Ang Pangmalas ng Bibliya
Pagpapatiwakal—May Pagkabuhay-muli?
ANG kalunus-lunos na balita tungkol sa isang pagpapatiwakal ay hindi nagsasara ng isang kabanata sa buhay ng mga kamag-anak at mga kaibigan; binubuksan nito ang isa—isang kabanata ng halu-halong damdamin ng habag at galit, lungkot at pagkadama ng pagkakasala. At ibinabangon nito ang tanong: May anumang pag-asa kaya ang ating kaibigan na nagpatiwakal?a
Bagaman ang pagpapakamatay ay hindi kailanman binibigyan-matuwid, hindi kailanman matuwid, si apostol Pablo ay nagbigay ng isang magandang pag-asa kahit na sa ilang di-matuwid. Gaya ng sinabi niya sa isang Romanong hukuman ng batas: “Ako’y may pag-asa sa Diyos . . . na magkakaroon ng pagkabuhay-muli ng mga matuwid at di-matuwid.”—Gawa 24:15.
Gayunman, pinawalang-saysay ng maraming teologo ang anumang mungkahi na ang pagkabuhay-muli ng mga di-matuwid ay maaaring magbigay ng pag-asa sa mga nagpatiwakal. Bakit?
Sinasalungat ng mga Teologo ang Pag-asa ng Pagkabuhay-muli
Kinilala ni William Tyndale ang bahagi ng problema sa paunang-salita ng kaniyang ika-16 na siglong Bibliya: “Sa paglalagay sa humiwalay na mga kaluluwa sa langit, impierno, o purgatoryo ay sinisira mo ang mga argumento kung saan pinatunayan ni Kristo at ni Pablo ang pagkabuhay-muli.” Oo, mga dantaon na ang lumipas, ipinakilala ng mga tao ng simbahan ang wala sa Bibliya na ideya: ang walang-kamatayang mga kaluluwa na umaalis sa katawan sa kamatayan at nagtutungo agad sa langit, purgatoryo, Limbo, o sa impierno. Ang ideyang iyan ay salungat sa malinaw na turo ng Bibliya tungkol sa isang pagkabuhay-muli sa hinaharap. Gaya ng tanong ng ministrong Baptist na si Charles Andrews: “Kung ang kaluluwa ay nasa walang kahulilip na kaligayahan sa langit (o makatuwirang iniihaw na sa impierno), ano pa ang kakailanganin?” Sabi pa niya: “Ang panloob na salungatang ito ay nanatili upang salutin ang mga Kristiyano sa buong dantaon.”
Ang isang resulta ng gayong lumilihis na teolohiya ay na “sapol noong panahon ni Agustin [354-430 C.E.], hinatulan ng simbahan ang pagpapatiwakal bilang isang kasalanan,” sabi ni Arthur Droge sa Bible Review, Disyembre 1989, “isang kasalanang walang kapatawaran, gaya ng apostasya at pangangalunya.”
Ang malupit na hatol ng pagiging “walang kapatawaran,” o walang pag-asang inihabilin sa apoy ng impierno, ay nagdala ng hatol-sa-kamatayan na argumento sa mabuway na sukdulan nito. Sabi ng National Catholic Reporter: “Dalawa sa pinakamagaling na doktor ng simbahan ay dumaing laban sa pagpapatiwakal—si Agustin na tinatawag itong ‘kasuklam-suklam at kasumpa-sumpang kabalakyutan’ at si Aquinas na nagpahiwatig na ito ay isang mortal [di-mapatatawad] na kasalanan laban sa Diyos at sa pamayanan—subalit hindi sang-ayon ang lahat ng mga tao ng simbahan.”
Nakatutuwa naman, maiiwasan natin ang gayong “panloob na salungatan” sa pamamagitan ng pagtanggap sa dalawang magkasuwatong mga katotohanan ng Bibliya. Una, “ang kaluluwang nagkakasala—ito mismo ay mamamatay.” (Ezekiel 18:4) Ikalawa, ang tunay na pag-asa ng patay na mga kaluluwa (mga tao) ay mabuhay muli sa pamamagitan ng “isang pagkabuhay-muli ng mga matuwid at di-matuwid.” (Gawa 24:15) Ano, kung gayon, ang makatuwirang maaasahan natin para sa mga taong nagpatiwakal?
Isang Di-matuwid na Bubuhaying-muli
Sinabi ni Jesus sa isang kriminal na nahatulan ng kamatayan: “Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.” Ang tao ay di-matuwid—isang manlalabag-batas sa halip na isang ligalig na biktima ng pagpapatiwakal—may sala ayon sa kaniya mismong pag-amin. (Lucas 23:39-43) Wala siyang pag-asang magtungo sa langit upang magharing kasama ni Jesus. Kaya ang Paraisong maaasahan ng magnanakaw na ito kung saan siya’y bubuhayin-muli ay ang magandang lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos na Jehova.—Mateo 6:9, 10; Apocalipsis 21:1-4.
Sa anong layunin gigisingin ng Diyos ang kriminal na ito? Upang Kaniyang walang-awang papanagutin sa kaniyang nakaraang mga kasalanan laban sa kaniya? Hindi, sapagkat ang Roma 6:7, 23 ay nagsasabi: “Sapagkat ang namatay ay pinawalang-sala na sa kasalanan,” at “ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan.” Bagaman ang kaniyang nakaraang mga kasalanan ay hindi na sisingilin sa kaniya, kailangan pa rin niya ng pantubos upang dalhin siya sa kasakdalan.
Kaya, ang teologong si Albert Barnes ay mali at nakalilito nang sabihin niyang: “Yaong mga gumawa ng masama ay bubuhayin-muli upang hatulan, o isumpa. Ito ang magiging layunin ng pagbuhay-muli sa kanila; ito ang tanging layon.” Anong pagkalayo sa isang Diyos ng katarungan at pag-ibig! Bagkus, ang pagkabuhay-muli sa buhay sa isang paraisong lupa ay magbibigay sa dating kriminal na ito (at sa iba pang di-matuwid) ng ginintuang pagkakataon na hatulan ayon sa kung ano ang kanilang gagawin pagkatapos ng kanilang pagkabuhay-muli.—1 Juan 4: 8-10.
Isang Maawaing Pagkakataon
Ang nasindak na mga kaibigan ng isang biktima ng pagpapatiwakal ay maaari sa gayong magkaroon ng kaaliwan sa pagkaalam na “si Jehova ay nagpapakita ng awa sa kanila na natatakot sa kaniya. Sapagkat nalalaman niya ang ating anyo, kaniyang inaalaala na tayo’y alabok.” (Awit 103:10-14) Ang Diyos lamang ang lubos na nakauunawa sa bahagi ng sakit sa isipan, labis-labis na kaigtingan, genetikong depekto pa nga, sa isang “krisis ng pagpapatiwakal,” na, sabi ng National Observer, “ay hindi isang habang-buhay na katangian [kundi] kadalasan ay mga ilang minuto o mga ilang oras lamang.”—Tingnan ang Eclesiastes 7:7.
Ipagpalagay na, ang isa na nagpakamatay ay pinagkakaitan ang kaniyang sarili ng pagkakataon na magsisi sa kaniyang pagpapakamatay. Subalit sino ang makapagsasabi kung ang isang nagpatiwakal ay maaaring magbago ng puso kung hindi sana natuloy ang kaniyang tangkang pagpapatiwakal? Sa katunayan, ang ibang kilalang mamamatay-tao ay nagbago at nakamit ang kapatawaran ng Diyos sa kanilang buong buhay.—2 Hari 21:16; 2 Cronica 33:12, 13.
Kaya, palibhasa, si Jehova’y nagbayad na “ng isang pantubos na kapalit ng marami,” may karapatan siyang magpakita ng awa, kahit na sa ilang nagpakamatay, sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa kanila at pagbibigay sa kanila ng mahalagang pagkakataon na “magsisi at magbalik-loob sa Diyos sa paggawa ng mga gawang karapat-dapat sa pagsisisi.”—Mateo 20:28; Gawa 26:20.
Ang Maaasahan, Maka-Kasulatang Pangmalas sa Buhay
Ang buhay ay isang kaloob buhat sa Diyos, hindi isang bagay na dapat abusuhin o wakasan ng isa. (Santiago 1:17) Kaya, tayo ay hinihimok ng Kasulatan na tingnan ang ating mga sarili, hindi bilang walang-kamatayang mga kaluluwa, kundi bilang mahalagang mga nilalang ng Diyos na nagmamahal sa atin, na pinahahalagahan ang ating pagiging buháy, at na may kagalakang inaasam-asam ang panahon ng pagkabuhay-muli.—Job 14:14, 15.
Ang pag-ibig ay nagpapatibay sa ating pagkakilala na ang pagpapatiwakal—bagaman iniiwasan ang pasanin ng isa—ay nagdaragdag lamang ng higit na problema sa mga naulilang mahal sa buhay. Kung ang pag-uusapa’y ang nagpakamatay, tayong mga tao ay hindi makahahatol kung baga siya ay bubuhayin-muli o hindi. Gaano ba siya masisisi? Ang Diyos lamang ang sumasaliksik ‘sa lahat ng puso at bawat haka ng pag-iisip.’ (1 Cronica 28:9) Subalit tayo’y makapagtitiwala na ‘gagawin ng Hukom ng buong lupa kung ano ang maibigin, makatarungan, at matuwid!’—Genesis 18:25.
[Mga talababa]
a Ang artikulong ito ay nilayon para sa mga naulila ng mga biktima ng pagpapatiwakal. Para sa higit pang pagtalakay tungkol sa paksang pagpapatiwakal, tingnan Ang Bantayan, Pebrero 1, 1984, pahina 3-11 at Gumising!, Enero 8, 1982, pahina 5-12.
[Picture Credit Line sa pahina 22]
Kollektie Rijksmuseum Kröller-Müller, Otterlo