Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 4/8 p. 6-8
  • Mga “Extraterrestrial”—Nasaan Sila?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga “Extraterrestrial”—Nasaan Sila?
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nagsimula ang mga Pag-aalinlangan
  • Isang Gumuguhong Pundasyon
  • Ang Maling Relihiyon
  • Mga “Extraterrestrial”—Ang Matagal Nang Napapangarap
    Gumising!—1990
  • Isang Munting Higante
    Gumising!—1991
  • Ang Ating Pambihirang Sistema Solar—Kung Paano Ito Umiral
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Mga “Extraterrestrial”—Paghanap sa Kasagutan
    Gumising!—1990
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 4/8 p. 6-8

Mga “Extraterrestrial”​—Nasaan Sila?

SANG-AYON sa manunulat sa siyensiya na si Isaac Asimov, ito ay “isang tanong na, sa isang paraan, ay sumisira sa lahat ng bagay” para sa mga naniniwala sa buhay sa ibang planeta. Orihinal na itinanong noong 1950 ng pisisistang nuklear na si Enrico Fermi, sinimulan ng tanong ang isang argumento na ganito: Kung ang matalinong buhay ay nagmula sa ibang planeta sa ating galaksi, maraming sibilisasyon ang dapat sana’y umiiral ngayon na milyun-milyong taóng nauna sa ating sibilisasyon. Nakagawa sana sila ng paglalakbay sa mga bituin noon pa at nagsipangalat sa ibang galaksi, sinasakop at ginagalugad ito nang kusa. Kaya nga nasaan sila?

Bagaman ang ilan sa mga siyentipiko sa SETI ay nayanig ng “kabalintunaan ni Fermi,” kadalasang tinutugon nila ito sa pamamagitan ng pagsasabi kung gaano kahirap maglakbay sa pagitan ng mga bituin. Kahit na sa bilis ng liwanag, pagkabilis-bilis man nito, ang isang sasakyang pangkalawakan ay gugugol ng isang daang taon upang tawirin lamang ang ating galaksi. Imposibleng higitan pa ang bilis na iyon.

Ang mga bungang-isip sa siyensiya na nagtatampok ng mga barkong lumulukso mula sa isang bituin tungo sa isang bituin sa loob lamang ng mga ilang araw o oras ay isang pantasiya, hindi siyensiya. Ang mga distansiya sa pagitan ng mga bituin ay pagkalayu-layo na halos di-malirip. Sa katunayan, kung makagagawa tayo ng isang napakaliit na modelo ng ating galaksi anupa’t ang ating araw (na napakalaki anupa’t kaya nitong lunukin ang isang milyong lupa) ay liliit na sinlaki ng isang dalandan, ang distansiya sa pagitan ng mga bituin sa modelong ito ay mga isang libo at limang daan kilometro sa katamtaman!

Iyan ang dahilan kung bakit ang mga siyentipiko sa SETI ay labis na dumidepende sa radyo teleskopyo; inaakala nila na yamang ang adelantadong mga sibilisasyon ay maaaring hindi naglalakbay sa pagitan ng mga bituin, hahanap sila ng iba pang anyo ng buhay sa pamamagitan ng mas mura at madaling paraan ng mga alon ng radyo. Subalit sumasagi pa ring lagi sa kanilang isip ang kabalintunaan ni Fermi.

Ang pisisistang Amerikano na si Freeman J. Dyson ay naghinuha na kung ang adelantadong mga sibilisasyon ay umiiral sa ating galaksi, ang paghanap ng katibayan nito ay dapat na kasindali na gaya ng paghanap ng mga tanda ng teknolohikal na sibilisasyon sa Manhattan Island sa New York City. Ang galaksi ay dapat sanang umuugong ng mga hudyat mula sa ibang planeta at ng kanilang pagkalaki-laking mga proyekto sa inhinyerya. Subalit walang natagpuang gayon. Sa katunayan, binanggit ng isang artikulo sa paksang ito na ang “nagsaliksik, walang nasumpungan” ay naging gaya ng isang relihiyosong dasal sa mga astronomo sa SETI.

Nagsimula ang mga Pag-aalinlangan

Maraming siyentipiko ang nakatanto na ang kanilang mga kasamahan ay gumawa ng napakaraming mga palagay sa pagtalakay sa katanungang ito. Narating ng mga siyentipikong iyon ang mas mababang bilang ng adelantadong mga sibilisasyon sa ating galaksi. Ang iba ay nagsasabi na mayroon lamang iisa​—tayo. Ang iba naman ay nagsasabi na sa matematikang paraan, dapat sana’y wala pang isa​—pati na tayo ay hindi dapat na narito!

Ang saligan para sa kanilang pag-aalinlangan ay hindi mahirap unawain. Maaari itong buurin sa dalawang katanungan: Kung umiiral ang gayong mga estraterrestrial, saan sila nakatira? At paano sila napunta roon?

‘Aba, sila’y titira sa mga planeta,’ maaaring itugon ng iba sa unang tanong. Subalit may isa lamang planeta sa ating sistema solar na hindi laban sa buhay, ang isa na tinitirhan natin. Subalit kumusta naman ang mga planetang umiikot sa libu-libong milyong iba pang mga bituin sa ating galaksi? Hindi kaya ang ilan sa mga ito ay nagtatangkilik ng buhay? Ang totoo ay na hanggang sa ngayon hindi pa ring napatutunayan ng mga siyentipiko ang pag-iral ng isang planeta sa labas ng ating sistema solar. Bakit hindi?

Sapagkat napakahirap matuklasan ang isa. Yamang ang mga bituin ay napakalayo at ang mga planeta ay hindi naglalabas ng anumang liwanag nila, ang pagtuklas ng kahit na isang dambuhalang planeta, gaya ng Jupiter, ay gaya ng paghanap ng isang alikabok na lumulutang sa paligid ng isang napakaliwanag na bumbilya na milya-milya ang layo.

Kahit na kung umiiral ang mga planetang iyon​—at ang ilang di-tuwirang katibayan ay natipon upang ipakita na umiiral nga ito​—hindi pa rin ito nangangahulugan na iniikutan nila ang tamang uri ng bituin sa tamang kalapit na galaksi, sa tamang-tamang distansiya mula sa bituin, at ang mga ito mismo ay tamang-tama ang laki at nilalaman upang sumustini ng buhay.

Isang Gumuguhong Pundasyon

Gayunman, kahit na kung maraming planeta ang umiiral na nakatutugon sa mahigpit na mga kondisyon na kinakailangan upang sumustini ng buhay na gaya ng nalalaman natin, ang katanungan ay nananatili, Paano lilitaw ang buhay sa mga daigdig na iyon? Dinadala tayo nito sa pinaka-pundasyon mismo ng paniniwala sa mga nilikha sa ibang daigdig​—ang ebolusyon.

Sa maraming siyentipiko, waring makatuwirang maniwala na kung ang buhay ay maaaring bigla na lamang lumitaw mula sa di-nabubuhay na bagay sa planetang ito, maaaring totoo rin iyan sa ibang planeta. Gaya ng pagkakasabi rito ng isang manunulat: “Ang panlahat na kaisipan sa gitna ng mga biyologo ay na ang buhay ay magsisimula kailanma’t ito’y bigyan ng isang kapaligiran kung saan maaari itong magsimula.” Subalit diyan nakakaharap ng ebolusyon ang di-malutas na pagtutol. Hindi nga maipaliwanag ng mga ebolusyunista kung paano nagsimula ang buhay sa planetang ito.

Tinataya ng mga siyentipikong sina Fred Hoyle at Chandra Wickramasinghe na ang kalamangan laban sa pagkakaroon ng mahahalagang enzymes ng buhay nang di sinasadya ay isa sa 1040,000 (1 na may 40,000 sero na kasunod nito.) Higit pa ang tantiya ng mga siyentipikong sina Feinberg at Shapiro. Sa kanilang aklat na Life Beyond Earth, inilalagay nila ang kalamangan laban sa materyal sa isang organikong sopas na kumukuha ng unang panimulang hakbang tungo sa buhay na isa sa 101,000,000. Kung isusulat natin ang bilang na iyan, ang magasing ito na hawak mo ay magiging mahigit na 300 pahina ang kapal!

Nahihirapan ka bang unawain ang mga bilang na ito? Ang salitang “imposible” ay mas madaling tandaan, at gayundin kawasto.a

Isa pa, masayang ipinalalagay ng mga astronomo sa SETI na ang buhay ay malamang na nagsimula nang di sinasadya sa buong sansinukob. Si Gene Bylinsky, sa kaniyang aklat na Life in Darwin’s Universe, ay nagbabaka-sakali sa iba’t ibang landas na maaaring tinahak ng ebolusyon sa ibang daigdig. Iminungkahi niya na ang matalinong mga pugita, mga taong marsupial na may lukbutan sa kanilang mga tiyan, at mga taong-paniki na gumagawa ng musikal na mga instrumento ay hindi malayong mangyari. Pinuri ng kilalang mga siyentipiko ang kaniyang aklat. Gayunman, nakita ng ibang mga siyentipiko, gaya nina Feinberg at Shapiro, ang malaking depekto sa gayong pangangatuwiran. Pinintasan nila ang “kahinaan sa mahalagang eksperimental na mga pundasyon” ng mga teoriya ng mga siyentipiko tungkol sa kung paano nagsimula ang buhay sa lupa. Gayunman, binanggit nila na ang mga siyentipiko sa paano man ay “ginamit ang mga pundasyong ito upang magtayo ng mga tore na sumasakop sa dulo ng Sansinukob.”

Ang Maling Relihiyon

‘Bakit,’ maitatanong mo, ‘ipinagpapalagay ng maraming siyentipiko ang imposible?’ Ang sagot ay simple at medyo malungkot. Ang mga tao ay may hilig na maniwala sa kung ano ang nais nilang paniwalaan. Ang mga siyentipiko, sa kabila ng kanilang pag-aangkin na pagiging makatuwiran, ay hindi rin nalilibre sa kahinaang ito ng tao.

Napansin ni Hoyle at Wickramasinghe na “ang teoriya na ang buhay ay binuo ng isang talino” ay “malawakang” mas malamang na mangyari kaysa basta lumitaw nang kusa. “Oo,” sabi pa nila, “ang gayong teoriya ay napakaliwanag anupa’t ang isa ay nagtataka kung bakit ito ay hindi malawakang tinatanggap bilang maliwanag sa ganang sarili. Ang mga dahilan ay saykolohikal sa halip na siyentipiko.” Oo, maraming siyentipiko ang umiiwas sa ideya ng isang Maylikha, kahit na doon tumuturo ang katibayan. Sa gayong paraan, lumikha sila ng sarili nilang relihiyon. Gaya ng pagkakita rito ng nabanggit na mga autor, basta pinapalitan ng Darwinismo ang salitang “Diyos” ng salitang “Kalikasan.”

Kaya bilang sagot sa katanungang, “May buhay ba roon?” maliwanag na ang siyensiya ay hindi nagbibigay ng dahilan upang maniwala sa buhay sa ibang planeta. Sa katunayan, habang lumilipas ang panahon at ang katahimikan buhat sa mga bituin ay nagpapatuloy, ang SETI ay nagiging isang kahihiyan sa mga siyentipiko na naniniwala sa ebolusyon. Kung ang sarisaring uri ng buhay ay basta na lamang lumitaw mula sa walang-buhay na bagay, kung gayon bakit wala tayong naririnig buhat sa kanila sa napakalawak na sansinukob na ito? Nasaan sila?

Sa kabilang panig, kung ang katanungan ay ipatutungkol sa relihiyon, paano natin masusumpungan ang kasagutan? Ang Diyos ba ay lumikha ng buhay sa iba pang daigdig?

[Talababa]

a Ang iba pa sa mga teoriya ng ebolusyon ay punô rin ng problema. Pakisuyong tingnan ang aklat na Life​—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Kahon sa pahina 8]

Mga Bisita Sa Ibayo Pa Roon?

Maraming tao ang naniniwala na ang tao ay dinadalaw, o dinalaw noon, ng mga extraterrestrial. Karaniwang tinatanggihan ng mga siyentipiko ang mga pag-aangking ito; binabanggit nila ang kakulangan ng tiyak na mga katibayan sa lahat ng kaso at sinasabing ang karamihan ng nakikitang UFO (di-kilalang lumilipad na bagay) ay maipaliliwanag ng likas na kababalaghan. Waring ibinubunton nila ang mga sinasabing pagkidnap sa di pa nasusuring mga dako ng naguguluhang isip ng tao o sa sikolohikal at relihiyosong mga pangangailangan.

Ganito ang sabi ng isang manunulat ng science-fiction: “Ang simbuyong magsiyasat at maniwala sa bagay na ito ay halos relihiyoso. Dati’y mayroon tayong mga diyos. Ngayon nais nating madama na hindi tayo nag-iisa, na tayo’y binabantayan ng pananggalang na mga puwersa.” Isa pa, ang ilang karanasan tungkol sa UFO ay higit na nagpapahiwatig ng okulto kaysa siyensiya.

Subalit maraming siyentipiko ang naniniwala sa “mga bisita” sa kanilang sariling paraan. Nauunawaan nila ang pagiging imposible na ang buhay ay nagkataon lamang dito sa lupa, kaya sinasabi nilang ito’y malamang na tinangay rito mula sa kalawakan. Sinasabi ng iba na tinamnan ng mga tagaibang-planeta ng buhay ang ating planeta sa pagpapadala ng mga rocket na punô ng unang baktirya. Sinabi pa nga ng isa na dinalaw ng mga tagaibang-planeta ang ating planeta maraming taon na ang nakalipas at na ang buhay ay di-sinasadyang lumitaw mula sa basurang kanilang iniwan! Ang ibang mga siyentipiko ay naghinuha mula sa katibayan na ang payak na organikong mga molekula ay pangkaraniwan sa kalawakan. Subalit iyan nga ba ay katibayan na ang buhay ay di-sinasadyang lumitaw? Ang isa bang tindahan ng mga kagamitang metal ay katibayan na ang isang kotse ay di-sinasadyang nabuo roon?

[Larawan sa pahina 7]

Kahit na kung umiiral ang iba pang natatahanang planeta, may katibayan ba na ang buhay ay maaaring magmula sa kanila nang di sinasadya?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share