Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 8/8 p. 12-13
  • Maaari bang Maging Ministro ng Diyos ang Isang Homoseksuwal?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maaari bang Maging Ministro ng Diyos ang Isang Homoseksuwal?
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Saserdote sa Israel
  • Ang Pamantayang Kristiyano
  • ‘Itatakwil Kita’
  • Puwede Bang Ipagmatuwid ang Homoseksuwalidad?
    Gumising!—2012
  • Homoseksuwalidad—Talaga Nga Bang Napakasama Nito?
    Gumising!—1995
  • Homoseksuwalidad—Ano ang Tungkulin ng Klero?
    Gumising!—1989
  • Ang Homoseksuwal na Istilo ng Pamumuhay—Gaano Nga Ba Kasaya Ito?
    Gumising!—1986
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 8/8 p. 12-13

Ang Pangmalas ng Bibliya

Maaari bang Maging Ministro ng Diyos ang Isang Homoseksuwal?

NOON ay Enero 1987, at si Robert Arpin ay mamamatay na sa sakit na AIDS. Iyan, sa ganang sarili, ay hindi na isang nakapagtatakang balita. Subalit si Robert Arpin ay isang pari, isa sa dumaraming bilang ng mga klerigong hayagang ipinahahayag na homoseksuwal.

Noong nakalipas na mga taon ang mga homoseksuwal ay “naglalabasan na sa taguan” at sila’y naglalabasan din sa mga seminaryo. Ang isang nag-aaral sa Catholic University Theological College sa Estados Unidos ay ganito ang pahayag sa National Catholic Reporter: “Tinataya kong 60 hanggang 70 porsiyento sa aking klase ang bakla at ganiyan din karami ang nasa seminaryo.” Tungkol sa kausuhan ng homoseksuwalidad sa mga seminaryo, si Anthony Kosnick, editor ng Human Sexuality, ay nagsabi: “Ito’y lalo pang palasak kaysa aking akala.”

Sarisaring relihiyon ang nagpahayag ng iba’t ibang pangmalas sa kung ang isang homoseksuwal ay dapat o hindi dapat maging isang ministro. Subalit, maraming tao ang hindi interesado sa mga opinyon na nauuso sa ngayon kundi, bagkus, sila’y interesado sa sinasabi ng Bibliya. Ano, kung gayon, ang pamantayan ng Diyos para sa mga ministro? Ang isa bang homoseksuwal ay kuwalipikado?

Mga Saserdote sa Israel

Sa sinaunang Israel ang pamantayan para sa mga saserdote ng Diyos na Jehova ay mataas. (Levitico, kabanata 21) Yamang sila’y kumakatawan sa Kabanal-banalang Diyos, sila’y kailangang manatiling malinis sa espirituwal, pisikal, at moral. “Sinumang hihipo sa dambana ay kailangang banal,” ang utos ng Diyos. Kaya, nang ang unang mataas na saserdote ng Israel, si Aaron, at ang kaniyang mga anak ay italaga bilang mga saserdote, ginanap ang pitong-araw na seremonya upang banalin sila para sa kanilang sagradong tungkulin.​—Exodo 29:37.

Ang mga saserdote ay may pananagutan ding ituro ang Kautusan ng Diyos at, kasama ng mga hukom, ay titiyakin nila na ito’y tutupdin. (Malakias 2:7) Kasali sa Kautusang iyan ang malinaw na pagkondena sa homoseksuwalidad. Ganito ang utos ng Diyos: “At kung ang isang lalaki ay sumiping sa kapuwa lalaki na gaya ng pagsiping sa babae, kapuwa sila nagkasala ng karumal-dumal. Sila’y papatayin na walang pagsala.” (Levitico 20:13) Kasuwato nito, ang mga saserdote ay kailangang sumunod sa Kautusan ding iyan.

Kapag ang mga saserdote ay hindi sumunod sa banal na kautusan, sila’y pinapatawan ng kasalanan, tulad sa halimbawa ng isang mataas na saserdote, si Eli, at ang kaniyang dalawang imoral na mga anak. (1 Samuel 2:12-35; 4:17, 18) Nang bandang huli, noong kaarawan ng propetang si Ezekiel, sinabi ni Jehova: “Ang mga saserdote ng [Israel] ay nagsigawa ng pandarahas sa aking kautusan, at kanilang patuloy na nilalapastangan ang aking mga banal na dako.” Dahil dito, sila’y itinakwil ng Diyos.​—Ezekiel 22:26, 31.

Ang Pamantayang Kristiyano

Ang pamantayan ng mga nangunguna sa pagsamba sa kongregasyong Kristiyano ay mataas din. Kabilang sa mga kuwalipikasyon na itinala sa Bibliya, pansinin ang mga ito: “walang kapintasan,” “makatuwiran sa pag-uugali,” “matino ang pag-iisip,” “kuwalipikadong magturo,” “[may] mabuting patotoo sa mga taong tagalabas.” (1 Timoteo 3:1-7) Samakatuwid, ang isang tagapangasiwang Kristiyano ay kailangang walang kapintasan. Ang kaniyang pangmalas sa kung ano ang mga gawaing nararapat at di-nararapat ay kailangang salig sa Bibliya, at ang kaniyang sariling asal ay hindi dapat katisuran niyaong mga taong hinahangad niyang turuan. Ang isa bang homoseksuwal ay nakatutugon sa pamantayang iyan ng Kasulatan?

Bago isulat ang nabanggit na mga alituntunin, si apostol Pablo ay nagbabala kay Timoteo tungkol sa ilang miyembro na naghahangad na “maging mga tagapagturo ng kautusan.” Iuutos ni Timoteo sa mga manggugulong ito ng pananampalataya na “huwag magturo ng naiibang doktrina.” Pagkatapos, kaniyang ibinabala kay Timoteo ang tungkol sa “mga taong walang kautusan at manggugulo, walang kabanalan at mga makasalanan,” at pagkatapos ay espisipikong binanggit niya ang “mga lalaking sumisiping sa mga kapuwa lalaki” bilang “sumasalansang sa magaling na aral.” (1 Timoteo 1:3-11) Tunay, ang isang nangunguna sa kongregasyon sa pagsamba ay kailangang huwag humadlang sa kapaki-pakinabang na mga turo ng Bibliya maging sa salita o sa istilo ng pamumuhay.​—Ihambing ang Roma 2:21.

Ang tindi ng payong ito ay makikita rin sa isinulat ni Pablo kay Tito sa Creta. Sa paghaharap ng mga kahilingan sa “ordinadong matatanda” (King James Version), kaniyang binanggit ang pagiging “walang kapintasan,” “matuwid,” “may pagpipigil sa sarili,” “naghahawakang mahigpit sa tapat na salita kung tungkol sa kaniyang sining ng pagtuturo.” (Tito 1:5-9) Kasali sa “tapat na salitang” iyon ang naunang liham ni Pablo sa mga Kristiyanong naninirahan sa Corinto, na doo’y binabanggit ang “mga lalaking sumisiping sa kapuwa mga lalaki” na hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos. (1 Corinto 6:9, 10) Dahil sa panghahawakan sa “tapat na salita” magagawa ng isang ministro na “sawayin yaong mga sumasalungat.” (Tito 1:9) Paano nga magagawa ng isang homoseksuwal na ministro na sawayin ang iba kung ang kaniyang sariling istilo ng pamumuhay ay salungat sa “tapat na salita”? Bagkus, sinabi ni apostol Pedro tungkol sa “mga bulaang guro” na “marami ang susunod sa kanilang gawang kalibugan.”​—2 Pedro 2:1, 2.

‘Itatakwil Kita’

Pag-isipan din ito: Sa isang pangitain, noong ikaanim na siglo B.C.E. nakita ni propeta Zacarias ang mataas na saserdoteng si Josue na nadaramtan ng maruruming kasuotan. Paano niya malilinis ang mga iyon upang siya’y makapagpatuloy na saserdote? “Kung ikaw ay susunod sa aking mga kautusan at gaganapin mo ang tungkuling iniatas ko sa iyo,” ang sabi ng Diyos, “ikaw ay magpapatuloy na maging tagapamahala ng aking Templo.” (Zacarias 3:7, Today’s English Version) Sa mga hindi nakasusunod sa banal na mga kautusan, kasali na yaong mga kautusang nagbabawal ng mga gawaing homoseksuwal, sinasabi ng Diyos: “Dahilan sa ang kaalaman ay iyong itinakwil, itatakwil din kita sa paglilingkod sa akin bilang isang saserdote.”​—Oseas 4:6.

Kung gayon, ang isa bang homoseksuwal ay maaaring maging isang ministro ng Diyos na Jehova? Hindi. Ang mga taong hindi kuwalipikado ayon sa “magaling na turo” na nasa Bibliya ay hindi mga tunay na ministro ng Diyos.​—Tito 2:1; 1 Timoteo 1:10; tingnan din ang Roma 1:24-27, 32.

[Larawan sa pahina 13]

Paanong ang isang ministro ay wastong makapagtuturo sa iba kung ang kaniyang sariling istilo ng pamumuhay ay sumasalungat sa “tapat na salita”?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share