Imbestigasyon Tungkol sa “Nahawahang Dugo” sa Canada
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Canada
DUMARAMING biktima ng nahawahang dugo sa Canada ang namamatay dahil sa AIDS. Bakit dumarami? Mahigit na isang libong taga-Canada ang nagkaroon ng virus ng AIDS mula sa “nahawahang dugo” at mga produkto ng dugo noong dekada ng 1980. Ang nakagagambalang mga katotohanang ito ang nag-udyok sa pederal na pamahalaan na magtatag ng isang Commission of Inquiry on the Blood System in Canada. Isang imbestigasyong bayan ang titiyak sa pagiging ligtas ng sistema ng pagtutustos ng dugo at mga produkto ng dugo para sa pagsasalin ng dugo sa Canada.
Isa sa lubhang iginagalang na nakatataas na hukom sa bansa ang hinirang bilang komisyonado ng imbestigasyon. Ang komisyon ay nagsasagawa ng paglilitis sa buong Canada. Ang mga paglilitis ay sinimulan sa Toronto noong Pebrero 14, 1994, at ang Kagalang-galang na G. Hukom Horace Krever ng Hukuman ng Paghahabol sa Ontario ang inatasang mag-ulat ng kaniyang mga tuklas sa takdang panahon at magmungkahi ng mga pagpapabuti.
Isang naulilang ina na ang anak na lalaki ay namatay dahil sa AIDS mula sa nahawahang dugo ang umapela sa hukom: “Pinatay nila ang aking anak at ang tanging bayad-pinsalang nakuha ko ay ang imbestigasyong ito. Pakisuyong gawin ninyo itong sulit.” Gustung-gusto niyang makita na isang ganap na imbestigasyon ang gagawin upang kunin ang mahalagang mga hakbang nang maiwasan ang mga panganib na nauugnay sa mga pagsasalin ng dugo. Hindi lamang siya ang ina na namatayan ng anak dahil sa nahawahang dugo. Napakinggan ng komisyon ang makabagbag-damdaming patotoo tungkol sa trahedyang ito dahil sa nahawahang dugo na nagwasak sa buhay ng maraming taga-Canada.
Ang mga ulong-balita sa Globe and Mail ng Toronto ay nag-ulat: “Galit, Luha Habang ang mga Biktima ay Nagkukuwento Tungkol sa Malaking Takot Dahil sa Dugo”; “Pinakikinggan ng Imbestigasyon Tungkol sa Dugo ang Kakila-kilabot na Patotoo”; “Isinaysay Nang Lubusan ang Kawalang-alam ng mga MD”; at “Hinatulan ng mga Opisyal ang Panganib sa AIDS na Napakaliit, Ulat ng Imbestigasyon Tungkol sa Dugo.”
Ang mga biktima na nagkaroon ng HIV mula sa dugo ay nagsabi na sila ay hindi nababalaan tungkol sa mga panganib. Sa ilang kaso hindi nila alam na sila’y tumanggap ng pagsasalin ng dugo hanggang sa malaman nila na sila’y nahawahan ng virus ng AIDS.
Nakuha ng isang tin-edyer na may AIDS ang HIV mula sa isang pagsasalin ng dugo noong panahon ng operasyon sa puso nang siya ay tatlong taóng gulang. Isang taong positibo sa HIV na may hindi malalang hemophilia ay gumamit ng mga produkto ng dugo bago noong 1984 nang siya’y naglalaro ng hockey. Binago niya sana ang kaniyang istilo ng buhay kung nalaman niya ang mga panganib sa paggamit ng mga produkto ng dugo. Isang ina ang sinalinan ng dugong nahawahan ng HIV noong 1985, at ngayon siya, ang kaniyang asawa, at ang kanilang apat-na-taóng-gulang na anak na babae ay pawang nahawahan.
May makabagbag-damdaming mga ulat tungkol sa mga taong nahawahan mula lamang sa isa o dalawang yunit ng dugo. “Upang mamula lamang ang kaniyang mga pisngi,” galít na sinabi ng isang babae tungkol sa pagsasalin na nakahawa sa kaniyang asawa ng HIV. Ngayon siya man ay may virus din.
Habang mas maraming saksi ang nagpapatotoo, ang pansin ay bumaling sa isa pang malaking trahedya—hepatitis mula sa dugo. Ayon sa The Globe and Mail, tinatayang “kasindami ng 1,000 taga-Canada ang namamatay sa loob ng isang taon dahil sa hepatitis C.” Sinabi pa ng pahayagan na “hanggang sa mga kalahati sa kanila ang nahawa ng sakit mula sa mga pagsasalin ng dugo.”
Sinabi ng isang lalaki kung paano siya nahawa ng hepatitis C mula sa isang pagsasalin ng dugo nang maopera siya sa likod noong 1961. Pagkatapos niyang maopera, siya ay palaging nagkakaloob ng dugo. Natuklasan niya noong 1993 na siya ay may sakit sa atay. “Kumusta na kaya ang mga tao na tumanggap ng dugong ipinagkaloob ko sa lahat ng mga taóng iyon nang hindi ko nalalaman na mayroon ako ng sakit na ito?” tanong niya sa nag-iimbestiga.
Si Hukom Krever ay matamang nakinig sa mahigit na isang daang taga-Canada na ang buhay ay nawasak dahil sa HIV at iba pang trahedya bunga ng nahawahang dugo. Ang mga dalubhasa sa medisina ay tumestigo na imposibleng gawing lubusang ligtas ang panustos na dugo mula sa naililipat na sakit at iba pang mga panganib. Inamin nila ang malubhang mga panganib at maling gamit na nauugnay sa dugo. Si Dr. J. Brian McSheffrey, medikal na patnugot ng isang pangrehiyon na paglilingkod sa pagsasalin ng dugo, ay tumestigo na itinatawag-pansin niya ang problema sa pagsasabi sa mga lektyur: “Kung kayo bilang doktor ay kailangang magsalin ng dugo, alin sa kayo ay nabigo sa paggawa ng tumpak na pagsusuri o nabigo sa paggamot.”
May mga paratang ng mga pulitiko at tunggalian sa pagitan niyaong tinatawag ng komite ng pamahalaan na “pangunahing mga namumuhunan” sa $250-milyon-isang-taon na sistema ng panustos na dugo sa Canada. Ang Red Cross at ang mga ahensiya ng gobyerno ay matinding binatikos. Wari bang walang sinuman ang may pananagutan sa masalimuot na pambansang sistema ng panustos na dugo.
Lubhang Kanais-nais na Pagkakaiba
Kabaligtaran ng nakasisirang loob na katibayan, isang mas masayang ulat ang iniharap kay Hukom Krever noong Mayo 25, 1994, sa Regina, Saskatchewan. Si William J. Hall, isang 75-anyos na lalaki na may malubhang hemophilia, ay nagkuwento kung paano niya matagumpay na napangangalagaan ang kaniyang kalagayan na gumagamit ng mga alternatibo o kahalili sa mga produkto ng dugo. At wala siyang AIDS. Bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, iniwasan ni G. Hall ang dugo at mga blood factor dahil sa kaniyang relihiyosong budhi.—Tingnan ang kahon sa pahina 22.
Higit pang impormasyon ang ibibigay. Pinalawig pa ng pamahalaan ang imbestigasyon hanggang sa katapusan ng 1995. Ang komisyon ay magkakaroon ng panahon upang suriin ang mabisang paggamot nang walang dugo na ginagamit sa libu-libong kaso para sa mga adulto at mga bata na mga Saksi ni Jehova. Ang mga kahaliling paggamot na ito ay kapit din sa iba pang mga pasyente.
Ang mga doktor na gumagamit ng mga kahaliling paggamot na iyon ay may ekspertong katibayan na maibabahagi nila sa komisyon. Si Dr. Mark Boyd ng McGill University ay nagsabi sa The Medical Post noong 1993: “Tunay na dapat tayong magpasalamat sa mga Saksi ni Jehova sapagkat ipinakita nila sa atin kung paano tayo maaaring magtagumpay nang walang mga pagsasalin ng dugo.” Isang presidensiyal na komisyon ng E.U. ang nagsabi noong 1988: “Ang pinakaseguradong pangontrang hakbang tungkol sa panustos na dugo ay huwag bigyan ang pasyente ng dugo ng iba, hangga’t maaari.” Sa pagsunod sa batas ng Diyos na “patuloy na umiwas . . . sa dugo,” ang mga Saksi ni Jehova ay pinagpala ng “pinakaseguradong pangontrang hakbang” laban sa nahawahang dugo at sa iba pang mga panganib ng mga pagsasalin ng dugo.—Gawa 15:20, 29.
Kinakailangang Edukasyon
Nakalulungkot sabihin, karamihan ng mga biktima ng pagsasalin ng nahawahang dugo ay hindi naturuan tungkol sa mga kahaliling paggamot na maaari sanang nakahadlang sa kanilang mga trahedya. Ang mga pasyente ay hindi pinapili tungkol sa may kabatirang pagsang-ayon—tanggapin ang mga panganib ng dugo o gamitin ang mas ligtas na mga kahaliling paggamot.
Ipinakikita ng katibayan na iniharap sa komisyon ang isang pangangailangan na turuan ang mga doktor at ang publiko tungkol sa mga kahaliling paggamot sa mga pagsasalin ng dugo. Ang gayong mataas-antas na imbestigasyon ng pamahalaan ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa Canada. Ang mga mungkahi ni Hukom Krever ay maaaring maghanda ng daan para mapadali ang kinakailangang mga pagbabago sa mga saloobin at edukasyon sa medisina sa Canada tungkol sa mga pagsasalin ng dugo. Ang mga tuklas ng Commission of Inquiry ay magiging interesante sa lahat ng nagnanais umiwas sa mga panganib na kaakibat ng mga pagsasalin ng dugo.
[Kahon sa pahina 22]
PANGANGALAGA SA HEMOPHILIA NANG WALANG DUGO
Sinabi ni William J. Hall ng Nipawin, Saskatchewan, sa komisyon kung paano at bakit napangangalagaan niya ang kaniyang malubhang hemophilia nang walang mga produkto ng dugo. Narito ang mga halaw mula sa rekord ng hukuman tungkol sa kaniyang patotoo:
◻ “Ang aking mga magulang ay nagkaroon ng kabatiran na ako’y isang hemophiliac noong minsang ako’y mamaga mula sa aking daliri sa paa hanggang sa balakang, at nasuri ito ng mga doktor bilang hemophilia. . . . Sa palagay ko’y mga isang taón ako noon.”
◻ “Kailanman ay hindi ako gumamit ng dugo o anumang produkto ng anumang klaseng dugo. . . . Labag sa aking relihiyosong mga paniwala na gumamit ng dugo sapagkat sa paniwala ko ito’y sagrado.”
◻ Ganito naman ang sabi niya tungkol sa kaniyang kapatid na mayroon ding hemophilia: “Hindi kami magkatulad ng relihiyon, kaya siya’y nagpasalin ng dugo at siya’y namatay dahil sa hepatitis.”
◻ Dahil sa isang ulser sa bituka noong 1962: “Sinabi ng doktor na, kung hindi ako magpapasalin ng dugo, ako’y mamamatay. . . . Ako’y ginamot nang mahusay [nang walang dugo] sa ospital.” Ang pagdurugo ay naampat.
◻ Tungkol sa operasyon noong 1971 upang turnilyuhan ang isang nabaling balakang: “Ito’y isang maingat na operasyon nang walang dugo. . . . Ang operasyon ay matagumpay.” Ang paulit-ulit na mga pagsubok sa dugo nang panahong iyon ay hindi nakasumpong ng Factor VIII (salik para sa pamumuo ng dugo) sa kaniyang dugo.
◻ Kung paano niya napangangalagaan: “Istilo ng buhay . . . , pagiging maingat.” Isinasama niya ang pagkain, pahinga, ehersisyo, at maingat na paggamot sa mga pamamagâ, pasâ, at pagdurugo.
◻ “Naniniwala ako sa pagpapahingalay at pagbubulay-bulay sa mabubuting bagay na ibinigay ng ating Diyos at kalimutan ang ating mga alalahanin. Waring ito ay lubhang nakatutulong.”
Si William Hall ay 76 anyos at isa sa mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 20]
Si Hukom Horace Krever, pinuno ng komisyon
[Credit Line]
CANPRESS PHOTO SERVICE (RYAN REMIROZ)
[Larawan sa pahina 21]
Sina William at Margaret Hall ay nagbiyahe ng 370 kilometro upang humarap sa Commission of Inquiry