Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 6/8 p. 10-11
  • Ikaw ba’y Isang Walang-Ingat na Tsuper?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ikaw ba’y Isang Walang-Ingat na Tsuper?
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Di-Akma sa Lipunan
  • Ang mga Di-Akma sa Emosyon
  • Ang Mahusay na Tsuper
  • Linangin ang Ligtas na mga Pag-uugali sa Pagmamaneho
    Gumising!—1988
  • Pagod—Isang Di-Nakikitang Silo sa mga Drayber ng Trak
    Gumising!—1997
  • Mga Aksidente sa Sasakyan—Ligtas Ka Ba?
    Gumising!—2002
  • Handa Na ba Akong Magmaneho?
    Gumising!—1989
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 6/8 p. 10-11

Ikaw ba’y Isang Walang-Ingat na Tsuper?

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Hapón

“ALAM namin ang mga uring malamang na maaksidente,” pahayag ni Hiroyasu Ohtsuka, Hepe ng Traffic Safety sa National Institute of Police Science ng Hapón. “Sa kabila nito, hindi kami tumatangging bigyan sila ng lisensiya sa pagmamaneho, ngunit ibig naming makilala ng mga tao ang kanilang mga kapintasan sa personalidad at pagtagumpayan ang mga ito.”

Kadalasang hindi minamalas ng walang-ingat na mga tsuper ang kanilang mga sarili na gayon. Subalit kinilala ng mga dalubhasa ang anim na mga uri ng mga kapintasan sa personalidad na madaling nakikita kapag ang isa ay nagmamaneho. Habang isinasaalang-alang mo ang bawat uri, sikaping pag-isipan ang iyong sarili, at tingnan kung gaano ka kaingat na tsuper.

Ang mga Di-Akma sa Lipunan

Kasama sa mga uring walang-ingat ay ang mga taong hindi makaakma sa lipunan, yaong mga may suliranin sa pakikitungo sa ibang tao. Sila ay:

Ang Makaako Ito ang taong iginigiit ang paggawa ng lahat ng bagay sa kaniyang paraan. Kapag nagmamaneho, iniisip niyang siya ang ‘hari ng daan.’ Inaakala niyang malaya siyang magtakda ng sarili niyang bilis, niwawalang-bahala ang anumang mga tuntuning ipinalalagay niyang kalabisan lamang, at nagyayabang kailanma’t ibigin niya. Nakakalimutan niyang may kahati siya sa kalsada sa lahat ng iba pang nagmamaneho. Gumagawi sa paraang maibigan niya at nagsasamantala, nagiging sanhi siya ng mga aksidente sapagkat hindi siya tumugon sa patuloy na nagbabagong mga kalagayan sa lansangan at makibagay sa mga ito.

Ang Ayaw Makipagtulungan Ang isang tsuper na ayaw makipagtulungan ay may kaunting damdamin sa ibang tao, ni nauunawaan man niya kung ano ang kanilang iniisip o nadarama. Dahilan sa siya’y nahihirapang makisama sa mga tao, malamang na iwasan niya ang mga ito. Ito ay mababanaag sa pangit na pag-uugali sa kalsada at kawalang-galang sa iba pang tsuper​—kapuwa mga salik sa kawalang-ingat. Para sa iba, ang pagkatuto kung paano makikipagtulungan sa ibang tao ay maaaring umabot ng mga taon, at ito ang isang dahilan ng mataas na bilang ng aksidente sa gitna ng mga kabataan.

Ang Agresibo Isang palatandaan ng isang agresibong tsuper, ayon sa aklat na Driving Instruction According to Aptitude, ay “ang lubusang pagtangging magbigay-daan sa iba kapag naniniwala ang tsuper na siya ang may karapatang mauna. Hindi niya palalampasin ang maliliit na kasalanan ng ibang mga tsuper o mga taong tumatawid, at ito’y humahantong sa pagsigaw, pag-abala sa kilos ng iba, . . . at pagbubusina . . . bilang pagtatanggol ng kaniyang sariling mga karapatan hanggang sa mapait na wakas.” Kahit ang guniguning pagkakamali ay makapagpapagalit sa kaniya. Kung siya’y magagalitin pa, kadalasang lalampas sa hangganan ng katinuan ang kaniyang pagmamaneho.

Ang mga Di-Akma sa Emosyon

At nariyan yaong may mga suliranin sa emosyon. Lakip dito:

Ang Pabagu-bago Nakikilala sa mga kalabisan sa emosyon ang taong pabagu-bago. Siya’y may mga sumpong ng pagkamasayahin, katuwaan, at panlulumo. Kapag siya’y nagmamaneho samantalang nanlulumo, hindi niya makikita ang mga panganib, at maaaring napakabagal ng kaniyang pagtugon sa maingat na pagmamaneho. Kung siya’y magmamaneho samantalang masayang-masaya, maaaring siya’y maging padalus-dalos. Ang mga babalang ibinigay sa kaniya sa ganitong kalagayan ay malamang na magpasiklab ng pagpapakita ng paghihimagsik. Maaaring ang kaniyang panlulumo lamang ang kilalanin niyang abnormal.

Ang Masyadong Nerbiyoso Kadalasa’y isa itong uring walang imik na laging abala sa kaniyang mga iniisip, nababahala sa lahat ng bagay. Kapag nagmamaneho, ang kaniyang isipan ay “gulung-gulo sa mga bagay na walang kinalaman sa pagmamaneho,” anupat “mas malamang na makaligtaan niya ang mahalagang impormasyon o bigyan ito ng maling pakahulugan,” puna ng mga mananaliksik na sina Richard E. Mayer at John R. Treat sa isang pag-aaral ng mga walang-ingat na mga tsuper. Maaaring mataranta ang isang nerbiyosong tsuper kahit na sa mga kalagayang hindi naman mapanganib, gaya ng kapag pumarada sa tabi ang isang trak. Kaniyang inaantabayan ang pinakamasama.

Ang Padalus-dalos Ang uring ito ay mabilis kumilos. Sa halip na gumugol ng panahon upang tiyakin ang mga bagay-bagay at gumawa ng wastong pasiya, mahilig siyang umasa sa likas na hilig (instinct). Ang panahong ginugugol sa paghihintay sa mga ilaw trapiko at sa mga tumatawid ay tila mas matagal sa kaniya kaysa sa ordinaryong tao. Kaya siya’y nasisiraan ng loob at madaling nawawalan ng pasensiya. Ang hindi niya paggawa ng matinong pasiya bago kumilos ang gumagawa sa kaniya na isang mapanganib na tsuper.

Nakikita mo ba ang sarili mo sa alinman sa mga uring ito? Ano ang reaksiyon mo kapag sinusubukan ng di-makonsiderasyong tsuper ang iyong pagtitimpi? Kung kasya ang sapatos, ayon nga sa kasabihan, kung gayon isuot mo ito. Para sa iyong sariling kaligtasan, sundin ang babala, at pagtagumpayan ang mga kahinaan. Kailangang supilin mo ang iyong mga damdamin at mga saloobin upang maging mabuting tsuper.

Ang Mahusay na Tsuper

Subalit ano ba ang gumagawa sa isa na magaling na tsuper? Sa mga panayam ng Gumising!, idiniin ng pangunahing mga mananaliksik mula sa kagawad ng pulisya sa Hapón ang pagpapakita ng konsiderasyon sa iba, pag-iisip bago kumilos, kakayahang unawain ang buong situwasyon, karunungan upang magpasiya nang tumpak, kaunawaan, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili, at ang pagkilos sa paraang nag-iingat sa iba pang gumagamit sa kalsada.

Kahawig nito, isang ulat mula sa Osaka Prefectural University ang naglalarawan sa magagaling na tsuper na “nagtataglay ng mataas na antas ng emosyonal na katatagan; ang mental na kakayahan ng mapag-unawang pagpapasiya ay mas mabilis kaysa mga reaksiyon ng kanilang katawan; ang kanilang pasiya ay tumpak; kaya nilang supilin ang kanilang mga emosyon.” Kapit ba sa iyo ang paglalarawang ito?

Sa loob ng libu-libong taon, ang Bibliya ay nagtuturo sa mga tao kung paano magkakaroon ng karunungan, unawa, at kaunawaan (discernment). (Kawikaan 2:​1-6) Ipinakikita nito kung papaano maaaring halinhan ng di-sakdal na mga tao ang “poot, galit, kasamaan, abusadong pagsasalita, at mahalay na pangungusap” ng “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili.” Oo, ang Bibliya ay maaari pa ngang makatulong sa iyo na maging mas magaling na tsuper!​—Colosas 3:​8-10; Galacia 5:​22, 23.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share