Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • yp2 kab. 25 p. 208-214
  • Puwede Bang Maging Masaya Kahit Iisa Lang ang Magulang?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Puwede Bang Maging Masaya Kahit Iisa Lang ang Magulang?
  • Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paglabanan ang Negatibong Damdamin
  • “Huwag Kang Magmukmok”
  • Nakikipagtulungan Ka Ba?
  • Magiging Normal Kaya Ako na May Isa Lamang Magulang?
    Gumising!—1990
  • Papaano Ako Liligaya sa Piling ng Isa Lamang Magulang?
    Gumising!—1990
  • Paano Ko Matutulungan ang Aking Nagsosolong Magulang?
    Gumising!—1991
  • Makapananagumpay ang mga Pamilyang May Nagsosolong Magulang!
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
Iba Pa
Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
yp2 kab. 25 p. 208-214

KABANATA 25

Puwede Bang Maging Masaya Kahit Iisa Lang ang Magulang?

“Buti pa ’yung mga batang kapiling ang nanay at tatay nila, puwedeng magkaroon ng sarili nilang kuwarto at bumili ng mga bagong damit. Pero ako, walang sariling kuwarto. Bihira lang din akong magkaroon ng damit na gusto ko. Sabi kasi ni Inay, wala kaming perang pambili. Para na nga akong katulong sa dami ng gawain sa bahay na kailangan kong tapusin habang nasa trabaho si Inay. Hindi ko maranasan ang saya ng buhay-bata.”​—Shalonda, 13.

WALANG-ALINLANGANG mas gugustuhin ng karamihan na kapiling nila ang parehong nanay at tatay nila. Kung magkasama ang nanay at tatay sa pagpapalaki sa mga anak, mas magagabayan, mapoproteksiyunan, at masusuportahan nila ang mga ito. “Ang dalawa ay mas mabuti kaysa isa,” ang sabi ng Bibliya, “pagkat mas maganda ang pakinabang sa kanilang gawain.”​—Eclesiastes 4:9, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino.

Pero sa ngayon, halos mabibilang na lamang sa daliri ang mga tahanang may nanay at tatay. Halimbawa, tinatayang mahigit 50 porsiyento ng mga bata sa Estados Unidos ang makararanas na manirahang kasama ng iisa lamang magulang bago pa man sila tumuntong ng 18.

Pero kahit na karaniwan na lang ang mga pamilyang may nagsosolong magulang, nahihiya pa rin ang ilang kabataang nasa ganitong situwasyon. Ang iba naman ay parang nasasakal na sa dami ng kanilang problema. Kung iisa lang ang magulang mo, anong mga hamon ang napapaharap sa iyo? Isulat sa ibaba ang pinakamabigat mong problema.

․․․․․

Kung isa lang sa magulang mo ang laging nasa tabi mo at nag-aaruga sa iyo, ibig bang sabihin nito, hindi ka na magiging masaya? Aba, hindi! Depende iyan sa pananaw mo. Sinasabi ng Kawikaan 15:15: “Ang lahat ng mga araw ng isang napipighati ay masama; ngunit ang may mabuting puso ay laging may piging.” Gaya ng ipinahihiwatig ng kawikaang ito, puwedeng maging maligaya ang isa anuman ang kaniyang situwasyon, depende sa kaniyang saloobin. Paano ka magkakaroon ng “mabuting puso,” o magiging maligaya, sa kabila ng kalagayan mo?

Paglabanan ang Negatibong Damdamin

Una, huwag kang paapekto sa negatibong komento ng iba. Halimbawa, may ilang guro na walang-pakundangan sa damdamin ng mga estudyanteng may nagsosolong magulang. Kapag gumawi nang hindi maganda ang mga batang ito, sinasabi kaagad ng ilan na hindi kasi normal ang pamilya nila kaya hindi sila napapalaki nang tama. Pero tanungin ang iyong sarili: ‘Kilala ba talaga kami ng mga taong nagsasabi ng ganito? O baka naiimpluwensiyahan lang sila ng sinasabi ng iba tungkol sa mga pamilyang may nagsosolong magulang?’

Kapansin-pansin na sa Bibliya, maraming ulit na mababasa ang pariralang “batang lalaking walang ama.” Pero hindi ito ginamit ni minsan para hamakin ang gayong mga bata. Sa katunayan, sa halos lahat ng pagbanggit sa pariralang iyon, makikita ang pagmamalasakit ni Jehova sa mga batang pinalaki ng mga nagsosolong magulang.a

Sa kabilang banda, may iba na sobrang ingat naman kapag nakikipag-usap sa iyo at takot na takot na baka may masabi silang puwedeng makasakit sa iyo. Halimbawa, baka iniiwasan nilang gamitin ang mga salitang gaya ng “ama,” “pag-aasawa,” “paghihiwalay,” o “kamatayan,” dahil baka masaktan ka o mapahiya. Naiinis ka ba kapag ganiyan silang makipag-usap sa iyo? Kung oo, mataktikang sabihin sa kanila na hindi nila kailangang maging gayon. Walang nakagisnang ama si Tony, 14 anyos. Sabi niya, may ilang tao na umiiwas sa paggamit ng ilang salita kapag nakikipag-usap sa kaniya. Pero sinasadya naman ni Tony na gamitin ang mga salitang iyon. “Gusto kong malaman nila na hindi ko ikinahihiya ang aking situwasyon,” ang sabi niya.

“Huwag Kang Magmukmok”

Natural lang na malungkot ka at mangulila kapag naghiwalay ang nanay at tatay mo, o kaya nama’y namatay ang isa sa kanila. Pero kailangan mo ring tanggapin iyon. Nagpapayo ang Bibliya: “Huwag mong sabihin: ‘Bakit nga ba ang mga araw noong una ay mas mabuti kaysa sa mga ito?’” (Eclesiastes 7:10) Tungkol sa bagay na iyan, ganito ang sinabi ng 13-anyos na si Sarah, na ang mga magulang ay nagdiborsiyo noong 10 taóng gulang pa lamang siya: “Huwag kang magmukmok dahil sa iyong situwasyon, ni isiping kaya ka nagkakaproblema ay dahil iisa lang ang magulang mo. Huwag mo ring isiping mas masaya ang mga batang kapiling ang parehong nanay at tatay nila.” Magandang payo iyan. Kasi, nagkakaproblema rin kahit ang mga pamilyang magkasama ang nanay at tatay.

Isipin mong ang pamilya ninyo ay isang grupo ng mga tagasagwan ng bangka. Siyempre, mas mabuti kung kumpleto ang mga tagasagwan. Sa isang pamilyang may nagsosolong magulang, kulang ng isang tagasagwan kaya medyo madaragdagan ang trabaho ng mga natira. Nangangahulugan ba ito na hindi na magtatagumpay ang pamilya ninyo? Hindi naman! Hangga’t nagtutulungan ang lahat sa pagsagwan, patuloy na uusad ang bangka at makararating sa destinasyon nito.

Nakikipagtulungan Ka Ba?

Ano ang magagawa mo para makatulong ka sa iyong pamilya? Pansinin ang sumusunod na tatlong mungkahi:

Matutong magtipid. Karaniwang problema ng mga pamilyang may nagsosolong magulang ang pera. Paano ka makakatulong? Ganito ang sabi ni Tony, na nabanggit kanina: “Pinipilit ng mga kaeskuwela ko ang mga magulang nila na ibili sila ng mamahaling mga damit at sapatos. At kung hindi sila ibibili, hindi rin sila papasok sa iskul. Hindi man mamahalin at uso ang mga damit ko, malinis naman ang mga ito at presentable. Maingat ako sa mga gamit ko. Ginagawa ni Nanay ang lahat ng kaya niya; ayoko nang dumagdag pa sa hirap niya.” Sa kaunting pagsisikap, matutularan mo rin si apostol Pablo, na nagsabi ng ganito: “Natutuhan ko nang masiyahan anuman ang aking kalagayan. . . . Natutuhan ko nang harapin ang anumang katayuan.”​—Filipos 4:11, 12, Magandang Balita Biblia.

Makakatipid ka rin kung hindi ka aksayado. (Juan 6:12) Sinabi ng kabataang si Rodney: “Iniiwasan kong makasira ng mga gamit sa bahay o maiwala ang mga ito. Magastos kasi ang bumili ng bago o magpakumpuni. Pinapatay ko rin ang ilaw o anumang kasangkapan kapag hindi ito ginagamit para di-gaanong malaki ang babayaran naming kuryente.”

Magkusa. Marami sa mga nagsosolong magulang ang ayaw magtakda ng mga “batas” sa bahay o magtoka ng mga gawain sa kanilang mga anak. Bakit? Gusto kasi nilang pagaanin ang buhay ng kanilang mga anak para hindi isipin ng mga ito na kawawa sila dahil wala ang isa nilang magulang. ‘Ayokong mahirapan ang mga bata. Gusto ko silang maging masaya,’ baka ikatuwiran ng mga nagsosolong magulang.

Kung ganiyan ang iniisip ng magulang mo, baka naman samantalahin mo ang pagkakataon. Pero kung gagawin mo iyan, lalo mo lang mapabibigatan ang iyong magulang, sa halip na matulungan siya. Kaya bakit hindi ka magkusang tumulong? Pansinin ang handang gawin ni Tony. Ganito ang sabi niya: “Nagtatrabaho sa ospital ang nanay ko, at dapat plantsado ang damit niya. Kaya ipinagpaplantsa ko siya.” Hindi ba gawain ng babae iyan? “Sabi nga ng iba,” ang sagot ni Tony. “Pero nakakatulong ito sa nanay ko, kaya ginagawa ko.”

Ipakitang nagpapahalaga ka. Bukod sa pagtulong sa iyong magulang sa ilang gawain, lalo mo pang mapagagaan ang loob niya kung ipapakita mong pinahahalagahan mo ang pagsisikap niya. Ganito ang isinulat ng isang nagsosolong magulang: “Madalas na kapag lumung-lumo ako o kaya nama’y naiinis dahil sa mga problema sa trabaho, pag-uwi ko, nakahanda na ang mesa at nagluluto na ang anak kong babae.” Idinagdag pa niya: “Yayakapin naman ako ng anak kong lalaki.” Ano ang epekto nito sa kaniya? “Gumagaan ang pakiramdam ko,” ang sabi niya.

Isulat kung alin sa tatlong punto ang kailangan mong pasulungin. ․․․․․

Kung iisang magulang ang nagpapalaki sa iyo, may pagkakataon kang mapasulong ang ilang magagandang katangian. Matututuhan mong unahin ang kapakanan ng iba, at malilinang mo rin ang pagiging mahabagin at maaasahan. Sinabi rin ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) At magiging mas maligaya ka nga kung magiging mapagbigay ka at tutulungan mo ang iyong nagsosolong magulang.

Siyempre, maiisip mo pa rin paminsan-minsan na sana’y parehong nandiyan ang mga magulang mo. Pero matututuhan mo ring gawin ang iyong buong makakaya para maging masaya ka at matagumpay sa kabila ng iyong situwasyon. Iyan din ang natutuhan ni Nia. “Pagkamatay ng tatay ko,” ang sabi niya, “may nagsabi sa aking nasa kamay ko pa rin ang aking kinabukasan. Hinding-hindi ko malilimutan ang mga salitang iyon. May magagawa pala ako para maging masaya sa kabila ng aking situwasyon.” Puwede ka ring magkaroon ng ganiyang pananaw. Tandaan, puwede kang maging maligaya anuman ang iyong situwasyon. Ang mahalaga ay ang iyong saloobin at ang pagsisikap na ginagawa mo para mapabuti ang iyong buhay.

MARAMI KA PANG MABABASA TUNGKOL SA PAKSANG ITO SA TOMO 1, KABANATA 4

[Talababa]

a Halimbawa, tingnan ang Deuteronomio 24:19-21 at Awit 68:5.

TEMANG TEKSTO

“Ang bawat isa sa inyo’y dapat magmalasakit, hindi lamang sa sariling kapakanan kundi rin naman sa iba.”​—Filipos 2:4, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino.

TIP

Kung nabibigatan ka na sa dami ng responsibilidad mo, magalang mong imungkahi sa iyong magulang ang mga su- musunod:

● Gumawa ng listahan ng lahat ng gawain sa bahay na nakaatas sa bawat miyembro ng pamilya.

● Kung kinakailangan, ibigay ang ilan sa iyong mga atas sa ibang miyembro ng pamilya na makagagawa nito.

ALAM MO BA . . . ?

Kung tumatanggap ka ng mga responsibilidad sa bahay, mas maaga kang matututo sa buhay kaysa sa mga kabataang pinalaki ng dalawang magulang at walang gaanong iniintindi sa bahay.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Para mapaglabanan ko ang aking negatibong damdamin, ang gagawin ko ay ․․․․․

Kung sobrang ingat ang iba kapag nakikipag-usap sa akin, ang sasabihin ko sa kanila ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Bakit kaya negatibo ang tingin ng ilang tao sa mga batang pinalaki ng nagsosolong magulang?

● Bakit kaya maaaring nag-aalangan ang magulang mo na bigyan ka ng mga gawain sa bahay?

● Paano mo maipakikita ang pagpapahalaga mo sa pagsisikap ng iyong magulang?

[Blurb sa pahina 211]

“Mula nang magdiborsiyo ang mga magulang ko, naging malapít kami ni Nanay; nasasabi namin sa isa’t isa ang aming niloloob.”​—Melanie

[Larawan sa pahina 210, 211]

Ang pamilyang may nagsosolong magulang ay gaya ng isang bangka na kulang ng isang tagasagwan​—madaragdagan ang trabaho ng mga natira, pero magtatagumpay sila kung magtutulung-tulong sila

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share