Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 12/22 p. 15-17
  • Papaano Ako Liligaya sa Piling ng Isa Lamang Magulang?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Papaano Ako Liligaya sa Piling ng Isa Lamang Magulang?
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kalidad​—Hindi Kantidad
  • Pagkasiyahin ang Kaunting Kita
  • Kung Paano Pakikitunguhan ang Sobrang Pasanin
  • Puwede Bang Maging Masaya Kahit Iisa Lang ang Magulang?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • Magiging Normal Kaya Ako na May Isa Lamang Magulang?
    Gumising!—1990
  • Paano Ko Matutulungan ang Aking Nagsosolong Magulang?
    Gumising!—1991
  • Paano Ko Pakikitunguhan ang Aking Humiwalay na Magulang?
    Gumising!—1990
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 12/22 p. 15-17

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Papaano Ako Liligaya sa Piling ng Isa Lamang Magulang?

“Ang mga batang may dalawang magulang ay maaaring magkaroon ng kanilang sariling kuwarto at bumili ng bagong mga damit. Subalit ako ay may kasama sa kuwarto; hindi ko mabili ang klase ng damit na gusto ko. Sabi ni Inay hindi niya kayang bilhin ang mga ito. Dahil sa lahat ng gawaing bahay na dapat kong gawin sa bahay samantalang siya’y nagtatrabaho, para akong katulong​—para ba akong nadadaya sa aking pagkabata.”​—Shalonda, 13 anyos.

ANG dalawang-magulang na tahanan ay uliran. Karaniwan nang maibibigay ng dalawang maibiging magulang ang higit na patnubay, proteksiyon, at suporta kaysa maibibigay ng isang magulang. “Ang dalawa ay maigi kaysa isa,” sabi ng Bibliya, “sapagkat magkasama silang makagagawang mas mabisa.”​—Eclesiastes 4:​9, Today’s English Version.

Kaya, hindi kataka-taka na sa kabila ng dumaraming sambahayan ng nagsosolong-magulang, maraming kabataan ang nahihiyang mamuhay sa gayong mga pamilya. Maaaring isipin nila na hindi nila handang pakitunguhan ang mga panggigipit at mga problema na dala ng gayong buhay. Ano, kung gayon, kung ang mga kalagayang higit sa iyong kakayahan ay pagkaitan ka ng pag-ibig at pangangalaga ng isa sa iyong mga magulang? Ikaw ba ay nahatulan na sa kahirapan? Hindi naman.

Malaki ang kaugnayan ng iyong pangmalas sa situwasyon. Ang Kawikaan 15:15 ay nagsasabi: “Lahat ng mga araw sa nagdadalamhati ay masama; ngunit siyang may masayang puso ay may laging kapistahan.” Kasuwato ng simulaing ito, si Dr. Helen Mendes ay nagsasabi: “Dapat ituring ng mga pamilya ng nagsosolong-magulang ang kanilang sarili bilang isang koponan at tanggapin ang kanilang mga sarili bilang isang buong pamilya,” hindi wasak na tahanan. Susog pa niya: “Ang mga pamilyang iyon ay may ganap na kakaibang saloobin at pangmalas sa buhay kapag itinuturing nila ang kanilang sarili bilang tinatanggap na yunit ng lipunan.” Subalit makatotohanan bang magkaroon ng gayong positibong pangmalas?

Kalidad​—Hindi Kantidad

Ang mga mananaliksik para sa babasahing Family Relations ay nagpapagunita sa atin: “Ang pagkakaroon ng dalawang magulang sa isang tahanan ay hindi garantiya na ang pag-ibig, wastong pagpapalaki at matalinong patnubay ay naibibigay.” Sabi rin nila: “Ang magulang ay maaaring naroroon sa isang tahanan sa pisikal na paraan subalit sikolohikal [mental] na wala roon sa karamihan ng panahon.” Kaya, ang iyong kaligayahan ay depende, hindi sa kung ilang magulang ang kapisan mo, kundi sa uri ng magulang o mga magulang na kasama mo sa bahay, at ang interes at pagkabahala na ipinakikita nila sa iyong kapakanan. Gaya ng napansin ng sikologong si Richard A. Gardner: “Ang masasamang magulang, ito man ay isa o dalawa, ay nagdudulot sa mga bata ng kalungkutan; at ang mabubuting magulang, ito man ay isa o dalawa, ay tumutulong sa mga bata na lumaking mas malusog at mas maligaya.” At ang nagsosolong mga magulang ay kadalasang gumagawa ng kahanga-hangang mga pagsisikap upang bigyan ang kanilang mga anak ng kinakailangang atensiyon.

Ganito ang sabi ng 17-anyos na si Melanie: “Ang buhay ay hindi naging madali buhat nang iwan kami ni itay. Totoong napakahirap nito para kay inay sapagkat siya’y nagtatrabaho ngayon. Subalit dumadalo kami sa ating mga pulong Kristiyano at mayroon kaming regular na mga pag-aaral sa Bibliya, isang bagay na bihira naming gawin nang kasama pa namin si tatay.” Sabi pa niya: “Mas maraming bagay kaming ginagawa bilang isang pamilya, at malapit kami sa isa’t isa. Mangyari pa, hinahanap-hanap din namin ang tatay ko, ngunit napakaligaya ko sa piling ng aking inay.” Kung ang iyong nagsosolong magulang ay gumagawa ng gayunding pagsisikap upang palakihin ka sa “disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova,” maaari ka pa ring magtagumpay at umunlad kahit na kung ang iyong pamilya ay hindi uliran.​—Efeso 6:4.

Pagkasiyahin ang Kaunting Kita

Gayunman, maaaring bumangon ang ilang praktikal na mga problema. Ipinakikita ng isang pag-aaral na karakaraka pagkatapos ng diborsiyo, ang sambahayan ng nagsosolong-magulang ay maaaring dumanas ng 73-porsiyentong pagbaba sa pamantayan ng pamumuhay. Sa gayon, mauunawaan na ang pera ay isang malaking problema sa karamihan ng mga pamilya ng nagsosolong-magulang.a

Ano ang magagawa mo? Marahil ay kaunti lamang ang magagawa mo sa pananalapi ng pamilya. Ngunit maaari kang tumulong na makatipid at pagkasiyahin ang kita ng pamilya sa pamamagitan ng hindi pag-aaksaya. (Ihambing ang Juan 6:12.) Ganito ang sabi ng kabataang si Rodney: “Sa loob ng bahay, sinisikap kong maging maingat na huwag makabasag o ilagay sa maling lugar ang mga bagay, yamang magastos ang magpakumpuni o magpalit ng mga bagay. Sinisikap kong patayin ang elektrikal na mga kasangkapan o ilaw kapag hindi ginagamit. Ito’y nakatutulong upang bawasan ang kuwenta sa kuryente.”

Iba naman ang paraan ng 14-anyos na si Tony. Aniya niya: “Ang mga bata sa aking paaralan ay hinihiling sa kanilang mga magulang na bilhan sila ng mamahaling mga sneakers at damit. Ayaw nilang pumasok sa eskuwela kung wala nito.” Sabi pa ni Tony: “Wala akong pinakabagong usong mamahaling damit, subalit ako’y maayos at malinis, at iniingatan ko kung ano ang mayroon ako. Ginagawa ni inay ang lahat ng kaniyang magagawa; ayaw kong pabigatan pa siya.” Ang gayong pakikiramay ay hindi lamang nakatitipid sa limitadong kita ng pamilya kundi ito’y isang tunay na pinagmumulan ng pampatibay-loob sa isang magulang.​—1 Pedro 3:8.

Ang pagbabawas o hindi pagmimirienda at pagkain ng mga sitsiria ay maaari ring makatulong. Ganito ang sabi ng kabataang si Rita: “Ang pagkain sa bahay ay maaaring hindi kaakit-akit na gaya ng pagkain sa isang fast-food na restauran, subalit ito’y nakatitipid ng pera.” Isa ngang matalinong pagtasa! Ang ibang kabataan ay nagbibigay ng bahagi ng kanilang kita mula sa part-time na trabaho sa pondo ng pamilya. Ibinibigay ng 13-anyos na si Danny sa kaniyang nanay ang perang kaniyang kinikita sa pagrarasyon ng diaryo. Sabi ng nanay niya: “Pagkatapos kong bayaran ang sangla, ang gas, ang telepono, ang pagkain, bumili ng mga damit, iyan ang perang ginagastos namin. At si Danny ay talagang napakabait na bata; at hindi siya nagrereklamo.” Ang pakikipagtulungan sa bagay na ito ay isang paraan ng ‘paggalang sa iyong magulang.’​—Mateo 15:4.

Gayunman, bago ka humanap ng part-time na trabaho, ipakipag-usap mo muna ito sa iyong magulang.b Ang isang part-time na trabaho ay maaaring makahadlang sa iyong gawain sa paaralan, sa mga tungkulin mo sa bahay, at sa mga pulong Kristiyano. (Hebreo 10:​24, 25) Ang mga magulang ay karaniwang nakagagawa ng paraan upang suportahan ang kanilang mga anak na hindi na kailangan pang akuin ng mga bata ang malaking bahagi ng pananagutan. Gayunman, kailangan mong pakibagayan ang pagkakaroon ng limitadong kita ng pamilya. Subalit tandaan na bagaman ang materyal na mga bagay at ang pera ay nakatutulong, ang mga Kristiyano ay pinapayuhan na maging kontento sa “pagkain at pananamit.”​—1 Timoteo 6:​8-10; Lucas 12:15.

Halimbawa, ang inyong pamilya ay baka kailangang lumipat mula sa mas malaking bahay tungo sa mas maliit na bahay o sa isang apartment, hinihiling ngayon na ikaw at isa pang miyembro ng pamilya ay magsama sa isang silid. Subalit maaari ka pa ring maging kontento. At taglay ang kaunting katalinuhan, magagawa mo pa ring panatilihin ang kaunting pribadong buhay. Halimbawa, ang ibang pamilya ay gumagawa ng mga tulugan sa sala, ikinukubli ng mga lalagyan ng aklat. Ang basta pag-aayos sa magagamit na espasyo o paggamit ng isang partisyon sa silid ay maaaring magbigay sa iyo ng kaunting diwa ng pribadong buhay.

Sa paano man, pinaaalalahanan ng sikologong si Richard A. Gardner ang mga kabataan ng nagsosolong-magulang: “Mahalaga na tandaan na ang salapi​—at ang mga bagay na mabibili ng salapi​—ay hindi siyang pinakamahalagang bagay sa buhay. Kundi ito’y . . . ang mga bagay na gaya ng uri ng pagkatao mo at kung paano mo tinatrato ang ibang tao na siyang titiyak kung magiging maligaya ka sa buhay.” (Ihambing ang Gawa 20:35.) Kasuwato nito, si apostol Pablo ay nagsabi: “Aking natutuhan ang masiyahan sa anumang taglay ko . . . upang saanman, sa anumang panahon, ako’y nasisiyahan.”​—Filipos 4:​11, 12, TEV.

Baka kailanganin mo ring bumalikat ng mas malaking pananagutan sa inyong tahanan kaysa kung ikaw ay namumuhay sa isang tahanan na may dalawang-magulang. Subalit sa halip na malasin ito sa negatibong paraan, ituring mo itong isang pagkakataon upang tulungan ang iyong magulang at sanayin ang iyong sarili para sa mga pananagutan sa hinaharap.

Kung Paano Pakikitunguhan ang Sobrang Pasanin

Gayunman, kung minsan ang isang kabataan ay nagkakaroon ng higit na pananagutan kaysa makakaya niya. Malamang na mangyari ito lalo na kung ikaw ang panganay na anak. Ano ang dapat mong gawin? Kausapin mo ang iyong magulang at ipaliwanag mo kung paanong ang problemang ito ay nakakaapekto sa iyo. Marahil ay maimumungkahi mo na ang mga gawain sa bahay ay makatuwirang ibahagi sa lahat. Halimbawa, inililista ng ilang pamilya ang lahat ng gawain sa bahay na dapat gawin ng bawat miyembro ng pamilya. Upang walang sinuman ang gagawa ng hindi kaaya-ayang atas sa lahat ng panahon, regular na iniikot ng ilang pamilya ang mga gawaing-bahay sa may kakayahang mga miyembro ng pamilya.

Ang naunang mga mungkahi ay baka makatulong sa paggawa ng pinakamabuti sa iyong kalagayan. Gayunman, hindi naman ibig sabihin nito na hindi mo nanaisin sa pana-panahon na magkaroon ng dalawang magulang sa tahanan. Subalit ganito ang sabi ng isang kabataang nagngangalang Carrie: “Talagang hindi mo malimutan ang kirot, subalit lumiliit naman ito. Ito’y parang isang malaking pekas sa iyong kamay. Lagi itong naroon, subalit kung minsan ay hindi mo napapansin.”

Gayunman, depende ito sa kung gaano kasidhi ang iyong pagsisikap upang makayanan ang iyong kalagayan. Sapagkat sa kabila ng mga disbentaha ng pamumuhay sa isang tahanan ng nagsosolong-magulang, makatutulong kang gawin ang iyong buhay roon na matagumpay at maligaya!

[Mga talababa]

a Ang mga sambahayan ng nagsosolong-magulang na pinamumunuan ng ama ay mas mabuti ang kabuhayan kaysa roon sa sambahayang pinamumunuan ng ina sapagkat (1) ang mga lalaki ay nagtatamasa ng mas mataas na sahod at (2) ang mga ama na hindi nangangalaga sa mga bata ay kadalasang hindi tumutupad sa sustento o kabayaran sa pagsuporta sa anak.

b Detalyadong tinatalakay ng mga labas ng Gumising! ng Nobyembre 22, 1990, at Disyembre 8, 1990 ang paksa tungkol sa pagtatrabaho pagkatapos ng klase.

[Larawan sa pahina 16]

Ang pag-asikaso ng iyong sariling pagkain ay isang paraan upang makapagtipid ng panahon at salapi ang iyong magulang

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share