Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 7/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pinakamalaking Butas na Naiulat sa Ozone Layer ng Antartica
  • Taon na Mataas ang Temperatura ng Buong Globo
  • Ang Tapón, Kabuhayan, at Buhay-Iláng
  • Bagong ‘Cold War’
  • Mga Libing na Lalong Nagpapahirap
  • Kung Paano Maaaring Labanan ng Berdeng Tsaa ang mga Selula ng Kanser
  • Kagat ng Aso at ang mga Bata
  • Eau de Metro?
  • Ehersisyo sa Panimbang Upang Maiwasan ang Pagtumba
  • Edukasyon at Pagkamatay ng mga Sanggol
  • “Ibigay Man ang Lahat ng Tsa sa Tsina!”
    Gumising!—1989
  • Pag-inom ng Tsa sa Paraan ng mga Tsino
    Gumising!—2005
  • Kapag Nasira ang Ating Atmospera
    Gumising!—1994
  • Ligtas Ba ang mga Bata sa Inyong Aso?
    Gumising!—1997
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 7/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Pinakamalaking Butas na Naiulat sa Ozone Layer ng Antartica

Noong Setyembre 1998, ang laki ng butas na nabubuo taun-taon sa ozone layer sa ibabaw ng Antartica ay nakahigit na sa lahat ng iba pang naiulat na sukat, ulat ng The UNESCO Courier. Ipinapakita ng mga kuha ng satelayt na ang laki ng butas ay umabot na sa mga dalawa at kalahating ulit ng sukat ng Europa. Ipinagsasanggalang ng ozone layer sa stratosphere ang mga nabubuhay na nilalang at mga ekosistema sa daigdig mula sa ultraviolet radiation ng araw. Ang pagtindi ng radiation ay naglalagay sa mga tao sa mas malaking panganib na masunog ang balat, magkaroon ng kanser sa balat, at katarata, sabi ng ulat. Ang mga chlorofluorocarbons (CFCs), na ginagamit na pampalamig at pang-isprey ng aerosol, ay sinasabing siyang pangunahing sanhi ng pinsala sa ozone layer. Noong 1987, sa isang komperensiya sa Montreal, 165 bansa ang nangakong titigil na sa paggamit nito. Sa kabila nito, sinabi ng The UNESCO Courier na “aabutin ng di-kukulangin sa 60 taon para lubusang maglaho ang CFCs sa stratosphere.”

Taon na Mataas ang Temperatura ng Buong Globo

Ang nakaraang taon, 1998, ang siyang pinakamainit na taon mula noong 1860, ulat ng Science News. Ang temperatura sa kalagitnaang ibabaw ng lupa ay tinatayang umabot sa 0.58°C. na higit sa katamtamang temperatura sa pagitan ng 1961 at 1990. “Para sa mga eksperto sa klima, na nababahala tungkol sa pangglobong mga pagbabago nang ikasandaang bahagi ng isang digri, ang init noong nakaraang taon ay napakatindi na gaya ng taluktok ng Himalaya,” sabi ng magasin. Sinabi rin ng ulat na ang pito sa pinakamaiinit na taon na naiulat ay naranasan mula noong 1990, at ang lahat ng unang sampu ay mula noong 1983. Ayon kay Jonathan Overpeck, ng U.S. National Oceanic and Atmospheric Administration, ang nakaraang dalawang dekada ang maaaring siyang pinakamainit sa nakaraang 1,200 taon. Iniulat ng World Meteorological Organization na ang hilagaang bahagi lamang ng Europa at Asia ang hindi apektado sa pag-init na ito. Ang timugang Estados Unidos ay nakaranas ng labis na init sa tag-araw, at sa gitnang Russia, ang isang yugto ng mainit na panahon noong Hunyo ay pumatay ng mahigit sa 100 katao at humantong sa malalaking sunog.

Ang Tapón, Kabuhayan, at Buhay-Iláng

Walumpung porsiyento ng tapón sa daigdig ang galing sa balat ng mga punong cork oak sa timugang Espanya at Portugal. Doon ay binabalatan ng mga magsasaka ang kanilang matatayog na punungkahoy tuwing ikasiyam na taon. Ang cork oak ang tanging punungkahoy na muling tinutubuan ng balat sa ganitong paraan. Kamakailan, ang daan-daan taóng hanapbuhay na ito ay nanganib dahil sa pagdami ng ginagamit na mga plastik na takip ng bote, ulat ng Guardian Weekly sa Manchester, Inglatera. Kung mamamatay ang industriya ng likas na tapón, ang mga punungkahoy ay baka putulin upang makapagtanim ng mas pakikinabangang mga pananim. Nangangamba ang mga tagapangalaga ng kapaligiran na maraming ibon sa gayon ang mawawalan ng kagubatan na kanilang inaasahan para mabuhay. “Apatnapu’t dalawang uri ang umaasa sa mga oak,” sabi ng pahayagan, “kasali na ang nanganganib malipol na Spanish imperial eagle na namumugad dito at may kabuuang populasyon na 130 pares.”

Bagong ‘Cold War’

“Sinisikap ng mga may-ari ng tindahan na punuin ang kanilang mga freezer ng sorbetes dahil sabik na sabik ang mga taga-Slovenia na bumili ng lahat ng iba’t ibang uri at lasa ng sorbetes,” ulat ng pahayagang Delo ng Ljubljana. Ayon sa pahayagang ito, lalong tumitindi ang pagkahilig ng mga taga-Slovenia sa sorbetes​—ang mga gumagawa roon ng sorbetes ay nag-ulat kamakailan ng 22-porsiyentong paglaki ng taunang benta. Sa ganitong antas ng pagdami, sa kalaunan ay lalampasan pa ng nakokonsumong sorbetes ng bansa sa loob ng isang taon na 4.3 litro bawat tao ang aberids na 5.5 litro sa mga taga-Kanlurang Europa. Subalit kung tungkol sa kung sino sa Europa ang pinakamalakas kumain ng sorbetes, nauuna pa rin ang mga Sweko. Ayon sa Euromonitor, isang grupo ng mga eksperto na sumusubaybay sa pamilihan, ang mga Sweko sa katamtaman ay nakauubos ng halos 16 na litro ng sorbetes bawat tao sa isang taon. Sa buong daigdig, nangunguna pa rin ang mga Amerikano, na nakauubos ng mahigit sa 20 litro bawat tao sa loob ng isang taon.

Mga Libing na Lalong Nagpapahirap

“Ang gastos sa pamumuhay ay tumataas,” ulat ng Times of Zambia, “ngunit . . . ang gastos sa pagkamatay ay lalo pang tumataas.” Sa maraming bahagi ng Aprika, kasali na ang Zambia, ang mga libing ay kadalasan nang inaantala upang magkaroon ng sapat na panahon para makarating ang mga kaibigan at mga kamag-anak mula sa malalayong lugar at makasali sa mga ritwal sa pagluluksa na tumatagal ng isang linggo o higit pa. Kadalasan, ang lahat ng naroroon ay umaasang pakakainin at paglalaanan ng matutuluyan. Ang naulilang pamilya ay inaasahan ding magbibigay ng pamasahe pauwi para sa mga nagdarahop. Dahil sa gayong mga libing, ang mga naulilang pamilya ay lalong nababaon sa kahirapan. “Ang makabagong mga libing,” sabi ng ulat, ay “nagiging lalong magastos dahil sa dami ng nakikiramay na wala namang naitutulong sa anumang paraan.” Iminumungkahi ng pahayagan na ilibing kaagad ang taong namatay upang mabawasan ang pasanin ng mga naulila.

Kung Paano Maaaring Labanan ng Berdeng Tsaa ang mga Selula ng Kanser

Ipinapakita ng mga pag-aaral na ang mga taong umiinom ng berdeng tsaa ay malamang na hindi gaanong tubuan ng kanser at na maging ang mga hayop na binigyan ng tsaa ay nakikinabang din sa ganitong paraan. Kamakailan, natuklasan ng mga mananaliksik sa Purdue University sa Indiana, E.U.A., ang maaaring isang bahagi ng dahilan nito, ulat ng Science News. Ang epigallocatechin gallate (EGCg), isang sangkap ng berdeng tsaa, ay nagpapatigil sa isang uri ng enzyme na kailangan ng mga selula ng kanser para mahati ito. Waring hindi nagkakaroon ng ganitong epekto ang EGCg sa paghahati ng normal na mga selula. Ang itim na tsaa, na siyang pinipili ng mga 80 porsiyento ng mga umiinom ng tsaa sa daigdig, ay may kakaunting EGCg. Ang bagay na iyan, sabi ng mga mananaliksik, ang maaaring magpaliwanag kung bakit ang bisa ng itim na tsaa ay ikasampung bahagi hanggang sa ikasandaang bahagi lamang ng bisa ng berdeng tsaa sa paghadlang sa reaksiyon ng mga enzyme sa mga selula ng kanser na pinalaki sa test tube.

Kagat ng Aso at ang mga Bata

Ang maliliit na bata ay kadalasang mga biktima ng kagat ng aso sa Estados Unidos, ulat ng UC Berkeley Wellness Letter. Gayunpaman, nagkomento ang ulat na karamihan sa kagat ng aso ay maiiwasan naman. Upang mabawasan ang panganib, inirerekomenda ng Wellness Letter na magsimula ang mga magulang sa pamamagitan ng pagpili sa isang tuta na may mabuting ugali. Pagkatapos, dapat na ipakapon nila ito at saka may kabaitan ngunit may katatagan na sanayin ito na sumunod at maging palakaibigan sa mga tao, lalo na sa mga bata. Sinabi ng Wellness Letter: “Iyon man ang pinakamaamong aso, huwag kailanman isiping matutuwa ito sa isang bagong sanggol o pagbibigyan ang isang gumagapang-gapang na bata. Magbantay.” Ang mga bata ay dapat na turuang huwag basta lalapit sa aso. Hayaan na ang may-ari ng aso ang magpakilala rito. Kausapin ang aso, at ialok dito ang nakakuyom na kamao upang amuyin. Kung ang aso ay umungol o manindig ang balahibo, manatiling tahimik at huwag tatalikod at tatakbo. Binanggit ng Wellness Letter: “Ang mga aso, gaya ng mga lobo, ay likas na hahabol at sasalakay sa isang tumatakas na target.”

Eau de Metro?

Ang mga opisyal ng transportasyon sa Pransiya ay nagpakilala ng isang bagong pabango upang malunasan ang hindi gaanong kanais-nais na amoy ng perokaril sa ilalim ng lupa sa Paris. Ang pabango, na pinanganlang Madeleine mula sa pangalan ng isa sa mga istasyon ng Metro, ay idinagdag sa mga produktong panlinis na ginagamit ng kompanya, ulat ng tagapagbalitang Reuters. Ipinaliwanag ng direktor ng Metro na si Jacques Rapoport na ang proyektong ito ay gumugol ng limang taon sa pananaliksik at pagbuo. “Kinailangan naming tumuklas ng isang amoy na kanais-nais sa halip na masangsang, na tumatagal ng mga dalawang linggo at nagpapadama ng kalinisan at pagiging malusog,” sabi niya. Nagkomento ang mga opisyal ng Metro na ang Madeleine ay nilayong magsaboy ng bango ng “lalawigan, kakahuyan, mga bulaklak at prutas.”

Ehersisyo sa Panimbang Upang Maiwasan ang Pagtumba

“Sangkatlo ng mga taong mahigit 65 anyos ang natutumba nang di-kukulangin sa minsan isang taon, anupat marami sa kanila ang nagkakaroon ng pinsala gaya ng pilay sa balakang na maaaring hindi na kailanman maghilom,” ulat ng The New York Times. Habang nagkakaedad tayo, nababawasan ang kakayahan ng ating katawan na matantiya ang posisyon nito, na nagpapangyaring maging mas mahirap mapanatili ang ating panimbang. Ipinapakita ng isang kamakailang pag-aaral sa University of Connecticut School of Medicine na ang regular na mga ehersisyo sa panimbang, gaya ng pagtayo sa iisang paa o paglakad sa ibabaw ng isang mababang beam na kahoy, ay maaaring magpahusay ng panimbang ng nakatatandang mga tao. Gayunman, si Gina Allchin, ng Sullivan & Cromwell corporate fitness center, ay nagpapayo na magsimula nang dahan-dahan, anupat nililimitahan sa sampung minuto ang mga sesyon para sa mga ehersisyo sa panimbang, sa loob ng dalawa o tatlong beses sa isang linggo. Sinabi niya: “Waring isang hamon ang ganitong uri ng pagsasanay at maaari kang makadama ng pagod at pangingirot kung masobrahan mo ito.”

Edukasyon at Pagkamatay ng mga Sanggol

“Pitong bilyong dolyar pa bawat taon ang kailangan sa susunod na dekada upang ang lahat ng bata sa buong daigdig ay [makapag-aral sa paaralang] primarya pagsapit ng taóng 2010,” sabi ng The State of the World’s Children 1999​—Education, isang ulat ng United Nations Children’s Fund. “Ang halagang ito ay mas mababa sa ginagasta taun-taon ng mga Europeo sa sorbetes o ng mga Amerikano sa mga kosmetiko.” Ayon sa The Times of India, 66 na porsiyento lamang ng mga lalaking nasa hustong gulang at 38 porsiyento ng mga babae sa India ang nakapag-aral. Kung saan mas maraming babae ang nag-aaral sa paaralang primarya, bumababa naman ang bilang ng namamatay na sanggol. Ang epekto ng gayong saligang edukasyon ay makikita sa estado ng Kerala sa timugang India, kung saan 90 porsiyento ang nakapag-aral at “ang bilang ng namamatay na sanggol ay siyang pinakamababa sa lahat ng papaunlad na mga bansa.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share