Pag-inom ng Tsa sa Paraan ng mga Tsino
ANO ang gusto mong ihalo sa iyong tsa? Sa Britanya, ang lugar na kinalakhan ko, isinisilbi ito nang may gatas at kung minsan ay asukal, at matapang ang lasa nito at mabango kapag nilaga. Sa katunayan, kung minsan ay binibiro namin si Inay, na sinasabing napakatapang ng tsa na ginawa niya anupat lulutang ang isang kutsara rito! Ang black tea na ginagamit niya ay tinatawag na tsa ng India, yamang nagmula ito sa India o Sri Lanka. Sa aming bahay ay mayroon ding maliit na lalagyan ng black tea ng Tsina na may naiibang lasa at bango. Hindi naman talaga ako mahilig sa tsa, kahit na laging naglalagay si Inay ng kaunting tsa sa aking gatas.
Nang maglaon, natikman ko ang isang kakaibang uri ng tsa. Isang kaibigang Hapones ang nag-anyaya sa akin na uminom ng tsa. Isinilbi niya sa maliliit na tasang walang hawakan ang green tea na mapusyaw ang kulay, pero iba ang lasa ng tsa na ito sa mga natikman ko. Ito ang tsa na gusto ko! Subalit nagulat ang punong-abala namin nang humingi ng gatas at asukal ang kasama ko upang ilagay sa tsa! Ipinaliwanag ng aming punong-abala na hindi iniinom ang tsa ng Hapon sa gayong paraan. Nang maglaon, noong tumira ako sa Hapon, tuwang-tuwa ako dahil laging saganang nagsisilbi ng tsa ang mga Hapones sa mga kaibigan at mga bisita.
Nang maglaon, lumipat ako sa Taiwan. Inisip ko kung ang tsa na isinisilbi ng aking nanay ay paborito ng karamihan ng mga Tsino. Tuwang-tuwa ako na green tea rin pala ang iniinom dito sa Taiwan, bagaman medyo naiiba ang lasa nito sa tsa ng Hapon. At nariyan ang oolong tea, na ibang-iba ang lasa, at napakapopular din naman. Maaaring iniisip mo kung paano ginagawa ang tatlong tsa na ito at kung bakit lubhang magkakaiba ang lasa ng mga ito.
Kung Saan Nanggagaling ang Tsa
Ang tsa, na kilala bilang Camellia sinensis, ay tumutubo sa ilang ng Tsina at Hapon, at ang mga puno nito ay tumataas nang hanggang siyam na metro. Gaya ng posibleng mahinuha mo batay sa pangalang Latin nito, ang maganda at pampalamuti na halamang camellia (Camellia japonicus) na may luntian at makintab na mga dahon at magagandang bulaklak na kulay-rosas, puti, o pula ay isang napakalapit na kauri ng tsa. Sa katunayan, ang pangalang Tsino para sa camellia ay cha hua, na nangangahulugang “bulaklak ng tsa.”
Gayunman, saan nanggagaling ang tsa na pamilyar sa atin? Ayon sa The Encyclopedia Americana, ang unang tiyak na pagbanggit hinggil sa tsa ay masusumpungan sa talambuhay ng isang Tsinong opisyal na namatay noong 273 C.E., bagaman ipinapalagay na tsa ang halamang binanggit sa isang akda na isinaayos ni Confucius, na nabuhay noong mga 551 hanggang 479 B.C.E. Noong 1615, si R. Wickham, isang kinatawan ng English East India Company ang unang bumanggit sa tsa sa wikang Ingles. Noong kalagitnaan ng ika-18 siglo, marami-raming tsa ang binili ni Thomas Garway, ang may-ari ng isang kapihan sa London na nang maglaon ay nakilala bilang Kapihan ni Garraway.
Ang itinatanim na tsa ay tumutubo sa maraming bahagi ng daigdig. Dinala ng mga Olandes ang tsa sa Java noong 1826, at dinala ng mga taga-Britanya, na kilalang mahihilig sa tsa, ang halamang ito sa India noong mga 1836. Pagkatapos, noong dekada ng 1870, nang mamatay ang mga puno ng kape sa Sri Lanka dahil sa isang halamang-singaw, itinanim ang mga palumpong ng tsa bilang kahalili.
Pagpapatubo ng Tsa sa Taiwan
Bagaman maliit lamang, ang isla ng Taiwan ay isa na ngayong pangunahing taniman ng tsa. Ang bulubunduking lugar sa palibot ng Nant’ou ay partikular nang tanyag, yamang sa matataas na dako tumutubo ang maiinam na klase ng tsa. Bakit hindi ka sumama at pasyalan natin ang isa sa mga lugar na pinagtatamnan ng tsa sa magaganda at luntiang mga bundok na ito?
Dinalaw natin ang Farmer’s Cooperative sa LuGu (Libis ng Usa), kung saan may museo ng tsa. Nagulat tayo na ang oolong tea at green tea ay pinipipi at ibinibilot bago ito patuyuin. Noon, ginagawa ito sa pamamagitan ng paglalagay ng tsa sa isang bag at pagkatapos ay pinipipi at ibinibilot ito sa pamamagitan ng paa. Siyempre, may makina na ngayon na gumagawa nito. Ngayon ay nakikita natin kung bakit ang kakaunting tsa ng Tsino sa isang takurí ay umaalsa kapag nilagyan ng mainit na tubig, hanggang sa mapuno ang takurí. Laking gulat natin nang ating malaman na napakamahal pala ng de-kalidad na tsa! Isinilbi sa atin ang masarap na oolong na nagkakahalaga ng mga $45 bawat 600 gramo. Ang mas mahal na tsa ay nagkakahalaga ng $57, o ang tsa na nanalo sa isang kompetisyon ay maaaring magkahalaga ng hanggang mga $1,400 bawat 600 gramo.
Iba’t Ibang Uri ng Tsa
Sa karamihan ng mga taga-Kanluran, black tea pa rin ang pinakapopular na uri ng tsa. Para sa mga umiinom ng tsa sa Silangan, red tea ang tawag nila rito dahil sa kulay nito. Ginagawa ang tsa na ito sa pamamagitan ng lubusang pagpapakasim sa mga dahon pagkatapos na malanta, mapipi, at maibilot ito, at sa dakong huli ay pinatutuyo ang mga dahon.
Para sa napakapopular na oolong tea, pinakakasim ang mga dahon sa natural na paraan pagkatapos na pitasin at ilagay ang tsa sa malalaking bilao. Kapag ang hinahangad na antas ng pagkasim ay naabot na, hinahalo ang mga dahon sa kawaling pinainit sa temperaturang mga 120 digri Celsius. Napahihinto nito ang proseso ng pagkasim. Ang resulta ay masarap na tsa na iniinom nang walang asukal, gatas, o lemon.
Ang tsa na pinakasim sa pinakamaikling panahon ay ang green tea. Sa Hapon, India, at Sri Lanka, iniisterilisa ang mga dahon sa pamamagitan ng pagpapasingaw rito upang matiyak na bahagya lamang itong kumasim, samantalang sa Tsina, pinadaraan lamang sa init ang mga dahon upang magawa rin ang prosesong ito. Iniinom ang green tea nang walang anumang inihahalo!
Kung Paano Umiinom ng Tsa ang mga Tsino
Inanyayahan tayong uminom ng tsa kasama ng pamilyang Tsai. Sa katunayan, ang malaking mesa ay makapal na piraso ng isang magandang tuod ng puno na pinakintab nang husto. Nasa harapan ng ating punong-abala, si Tsai Sheng Hsien, ang isang trey na may de-kuryenteng kalan at isang takurí. ‘Kakatwa nga naman,’ ang naisip natin, ‘wala pang tatlong pulgada ang taas ng takurí, at dalawang uri ng maliliit na tasa ang gagamitin.’ Nagtataka tayo kung bakit gayon at di-magtatagal ay malalaman natin ang dahilan. Binanlian ng kumukulong tubig ang takurí at ang maliliit na tasa, at tumulo ang tubig sa mga butas ng trey na pinagpapatungan ng takurí at ng mga tasa. Kasunod nito, sapat na dami ng dahon ng tsa ang inilagay sa takurí, at binanlian ng mainit na tubig ang mga ito. Pagkatapos, itinapon ang tubig na nasa takurí. Sinabi ng ating punong-abala na ang layunin ng hakbang na ito ay upang hugasan ang dahon ng tsa at “ilabas” ang bango at lasa nito!
Ngayon ay binuhusan uli ng mainit na tubig ang takurí, at pagkatapos hayaan ng ating punong-abala na mababad ang tsa sa loob ng halos isang minuto, ibinuhos niya ang lahat ng laman ng takurí sa isang maliit na banga. Mula sa bangang ito ay isinalin niya ang napakainit na tsa sa mga payat na tasa na isang pulgada ang diyametro. Upang maisalin niya ang tsa mula sa payat na tasang ito tungo sa isang mas mababang tasang iniinuman, ipinatong niya ang mababang tasang iniinuman sa ibabaw ng payat na tasa at pagkatapos ay ibinaligtad ito. Inanyayahan niya tayo ngayon na kunin ang payat na mga tasang wala nang laman at namnamin ang samyo nito! “Napakabango” ang sabi natin.
Maingat nating kinuha ang mababang tasang iniinuman sa pamamagitan ng paghawak sa itaas na bahagi nito—palibhasa’y walang hawakan at mainit ang mga tasa—at pagkatapos ay humigop tayo nang kaunti. “Napakasarap nga!” ang bulalas natin. Nauunawaan natin ngayon na sa mga Tsino, parehong ninanamnam ang samyo at lasa ng tsa. Pagkatapos na pagkatapos nating maubos ang kaunting tsa sa ating mga tasa, paulit-ulit na sinasalinan ito. Medyo tumatabang na ang tsa pagkatapos ng mga ikaanim o ikapitong beses na paglalagay ng mainit na tubig, at sa pagkakataong ito ay itinapon na ng ating punong-abala ang mga dahon ng tsa. “Gusto ba ninyong makatikim ng isa pang uri ng tsa?” ang tanong niya. Dahil gabi na, magalang tayong tumanggi. Yamang may caffeine ang tsa, nakapagpapasigla ito at baka mahirapan tayong makatulog pagkatapos uminom ng ilang tasa ng de-kalidad na oolong tea na ito.
Pag-inom ng Tsa sa Inuman ng mga Tsa
Hindi pa tayo kailanman nakapunta sa inuman ng mga tsa (tearoom), at nagpasiya tayo na idagdag ito sa ating pagtuklas sa tsa. Ang ilang inuman ng mga tsa ay may kaakit-akit na mga hardin para sa kanilang mga parokyano upang masiyahan sila habang umiinom ng tsa. Matatanaw naman ang kabundukan sa ibang inuman ng mga tsa, at ang magandang tanawing ito ay nakadaragdag sa kasiyahan ng pag-inom ng tsa.
Ipinasiya nating magpunta sa isa sa mga bundok na nakapalibot sa Taipei at uminom ng tsa sa isang magandang inuman ng mga tsa na may kapaligirang kagayang-kagaya ng sa Tsina. Ang ikalawang palapag ay may paliku-likong mga daluyan ng tubig na punô ng mga goldfish at may mga tapakang-bato para makatawid at makapasok sa maliit na silid kung saan tayo iinom ng tsa. Makapipili tayo sa matamis na hopyang munggo, butong pakwan, pinatuyong tokwa, kakanin, o inatsara o pinatuyong prutas upang isama sa ating pag-inom ng tsa. Pinili natin ang butong pakwan, dried mango, at inatsarang sirwelas na may mga dahon ng tsa. Bagay na bagay ang tamis ng mga ito sa lasa ng tsa. Habang ibinubuhos ang ating tsa, para tayong nasa sinaunang Tsina!
Mga Kapakinabangan ng Pag-inom ng Tsa
Ayon sa maraming Tsino, ang pag-inom ng tsa sa panahon o pagkatapos ng pagkain ay nakatutulong sa mabilis na pagtunaw ng pagkain. Ipinapalagay na sa isang antas, nakapipigil ito sa pagtaba ng isa. Kung totoo ito, napakagandang kapakinabangan nga iyan! Kamakailan, inangkin din ng mga mananaliksik na ang green tea ay talagang nakababawas sa panganib na magkakanser ang isa. Ang isa pang kapakinabangan natin sa pag-inom ng oolong tea at green tea ay nakapag-iiwan ito ng presko, kalugud-lugod, at matamis na lasa.
Kaya minsan pa ay bumabangon ang tanong, “Ano ang gusto mong ihalo sa iyong tsa?” Ngayong marami ka nang alam tungkol dito, baka mahirapan kang sagutin iyan. Bakit hindi subukan ang iba namang tsa at tuklasin mo mismo kung paano umiinom ng tsa ang mga Tsino!—Ipinadala.
[Larawan sa pahina 21]
“Oolong tea”
[Larawan sa pahina 21]
Mga babaing namimitas ng tsa
[Credit Line]
Taiwan Tourism Bureau