Mga “Extraterrestrial”—Ang Matagal Nang Napapangarap
HINDI inimbento ng modernong-panahong mga manunulat ng science-fiction ang ideya ng mga extraterrestrial. Mga 23 siglo ang nakalipas, itinuro ng isang pilosopong Griego na nagngangalang Metrodorus na ang isang uniberso na naglalaman ng isa lamang tinatahanang daigdig ay tila hindi makatuwiran na gaya ng isang malaking bukid na tinatamnan lamang ng isang butil ng mais. Si Lucretius, isang makatang Romano noong unang siglo B.C.E., ay sumulat na “sa ibang bahagi ng kalawakan ay may iba pang daigdig at sarisaring lahi ng tao.”
Ang turong ito, na tinatawag na pagkamarami ng mga daigdig, ay hindi sinasang-ayunan sa Sangkakristiyanuhan sa loob ng maraming siglo. Subalit mula noong mga 1700 hanggang sa maagang bahagi ng atin mismong siglo, karamihan ng mga edukadong tao, pati na ang ilan sa pinakadakilang mga siyentipiko sa kasaysayan, ay matibay na naniniwala sa buhay sa iba pang daigdig. Sa katunayan, isang guro noong kalagitnaan ng 1800’s ay malawakang sinalakay nang siya’y nangahas na sumulat ng isang dokumento na nagpapabulaan sa doktrina.
Ang mga tao ay waring sabik na maniwala sa mga extraterrestrial, kahit na sa pinakamahinang katibayan. Noong 1835 isang reporter sa pahayagan ang sumulat na ang mga astronomo ay nakatuklas ng buhay sa buwan. Isinulat niya na kakatwang mga hayop, eksotikong mga halaman, at maliliit na tao pa nga na may mga pakpak, na aali-aligid at nakikitang kumukumpas, ay pawang nakita sa pamamagitan ng isang teleskopyo! Ang sirkulasyon ng kaniyang pahayagan ay tumaas. Ang marami ay patuloy na naniwala sa kuwento kahit na pagkatapos itong ibunyag bilang huwad.
Ang mga siyentipiko ay punung-puno ng pag-asa. Noong dakong huli ng 1800’s, ang astronomong si Percival Lowell ay kumbinsido na nakikita niya ang isang masalimuot na sistema ng mga kanal sa ibabaw ng planetang Mars. Detalyadong iginuhit niya ito ng mapa at sumulat siya ng mga aklat tungkol sa sibilisasyon na gumawa nito. Sa Pransiya, ang Academy of Sciences ay lubhang nakatitiyak na may buhay sa Mars anupa’t ito’y nag-alok ng isang gantimpala sa unang taong maaaring makipagtalastasan sa sinumang extraterrestrial maliban sa mga taga-Mars.
Ang iba ay nagmungkahi ng kakatwang mga panukala upang makipagtalastasan sa mga nilikha sa kalapit na mga daigdig, mula sa pagsisindi ng pagkalalaking apoy sa Disyerto ng Sahara hanggang sa pagtatanim ng kagubatang may geometrikong hugis sa ibayo ng Siberia. Noong 1899 isang Amerikanong imbentor ang nagtayo ng isang palo na ang dulo ay isang bolang tanso at nagpadala ng malakas na elektrikal na mga pagyanig sa pamamagitan nito upang bigyan ng hudyat ang mga taga-Mars. Nagtayuan ang buhok ng mga tao, at ang mga ilaw ay namula mga 50 kilometro sa paligid, subalit wala ring sagot mula sa Mars.
Punô ng Pag-asa
Bagaman ang teknolohiya sa likuran ng pananaliksik ngayon sa buhay sa ibang daigdig ay maaaring bago, isang bagay ang nananatiling walang pagbabago: Naniniwala pa rin ang mga siyentipiko na ang tao ay hindi nag-iisa sa sansinukob. Gaya ng isinulat ni Otto Wöhrback sa pahayagang Aleman na Nürnberger Nachrichten: “Wala isa mang natural na siyentipiko ang hindi magsasabi ng oo kung siya ay tatanungin kung baga may extraterrestrial na buhay.” Ganito ang sabi ni Gene Bylinsky, autor ng Life in Darwin’s Universe: “Anumang araw ngayon, kung mapaniniwalaan ng mga radyo astronomo, isang hudyat mula sa mga bituin ay kikislap sa di-maisip na layo ng kalawakan upang wakasan ang ating kalungkutan sa sansinukob.”
Bakit lubhang nakatitiyak ang mga siyentipiko na umiiral ang buhay sa ibang daigdig? Ang kanilang paniniwala ay nagsisimula sa mga bituin. Napakarami nito—libu-libong milyon sa ating galaksi. Saka nagsisimula ang mga pagpapalagay. Tiyak, marami sa mga bituing iyon ay may mga planeta ring umiikot sa mga ito, at ang buhay ay malamang na nanggaling sa ilan sa mga daigdig na iyon. Kasuwato ng pangangatuwirang iyan, ipinalagay ng mga astronomo na mayroong mula sa libu-libo hanggang milyun-milyong sibilisasyon dito mismo sa atin sariling galaksi!
Mahalaga ba Ito?
Ano naman ang kaibhan kung may buhay nga sa ibayo pa roon ng Lupa o wala? Bueno, inaakala ng mga siyentipiko na alinman sa kasagutan ay magkakaroon ng malaking epekto sa sambahayan ng tao. Sinasabi nilang ang malaman na hindi tayo nag-iisa sa sansinukob ay magtuturo sa sangkatauhan na pahalagahan ang buhay dito dahil sa pagiging walang katulad nito. Sa kabilang dako, ikinakatuwiran ng isang iginagalang na siyentipiko na ang mga sibilisasyon sa ibang planeta ay malamang na milyun-milyong taon na mas adelantado kaysa atin mismong sibilisasyon at maaari nilang ibahagi ang kanilang malawak na karunungan sa atin. Maaari nila tayong turuang gamutin ang ating mga karamdaman, wakasan ang polusyon, mga digmaan, at gutom. Maaari pa nga nilang ipakita sa atin kung paano dadaigin ang kamatayan mismo!
Wala nang sakit, digmaan, kamatayan—ang ganiyang uri ng pag-asa ay mahalaga sa mga tao sa ating maligalig na panahon. Walang alinlangan na mahalaga rin ito sa iyo. Gayunman, malamang na ikaw ay sumang-ayon na mas mabuti nang walang pag-asa kaysa umasa sa isang huwad na pag-asa. Mahalaga para sa atin na alamin, kung gayon, kung ang mga siyentipiko ay talagang nakatitiyak kapag iginigiit nila na ang sansinukob ay namumutiktik ng mga daigdig na pinaninirahan.
[Blurb sa pahina 5]
Nakatitiyak ba ang mga siyentipiko kapag iginigiit nila na ang sansinukob ay namumutiktik ng mga daigdig na pinaninirahan?