Sugal—Ang Pagkagumon ng Dekada ’90
ISANG kamera na may laman na color film ang kumukuha ng larawan sa tanawin. Ang litrato ay sumasaklaw ng dalawang-pahina sa isang pahayagang pang-Linggo—halos ang maaabot ng iyong tanaw, isang dambuhalang bodega na ginawang bingguhan, libu-libong piye kudrado nito, ay buháy na buháy dahil sa mga suki sa sugal ng lahat ng gulang at lahi. Napapansin mo ba ang kanilang pagód nang mga mukha at namumulang mga mata, mga tanda ng mga oras ng walang katapusang pagsusugal? Sabik na sabik na hinihintay nila ang patalastas ng susunod na numero na, sana naman, sa wakas ay magpapanalo sa kanila sa gabing tila walang panalo.
Buklatin mo ang mga pahina ng pahayagan. Napapansin mo ba ang balisang mga mukha ng mga taong ang mga kamay ay punô ng mga baraha, ikinatatakot ang paghawak ng isang nagpapatalong baraha? Sa maraming kaso libu-libong dolyar ang napapanalunan at natatalo sa pagbunot ng susunod na baraha. Gunigunihin ang higit pa sa ibinabadya ng mga larawan. Nakikita mo ba ang namamawis na mga palad ng isang nanginginig na kamay? Naririnig mo ba ang mabilis na tibok ng puso, ang tahimik na dalangin na humihingi ng mas mabuting baraha sa susunod na pagkakataon at isang nagpapatalong baraha para sa ibang nagsusugal?
Pumasok ka sa loob ng maluluhong pasugalan sa magagarang otel at bapor. Ikaw ba’y naliligaw sa pasikut-sikot na mga pasilyo ng masasayang kulay na mga slot machine? Nabibingi ka ba sa tunog ng kanilang mga hawakan na binabatak at ang gumagaralgal na ingay ng umiikot na mga ruleta? Manalo o matalo, musika ito sa tainga ng mga nagsusugal. “Ang kasiyahan para sa kanila ay ang katuwaan sa kung ano ang mangyayari sa susunod na batak ng hawakan ng slot machine na iyon,” sabi ng pinuno ng isang pasugalan.
Magtungo ka sa mga mesa ng ruleta na siksik ng mga tao. Ikaw ay maaaring magayuma ng umiikot na ruleta na may pula at itim na mga pitak na umiikot sa iyong harapan. Ang tunog ng nahuhulog na bola ay nakadaragdag pa sa gayuma. Paikut-ikot ito, at kung saan ito hihinto ay nangangahulugan ng panalo o talo. Libu-libong dolyar ang kadalasang natatalo sa isang ikot ng ruleta.
Paramihin mo pa ang mga larawan at mga tanawin nang sampu-sampung libo, ang di-mabilang na milyun-milyong nagsusugal, at ang libu-libong sugalan sa buong daigdig. Sila’y dumarating sakay ng eruplano, tren, bus, bapor, at kotse buhat sa lahat ng bahagi ng daigdig upang bigyang-kasiyahan ang kanilang masidhing paghahangad sa sugal. Ito’y tinawag na “ang natatagong sakit, ang pagkagumon ng dekada ’90: Pusakal na pagsusugal.” “Sa hula ko ang dekada ng 1990 ay magiging makasaysayang kasikatan ng legal na pagsusugal sa buong mundo,” sabi ng mananaliksik na si Durand Jacobs, isang pambansang awtoridad may kinalaman sa paggawi sa sugal.
Sa Estados Unidos, halimbawa, noong 1993 mas maraming Amerikano ang nagtungo sa mga pasugalan kaysa mga parke kung saan naglalaro ang major-league ng baseball—92 milyong ulit na pagdalaw. Ang pagtatayo ng bagong mga pasugalan ay tila walang katapusan. Ang mga nagpapatakbo ng mga otel sa East Coast ay tuwang-tuwa. “Halos wala nang sapat na umiiral na silid na matutuluyan ng tinatayang 50,000 nagpupunta sa pasugalan isang araw.”
Noong 1994, sa maraming estado sa timog, na doon mga ilang panahon lamang ang pagsusugal ay itinuring na isang makasalanang gawain, ito ngayon ay dalawang kamay na tinatanggap at itinuturing na tagapagligtas. “Ngayon, ang ‘Bible Belt’ ay maaaring bigyan ng ibang pangalan na ‘Blackjack Belt,’ na may mga pasugalan sa mga bapor at yaong mga itinayo sa lupa sa lahat ng dako ng Mississippi at Louisiana at mga plano para sa higit pang pasugalan sa Florida, Texas, Alabama at Arkansas,” sabi ng U.S.News & World Report. Ang ilang lider ng relihiyon ay lubusang nagbago ngayon ng kanilang pag-iisip tungkol sa pagiging masama ng sugal. Halimbawa, nang binyagan ng mga opisyal ng lungsod ng New Orleans, Louisiana, ang una nitong pasugalang bapor sa Ilog Mississippi noong 1994, isang klerigo ang naghandog ng panalangin, nagpapasalamat sa Diyos para sa “kakayahang magsugal: isang kagalingan na” sabi niya, “pinagpala mong magkaroon sa lungsod.”
Sa taóng 2000, inaasahang 95 porsiyento ng lahat ng Amerikano ay titira mga 3- o 4-na-oras ang layo mula sa isang pasugalan. Ang mga Amerikanong Indian ay tumanggap din ng malaking bahagi sa negosyong sugal. Sa gayo’y pinahintulutan ng pamahalaan ng Estados Unidos ang kanilang pagpapatakbo ng 225 pasugalan at mga bingguhan sa buong bansa na malalaking halaga ang pusta, ulat ng U.S.News & World Report.
Kung idaragdag pa rito ang mga silid kung saan may naglalaro ng baraha, may nagpupustahan sa mga resulta ng laro sa isports, karera ng kabayo at aso, bingo sa simbahan, at mga katulad nito, mauunawaan kung paanong ang mga Amerikano ay legal na pumusta ng $394 na bilyon noong 1993, isang 17.1-porsiyentong pagsulong sa nakalipas na taon. Yaong mga tutol sa sugal ay nalilito. “Ang may pinakamalaking maitutulong sa mga tao ay ang mga simbahan at mga templo at ang pamahalaan,” sabi ng ehekutibong direktor ng isang Konseho Tungkol sa Pusakal na Pagsusugal. “At ngayon silang lahat ay nasa negosyo ng sugal.” Tinawag ng isang pahayagan sa Amerika ang Estados Unidos na isang “Nagsusugal na Bansa” at nagsabi na ang sugal ang “tunay na pambansang libangan ng Amerika.”
Sinimulan ng Inglatera ang una nitong loterya mula pa noong 1826, at ang benta ay sinasabing malakas. Dumaranas din ito ng biglang paglakas ng negosyo sa bingo, ulat ng The New York Times Magazine. “Ang Moscow ay punô ngayon ng abalang mga pasugalan. At literal na isinasapanganib ng mga sugarol na Lebanese ang kanilang buhay upang maging suki sa mga pasugalan sa West Beirut na sinasalakay rin kapuwa ng mga miyembro ng militia at ng relihiyosong pundamentalista,” ulat ng Times. “Ang mga taong nananalo nang malaking halaga ay inihahatid ng mga guwardiya ng pasugalan na may dalang mga machine gun.”
“Hindi alam ng mga taga-Canada na sila ay isang bansa ng mga sugarol,” sabi ng isang panlalawigang namamahala sa sugal na taga-Canada. “Sa ilang bagay, malamang na mayroong mas mataas na antas ng pagsusugal sa Canada kaysa sa E.U.,” sabi pa niya. “Ang mga taga-Canada ay gumugol ng mahigit na $10-bilyon sa legal na mga pusta at tayâ noong nakaraang taon—halos 30 ulit ng ginugugol nila sa panonood ng sine,” ulat ng pahayagang The Globe and Mail. “Ang industriya ng bingo sa Canada ay mas maunlad ngayon o kailanman kaysa E.U. Ang negosyo ng loterya ay mas maunlad din sa Canada. Totoo rin iyan kung tungkol sa karera ng kabayo,” sabi ng pahayagan.
“Walang nakaaalam kung gaano karaming gumón sa sugal mayroon sa Timog Aprika,” sulat ng isang pahayagan sa Timog Aprika, “ngunit sa paano man ay may ‘libu-libo.’ ” Subalit, alam na alam ng pamahalaan ng Espanya ang problema nito at ang dumaraming bilang ng mga sugarol. Ipinakikita ng opisyal na mga bilang na marami sa 38 milyong mamamayan nito ay natalo sa sugal ng $25 bilyon sa isang taon, na nagbibigay sa Espanya ng isa sa pinakamataas na gastos sa sugal sa buong daigdig. “Ang mga Kastila ay mga beteranong sugarol,” sabi ng isang lalaki na nagtatag ng isang samahan upang tulungan ang mga sugarol. “Sila’y dati nang sugarol. . . . Sila’y nagsusugal sa mga kabayo, sa soccer, sa mga loterya at, mangyari pa, sa ruleta, sa poker, sa bingo at sa malakas umubos ng salaping mga slot machine.” Nito lamang nakalipas na mga taon kinilala sa Espanya ang pusakal na pagsusugal bilang isang sakit sa isip.
Ang makukuhang katibayan ay nagpapahiwatig na ang Italya man ay natangay rin ng pagkahumaling sa sugal. Bilyun-bilyon ang ibinubuhos sa mga loterya at pagtayâ sa mga resulta ng isports gayundin sa mga timpalak sa pahayagan at sa mga mesang sugalan. “Ang sugal ay nakapasok sa pang-araw-araw na buhay sa lahat ng aspekto nito,” sabi ng isang ulat na inilabas ng isang pangkat ng mga mananaliksik na tinustusan ng pamahalaan. Sa ngayon “narating ng pagsusugal ang antas na dati-rati’y hindi maiisip na taas,” sulat ng The New York Times, “at mula sa mga opisyal ng Pamahalaan hanggang sa mga pari sa parokya ang paligsahan ay nagpapatuloy upang makasumpong ng mga paraan upang kumita mula sa sugal.”
Anong pagkatotoo nga! Sa maraming kaso ay apektado ng sugal ang lahat ng bahagi ng buhay ng tao, gaya ng ipakikita ng susunod na mga artikulo.
[Blurb sa pahina 4]
Dati’y isang makasalanang gawain—ngayo’y isang “tagapagligtas”
[Blurb sa pahina 5]
Ang malaganap na pagsusugal ay nagiging pambuong daigdig