Mga Pusakal na Sugarol—Laging Talo
“ANG pusakal na pagsusugal ay isang sakit kung paanong ang alkoholismo at pagkasugapa sa droga ay mga sakit,” sabi ni Propesor Jean Ades, mula sa Pransiya. “Ito’y isang pagkasugapa na walang droga,” aniya, at “natutuklasan ng parami nang paraming tao na sila’y gumón.” Kahit na pagkatapos matalo ng mga pusakal na sugarol ng malaking halaga ng salapi, kadalasang wala na silang inisip kundi ang makabawi sa kanilang mga pagkatalo sa pamamagitan ng pagsusugal pa. “Karamihan ng mga talunan ay mabilis na napananagumpayan ang kanilang mga kabiguan. Ngunit para sa ilan, ang simbuyong magsugal ay lubhang di-masupil anupat maaari nitong sirain ang kanilang buhay,” sulat ng isang reporter sa Pransiya. “Lagi silang nangangako sa kanilang sarili na ihihinto na nila ang bisyo, ngunit lagi silang nadaraig nito. Sila’y mga gumón sa sugal.”
Ganito ang inamin ng isang sugarol sa Timog Aprika: “Kung ikaw ay isang gumón sa sugal, at ikaw ay nauupo sa sugalan ng ruleta o mesa ng larong blackjack, wala kang pakialam sa ibang bagay. Bumubugso ang adrenalin sa iyong mga ugat, at itatayâ mo ang bawat sentimong mayroon ka sa isa pang ikot ng ruleta, o sa isa pang bagsak ng baraha. . . . Sinasamantala ang reserba kong adrenalin, makapananatili akong gisíng sa loob ng ilang araw at gabi nang tuluy-tuloy, na nakatingin sa mga baraha at mga numero, at walang katapusang naghihintay sa mailap na malaking gantimpala.” Pagkatapos ay ganito ang hinuha niya: “Maraming tulad ko ang hindi makahinto sa ilang daang piso o kahit na sa ilang libo. Patuloy kaming magsusugal hanggang maubos ang lahat, at ang aming mga kaugnayang pampamilya ay lubusang mawasak.”
Si Henry R. Lesieur, propesor ng sosyolohiya sa St. John’s University, sa New York, ay sumulat na ang pagnanasang magsugal, manalo man o matalo, ay napakasidhi “anupat maraming sugarol ang magsusugal sa loob ng ilang araw nang walang tulog, walang kain-kain, at hindi pa nga nagtutungo sa banyo. Palibhasa’y buhos na buhos ang isip sa pagsusugal ay wala na siyang iniintinding anumang bagay. Sa panahon ng paghihintay, mayroon ding ‘tuwa,’ karaniwang ipinakikilala sa pamamagitan ng namamawis na mga palad, mabilis na tibok ng puso, at alibadbad.”
Isang dating gumón sa sugal ang nagsabi na ang panalo ay hindi siyang puwersang nag-uudyok para magpatuloy ang kaniyang bisyo, kundi bagkus ito ang “tuwa,” ang katuwaan ng pagsusugal mismo. “Ang sugal ay nagdudulot ng pambihirang matinding mga damdamin,” aniya. “Kapag umiikot ang ruleta, kapag hinihintay mo ang sagot ng Suwerte, may sandaling umiikot ang isip mo at ikaw ay halos himatayin.” Ang Pranses na sugarol na si André ay sumasang-ayon: “Kung ikaw ay tumayâ ng FF10,000 sa isang kabayo at mayroon pang 100 metrong natitira, at may makapagsabi sa iyo na ang iyong asawa o ang iyong ina ay namatay, hindi mo papansinin iyon.”
Inilarawan ni André kung paanong siya’y nagpatuloy sa pagsusugal kahit na pagkatapos matalo ng malaking halaga. Siya’y nangutang sa bangko, sa mga kaibigan, at sa mga usurero na may patung-patong na tubo. Nagnakaw siya ng mga tseke at nanghuwad ng libreta ng koreo. Inakit niya ang mga babaing nalulungkot sa panahon ng mga pagdalaw niya sa mga pasugalan at saka naglalaho na tangay ang kanilang mga credit card. “Nang panahong iyon,” sulat ng isang reporter na Pranses, “hindi na iniintindi [ni André] kung maaayos pa niya ang kaniyang katakut-takot na utang. Ang kaniyang mga pagpapagala-gala ay udyok tangi na ng kaniyang labis-labis na pag-iisip tungkol sa sugal.” Siya’y bumaling sa krimen at nabilanggo. Ang kaniyang pag-aasawa ay nawasak.
Sa maraming kaso ang mga pusakal na sugarol, tulad ng mga sugapa sa droga at mga alkoholiko, ay patuloy sa pagsusugal, bagaman ito’y mangahulugan ng pagkawala nila ng kanilang trabaho, ng kanilang negosyo, ng kanilang kalusugan, at, sa wakas, ng kanilang pamilya.
Maraming lungsod sa Pransiya ang kamakaila’y nagbukas ng kanilang pinto sa sugal. Kung saan nabigo ang ilang negosyo, ang mga bahay-sanglaan ay lumalakas ang negosyo. Ang mga may-ari ay nagsasabi na madalas na nauubos ng mga sugarol ang lahat ng perang dala nila at nagsasanla ng mga singsing, relo, damit, at iba pang mahahalagang bagay para may maibiling gasolina pauwi ng bahay. Sa ilang bayan sa dalampasigan sa Estados Unidos, bagong mga bahay-sanglaan ang nagbukas; sa ilang kaso tatlo o apat o higit pa ang masusumpungan sa isang hanay.
Ang ilan ay bumaling pa nga sa pagiging kriminal upang matustusan lamang ang kanilang bisyo sa sugal. Ang mga pag-aaral na isinagawa hanggang sa kasalukuyan, ayon kay Propesor Lesieur, “ay nagsisiwalat ng iba’t ibang ilegal na mga paggawi sa gitna ng mga pusakal na sugarol . . . pagpapalsipika ng tseke, paglustay ng pera, pagnanakaw, armadong pagnanakaw, pagtayâ, pandaraya, panggagantso, at pagbebenta ng nakaw na mga paninda.” Idagdag pa rito ang mga krimen ng empleado kung saan ang mga sugarol ay nagnanakaw sa kanilang mga amo. Ayon kay Gerry T. Fulcher, direktor ng Institute for the Education and Treatment of Compulsive Gamblers, 85 porsiyento ng libu-libong kilalang mga pusakal na sugarol ang umamin na nagnakaw sa kanilang mga amo. “Sa katunayan, mula sa pinansiyal na pangmalas, ang pusakal na pagsusugal ay mas masahol pa sa alkoholismo at pag-abuso sa droga na pinagsama,” sabi niya.
Ang karagdagan pang pag-aaral ay naghinuha na humigit-kumulang dalawang-katlo ng hindi nakakulong na mga pusakal na sugarol at 97 porsiyento ng mga nakakulong ang umamin na gumawi nang ilegal upang tustusan ang pagsusugal o bayaran ang mga pagkakautang dahil sa pagsusugal. Noong 1993 sa mga bayan ng Gulf Coast sa Estados Unidos, kung saan palasak ang legal na pagsusugal, nagkaroon ng 16 na nakawan sa bangko, apat na ulit na pagdami sa nakalipas na taon. Isang lalaki ang nagnakaw sa kabuuang walong bangko ng halagang $89,000 upang ipagpatuloy ang kaniyang bisyo sa pagsusugal. Ang iba pang mga bangko ay hinoldap ng mga sugarol na napilitang magbayad ng malalaking halaga sa mga pinagkakautangan.
“Kapag ang mga pusakal na sugarol ay nagsisikap na huminto sa kanilang bisyo, sila’y nakararanas ng tinatawag na withdrawal symptoms, gaya ng nararanasan ng mga maninigarilyo o mga sugapa sa droga,” sabi ng The New York Times. Subalit, inaamin ng mga sugarol na ang pagdaig sa bisyo ng sugal ay maaaring mas mahirap kaysa paghinto sa ibang bisyo. “Ang ilan sa amin ay nakaranas ng alkoholismo at gayundin ng pag-abuso sa droga,” sabi ng isa, “at lahat kami’y sumasang-ayon na ang pusakal na pagsusugal ay mas masahol pa sa anumang iba pang pagkasugapa.” Si Dr. Howard Shaffer, ng Center for Addiction Studies sa Harvard University, ay nagsabi na di-kukulanging 30 porsiyento ng mga pusakal na sugarol na sumubok huminto ay “nagpakita ng mga tanda ng pagkayamot o nakaranas ng sakit sa tiyan, hindi mapagkatulog, mas mataas kaysa normal na presyon ng dugo at pulso.”
Kahit na kung patuloy silang pumusta, sabi ni Dr. Valerie Lorenz, direktor ng National Center for Pathological Gambling sa Baltimore, Maryland, E.U.A., “nakakaharap ng mga [pusakal na] sugarol ang medikal na mga problema: matinding sakit ng ulo, migraine, kahirapan sa paghinga, kirot sa puso, hindi pare-parehong pintig ng puso at pamamanhid sa kanilang mga braso at binti.”
Nariyan din ang mga pagpapatiwakal. May sasamâ pa ba sa karaniwang nakikilala bilang “di-nakamamatay na pagkasugapa” na sanhi ng kamatayan? Halimbawa, sa isang bayan sa Amerika, kung saan nagbukas kamakailan ang mga pasugalan, “ang dami ng nagpapatiwakal ay di-maipaliwanag na dumoble,” ulat ng The New York Times Magazine, “bagaman walang opisyal ng pangangalaga sa kalusugan ang kusang mag-uugnay ng pagdami sa sugal.” Sa Timog Aprika, tatlong sugarol ang nagpatiwakal sa isang linggo. Ang bilang ng aktuwal na pagpapatiwakal dahil sa sugal at mga pagkakautang na naparagdag sa pamamaraang ito, legal o ilegal, ay hindi alam.
Ang pagpapatiwakal ay isang kalunus-lunos na paraan upang wakasan ang mahigpit na kapit ng sugal. Sa susunod na artikulo, isasaalang-alang kung paano nasumpungan ng ilan ang mas mabuting paraan upang makaalpas.
[Blurb sa pahina 6]
Dumami ang mga bahay-sanglaan—at gayundin ang krimen