Mula sa Aming mga Mambabasa
Kalayaan ng Pag-iisip Madalas ay hinahayaan ko ang aking isip na matangay, pagtuunan ng pansin ang di-kanais-nais na mga kaisipan. Iyan ang dahilan kung bakit nagtaka ako nang lubha na mabasa ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Hinahadlangan ba ng Bibliya ang Kalayaan ng Pag-iisip?” (Hunyo 8, 1994) Hindi ko kailanman natanto na mamalasin ito ng Diyos na Jehova na isang kasalanan kung ang isa ay kusang mag-iisip ng maling landasin. Salamat kay Jehova sa pagbibigay sa akin ng gayong tahasang payo na tutulong sa akin na baguhin ang aking baluktot na pag-iisip!
J. P., Pilipinas
Mga Problema sa Pag-ibig Maraming-maraming salamat sa mga artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Kung Umibig Ako sa Isang Di-sumasampalataya?” (Mayo 22, 1994) at “Paano Ko Maihihinto ang Pagkahumaling sa Isang Tao?” (Hunyo 8, 1994) Isang kasama ko sa trabaho ang nagkagusto sa akin, at nasumpungan ko ang aking sarili na naaakit sa kaniya. Alam ko na ito ay mali at ako’y humingi ng tulong kay Jehova sa panalangin. Nang makita ko ang mga artikulong ito, binasa ko ito nang paulit-ulit. Ngayon ay talos ko na ang sandaling pighati na maaaring ibunga ng pagputol ko sa kaugnayan ay mas mabuti kaysa habang-buhay na mga problema na maaaring ibunga ng isang mapanganib na kaugnayan.
P. J., Estados Unidos
Para bang ang mga artikulo ay isinulat para sa akin! Nag-iisip ako kung ano ang maaaring mangyari sa akin kung ang mga artikulong ito ay hindi nailathala. Salamat sa pagkaalam ninyo sa mga problemang nakakaharap ng mga kabataan.
S. J., Nigeria
Mayroon akong crush sa isang lalaki sa aking klase. Kaakit-akit siya at napakagiliw. Gayunman, mula nang mabasa ko ang artikulo, lagi kong tinatanong ang aking sarili, ‘Magkatulad ba ang aming mga tunguhin at paraan ng pamumuhay?’ Pagkatapos isaalang-alang ito, natanto ko kung gaano ako kahangal hanggang sa ngayon. Nais kong ihinto ang pagkahumaling na ito sa lalong madaling panahon!
S. T., Hapón
Ako’y umibig sa isang di-sumasampalataya at nagpakasal sa kaniya. Siya’y nagtutungo sa mga pulong Kristiyano upang palugdan lamang ako. Pagkatapos naming makasal, nagbago siya. Sinikap pa nga niyang pahintuin ako sa paglilingkod kay Jehova. Pagkatapos ay binugbog niya ako at pinagtaksilan. Ngayon ako’y diborsiyada. Kung sana’y mauunawaan lamang ng lahat ng mga kabataan kung gaano kaseryosong makipag-date sa isang di-sumasampalataya! Ayaw kong maranasan ng sinuman ang naranasan ko.
T. F., Puerto Rico
Kaigtingan Maraming salamat sa artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Ano ang Makatutulong sa Iyo na Mabata ang Kaigtingan?” (Setyembre 8, 1994) Ako’y pinalaki bilang isang Kristiyano subalit iniwan ko ang katotohanan noong ako’y tin-edyer. Tatlong taon na ako ngayong nakabalik, subalit ako’y kasal sa isang di-sumasampalataya. Madalas akong magmukmok sa mga pagkakamaling nagawa ko, hindi nababatid na ito ang dahilan anupat ako’y dumaranas ng matinding kaigtingan. Salamat sa pagtulong ninyo sa akin na maunawaan na hindi nakabubuting magmukmok sa nakalipas. Bagkus, dapat kong pag-isipan ang aking kinabukasan.
R. L., Estados Unidos
Sinabi ninyo na ‘ang mga tao ng lahat ng gulang ay dumaranas ng kaigtingan.’ Ako’y 21 anyos at dumaranas ng matinding kaigtingan. Ako’y naospital nang makalawa sa loob ng walong buwan dahil sa mga hilab ng kalamnan at mga migraine na nauugnay sa kaigtingan. Sa tuwina’y sinasabi sa akin ng mga doktor na napakabata ko upang maging maigting. Kaya naman ang inyong artikulo ay nagbigay sa akin ng kaunting ginhawa.
V. P., Estados Unidos
Leksiyon sa Heograpya Ako po’y 11-taóng-gulang na babae, at pinahahalagahan ko pong lubos ang artikulong “Lumulutang na mga Isla sa Lawa ng Titicaca.” (Hunyo 22, 1994) Sa klase ng heograpya ang guro ay nagtanong sa amin kung may mga tao bang nakatira sa Lawa ng Titicaca. Lahat ng mga kaklase ko ay nagsabi ng wala. Palibhasa’y nabasa ko ang Gumising!, ako’y sumagot ng mayroon po. Tinanong ako ng guro kung paano ko nalaman ito, na nagbigay sa akin ng pagkakataon na magbigay sa kaniya ng isang mabuting patotoo.
S. B., Italya