Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 9/8 p. 14-19
  • “Ibigay Man ang Lahat ng Tsa sa Tsina!”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Ibigay Man ang Lahat ng Tsa sa Tsina!”
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sinakop ng Tsa ang Dulong Silangan
  • Natuklasan ng Europa ang Tsa
  • Ang Inumin na Umaliw sa mga Britano
  • Tsa, mga Buwis, at mga Digmaan
  • Bakit Hindi Ka Magtsa?
  • Pag-inom ng Tsa sa Paraan ng mga Tsino
    Gumising!—2005
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—2002
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 9/8 p. 14-19

“Ibigay Man ang Lahat ng Tsa sa Tsina!”

BINAGO nito ang landas ng kasaysayan. Ang pinakamalakas na kompaniya ng negosyo noong panahong iyon ay nakasalalay dito. Ang mga marinong Olandes ay naglakbay ng libu-libong milya sa paghanap nito. Kasunod ng tubig, ito ang paboritong inumin sa daigdig. Ano ba ito? Tsa!

Naitanong mo na ba kung paano naging popular ang tsa? Saan ito nanggaling? Gaya ng di-mabilang na mga bagong bagay, ito’y nanggaling sa Tsina. Mga 500 taon bago ang Karaniwang Panahon, binanggit ni Confucius ang tsa sa isa sa kaniyang mga tula. Sinasabi ng kasaysayan ang tungkol sa isang emperador na Intsik na, pagkaraan ng 300 taon, ay pinarami ang walang lamang tesoreriya sa pamamagitan ng buwis sa tsa.

Bagaman napakaraming alamat upang ipaliwanag ang pinagmulan nito, malamang na hindi natin malalaman kung paano talaga natuklasan ang tsa. Iniuugnay ito ng isang kuwento kay Emperador Shen Nung, na umiinom lamang ng pinakuluang tubig kapag naglalakbay sa buong bansa. Minsan isang sanga ng nasusunog na pananim ang nilipad tungo sa kumukulong tubig. Sa kaniyang pagtataka, napansin ng emperador ang napakasarap na lasa at ang masarap na amoy ng bagong inumin. Ang kaniyang tuklas ay ang tsa!

Sang-ayon sa ikalawang alamat, isa sa mga alagad ni Buddha, isang nagngangalang Bodhidharma, ay naniniwala na ang tunay na pagkasanto ay makakamit lamang sa pamamagitan ng madalas na pagbubulaybulay o meditasyon, araw at gabi. Noong panahon ng kaniyang mahabang pagpupuyat, nadaig siya sa wakas ng antok. Upang huwag siyang padaig sa kahinaan ng tao sa ikalawang pagkakataon, pinutol niya ang mga talukap ng kaniyang mata. Ito ay nahulog sa lupa at makahimalang tumubo. Kinabukasan isang luntiang palumpong ang lumitaw. Tinikman niya ang mga dahon at nasumpungan niya ang mga ito ay katakam-takam na nakagiginhawa. Mangyari pa, ito ang halamang tsa.

Sinakop ng Tsa ang Dulong Silangan

Hindi nagtagal at nasakop ng tsa ang Hapón. Dinala ito roon ng Intsik na mga mongheng Budista, na dumating noong ikasiyam na siglo na may ‘lutuan ng tsa sa kanilang balutan.’ Hindi nagtagal, ang tsa ay paborito ng mga Hapones anupa’t pagkalipas ng 400 taon, isang “napakapormal na ritwal” ng paghahanda at pagsisilbi ng tsa, na tinatawag na chanoyu, ay naging isang pambansang institusyon.

Gayunman, bagaman pinagbubuti ng mga Hapones ang metikulosong seremonya ng pag-inom-ng-tsa, ang tsa sa Tsina ay tila hindi masarap. Bagaman pinupuri ng mga makatang Intsik ang tsa na isang “bumubulang likidong jade,” karaniwan nang ito’y parang sopas. Ang berdeng mga dahon ng tsa ay pinakukuluan sa tubig na may asin at kung minsan ay tinitimplahan ng luya at kanela o sibuyas pa nga, at kung minsan ang karaniwang resipi ay na nilalaga na may gatas at kanin pa nga.

Gayunman, isang Intsik ang sumulat ng unang aklat na inialay sa paggawa ng tsa. Bandang 780 C.E., inilathala ni Lu Yu ang Tscha-King (Aklat ng Tsa), na di-nagtagal ay naging bibliya ng tsa para sa mga mahilig sa tsa sa Dulong Silangan. Naimpluwensiyahan ng taong ito, pinagbuti ng Tsina ang mga kaugalian nito sa tsa, inihahanda ang inumin sa mas mahusay, gayunma’y simpleng, paraan: Ang pinakuluang tubig na may kaunting asin​—ang tanging pagbibigay sa malaon nang naiibigang sinaunang resipi​—ay ibinubuhos sa tuyong mga dahon ng tsa. Napansin ni Lu Yu na ang tsa ay alin sa masarap o hindi depende sa masarap na amoy nito. Nakilala niya na ang lasa nito at kalidad ay tinitiyak hindi lamang ng halaman na tsa mismo kundi higit pa, gaya ng sa kaso ng alak, tinitiyak ito ng mga salik na gaya ng lupa at klima. Iyan ang nagpapaliwanag kung bakit masasabi niya na mayroong “isang libo at sampung libong” mga tsa.

Hindi nagtagal pinaghalo ng mga Intsik ang mga tsa, at daan-daang iba’t ibang uri ang ipinagbibili. Hindi kataka-taka, ang bansa na nagbigay ng tsa sa daigdig ang siya ring nagbigay ng pansansinukob na pangalan nito: Ito ay mula sa isang karakter na Intsik sa wikang Amoy Intsik.

Natuklasan ng Europa ang Tsa

Kumuha ng mahabang panahon upang matuklasan ng mga Europeo ang kanilang panlasa sa tsa. Bagaman si Marco Polo (1254-1324), isang negosyanteng taga-Venice at abenturero, ay malawakang naglakbay sa Tsina, minsan niya lamang binanggit ang tsa sa kaniyang mga pag-uulat ng paglalakbay. Binanggit niya ang tungkol sa isang Intsik na ministro sa pananalapi na napaalis sa trabaho dahil sa pinataasan niya ang buwis para sa tsa. Pagkalipas ng mga 200 taon, isa pang taga-Venice, si Giovanni Battista Ramusio, ay nagbigay sa Europa ng kaniyang unang detalyadong paglalarawan ng paggawa at paggamit ng tsa. Kaya, sa pasimula ng ika-17 siglo, ang unang mga sampol nitong eksotikong bagong inumin ay ipinagbili sa mga botika sa Europa, ang dating halaga ay umaabot sa halaga ng ginto. Hindi kataka-taka ang orihinal na kasabihang Australiano na “Ibigay man ang lahat ng tsa sa Tsina!” ay nangangahulugang​—“Talagang hindi!”

Samantala, ang mga Olandes ay nagsimulang makipagkalakalan sa Dulong Silangan, ang tsa ay isa sa kanilang eksotikong inaangkat na kalakal. Isang negosyante, si Johan Nieuhof, ay nag-uulat tungkol sa kaniyang walang katapusang negosasyon sa mga opisyal na Intsik, na karaniwang ang sukdulan ay isang bangkete kung saan ang inumin ay isinisilbi. Pinintasan niya ang inuming ito at tinawag na isang “sopas na balatong.” Pagkatapos ilarawan kung paano ito inihahanda at na ito ay “hinihigop na mainit hanggang sa matitiis mo,” sinabi pa niya na “pinahahalagahan ng mga Intsik ang inuming ito kung paano pinahahalagahan ng mga alkemiko ang kanilang Lapidum Philosophorum . . . yaon ay, ang bato ng pilosopo.” Gayunman, pinuri rin niya ang tsa bilang isang mabisa, bagaman mura, na lunas sa lahat ng uri ng karamdaman.

Ang Inumin na Umaliw sa mga Britano

Bagaman ang mga Britano ang pinakamahilig uminom ng tsa ngayon, kapuwa ang mga Olandes at mga Portuges ang tumulong upang kumbertihin sila sa tsa. Inaakalang ang mga Judio, na inanyayahang bumalik sa Inglatera ni Oliver Cromwell mula sa kanilang pagkabihag sa Amsterdam, ang nagdala ng tsa. Ang Setyembre 23, 1658, ay napatunayang isang mahalagang petsa may kaugnayan sa tsa. Ito ang kauna-unahang panahon na isang anunsiyo sa tsa ang lumitaw sa isang pahayagang Ingles. Ipinatalastas ng Mercurius Politicus na isang inumin na tinatawag ng mga Intsik na tchan subalit tinatawag ng ibang tao na tsa ay ipagbibili sa Sultan’s Head, isang kapihan sa Lungsod ng London. Pagkalipas ng tatlong taon, napangasawa ng Ingles na haring si Charles II ang isang eksperto sa tsa, ang Portuges na prinsesang si Catherine ng Braganza, na nagpakilala ng panahon ng pag-inom ng tsa sa korteng Ingles. Pinatunayan niyan ang tagumpay sa mga inuming de alkohol, na iniuulat na hinihigop “sa umaga, tanghali, at sa gabi,” kapuwa ng mga maharlikang lalaki at babae. Walang anu-ano, ang tsa ay naging usong inumin.

Bagaman itinatanim na libu-libong milya ang layo, ang tsa ay dinadala sa London nang maramihan. Nang maglaon ang East India Company ang nakakuha ng pantanging karapatang mangalakal ng tsa sa Tsina, nasasarili ang negosyo sa Dulong Silangan ng mga 200 taon. Karamihan sa Europa ay nagsimulang uminom ng tsa, bagaman ang Pransiya ay hindi nakumberte sa bagong inumin.

Tsa, mga Buwis, at mga Digmaan

Ang tsa ay isang biglang pakinabang para sa gipit na gipit na mga gobyerno. Sa simula isang buwis ang ipinapataw araw-araw sa aktuwal na dami ng tsa na iniinom sa mga kapihan sa London. Ang nakapapagod na pamamaraang ito ay inalis noong 1689, nang isang buwis ay singilin sa bawat librang tuyong dahon ng tsa. Ang mga buwis na umaabot ng hanggang 90 porsiyento at ang lumalakas na kahilingan dito ay humantong sa pagsagana ng negosyong pagpupuslit sa timog baybayin ng Inglatera, sapagkat ang tsa ay mas mura sa Kontinente. Kahit na ang ersatz na mga tsa ay itinatanim. Ang gamít nang mga dahon ay nilalagyan ng molases at luwad​—ipinalalagay na isinasauli ang orihinal na kulay ng tsa​—at saka pinatutuyo at muling ipinagbibili. Isang “manghuhuwad” ang nakagawa ng tinatawag na “smouch,” isang masangsang-na-amoy na timpla ng pinatuyong dahon ng fresno at ibinabad sa dumi ng tupa, at saka inihahalo sa tunay na tsa bago ipagbili!

Binago pa nga ng tsa ang landas ng kasaysayan. Ang tatlongpera-bawat-libra na buwis sa tsa ang pinagmulan ng Digmaan ng Kasarinlan ng Amerika. Binatikos ng galít na mga taga-Boston ang “maliit ngunit mapaniil” na buwis na ito. Mahigpit na sinalakay ng galít na mga mamamayan ng kolonya, ang ilan ay nagkunwang mga katutubong Amerikano (mga Indyan), ang mga kubyerta ng tatlong East Indiamen na nakapugal sa daungan, binuksan ang mga kaban ng tsa, at inihagis ang lahat ng kargamento sa dagat. Mula rito bumangon ang kasabihang “Boston Tea Party.” Ang iba pa ay kasaysayan na.

Isa pang digmaan ang ipinakipaglaban dahil sa tsa, ang Digmaang Opyo. Ang Tsina ay binabayaran ng pilak sa mga iniluluwas nitong tsa, yamang walang pangangailangan para sa mga panindang Europeo. Gayunman, ang opyo ay labis na pinakahahangad​—bagaman ipinagbabawal​—na kalakal. Mabilis na tinugunan ng East India Company ang pangangailangang iyan sa pamamagitan ng palitan ng opyo at ng tsa. Ang walang konsensiyang kompaniya ay nagtanim ng opyo sa gawing silangan ng India upang tustusan ang pagkalaki-laking pamilihang Intsik. Ang ilegal na kalakalang ito ay nagpatuloy sa loob ng mga sampung taon, sinasapatan nang husto ang di-mabilang na mga kanlungan ng opyo, hanggang sa wakas ito ay binawasan ng pamahalaang Intsik. Pagkaraan ng ilang maikling labanan sa pagitan ng mga Britano at mga Intsik tungkol sa isyung ito, sumiklab ang digmaan na nagwakas sa isang kahiya-hiyang pagkatalo para sa mga Intsik noong 1842. Ang tsa ay iniluwas na muli sa Inglatera, at napilitang tanggapin ng Tsina ang mga pag-aangkat ng opyo.

Bakit Hindi Ka Magtsa?

Maaga sa kasaysayan ng tsa, kinikilala na ang tsa ay nakapagpapasigla, pangunahin nang dahil sa taglay nitong caffeine. Ang tsa ay unang ipinagbili sa mga botika at ipinalalagay na panlahat-na-lunas sa iba’t ibang karamdaman na gaya ng pamamanas at scurvy. Ito rin ay mabisang lunas sa kawalang gana gayundin sa labis na pagkain. Ngayon, batid nang ang tsa ay naglalaman ng ilang bitamina B-complex. Gayunman, pinararami rin nito ang iniinom na caffeine. Isa pa, sa palaisip-sa-calorie na Kanluraning lipunan, mahalagang tandaan na ang isang tasang tsa ay mayroon lamang apat na calories kung iinuming walang gatas at asukal.

Madaling masira ang tsa. Hindi ito maaaring iimbak nang matagal. At higit sa lahat, kailangan itong itago nang wasto. Huwag itong itago na kasama ng iba pang damong-gamot o herbs o, masahol pa, huwag itong itago na kasama ng mga pampalasa. Madaling kinukuha ng tsa ang lasa ng anumang bagay na katabi nito, anupa’t pinaliligo ng Britanong mga manedyer ng taniman ng tsa noong nakalipas na siglo ang kanilang mga tagapitas ng tsa tuwing sila’y magtatrabaho!

Siyanga pala, masarap din ang malamig na tsa. Noong panahon ng St. Louis World’s Fair noong 1904, hindi mabenta ng isang Ingles ang kaniyang kumukulong mainit na tsa sa pawís na pawís nang mga bisita. Kaya ibinuhos niya ito sa yelo, at doon nagsimula ang nakagiginhawang inumin sa tag-araw ng Amerika.

Iniinom ng mga Britano ang kanilang tsa na may gatas, ang mga Frisiano sa hilagang Alemanya ay iniinom ito kasama ang puting asukal na animo’y kendi at nilalagyan ng krema sa ibabaw, tinitimplahan naman ito ng mga taga-Morocco ng herbabuwena, samantalang ang mga taga-Tibet naman ay nilalagyan ito ng asin at mantikilya. Gayunman, karamihan ng mga mahilig sa tsa ay naninindigan sa dating mungkahi ni Lu Yu at iniluluto ang tsa sa sariwang kumukulong tubig-bundok, kung mayroon pa niyan.

Pagkatapos basahin ang napakaraming bagay tungkol sa tsa, nauuhaw ka ba? Bakit hindi ka muna uminom ng isang tasang tsa ngayon?

[Kahon sa pahina 15]

“Salamat sa Diyos at may tsa! Ano na lang ang gagawin ng mundo kung walang tsa?​—paano ba ito umiral? Mabuti na lamang at hindi ako isinilang bago ang tsa.”​—Sydney Smith (1771-1845), manunulat na Ingles

[Kahon/Larawan sa pahina 18]

Mula sa Taniman Hanggang sa Kapitera

Mayroong daan-daang iba’t ibang halamang tsa ngayon, pawang mestiso ng tatlong pangunahing uri. Ang bukirin ng mga tsa ay karaniwang masusumpungan sa bulubunduking dako kung saan ang tubig-ulan ay nasasaid. Ang rehiyon na pinakamalaking taniman ng tsa ngayon ay ang Assam, sa gawing hilaga ng lalawigan sa India na may gayunding pangalan. Gayunman, ang pinakamasarap na tsa ay sinasabing yaong galing sa Darjeeling, sa paanan ng Bundok Himalaya. Ang maulan na klima at maasidong lupa ay gumagawa ng isa sa pinakamasarap na tsa, ginagawa ang Darjeeling na “lupang pangako” ng tsa.

Sa Darjeeling ang ani ay pana-panahon, at ang mga namimitas ng tsa ay abala kung Marso at Abril sa pamimitas ng unang usbong, na magiging natatangi, masarap na tsa. Ang ikalawang usbong, na pinitas sa tag-araw, ay manilaw-nilaw na kayumangging kulay na tsa, samantalang ang bread-and-butter na tsa ay inaani sa taglagas. Sa ibang lugar ang pamimitas ay ginagawa sa buong panahon sa pagitan ng mula mga ilang araw o hanggang ilang linggo. Mientras mura at malambot ang mga usbong, mas masarap ang tsa. Ang pamimitas ay nangangailangan ng maraming kasanayan at pangangalaga. Sa paano man, ang 30,000 usbong ay nabibigay lamang ng 6 na kilo ng tsang Darjeeling, ang isang araw na trabaho ng isang bihasang mamimitas. Subalit ang naani ay hindi pa tsa.

Ngayon, nagsisimula na ang apat-na-yugtong proseso sa paggawa. Una sa lahat, ang berdeng mga usbong ay kailangang malanta upang mawala ang mga 30 porsiyento ng katas nito at maging malambot at makinis na parang katad. Pagkatapos handa na itong irolyo, ang susunod na hakbang. Sa pagrurolyo, ang mga selula ng mga dahon ay nabubuksan, na naglalabas ng natural na katas na nagbibigay sa tsa ng natatanging lasa nito. Sa ikatlong hakbang, ang mga dahon ng tsa ay nagbabago mula sa manilaw-nilaw na berde tungo sa kulay tansong kayumanggi. Ang prosesong ito ay tinatawag na permentasyon. Ang nasirang mga dahon ay inilalatag sa mga mesa sa mahalumigmig na atmospera at nagsisimulang mangasim. Ngayon ang mga dahon ay kailangang patuyuin sa araw, o sa apoy. Ang prosesong ito ang gumagawa sa mga dahon na maging itim, at kapag ibuhos mo ang mainit na tubig dito saka muling nagiging kulay tansong-kayumanggi ito.

Sa wakas, ang mga tuyong dahon ay inuuri at iniimpake sa mga kahon na may saping papel at aluminum foil, handa nang iluwas sa mga mangangalakal sa buong daigdig. At, pagkatapos haluin at i-blend, ang tsa ay handa nang ilaga sa iyong kapitera.

[Larawan sa pahina 14]

Timbangan ng tsa ng Intsik

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

Pagawaan ng tsa, Sikkim, India​—Kanan

Pamimitas ng tsa sa India​—Dulong kanan

Taniman ng tsa sa Sri Lanka​—Ibabang kanan

Mga dahon at bulaklak ng halamang-tsa​—Gitna

Hapones na mga Mamimitas ng tsa​—Ibabang kaliwa

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share