Pinahalagahan ang mga Literatura sa Bibliya sa Dating Unyong Sobyet
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Russia
MAAGA noong 1991 ang noo’y umiiral na Unyong Sobyet ay binubuo ng Russia at ng 14 na iba pang mga republika. Mula noon, ang mga republika ay naging independiyenteng mga bansa. Gayunman, ang Russia ay mayroong mas malaking populasyon kaysa 14 na bansang pinagsama-sama at may mahigit na tatlong ulit ang laki ng sukat ng lupa. Noong Setyembre 1994, may 117,276 Saksi ni Jehova sa dating Unyong Sobyet na ibinabahagi ang mga katotohanan ng Bibliya sa kanilang mga kapuwa.
Sa ngayon maraming magasing Bantayan at Gumising! sa wikang Ruso ang iniimprenta buwan-buwan para ipamahagi sa dating Unyong Sobyet. Karagdagan pa, maraming tract at pinabalatang aklat ang ipinamamahagi roon. Na ang mga literaturang ito sa Bibliya ay lubhang pinahahalagahan ay malinaw na makikita sa mga sulat na tinanggap sa tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Russia malapit sa St. Petersburg.
Pinahalagahan ang Makulay na mga Magasin
Isang lalaki mula sa gitnang Siberia ang sumulat: “Talagang nagkataon lamang na nakita ko Ang Bantayan sa kamay ng isang katrabaho ko. Hiniling ko sa kaniya na ipakita ito sa akin. Una’y basta sinulyapan ko lamang ang matingkad, makulay na mga ilustrasyon. Pagkatapos ay nagbasa na ako nang nagbasa . . . Bago ko natanto ito, nabasa ko na ang buong magasin. Ang mga tanong ay ibinangon sa isang kawili-wili, masigla, at nakikipag-usap na paraan.”
Isa pang lalaki mula sa Siberia ang nagsabi: “Nagkataong tumanggap ako ng isang labas ng inyong magasin. Hindi sa pambobola, ngunit ito ang pinakamahusay na impormasyong kailanma’y nabasa ko tungkol sa pananampalataya.”
Isang nars mula sa St. Petersburg, ang ikalawang pinakamalaking lungsod sa Russia, ay sumulat: “Maraming salamat sa kahanga-hangang serye ng mga artikulo sa Enero 8, 1995, na Gumising! tungkol sa ‘burnout.’ Hindi inalis ng mga artikulong ito ang aking mga problema ngunit binigyan ako ng tulong na aking pinakahihintay at hinahanap.”
Isang 17-anyos na estudyante ang sumulat: “Ako’y nagpapasalamat sa lahat ng naglalathala ng kahanga-hangang mga literaturang iyon. Nang kami ng mga kaibigan ko ay palabas na sa isang sinehan, nakita namin ang ilang magasin na naiwan sa isang bakanteng upuan. Dinampot namin ito. . . . Habang binabasa ko Ang Bantayan, hindi ako makapaniwala sa aking nabasa. Talaga bang magiging gayon ang hinaharap? Ngayon ay binabasa ko ang mga Ebanghelyo at sinisikap kong unawain ito. Lubusang ipinaliliwanag ng inyong mga magasin kung ano ang sinasabi ng Bibliya.”
Isang 26-anyos na lalaki ang nagsabi: “Ako’y nagpapasalamat sa artikulong ‘Pagpapatiwakal ba ang Lunas?’ sa Abril 8, 1994, na Gumising! Dahil sa ako’y nahihilig sa panlulumo at dahil sa bisyo ng masturbasyon, maraming beses ko nang inisip na magpatiwakal. Subalit ang Salita ng Diyos at ang mga panalangin kay Jehova ang pumigil sa akin na wakasan ang aking buhay. Ang artikulong ito ay nagpatibay sa aking paniniwala sa awa ng Diyos at sa aking paniniwala na tutulungan ako ng Diyos na makayanan ang aking mga problema. Nakikita niya ang aking pagsisisi. Nais niya akong mabuhay. Pinasasalamatan ko siya sa tulong na ibinigay niya sa pamamagitan ng artikulong ito.”
Tungkol sa artikulo ring iyon sa Gumising!, isang 15-anyos na batang babae ang nagsabi: “Ang magasing ito ay gumanap ng malaking bahagi sa aking buhay. Nang ako’y walong taóng gulang, nagsimula akong makadama na walang nangangailangan sa akin. Ang aking mga magulang ay walang panahong makipag-usap sa akin, at sinikap kong lutasin ang aking mga problema sa ganang sarili. Ibinukod ko ang aking sarili. Palagi kong inaaway ang aking mga kamag-anak. Saka pumasok sa isip ko ang tungkol sa pagpapatiwakal. Anong ligaya ko na nakilala ko ang mga Saksi ni Jehova!”
Isang babae mula sa Europeong bahagi ng Russia ang nagsabi: “Minsa’y narinig ko ang isang usapan sa Bibliya sa pagitan ng dalawang kabataang lalaki sa isang hintuan ng bus. Ako’y naging interesado at nilapitan ko sila. Binigyan ako ng mga kabataang ito ng isang sipi ng Ang Bantayan. Taglay ang kasiyahan at interes, binasa ko ang magasin, at nais kong malaman ang higit pa tungkol sa Bibliya. Nais kong makipag-ugnayan sa inyo sa pamamagitan ng inyong mga magasin, at nais kong matuto at mag-aral ng Bibliya nang regular.”
Pinahalagahan ang Iba Pang Literatura
Isang may kabataang babae mula sa Caucasus ay sumulat: “Isang babae ang pumunta sa aming opisina at nagsimulang magbalita tungkol sa isang uri ng asamblea. Nakita ko ang kagalakan at sigla na taglay niya, at ako’y naging interesado. Kinabukasan ay binigyan niya ako ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Agad ko itong binasa nang buong pananabik. Ito’y kamangha-mangha. Para bang pagkatapos kong gumala-gala sa kadiliman, nasumpungan ko ang pinto na patungo sa liwanag. Pagkatapos maghanap sa loob ng mahabang panahon, nasumpungan ko ang mga kasagutan sa lahat ng aking mga tanong sa isang aklat lamang. Ito’y isang kagalakan na imposibleng ilarawan.”
Isang lalaki buhat sa Gitnang Asia ang nagsabi: “Ako’y isang miyembro ng parokya ng ebanghelistikong Good News Church. Batid namin ang malubhang kakulangan ng espirituwal na literatura. Kung maaari’y padalhan ninyo kami agad ng mga aklat, brosyur, at mga bukleta para pag-aralan at ipamahagi pa.”
Isang tao mula sa Armenia, malapit sa Black Sea, ang sumulat: “Nabasa ko ang brosyur na Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos?, at ito’y nakarerepresko. Sa wakas ay nasumpungan ko ang literatura na tutulong sa akin upang pag-aralan ang Bibliya. Pakisuyong padalhan ninyo ako ng mga aklat para sa gayong pag-aaral.”
Isang babae buhat sa Siberia ang nagsabi: “Isa sa mga Saksi ni Jehova ang dumalaw sa aming bahay at nag-iwan ng isang sipi ng aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman. Bagaman ako’y isang ateista mula noong ako’y mag-aral, ang nabasa ko ay humimok sa akin na masidhing magbulay-bulay at magsimulang pag-aralan ang Bibliya.”
Isang ina ng dalawang bata ang nagpahayag ng kaniyang pasasalamat sa aklat ding ito tungkol sa buhay ni Jesu-Kristo at nagsabi: “Ito’y madaling maunawaan ng mga bata at kawili-wili sa kanila. Pinupukaw nito ang higit pang pagnanais na mag-aral ng Bibliya at magbasa ng relihiyosong mga literatura. Kahanga-hanga ang pagkakalathala at pagkakagawa sa aklat.”
Noong nakaraang taon, 34,608 katao sa dating Unyong Sobyet ang nagpakita ng kanilang pagpapahalaga sa kanilang natututuhan sa pamamagitan ng pagpapabautismo. Harinawang ang mga literaturang salig-sa-Bibliya na inilathala ng mga Saksi ni Jehova ay magkaroon ng lubusan at saganang pamamahagi sa bahaging ito ng daigdig, at harinawang libu-libo pang mga tao ang tumugon sa mga katotohanan ng Bibliya na nilalaman nito!