Ang Kinabukasan ng Relihiyon sa Liwanag ng Kahapon Nito
Bahagi 20—Ika-19 na Siglo Patuloy—Nalalapit Na ang Pagsasauli!
“Ang pinakamabuting paraan upang makita ang liwanag buhat sa Diyos ay patayin mo ang ningas ng iyong sariling kandila.”—Thomas Fuller, manggagamot at manunulat na Ingles (1654-1734)
ANG ika-19 na siglo ay tinawag na isa sa pinakamasiglang yugto sa kasaysayang Kristiyano, kahanay ng sinaunang mga siglo at ng mga taon ng Repormasyon. Ang dahilan para sa gayong kasiglahan sa relihiyosong kabatiran at gawain ay marami at sarisari.
Itinatala ng autor na si Kenneth S. Latourette ang 13 nauugnay na mga salik, ang ilan ay tinalakay sa naunang labas ng magasing ito. Sabi niya na “sa napakaikling panahon ang lipunan ng tao ay hinding-hindi pa nagkaroon ng napakalaking pagbabago at sa gayong pagkasarisaring paraan.”
Sa Estados Unidos, ang pagbabagong-sigla ng relihiyon ay maliwanag na nakikita. Halimbawa, ang mga miyembro ng relihiyon ay dumami mula sa wala pang 10 porsiyento ng populasyon sa simula ng dantaon tungo sa halos 40 porsiyento sa katapusan ng dantaon. Ang mga Sunday school—na ipinakilala sa Inglatera noong 1780—ay naging popular. Ang dahilan para diyan ay na, kung ihahambing sa Europa, ipinagbabawal ng paghiwalay ng Simbahan at Estado sa Estados Unidos ang pagtuturo ng relihiyon sa mga paaralang bayan. Isa pa, maraming denominasyonal na mga kolehiyo at interdenominasyonal na mga samahan sa Bibliya ay itinatag, at sa unang hati ng dantaon, hindi kukulangin sa 25 teolohikal na mga seminaryo ang itinatag sa Estados Unidos.
Samantala, sa pangglobong lawak, ang Protestantismo ay nagiging palaisip sa pagmimisyonero. Ang Britanong sapatero at guro na si William Carey ang nanguna noong 1792 sa paglalathala ng aklat na An Enquiry Into the Obligations of Christians to Use Means for the Conversion of the Heathens. Samantalang naglilingkod bilang mga misyonero sa India, isinalin ni Carey at ng kaniyang mga kasama ang buo o bahagi ng Bibliya sa mahigit na 40 wika at diyalekto sa India at Asia. Ang gawain na ginawa ng ilan sa unang mga misyonerong ito sa pamamahagi ng mga Bibliya ay kapuri-puri.
Ang bagong siyensiya sa arkeolohiya ng Bibliya ay nakilala rin noong huling dantaon. Noong 1799 natuklasan ng mga sundalong Pranses sa Ehipto ang isang malaking tipák ng itim na basaltong bato na ngayo’y tinatawag na Rosetta stone. Mayroon itong iisang inskripsiyon na nakasulat nang tatlong beses, dalawang beses sa dalawang magkaibang anyo ng Ehipsiyong hieroglypics at isang beses sa Griego. Ito sa gayon ay napatunayang mahalaga sa pagbasa ng Ehipsiyong hieroglypics. Hindi nagtagal pagkatapos niyan ang cuneiform na pagsulat ng Asiria ay nabasa rin. Kaya nang magsimula ang mga paghuhukay sa Asiria at pagkatapos ay sa Ehipto, ang mga nahukay na mga bagay ay nagkaroon ng bagong kahulugan. Maraming ulat sa Bibliya ay pinatunayan hanggang sa kaliit-liitang detalye.
Pagsindi ng Kanilang Sariling mga Kandila
Habang lumalaki ang interes sa relihiyon, dumarami rin ang bilang ng mga magiging repormador. Gayunman, maliwanag na hindi lahat ay taimtim. Ang nabanggit na autor na si Kenneth S. Latourette ay umamin na ang ilang bagong sekta ng relihiyon “ay isinilang dahil sa inggit, alitan, at personal na ambisyon.” Subalit ang nagniningas na mga kandila ng personal na ambisyon ay hindi natin aasahan na siyang pipiliin ng Diyos upang magsauli ng tunay na pagsamba.
Sa gitna ng nakalilitong pagkuti-kutitap na ito ng indibiduwal na mga kandila, ang teolohikal na pag-iisip ay inihagis sa kalituhan. Ang higher criticism, pangunahin nang produkto ng mga unibersidad sa Alemanya, ay muling binigyang-kahulugan ang mga Kasulatan sa liwanag ng “adelantadong” siyentipikong kaisipan. Itinuturing ng mga higher critics ang Bibliya na wala kundi ulat ng relihiyosong karanasan ng mga Judio. Ang autoridad ng Bibliya na mahalaga sa pagtiyak sa daan ng kaligtasan ay pinag-aalinlanganan, gaya ng pag-aalinlangan nila sa karunungan ng mga pamantayang moral na itinataguyod nito.
Ang higher criticism ay nakasumpong ng handang pagsuporta, lalo na sa gitna ng mga klerigong Protestante. Sang-ayon sa isang report, noong 1897 wala ni isang guro sa 20 Protestanteng teolohikal na mga unibersidad sa Alemanya ang nanghahawakan pa rin sa tradisyunal na mga opinyon tungkol sa pagkakasulat ng Pentateuch o ng aklat ni Isaias.
Pagkalipas ng ilang taon, noong 1902, bumangon ang isang pagtatalo tungkol sa higher criticism sa isang komperensiya ng General Assemblies of the Presbyterian Churches sa Scotland. Ang Edinburgh Evening News ay nag-uulat: “Sang-ayon sa mga higher critic, . . . ang Bibliya ay isang koleksiyon ng mga kuwentong alamat, kung saan ang isang predikador ay maaaring humalaw ng ilang butil ng etikong turo mula sa ‘Æsop’s Fables.’” Gayunman, sinabi ng pahayagan: “Ang mga uring manggagawa ay hindi mga mangmang. Hindi sila pupunta sa simbahan upang makinig sa mga tao na namumuhay mismo sa mental na kadiliman.”
Ang ikalawang artikulo pagkalipas ng ilang araw ay lalo pang tahasan, na nagkokomento: “Hindi kailangang paliitin ang mga bagay-bagay. Ang simbahang Protestante ay isang organisadong pagpapaimbabaw, at ang mga lider nito ay talagang mga magdaraya. Sa katunayan kung ang autor ng ‘Age of Reason’ ay buháy ngayon hindi siya babanggitin na may panunuya bilang Tom Paine, ang taong hindi naniniwala sa relihiyon, kundi Rev. Thomas Paine, D. D., Propesor ng Hebrew and Old Testament Exegesis, U[nited] F[ree] College, Glasgow. Wala siyang problema sa pangangaral mula sa isang pulpitong Protestante . . . [at] sa pagkuha ng malaking sahod bilang isang propesor ng teolohiya.”
Isang Matinding Reaksiyon sa Relihiyon
Mula sa simula nito, idiniin ng Protestantismo ang personal na kombersiyon at karanasang Kristiyano, nagtiwala na higit sa lahat sa Kasulatan, at hinamak ang mga sakramento at tradisyon.
Noong 1830’s at 1840’s, maraming Ebanghelikong Protestante ang nagsimulang maghayag ng nalalapit na ikalawang pagparito ni Kristo at kasama nito ang pasimula ng Milenyo. Si William Miller, isang magsasaka sa New York, ay nagbakasakali na ang ikalawang pagparito ay maaaring mangyari sa 1843. Ang kilusang ito tungkol sa milenyo ay nakatulong sa paglalagay ng pundasyon para sa mas prominente at agresibong anyo ng Pag-eebanghelyo na nakilala bilang Pundamentalismo.
Ang Pundamentalismo higit sa lahat ay isang matinding reaksiyon laban sa pag-aalinlangan, malayang pag-iisip, rasyonalismo, at kaluwagan sa moral na pinalaki ng liberal na Protestantismo. Saka nito pinagtibay ang pangalan nito mula sa serye ng 12 akdang pinamagatang The Fundamentals, na inilathala mula 1909 hanggang 1912 ng Moody Bible Institute.
Ang Pundamentalismo, lalo na sa Estados Unidos, ay naging kilala sa pamamagitan ng mabisang mga ministeryo nito sa radyo at TV, mga surian nito sa Bibliya, at nailathalang-mainam at emosyonal na mga pagbabagong-sigla na mga miting nito. Gayunman, kamakailan, ang reputasyon nito ay sumamâ dahil sa paglustay ng salapi at imoralidad ng ilan sa pinakaprominenteng mga lider nito. Ito rin ay pinuna dahil sa dumaming gawain nito sa pulitika, lalo na mula nang itatag ang Moral Majority noong 1979, na binuwag kamakailan.
Ang Pundamentalismo, bagaman nagsasabing ipinagtatanggol ang Bibliya, ay sa katunayan pinahihina rin ang autoridad nito. Ang isang paraan na nagawa niya ito ay sa pamamagitan ng literal na interpretasyon ng mga teksto na maliwanag na hindi dapat gawing literal. Ang isang halimbawa nito ay ang pag-aangkin na, sang-ayon sa ulat ng Genesis, ang lupa ay nilikha sa loob ng 6 na literal na 24-oras na mga araw. Maliwanag, ang mga ito ay simbolikong mga araw na mas mahaba ang lawig. (Ihambing ang Genesis 2:3, 4; 2 Pedro 3:8.) Ang iba pang paraan na pinahihina ng Pundamentalismo ang Bibliya ay sa pagtuturo ng hindi maka-Kasulatang mga doktrina, gaya ng walang-hanggang pagpapahirap sa apoy ng impierno, at kung minsan ay sa pagtataguyod sa mga pamantayan ng paggawi na iba kaysa roon sa hinihiling ng Kasulatan, gaya ng pagbabawal sa pag-inom ng mga inuming may alkohol o ang paggamit ng mga babae ng makeup. Sa ganitong paraan pinangyari ng Pundamentalismo na tanggihan ng mga tao ang mensahe ng Bibliya bilang kakatuwa, hindi makatuwiran, at hindi siyentipiko.
Tamang Panahon
Maliwanag, ang kailangan ay pagsasauli, ang pagsasauli sa tunay na pagsamba! Subalit ang Eclesiastes 3:1 ay nagsasabi: “Sa bawat bagay ay may takdang panahon.”
Noong unang siglo, muling pinasigla ni Jesus ang tunay na pagsamba sa anyo ng Kristiyanismo. Gayunman, inihula niya na magkakaroon ng apostasya. Sinabi niya na ang tunay na mga Kristiyano, gaya ng trigo, at ang huwad na mga Kristiyano, gaya ng mga pansirang damo, ay “magsisitubo kapuwa hanggang sa panahon ng pag-aani.” Sa panahong iyon, “titipunin [ng mga anghel] ang mga pansirang damo at . . . susunugin ito,” samantalang ang tunay na mga Kristiyano ay titipunin sa pabor ng Diyos. (Mateo 13:24-30, 37-43) Noong ikalawang hati ng ika-19 na siglo, nasa pinto na ang itinakdang panahon para sa pagsasauling ito ng tunay na pagsamba.
Si Charles Taze Russell ay ipinanganak sa Pittsburgh, Pennsylvania, noong 1852, at kahit isang bata, siya ay nagpakita ng malaking interes sa Bibliya. Sa kaniyang maagang gulang na 20’s, ibinaling niya ang kaniyang pansin mula sa negosyo ng pamilya upang italaga ang lahat ng panahon niya sa pangangaral. Noong 1916, nang siya’y mamatay sa gulang na 64, iniulat na siya ay nangaral ng mahigit na 30,000 sermon at sumulat ng mga aklat na binubuo ng mahigit na 50,000 pahina.
Bagaman kinikilala ang kapuri-puring gawa na ginawa ng iba sa pagpapalaganap ng Bibliya, batid ni Russell na ang basta pagsasalin, pag-iimprenta, at pamamahagi ng Bibliya ay hindi sapat. Kaya noong 1879 sinimulan niyang ilathala ang magasin na kilala ngayon bilang Ang Bantayan. Ang unang labas nito ay nagsabi: “Mahilig tayong magtanong, Ano ba ang sinasabi ng aking relihiyon tungkol sa anumang katanungan, sa halip na Ano ba ang sinasabi ng Kasulatan? Napakaraming pinag-aralang teolohiya, at ang Bibliya ay hindi sapat. Kung gayon, taglay ang kaisipan na ‘Ang Kasulatan ay makapagpapadunong sa atin,’ na ‘ang mga patotoo ng Panginoon ay tiyak na nagpaparunong sa karaniwang tao,’ ating suriin.”
Ngayon, pagkatapos makompleto ang 110 taon ng walang-tigil na paglalathala, Ang Bantayan (ngayo’y inilalathala sa 106 na mga wika at may sirkulasyon na mahigit 13 milyong kopya sa bawat labas) ay patuloy na sinusuri ang Salita ng Diyos. Angaw-angaw na mga tao ang natutong magpahalaga sa tulong na inilalaan nito sa pag-aaral, pag-unawa, at pagkakapit ng kung ano ang itinuturo ng Bibliya.
Si Russell ay hindi gaya ng marami sa kaniyang mga kapanahon na palaisip tungkol sa repormasyon sa bagay na hindi niya ipinangaral ang isang pantanging paglapit sa Diyos, hindi niya ipinagmalaki ang tungkol sa mga pangitain o mga kapahayagan buhat sa Diyos, hindi siya nakatuklas ng esoterikong mga mensahe sa anyo ng natatagong mga aklat o iba pa, at hindi niya inangkin kailanman na kaya niyang magpagaling ng pisikal na maysakit. Isa pa, hindi niya iginiit na mabibigyan-kahulugan niya ang Bibliya. Gaya ng isang kusang instrumento sa mga kamay ng Diyos, tinanggihan niya ang lahat ng tukso na hayaang daigin ng “sarili niyang kandila” ang liwanag buhat sa Diyos.
“Ang katotohanan sa halip na ang lingkod nito ang siyang dapat na parangalan at ipahayag,” sulat ni Russell noong 1900, at sabi pa niya: “Napakaraming kalooban upang kilalanin ang katotohanan sa predikador, kinalilimutan na ang lahat ng katotohanan ay buhat sa Diyos, na ginagamit ang isa o ibang lingkod sa paghahayag nito ayon sa kagustuhan niya.” Ito ang pangunahing dahilan kung bakit ang mga manunulat at mga tagasalin ng mga publikasyong ng Watch Tower, gayundin ang mga miyembro ng New World Bible Translation Committee, ay pinipiling manatiling walang pangalan.
Nailuklok na ang Hinirang ng Diyos na Hari
Noong unang siglo, ipinahayag ni Juan Bautista ang nalalapit na paglitaw ni Jesus bilang ang hinirang ng Diyos na Hari. Noong ika-19 na siglo, ang panahon ay dumating upang ihayag ang nalalapit na paglitaw ng Haring iyon sa makalangit na kapangyarihan. Kasuwato nito, sa labas nito ng Marso 1880, ang Zion’s Watch Tower ay nagsabi: “‘Ang Panahon ng mga Gentil’ ay umabot hanggang 1914, at ang makalangit na kaharian ay hindi kikilos hanggang noong panahong iyon.”
Sa gayon, isang pangkat ngayon na kilala bilang mga Saksi ni Jehova ang napatala sa rekord na nagpahayag mahigit na isang daang taon na ang nakalipas na ang taóng 1914 ang magtatanda sa pasimula ng Kaharian ng Diyos. Ang pagluluklok sa hinirang na Hari ng Diyos ang panimulang hakbang tungo sa pangwakas na pagpatay sa kukuti-kutitap na apoy ng kandila ng huwad na relihiyon, upang huwag na nitong palabuin ang liwanag buhat sa Diyos.
Habang ang ika-19 na siglo ay nalalapit sa wakas, ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay walang mga kasuotan upang ipakilala ang sarili nito bilang lingkod ng Diyos. Karapat-dapat itong talikdan ng Diyos. Ang panahon ng paghatol dito ay malapit na. Alamin ang higit pa tungkol dito sa aming susunod na labas.
[Kahon sa pahina 18]
Ilan sa “Huling-Dating” na mga Anak ng Repormasyon
Church of Christ, Siyentipiko: Ang kilusang relihiyoso na ito ay karaniwang kilala bilang Christian Science. Ito ay itinatag noong 1879 ni Mary Baker Eddy, na masyadong palaisip sa kalusugan. Ang kaniyang iniulat na madaliang paggaling buhat sa isang grabeng aksidente noong 1866 ay kumumbinsi sa kaniya na natuklasan niya ang mga simulain na nagpangyari kay Jesus na magpagaling ng mga sakit at bumuhay ng patay. Ang kaniyang aklat noong 1875 na Science and Health With Key to the Scriptures ay nagtuturo na ang espirituwal ay nangingibabaw sa pisikal, na ang kasalanan, sakit, kamatayan, at iba pang negatibong mga ilusyon ay madadaig sa pamamagitan ng kaalaman ng katotohanan at ng positibong kaisipan na kasuwato ng Isip, ibqg sabihin ang Diyos.
Disciples of Christ: Ang relihiyong ito ay itinatag noong 1832 ng palaisip-sa-pagsasauli na mga Presbeterianong Amerikano. Ang kanilang sawikain ay: “Kung saan may sinasabi ang Kasulatan, kami’y nagsasalita; kung saan walang sinasabi ang Kasulatan, kami’y tumatahimik.” Inilarawan sila ng isang akdang reperensiya na “lubhang mapagparaya sa mga bagay na may kaugnayan sa doktrina at relihiyon.” Ipinahihintulot ng mga miyembro nito na lubhang hatiin sila ng pulitika noong panahon ng Digmaang Sibil ng E.U. Noong 1970 mayroon 118 mga sekta, kabilang na ang Churches of Christ na naitatag noong 1906.
Salvation Army: Itinatag ni William Booth ang relihiyosong pangkat na ito na organisado sa pamamaraang militar. Si Booth ay pumasok sa ministeryong Methodista noong siya’y mga edad 20’s at naging isang nagsasariling ebanghelista noong 1861. Siya at ang kaniyang asawa ay nagtatag ng isang misyon ng pangangaral sa mga mahihirap sa Dulong Silangan ng London. Ang pangalan ng pangkat ay binago noong 1878 mula sa Christian Mission tungo sa Salvation Army. Sinisikap ng Salvation Army na “iligtas ang mga kaluluwa” sa pagbibigay ng sosyal na tulong sa mga walang tirahan, sa nagugutom, sa mga pinagmamalupitan, sa mga dukha.
Seventh-Day Adventists: Ito ang pinakamalaki sa mga 200 sektang Adventista. Ang kanilang pangalan ay salig sa paniwala sa ikalawang pagdating, o pagparito, ng Kristo. Ang mga Adventista ay galing sa kilusan ng Baptist na ministrong si William Miller noong maagang 1840’s. Palibhasa’y itinuturo na ang Sampung Utos ay mabisa pa rin, ang mga Seventh-Day Adventist ay literal na nangingilin pa rin ng Sabadong sabbath. Ipinalalagay ng ilang mga miyembro na halos kinasihan na gaya ng Bibliya ang mga sulat ni Ellen Gould White, isa sa pinakamaimpluwensiyang lider ng pangkat, na nag-aangking siya ay pinaliwanagan ng isang serye ng mga pangitain buhat sa Diyos.
[Larawan sa pahina 17]
Ang Rosetta stone ay nakatulong upang patunayan ang pagiging totoo ng Bibliya
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng Trustees ng British Museum