences, 1987, pahina 343) Ang mga panganib sa kalusugan na dala nito ay totoong nakalulungkot:
“Ang labis na katabaan ay nauugnay sa ilang mga panganib sa kalusugan. Maaari nitong sirain ang pagkilos kapuwa ng puso at ng bagà, binabago ang kilos ng endocrine, at nagpapangyari ng mga suliranin sa emosyon. Alta presyon, mataas ang sukat ng glucose, at mataas ang kolesterol ay mas karaniwan sa mga indibiduwal na labis ang timbang kaysa mga indibiduwal na normal ang timbang. Sa gayon, hindi kataka-taka na ang labis ang katabaan ay maging dahilan ng sakit at kamatayan ng mga indibiduwal na may alta presyon, atake, type II o non-insulin-dependent diabetes mellitus, ilang uri ng kanser, at sakit sa apdo. Sa katagalan, ang labis ang katabaan ay ipinalalagay rin na isang bukod na salik ng panganib para sa atherosclerotic na sakit sa puso.”—Journal of the American Medical Association, Nobyembre 4, 1988, pahina 2547.
Parang nagbababala ng masama, hindi ba? At hindi lamang dahil sa malalalim na salitang ginamit. Maliwanag, ang pagpapapayat ay isang pakikipagbaka na kailangang magwagi. May paraan ba na tutulong sa iyo upang magtagumpay?
[Talababa]
a Para sa pagtalakay mula sa Bibliya tungkol sa katakawan, pakisuyong tingnan Ang Bantayan, Mayo 1, 1986, pahina 31.
[Blurb sa pahina 4]
SA HALIP NA TAMAD, ANG MGA SELULA NG TABA SA MGA TAONG LABIS ANG TIMBANG AY NAGTATRABAHO NG OBERTAIM
[Blurb sa pahina 5]
NAHAHADLANGAN BA NG PAGDIDIYETA ANG PANGANGAYAYAT SA DAKONG HULI?
[Blurb sa pahina 6]
ANG MGA PANGANIB SA KALUSUGAN AY TOTOONG NAKALULUNGKOT
[Chart sa pahina 7]
TALAAN NG TAAS AT TIMBANG
Taas Timbang
ft in Maliit- Kainamang Malaking
Katawan Katawan Katawan
LALAKI
5 2 128-134 131-141 138-150
5 3 130-136 133-143 140-153
5 4 132-138 135-145 142-156
5 5 134-140 137-148 144-160
5 6 136-142 139-151 146-164
5 7 138-145 142-154 149-168
5 8 140-148 145-157 152-172
5 9 142-151 148-160 155-176
5 10 144-154 151-163 158-180
5 11 146-157 154-166 161-184
6 0 149-160 157-170 164-188
6 1 152-164 160-174 168-192
6 2 155-168 164-178 172-197
6 3 158-172 167-182 176-202
6 4 162-176 171-187 181-207
BABAE
4 10 102-111 109-121 118-131
4 11 103-113 111-123 120-134
5 0 104-115 113-126 122-137
5 1 106-118 115-129 125-140
5 2 108-121 118-132 128-143
5 3 111-124 121-135 131-147
5 4 114-127 124-138 134-151
5 5 117-130 127-141 137-155
5 6 120-133 130-144 140-159
5 7 123-136 133-147 143-163
5 8 126-139 136-150 146-167
5 9 129-142 139-153 149-170
5 10 132-145 142-156 152-173
5 11 135-148 145-159 155-176
6 0 138-151 148-162 158-179
[Credit Line]
Inilimbag-muli sa kapahintulutan ng Society of Actuaries at ng Association of Life Insurance Medical Directors of America