Tabako at ang Inyong Kalusugan—Talaga bang May Kaugnayan?
“Salamat sa Hindi Ninyo Paninigarilyo”—Isang tanda ng panahon.
“Salamat sa Inyong Paninigarilyo”—Isang kontra-salakay sa isang magasin ng kompaniya ng tabako.
NAGKAKAROON ng labanan, ang isinulat at inilagay sa computer na mga propaganda ay pinakikilos. Ipinalalabas ng mga ahensiya sa pag-aanunsiyo ang kanilang magkalabang mga mensahe. Ang digmaang ito ay ipinakikipaglaban sa pamilihang pandaigdig. Ito ang digmaan ng tabako, at malaki ang nakataya. Bilyun-bilyong dolyar sa bawat taon. Kayo man ay naninigarilyo o hindi, apektado kayo.
Ito ay isang digmaan na ipinakipagbaka sa dalawang pangunahing mga antas—ekonomiya at kalusugan. Sa mga laban sa paninigarilyo, ang kalusugan ang numero uno. Sa makapangyarihang mga tao na may kaugnayan sa negosyo ng tabako, ang ekonomiya, pakinabang, at mga trabaho ay nakataya. Waring tumitindi ang mga damdamin at mga reaksiyon. Sa isang paliparan tinanong ng isang maninigarilyo ang isang mirón kung mayroon ba siyang panindi ng sigarilyo. “Pasensiya ka na, hindi ako naninigarilyo,” ang tugon. “Hindi ko tinatanong kung naninigarilyo ka!” angil ng maninigarilyo.
Subalit ano ba ang nasa kaibuturan ng pagtatalong ito? Talaga bang masama sa iyo ang paninigarilyo? Dapat mo ba itong ihinto?
Mga Babala ng Pampamahalaang Pangkalusugan
Ang isyu tungkol sa tabako at sa kanser ay pinagtalunan sa loob ng mga dekada sa Estados Unidos. Ang industriya ng tabako ay nagkaloob ng milyun-milyong dolyar para sa pananaliksik noon pang 1960’s upang alamin ang kaugnayan sa pagitan ng kanser at ng tabako at sa gayo’y tumuklas ng ilang paraan ng paggawa ng sigarilyo na walang sangkap na nagdudulot-kanser. Ang isang resulta ay malamang na higit pa kaysa inaasahan ng mga tagagawa ng tabako.
Noong 1964 inilabas ng U.S. surgeon general ang unang report nito na nagbababala laban sa mga panganib ng paninigarilyo. Mula noong 1965 ang mga tagagawa ng sigarilyo sa E.U. ay pinag-uutusan ng batas na maglagay ng mga babala sa kanilang mga pakete. Sa simula ang mensahe ay hindi gaanong matindi: “Babala: Tinitiyak ng Surgeon General na ang Paninigarilyo ay Mapanganib sa Inyong Kalusugan.” Pagkatapos noong 1985 ang mga kompaniya ng tabako ay hiniling na paghali-halilihin ang apat na mga mensahe sa kanilang mga anunsiyo at sa kanilang mga produkto. Ang bawat isa ay nagsisimula sa pananalitang: “SURGEON GENERAL’S WARNING.” Pagkatapos ang iba’t ibang mensahe ay: “Ang Paninigarilyo ay Nagiging Sanhi ng Kanser sa Bagà, Sakit sa Puso, Empisema, At Maaaring Pagmulan ng Komplikasyon sa Pagdadalang-tao.” (Tingnan ang kahon sa pahina 4.) “Ang Paninigarilyo ng Babaing Nagdadalang-tao ay Maaaring Magbunga ng Pinsala sa Ipinagbubuntis, Panganganak Nang Wala sa Panahon, At Mababang Timbang sa Pagsilang.” “Ang Paghinto sa Paninigarilyo Ngayon ay Lubhang Nakababawas sa Malubhang Panganib sa Inyong Kalusugan.” “Ang Usok ng Sigarilyo ay Naglalaman ng Carbon Monoxide.”a
Ang ibang bansa, bukod sa Estados Unidos, ay naglabas na rin ng mga babala tungkol sa sigarilyo. Ang magasing India Today ay may anunsiyo na naglalakip ng mga salita: “BABALA AYON SA BATAS: ANG PANINIGARILYO AY NAKAPIPINSALA SA KALUSUGAN.” Sa Canada naman ay binabanggit sa maliliit na titik: “Babala: Ang Kalusugan at Kapakanan ng mamamayan ng Canada ay nagpapayo na ang panganib sa kalusugan ay tumitindi sa dami ng hinihitit na sigarilyo—iwasan ang paglanghap.” Mula noong Mayo 31, 1988, ang pag-aanunsiyo ng tabako ay ipinagbawal sa Canada. Sa Britaniya ang mga anunsiyo sa sigarilyo ay naglalakip ng mga salitang: “MIDDLE TAR [o LOW TAR] Gaya ng pagpapakahulugan ng Pamahalaang H.M. PANGANIB: BABALA ng Kagawaran ng Kalusugan ng Pamahalaan: MAAARING MALUBHANG MAPINSALA NG SIGARILYO ANG INYONG KALUSUGAN.” Ang pag-aanunsiyo ng tabako ay ipinagbawal sa Italya mula noong 1962. (Gayunman dinoble ng mga Italyano ang kanilang paninigarilyo sa nakalipas na 20 taon!) Taglay ang napakaraming babala batay sa tambak-tambak na siyentipikong katibayan, mahigit na 50,000 mga pag-aaral sa nakalipas na mga taon, ang konklusyon ay hindi maiiwasan—ang paninigarilyo ay mapanganib sa inyong kalusugan!
Bagaman ang paninigarilyo ay isang pandaigdig na palatandaan, hindi lahat ng mga bansa ay humihiling na ang mga babala ay ilagay sa produkto. At kapag ang benta ay humina sa isang lugar, ang mga dambuhala sa tabako, taglay ang kanilang mapamilit na pag-aanunsiyo, ay nagbubukas ng bagong mga pamilihan sa ibang bansa. Apektado ba ang inyong bansa ng malakas na pag-aanunsiyo ng tabako? Ang mga sigarilyong banyaga ba ay pinagtitinging mas kaakit-akit? Ano ang tunay na kuwento sa likuran ng “malakas na benta”?
[Talababa]
a Ang carbon monoxide, isang walang amoy na gas, ay bumubuo ng 1 hanggang 5 porsiyento ng usok ng sigarilyo at may malaking kaugnayan sa hemoglobin, ang nagdadala-oksihenong molekula sa dugo. Binabawasan nito ang mahalagang oksiheno na dapat sana’y tumatakbo sa dugo. Ito ay maaaring maging mapanganib sa isa na may sakit sa puso.
[Kahon/Larawan sa pahina 4, 5]
PANINIGARILYO at mga Babaing Nagdadalang-tao
Inilathala kamakailan ng magasing Sobyet na Nauka I Zhizn (Siyensiya at Buhay) ang isang artikulo ni Dr. Victor Kazmin kung saan inisa-isa niya ang mga panganib sa ina at sanggol kung ang ina ay naninigarilyo sa panahon ng pagdadalang-tao. Sabi niya: “Ang paninigarilyo ay gumagawa ng pagkalaki-laking pinsala sa organismo ng babae, na ang biolohikal na pagkakaiba ay gumagawa ritong lubhang sensitibo sa pagkalason. Sa paano man, ang usok ng tabako ay naglalaman ng mga sangkap na isang malaking panganib sa kalusugan.”
Sabi niya na maaaring aktuwal na nilalason ng naninigarilyong ina ang kanilang anak. “Ipinakikita ng mga pagsusuri sa laboratoryo ang pagkakaroon sa panubigan ng mga pasyenteng babae na naninigarilyo ng mga lason—nikotina at ang metabolite nito, cotinine. Subalit ang lubhang nakatatakot dito, gaya ng makikita sa pamamagitan ng electron microscopy, ay na kahit na ang kayarian ng talimpusod ay nagbabago sa mga babaing naninigarilyo sa panahon ng pagdadalang-tao; at sa talimpusod na ito tinatanggap ng ipinagbubuntis na sanggol ang lahat ng mga pangangailangan nito sa buhay mula sa ina. . . .
“Kung ang ina ay naninigarilyo sa unang dalawa o tatlong linggo ng paglilihi, bilang tuntunin, ang pinakamalubhang apektado ay ang sistema nerbiyosa ng binhi . . . Sa ikaapat o ikalimang linggo ng pagdadalang-tao nabubuo ang sistemang cardiovascular. Pagkatapos ito’y unang nalalason.”
Ang konklusyon ni Dr. Kazmin? “Ang paghitit ng tabako ay mas nakapipinsala sa ipinagbubuntis na sanggol kaysa sa ina mismo.” Sulit ba ito? Tandaan ang babala ng U.S. surgeon general: “Ang Paninigarilyo . . . ay Maaaring Pagmulan ng Komplikasyon sa Pagdadalang-tao.” At iyan ay mahinahong pag-uulat ng bagay na ito.
[Credit Line]
WHO/American Cancer Society
[Kahon sa pahina 5]
PANINIGARILYO at Empisema
Ang empisema ay isang sakit na humahantong sa unti-unting paninigas ng bagà, na sa wakas ay ginagawang imposibleng ihinga nang palabas ang lumang hangin. Ang Columbia University College of Physicians and Surgeons Complete Home Medical Guide ay nagsasabi: “Ang mga tao sa [Estados Unidos] na may empisema ay may iisang huwaran: Sila ay karaniwang mga lalaki, sa pagitan ng 50 at 70 anyos, na mga malakas manigarilyo sa loob ng mga ilang taon. Dati, ang mga babae ay hindi nagkakasakit ng empisema na kasindalas ng mga lalaki, subalit ang huwarang ito ay nagbabago samantalang ang mga babae ay patuloy na nagiging malakas manigarilyo.”
Susog pa ng kathang iyon: “Ang empisema ay maaaring magkunwa sa loob ng mga ilang taon bilang kakaibang bagay. Ang taong may empisema ay malamang na nagkakaroon ng grabeng sipon tuwing taglamig sa loob ng ilang taon, na may kasamang matinding ubo, at marahil ng talamak na brongkitis. Ang ubo ay kadalasang nagpapatuloy at nagiging talamak.” Ano pa ang ibang sintomas ng empisema?
“Ang empisema ay dahan-dahang nangyayari. Ang bahagyang hirap sa paghinga sa umaga at sa gabi ay maaaring sundan ng mga paghadlang sa mga gawain. Ang maikling paglakad ay maaaring sapat na upang pagmulan ng pangangapos ng hininga; ang pag-akyat sa hagdan ay mahirap. Sa wakas, habang hindi na gaanong naisasagawa ng bagà ang paghinga na paloob, paghinga nang palabas, at ang pagpapalit ng hangin, maaaring dumating ang punto kung kailan ang bawat paghinga ay nangangailangan ng malaking pagsisikap at ang pasyente ay nasasalanta at hindi na maisagawa ang normal na mga gawain.”
Sinasabi pa ng giya ring iyon sa medisina na ang empisema ay maaaring humantong sa grabeng problema sa puso at sa mga daluyan ng dugo. Sulit ba ito? Bakit kikitlin mo ang iyong mahalagang kaloob ng buhay bilang kapalit ng panandaliang ligaya na dulot ng nikotina?