Ang Rebolusyong Pranses—Isang Halimbawa na Nagpapaaninaw ng mga Bagay na Darating
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Pransiya
Ang Rebolusyong Pranses ay naganap 200 taon na ang nakaraan, noong 1789. Ano ang mga sanhi nito? Anong halimbawa ng mga bagay na darating ang iniwan nito?
“IYAN BA’Y isang pag-aalsa?” tanong ng hari.
“Hindi, Amang, ito’y isang rebolusyon.”
Itinanong iyan ng Haring Pranses na si Louis XVI noong Hulyo 14, 1789, ang araw na sinalakay ang Bastille sa Paris. Kaniyang ipinakita na hindi nakilala ng maharlika ng Pransiya ang mga pangyayaring magdudulot ng nananatiling mga pagbabago sa Pransiya at na magsisilbing halimbawa na nagpapaaninaw ng mga bagay na darating.
Noong ika-18 siglo, ang taggutom ay naging sanhi ng maraming pag-aaklas sa Pransiya. Noong bisperas ng rebolusyon, halos 10 milyon sa 25 milyong populasyon ang umasa sa kawanggawa para sa ikabubuhay. Isa pa, gumuguho ang maharlikang kapangyarihan, ang administrasyon ay nagwawalang-bahala sa mga reporma, at kinukuwestiyon ng mga matatalino ang kapangyarihan ng hari kung nararapat na mangibabaw sa mga pambansang interes.
Ang mga “States-General”
Noong 1788 ang rehimen ay napaharap sa isang krisis pangkabuhayan, pangunahin na’y bunga ng suportang Pranses sa mga Amerikano sa kanilang Digmaan para sa Pagsasarili laban sa Britaniya. Ang hari ay napilitang tipunin ang mga bumubuo ng tinatawag na States-General. Ito ay binuo ng mga kinatawan mula sa tatlong uri ng tao sa bansa: ang klero (ang unang uri); ang maharlika (ang ikalawang uri); at ang pangkaraniwang mga tao (ang ikatlong uri).
Kinatawan ng klero ang 150,000 katao lamang, ang maharlika mga 500,000, at ang ikatlong uri mahigit na 24,500,000. Bawat isa sa mga uri ay may isang boto. Nangahulugan ito na ang mga karaniwang tao (na may isang boto) ay hindi makapagpapatupad ng anumang reporma malibang sumang-ayon ang klero at ang maharlika (na may dalawang boto). Kaya ang klero at ang maharlika—halos 3 porsiyento ng populasyon—ay maaaring magtagumpay laban sa 97 porsiyento! Higit pa, pag-aari ng klero at ng maharlika ang halos 36 porsiyento ng mga lupain at sila’y hindi man lamang nagbabayad ng mga buwis sa lupa.
Nang ang napakaraming mga tao ay nagutom, tinuligsa ng mga kinatawan ng karaniwang mga tao ang paniniil ng pamahalaan, ang hindi patas na mga sistema sa buwis at sa paghalal, at ang kawalang-katarungan at kariwasaan ng herarkiyang Katoliko at maging ng maharlika. Gayumpaman, tila tiwasay ang hari, dahil siya’y inaakalang namumuno taglay ang isang bigay-Diyos na karapatan. At ang mga tao ay may sampalataya pa rin sa relihiyong Katoliko. Ngunit, sa loob ng wala pang apat na taon, ang monarkiya ay pinabagsak, at isang pamamaraan ng dechristianization ang inilunsad.
Noong tagsibol ng 1789, nagsimula ang paraang rebolusyonaryo. Dahilan sa pagtanggi ng ilan sa maharlika na tanggapin ang pagbabago sa paraan ng halalan, ang mga deputado ng ikatlong uri ay nagpahayag ng kanilang sarili bilang ang Pambansang Kapulungan. Ito ay palatandaan ng tagumpay ng rebolusyon ng masa at ng pagwawakas ng ganap na monarkiya.
Gayumpaman, ang mga magsasaka, ay nangamba na baka magkaroon ng isang sabuwatan ng hari at ng aristokrasiya upang pabagsakin ang ikatlong uri. Ito ay nag-udyok sa mga tao na looban ang mga palasyo at mga mansiyon, na lumubha tungo sa pag-aalsa ng masa. Noong gabi ng Agosto 4, 1789, upang mapanatili ang kaayusan, nagpasiya ang Kapulungan na alisan ng mga pribilehiyo ang mga maharlika at buwagin ang rehimeng makamayayaman. Sa gayon, sa loob lamang ng ilang mga araw, gumuho ang mga pundasyon ng lumang rehimen.
Ang mga Karapatan ng Tao
Ipinakilala naman ng Kapulungan ang Deklarasyon ng mga Karapatan ng Tao. Ang mga huwaran ng kalayaan, pagkakapantay-pantay, at kapatiran ay inihayag. Subalit kailangang pagtagumpayan ng Kapulungan ang pagtutol ng klero bago ilakip ang mga artikulo 10 at 11, na kumikilala ng karapatan sa kalayaan ng relihiyon at ng pagsasalita.
Marami ang naniwalang nasumpungan na nila ang sakdal na pamahalaan. Subalit sila’y nakatakdang masiraan ng loob dahilan sa ang simbahan, na kinakatawan ni Papa Pio VI, ay kumondena sa Deklarasyon. Maraming mga rebolusyonaryo ang tumanggi rin sa Deklarasyon anupa’t nagbigay-daan sa isang di-maampat na pagdanak ng dugo.
Mahigit na 150 taon pagkaraan, noong 1948, pinagtibay ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang mga Bansa ang Pandaigdig na Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao, na pinukaw ng tesktong Pranses ng 1789. Subalit sa ngayon, gaya rin nang nakaraan, maraming sumasang-ayon sa gayong mga karapatan ang nagpapamalas ng matinding pagwawalang-bahala sa mga simulaing inilahad. Totoong-totoo ang mga salita ng Eclesiastes 8:9: “Ang ilang mga tao ay may kapangyarihan at ang iba’y kinakailangang magdusa sa ilalim nila.”—Today’s English Version.
Nababahagi ang Simbahan
Noong Agosto 1789 ang ilang mga deputado ay nagsumite ng ideyang samsamin ng bansa ang mga ari-arian ng simbahan. Ang proposisyon ay naging batas, at kinumpiska ng estado ang mga pag-aari ng simbahan. Bilang karagdagan, pinilit ng Kapulungan ang mga pari na sumumpa ng katapatan sa Saligang-Batas Sibil ng Klero na ipinagawa nito.
Nabahagi ang simbahan. Mayroong mga paring estado (60 porsiyento ng klero), na sumang-ayon sa panunumpa, at mga paring tumangging sumumpa ng katapatan, nanatiling tapat sa Roma. Ang pagkakabaha-bahaging ito ay nagbangon ng maraming alitan. Ang mga paring tumangging manumpa ay itinuring na mga kaaway ng rebolusyon at ng bansa.
Sindak at Pagbububo-ng-Dugo
May iba pang mga panganib na nagbanta sa rebolusyon. Ang dayuhang mga monarkiya ay nagbabalak makialam sa mga pangyayari sa Pransiya upang muling iluklok ang hari. Para sa mga karaniwang tao, nawalan sila ng kumpiyansa kay Louis XVI nang, noong Hunyo 21, 1791, sinikap niyang tumakas sa bansa.
Nang tagsibol ng 1792, sa harap ng lumalagong pagtutol sa rebolusyon sa ibang mga bansang Europeo, nagpahayag ang Pransiya ng digmaan laban sa hari ng Bohemia at Hungary. Kumalat ang digmaan sa buong Europa at nagpatuloy hanggang 1799, na may mahigit 500,000 mga biktimang Pranses.
Noong Agosto at Setyembre 1792, naging radikal ang rebolusyon. Inalis sa tungkulin ang hari, hinatulan siya na mamatay, at isang republika ang ipinroklama. Ang hari ay pinatay noong Enero 21, 1793, at ang reyna, si Marie Antoinette, ay pinatay noong Oktubre 16, 1793. Pinatalsik ang maraming mga paring hindi nakiisa. Nadama ng mga rebolusyonaryo na kailangan nilang palayain ang ibang tao na nasa ilalim pa ng malulupit na mga monarkiya. Subalit sa bandang huli ang mga tagapagpalaya ay naging mga hari-harian mismo.
Gayumpaman, hindi rin nakalaya sa mga kahirapang pinalubha ng digmaan. Matapos maglabas ng dekreto na mangalap ng 300,000 mga lalaki, sumiklab ang kaguluhan sa bansa. Sa kanluraning Pransiya, binuo ang isang maharlikang hukbong Katoliko sa ilalim ng sagisag ng krus at ng sagradong puso. Namahala ito sa mga bayan sa apat na mga lugar at pinagpapatay ang mga republikano roon.
Sinamantala ng pamahalaang sentral ang mga suliraning ito upang bigyan ang sarili ng mga kapangyarihang diktatoryal sa kamay ng isang “Komite ng Kaligtasang Pampubliko,” kasama si Robespierre bilang isang tanyag na membro. Ang kilabot ang naging simulain ng pamahalaan. Kadalasan, ang mga karapatang inilahad sa Deklarasyon ng 1789 ay niyurakan. Ang mga hukumang rebolusyonaryo ay nagpatupad ng higit at higit na mga sintensiya ng kamatayan, at naging bantog ang kabuktutan ng gilutina.
Dekristiyanisasyon
Mula ng taglagas ng 1793, naglagay ang pamahalaang rebolusyonaryo ng isang plano ng malawakang dekristiyanisasyon. Ang layunin ay upang makagawa ng isang “bagong tao” na walang bisyo. Inakusahan ang relihiyong Katoliko ng pagsisikap na samantalahin ang pagiging mapaniwalain ng mga tao. Winasak ang ilang mga simbahan, samantalang ang ilan ay ginawang mga kuwartel. Pinilit ang mga pari na iwan ang kanilang bokasyon at magsipag-asawa. Yaong mga tumanggi ay dinakip at pinatay. Ang ilan ay tumakas sa bansa.
Pinalitan ang relihiyong Katoliko ng relihiyon ng Katuwíran. Minalas ng ilan ang Katuwíran bilang isang diyosa, ang “Ina ng bayang tinubuan.” Pagkatapos, ang pagsamba sa Katuwíran ay hinalinhan ng isang deistikong relihiyon na ipinag-utos ni Robespierre. Inalis niya ang kaniyang mga kalaban at nagtatag ng isang walang-habag na diktadura. Ang walang-awang pagbububong ito ng dugo ang sa bandang huli ay pinagbayaran ng kaniyang mismong buhay. Kinaladkad siyang sumisigaw tungo sa gilutina noong Hulyo 28, 1794.
Ang naiwang mga pulitiko ay ibig na iwasan ang diktadura ng isang tao lamang, kaya kanilang ipinasakamay ang kapangyarihan sa isang tagapamahalang binubuo ng limang membro. Subalit muling nagpasimula ang digmaan at sumamâ ang kalagayan ng pananalapi, ang paglalagay ng kapangyarihan sa kamay ng iisang indibiduwal, si Napoleon Bonaparte, ay sinang-ayunan. Bukas na naman ang daan para sa isang diktador.
Ang Rebolusyong Pranses ay naghasik ng mga ideyang sa bandang huli’y tumubo kapuwa sa mga demokrasiya at mga diktadura. Ipinakita rin nito kung ano ang maaaring mangyari kung ang mga kapangyarihang pulitika ay babaling laban sa organisadong relihiyon. Dito, maaari itong magsilbing halimbawa na nagpapaaninaw ng mga bagay na darating.—Apocalipsis 17:16; 18:1-24.
[Larawan sa pahina 28]
Sa loob ng Notre Dame Cathedral, isang idolatrosong kapistahan para sa diyosa ng Katuwíran
[Credit Line]
Bibliothèque Nationale, Paris
[Picture Credit Line sa pahina 26]
Mula sa isang lumang pag-ukit, ni H. Bricher sc.