May Buhay ba Roon?
MAY isang lalaki sa Massachusetts, E.U.A., na bahagi ng kaniyang trabaho araw-araw ay alamin kung may anumang mensaheng dumating. Sa araw-araw, walang mensaheng dumarating. Sa loob ng mga taon na, walang mensaheng dumating. Subalit regular pa rin niyang tinitingnan, at siya ay lagi nang bigo. Siya ba’y di-popular? Sira ba ang kaniyang tagasagot na makina?
Alinma’y hindi totoo. Tinitingnan niya ang isang makina, subalit hindi ito nakakabit sa isang linya ng telepono. Ito’y isang computer na nakakabit sa isang pagkalaki-laking elektronikong tainga na nakatutok paitaas, malayo sa ating daigdig, tungo sa kalaliman ng malayong kalawakan: isang radyo teleskopyo. Ang taong ito ay tumutulong sa isang pangkat ng mga siyentipiko upang suriing mabuti ang mga bituin para sa isang mensahe mula sa matatalinong extraterrestrial, mga kinapal sa ibayo pa roon ng ating daigdig.
Ang iba pa, na gaya niya, ay nakikinig rin sa loob ng 30 taon na. Noong 1960 ang astronomong si Frank Drake ang naging unang taong nakapakinig sa pamamagitan ng isang radyo teleskopyo ng mga palatandaan ng talinong extraterrestrial. Sa katunayan, mula noon, pinakikinggan ng tao ang kalawakan. Mga 50 iba’t ibang malawak na pananaliksik tungkol sa langit ang nagawa na.
Mga radyo teleskopyo sa buong daigdig ay nakisama sa paghahanap—sa Pransiya, Pederal na Republika ng Alemanya, Netherlands, Australia, Unyong Sobyet, Argentina, Estados Unidos, at Canada. Gaya ng pagkakasabi rito ng isang tao: “Ang SETI [isang wikang-Ingles na mga titik na kumakatawan sa Search for Extraterrestrial Intelligence ng tao] ay nagiging internasyonal na rin na gaya ng kalawakan mismo.” Ang isang symposium tungkol sa paksang ito ay nakaakit sa mga 150 siyentipiko mula sa 18 bansa sa lahat ng limang kontinente.
Gayunman, ang pinakaambisyosong proyekto ng SETI ay ilulunsad pa sa 1992. Ang NASA, ang National Aeronautics and Space Administration ng Estados Unidos, ay nagbabalak gumamit ng isang malakas na bagong aparato na gagawa ritong posibleng suriing mabuti ang angaw-angaw na mga radio frequency nang sabay-sabay. Ang pananaliksik ay inaasahang tatagal ng sampung taon sa halagang $90 milyon. Ito’y magiging sampung libong milyong ulit na mas malawak kaysa lahat ng dating pananaliksik na pinagsama-sama.
Subalit kapag ang tao’y nagtatanong tungkol sa napakalawak na uniberso, “May buhay ba roon?” higit pa sa modernong kagamitan ang kakailanganin niya upang masumpungan ang kasagutan. Sa maraming paraan ito ay isang espirituwal na katanungan. Sa pag-aapuhap para sa isang kasagutan, inihahayag ng tao ang ilan sa kaniyang pinakamimithing pag-asa: ang wakas ng digmaan, ang wakas ng sakit, marahil pati na ang pagkakamit ng pagkawalang-kamatayan mismo. Kaya malaki ang nakataya. Subalit pagkaraan ng mga dantaon ng pagtatanong at mga dekada ng pananaliksik, gaano kalapit ang tao sa kasagutan?