Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Magiging Normal Kaya Ako na May Isa Lamang Magulang?
BAGO ang kanilang ika-18 kaarawan, gugugulin ng mahigit na kalahati ng lahat ng mga anak sa Estados Unidos ang ilan sa kanilang panahon sa tahanan ng nagsosolong-magulang. Sa kasalukuyan, 12 milyong kabataan—1 sa 5 sa Estados Unidos—ang gayon na. Ang nagsosolong-magulang na pamilya sa gayon ay pinanganlang “ang pinakamabilis na lumalagong istilo ng pamilya” sa Estados Unidos. Ang estadistika ng ibang bansa ay di-nalalayo, maaari pa ngang totoo ito sa buong globo.
Ang paglaganap ng isang-magulang na mga pamilya ay malaki ang nagawa upang bawasan ang batik sa pangalan na dulot nito noon. Gayunman, gaya ng pagkakasabi rito ng isang kabataan, kinakailangang “daigin [ng maraming kabataan] ang maraming damdamin” upang makayanan ang buhay sa isang-magulang na tahanan. Ikinatatakot pa nga ng iba na sila sa paano man ay magkakaproblema o magiging di-normal dahil sa pagkakaroon ng isa lamang magulang sa tahanan. Tiyak ba ang mga pangambang iyon?
Kung Bakit Umiiral ang Isang-Magulang na mga Sambahayan
Ilan lamang ang magkakaila na ang pagkakaroon ng isang maibiging ama at ina sa tahanan ay isang huwarang kalagayan. Nilayon ng ating Maylikha na maging ganito. (Genesis 1:27, 28) Ipinaliliwanag pa ito ng Efeso 6:1 sa pagsasabing: “Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang na nasa Panginoon, sapagkat ito’y matuwid: ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.’ ”
Subalit sa paano’t paano man, maaaring ika’y pinagkaitan ng huwaran. Dahil sa di inaasahang pangyayari, maaaring namatay ang isa sa iyong mga magulang. (Eclesiastes 9:11) Ang gayong mga trahedya ay nangyayari kahit na noong panahon ng Bibliya, ang katagang “ulila” ay lumilitaw ng 40 beses sa Kasulatan. (Ihambing ang Deuteronomio 24:19-21.) O maaaring ang isa sa iyong mga magulang ay pansamantalang wala dahil sa trabaho sa ibang bansa. Sa kabilang dako, ang iba pang mga kalagayan, gaya ng di katapatan sa panata ng pag-aasawa, ay maaaring siyang dahilan ng paghihiwalay o pagdidiborsiyo ng iyong mga magulang. (Mateo 19:3-6, 9) Maaaring ang iyong ina, bago siya naging isa sa mga Saksi ni Jehova, ay nagdalang-tao nang walang asawa at piniling palakihin ka na walang ama.
Sa paano man, wala kang kapangyarihan sa kalagayang pangmag-asawa ng iyong magulang, at walang dahilan upang dalhin mo ang pasanin ng pagkakasala na para bang ikaw ang dapat sisihin; ni dapat ka kayang mahiya kung ikaw ay ipinaglihi sa pagkadalaga. Kung ang iyong ina ay isang nag-alay na lingkod ng Diyos na Jehova, ang kaniyang nakalipas na mga kasalanan ay malaon nang pinatawad. (Ihambing ang Efeso 2:2, 4.) At kahit na kung hindi man siya humingi ng kapatawaran sa Diyos, hindi ito hahadlang sa iyo sa pagiging malinis sa paningin ng Diyos.—1 Corinto 8:3.
Ipagpalagay na, lumaki ka sa isang-magulang na tahanan, maaaring makaharap mo ang pambihirang mga problema at mga hamon. Ngunit gaya ng sinasabi ng aklat na How to Live With a Single Parent: “Marami sa problema ng mga batang [isang-magulang] . . . ay maaaring galing sa negatibo at nakapipinsala-sa-sarili na pagtingin nila sa kanilang sarili.” Saan galing ang gayong negatibong pag-iisip, at paano mo maaalis ito?
Wasak na Tahanan—Wasak na Buhay?
‘Mga produkto ng wasak na tahanan,’ ‘nababahaging pamilya,’ ‘kalahating pamilya,’ ‘hiwa-hiwalay na pamilya’—marahil narinig mo na ang negatibong mga bansag na ito na ikinapit sa iyong pamilya. At bagaman sanay ka na dahil sa madalas mong marinig, ang gayong mga komento ay maaari pa ring makasakit sa iyo.
Ang paraan ng pagtrato sa iyo ng iba ay maaari ring pagmulan ng negatibong mga damdamin tungkol sa iyong pamilya. Halimbawa, ang ilang guro ay walang kabatiran sa damdamin ng mga estudyanteng may isang-magulang. Ang iba pa nga ay naghihinuha na ang gayong mga kabataan ay automatikong may di-normal na buhay pampamilya at agad na sinisisi ang anumang problema sa paggawi sa kanilang kapaligiran sa tahanan. Palibhasa’y laging ipinadarama sa iyo na ang iyong pamilya ay di-normal kaya naman ikaw ay punô ng pagkabalisa tungkol sa iyo mismong emosyonal na kapakanan.
Subalit ikaw ba ay automatikong nanganganib na maging mas mababa sa mental at emosyonal na paraan dahil lamang sa ikaw ay nakatira sa isang-magulang na tahanan? Hindi naman! Kinikilala ng Journal of Marriage and the Family na ang “kawalan ng isang magulang ay maaaring magdala ng isang yugto ng mabagal na pag-unlad” sa pasimula. Gayumpaman, kadalasan nang ito’y “sinusundan ng isang panahon kung saan ang bata ay nakakahabol sa kaniyang mga kaedad, o nalalampasan pa nga niya sila.” (Amin ang italiko.) Ang artikulo ay naghinuha: “Ang pangkalahatang palagay na ang isang-magulang na pamilya’y may masama, pangmatagalang mga epekto sa lahat ng bata ay hindi maipagmamatuwid.” Isa pang artikulo sa babasahin ding iyon ang nag-ulat na ang pananaliksik “ay hindi nagbibigay ng anumang suporta sa kasabihang ‘ang wasak na tahanan ay nagbubunga ng wasak na buhay ng mga kabataan.’ ”
Bagaman ang gayong mga katotohanan ay maaaring nakapagpapatibay-loob, ang negatibong damdamin ay maaari pa ring lumitaw paminsan-minsan. Paano mo matagumpay na mapaglalabanan ang mga ito?
Pagdaig sa Negatibong mga Damdamin
Ang unang hakbang ay matutong tanggapin ang iyong kalagayan. Totoo, ang kalungkutan at ang diwa ng kawalan ay natural lamang kung ang iyong mga magulang ay nagdiborsiyo o kung ang isang mahal na magulang ay namatay. Ang trese-anyos na si Sarah, na ang mga magulang ay nagdiborsiyo nang siya ay sampung taon, ay nagmumungkahi: “Huwag magmukmok sa iyong kalagayan, nag-iisip ng mga ‘ano-kaya-kung,’ o ipalagay na ang mga problema mo ay dahil sa iyong isang-magulang na tahanan, o isipin pa nga na ang mga batang nasa dalawang-magulang na tahanan ay may maginhawang buhay.”
Sa isang bagay, kahit na ang “huwarang” pamilya ay may mga problema. At sa halip na malasin ang iyong pamilya na di-normal, maaari mong malasin ito bilang isang pagkakaiba, isang bagay na hindi naman masama kundi basta kakaiba. Mahalaga rin na huwag hayaang pukawin ng mga komento—o ng di pagkokomento—ng mga taong may mabuting intensiyon ang masasamang damdamin. Ang ilan, halimbawa, ay maaaring mag-atubiling gumamit ng mga salitang gaya ng “tatay,” “pag-aasawa,” “diborsiyo,” o marahil ng “kamatayan” kapag kasama ka, ikinatatakot na ang mga salitang ito ay makasakit sa iyong damdamin o makapahiya sa iyo. Huwag mong tularan ito. Ang katorse-anyos na si Tony, na hindi nakikilala ang kaniyang tunay na ama, ay nagsabi: “Kapag ako’y kasama ng iba na waring natitigilan pagdating sa ilang salita, sumisige ako at ginagamit ko ang mga ito.” Susog niya: “Nais kong malaman nila na hindi ko ikinahihiya ang aking kalagayan.”
Pagkakita sa mga Pakinabang
Mahalaga rin na iwasang ituon ang isip sa kung ano sana ang nangyari o kung ano ang dating kalagayan. (Eclesiastes 7:10) Sa halip ituon ang pansin sa positibong mga aspekto ng iyong buhay. Halimbawa, malamang na ang iyong ina ay nagtatrabaho.a Bunga nito, marahil ikaw ay maraming pananagutan sa bahay. “Ang pagkuha ng mga pananagutan sa tahanan,” sabi ng 17-anyos na si Melanie, “ay nakatutulong sa iyong pagiging maygulang nang mabilis kaysa mga batang kasinggulang mo sa dalawang-magulang na pamilya, na maaaring may kaunting pananagutan.” Sang-ayon ang mga dalubhasa. Ang sosyologo sa Harvard University na si Robert S. Weiss ay nagsasabi na ang mga kabataan mula sa isang-magulang na tahanan “ay waring mas maygulang, hindi umaasa sa iba,” at “may disiplina-sa-sarili.” Mahalagang mga katangian ito, at ang iyong kalagayan ng pamilya ay maaaring tumulong sa iyo na kamtin ito.
Maaaring may higit ka ring bahagi sa mga pasiya ng pamilya, yamang karaniwang itinuturing ng nagsosolong mga magulang ang kanilang mga anak bilang mapagkakatiwalaang katapatang-loob. Gayunman, kung minsan, baka kailangan mong ipaalaala sa iyong magulang na ikaw ay bata pa at na ang mas mahihirap na pasiya ay mas maiging ipakipag-usap sa isa na may higit na karanasan, gaya ng isang hinirang na Kristiyanong matanda. Isa pa, maraming bagay na angkop ninyong pag-usapan na dalawa, pati na ang personal na mga problema na nakakaharap mo. Ang paggawa ng gayon ay tutulong sa iyo na mapalapit sa iyong magulang at maaaring alisin ang negatibong mga damdamin. Si Melanie, na nabanggit kanina, ay nagsasabi: “Mula nang magdiborsiyo ang aking mga magulang, kami ng nanay ko ay nag-uusap; kami’y naging matalik na magkaibigan.”
Hindi naman ibig sabihin nito na hindi ka na magkakaproblema. Subalit makikinabang ka sa pagharap sa kahirapan. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Mabuti nga sa may mabuting pangangatawang lalaki [o babae] na magpasan ng pamatok sa kaniyang kabataan.” (Panaghoy 3:27) Maaaring kasangkot sa pagpasan ng iyong pamatok, o pasan ng mga problema, ang pakikitungo sa mga kahirapan na nakakaharap mo sa nagsosolong-magulang na tahanan. Gayunman, tandaan na hindi ka nag-iisa sa pagpasan ng pamatok na ito. Ang tapat na si Haring David ay nagsabi: “Bagaman pabayaan ako ng aking sariling ama at ng aking sariling ina, ako’y kukupkupin ni Jehova.”—Awit 27:10.
At, kapansin-pansing ang gayong tulong buhat sa Diyos ay maaaring ibigay sa iyo ng iyong natitirang magulang. Sa pagtugon sa gayong pagsisikap, maaari kang lumaki nang normal at mamuhay nang kasiya-siyang buhay Kristiyano. Ganito ang gunita ni Wayne, ngayo’y isa nang hinirang na Kristiyanong matanda: “Ako’y walong taon nang mamatay ang aking ama, at si Inay naman ay kailangang magtrabaho. Madalas siyang umuwing pagod at patáng-patâ. Subalit lagi niyang tinitiyak na idinaraos namin ang aming regular na pampamilyang pag-aaral sa Bibliya at pagdalo nang sama-sama sa mga pulong Kristiyano. Ginugunita ang nakaraan, pinasasalamatan ko si Jehova sa pagkakaroon ko ng isang mapagsakripisyo-sa-sariling ina.”b
[Mga talababa]
a Mahigit na 90 porsiyento ng nagsosolong-magulang na mga pamilya sa Estados Unidos ay pinamumunuan ng mga ina.
b Tatalakayin ng mga artikulo sa hinaharap ang iba pang mga hamon na nakakaharap sa isang-magulang na tahanan.
[Larawan sa pahina 21]
Ang isang-magulang na pamilya ay hindi naman kinakailangang maging malungkot na pamilya