Mga Mamimili Mag-ingat! Ang Panghuhuwad ay Maaaring Makamatay
ANG hindi sanay, hindi naghihinalang mga biktima ay maaaring malinlang. Ang mukhang mamahaling relo na iniaalok sa iyo ng nagtitinda sa kalye sa murang halaga—ito ba’y tunay o huwad? Bibilhin mo ba ito? Ang maluhong balabal na yari sa balahibo ng hayop na iniaalok sa iyo mula sa kaniyang sasakyan sa isang bangketa—ang nagbebenta ay nangangakong ito’y mink. Ang pang-akit kaya nito at napakamurang halaga ay dadaig sa iyong mas mabuting paghatol? Ang singsing na brilyante sa daliri ng kadidiborsiyong babae—ngayo’y walang-wala at walang tirahan, na naghihintay ng isang tren sa subwey na istasyon sa New York—magiging iyo ito sa kaunting halaga lamang. Inaakala mo bang ang baratilyo ay napakainam upang palampasin? Sapagkat ang mga tanong na ito ay itinanong sa artikulong ito na tumatalakay sa panghuhuwad at dahil sa mga inilahad na mga kalagayan, malamang na ikaw ay sasagot nang “NUNGKA!”
Ah, subalit palitan natin ang mga lugar at ang mga kalagayan at tingnan natin kung ano ang magiging sagot mo. Kumusta naman ang tungkol sa mamahalin, popular na may pangalan na handbag na ipinagbibili sa isang tindahang may diskuwento sa napakababang halaga na may kaakit-akit na halaga ng diskuwento? Ang kilalang marka ng wiski na ipinagbibili sa kalapit na tindahan ng alak sa kanto? Tiyak na walang problema dito. Isaalang-alang din, ang pilm na may kilalang marka na baratilyo sa isang botika o tindahan ng kamera. Sa pagkakataong ito ang mamahaling relo na nagkakahalaga ng libu-libong dolyar ay iniaalok sa iyo, hindi ng isang nagtitinda sa kalye, kundi ng isang marangal na tindahan. Ang presyo ay lubhang binawasan. Kung ikaw ay interesadong bumili ng gayong relo, bibilhin mo ba ito? At nariyan din ang kilalang mga marka ng sapatos sa murang halaga sa isang partikular na tindahan na itinuturo ng mga kaibigan. Nakatitiyak ka ba na ang mga ito ay hindi lamang murang mga imitasyon?
Sa daigdig ng sining, sa sunod sa modang mga galerya ng mga ipinintang larawan, may baratilyong subasta para sa mga nangongolekta ng mamahaling gawang sining. “Mag-ingat ka,” babala ng isang eksperto sa sining. “Mga dalubhasa na may mga taon ng karanasan ang nalinlang. Nalilinlang din ang mga dealer. Gayundin ang mga namamahala sa museo.” Ikaw ba’y may ganap na kabatiran anupat sisikapin mong tapatán ang katusuhan ng posibleng mga manghuhuwad? Mag-ingat! Ang lahat ng nakalarawang bagay ay maaaring huwad. Kadalasan ang mga ito ay huwad. Tandaan, kung ang isang bagay ay pambihira at mahalaga, tiyak na may magsisikap na palsipikahin ito.
Ang panghuhuwad ng paninda ay isang $200bilyong negosyo sa buong daigdig at “mas mabilis na lumalago kaysa maraming industriya na pinapalsipika nito,” sulat ng magasing Forbes. Ang huwad na mga piyesa ng kotse ay nakalugi sa mga tagagawa at tagasuplay ng kotse sa Amerika ng $12 bilyon taun-taon sa kita nito sa buong daigdig. “Ang industriya ng kotse sa E.U. ay nagsasabi na ito’y mag-eempleo ng karagdagang 210,000 tao kung mapahihinto nito sa negosyo ang mga tagasuplay ng huwad na mga piyesa ng kotse,” sabi ng magasin. Iniulat na halos kalahati ng mga pagawaang nanghuhuwad ay nasa labas ng Estados Unidos—nasa lahat halos ng dako.
Mga Panghuhuwad na Nakamamatay
Ang ilang uri ng palsipikadong mga produkto ay nakapipinsala. Ang inangkat na mga twerka at mga turnilyo ay bumubuo ng hanggang 87 porsiyento ng $6 na bilyon sa pamilihan ng E.U. Subalit, ipinakikita ng katibayan hanggang sa ngayon na 62 porsiyento ng lahat ng mga pangkabit na ito ay may huwad na mga markang pangalan o labag sa batas na mga tatak ng kauri. Nasumpungan ng isang ulat noong 1990 ng General Accounting Office (GAO) ang di-kukulanging 72 Amerikanong “mga planta ng kuryenteng nuklear ang nag-instala ng mahinang klaseng mga pangkabit, ang ilan ay ininstala sa mga pangkabit na dapat magsara sa reactor sakaling magkaroon ng aksidenteng nuklear. Ang problema ay lumulubha, sabi ng GAO. . . . Ang laki ng problema, halaga sa mga nagbabayad ng buwis o potensiyal na mga panganib bunga ng paggamit ng gayong [mababang uring] mga produkto ay di-alam,” ulat ng Forbes.
Ang mga turnilyong bakal, na ang lakas ay hindi sapat para sa layon ng gamit dito, ay hinuwad at ipinuslit sa Estados Unidos ng walang-konsiyensiyang mga kontratista. “Maaari nitong isapanganib ang kaligtasan ng mga gusaling tanggapan, mga planta ng kuryente, mga tulay at mga gamit militar,” ayon sa American Way.
Ang banggaan ng bus sa Canada mga ilang taon na ang nakalipas na pumuti sa buhay ng 15 katao ay isinisi sa imitasyong mga brake lining. Iniulat na ang palsipikadong mga piyesa ay nasumpungan sa di-akalaing mga dako gaya sa mga helikopter ng militar at sa isang sasakyang pangkalawakan ng E.U. “Ang karaniwang mamimili ay hindi gaanong nababahala kung pinag-uusapan ninyo ang tungkol sa isang huwad na relong Cartier o Rolex,” sabi ng isang kilalang imbestigador sa panghuhuwad, “subalit kung ang inyong kalusugan at kaligtasan ay nanganganib, sila’y higit na nababahala riyan.”
Kabilang sa talaan ng potensiyal na mapanganib na mga huwad na produkto ang mga pacemaker sa puso na ipinagbili sa 266 na mga ospital sa E.U.; imitasyong mga pildoras sa pagpigil sa pag-aanak na nakarating sa pamilihan ng Amerika noong 1984; at mga fungicide, na pangunahing binubuo ng tisa, na sumira sa aning kape ng Kenya noong 1979. Palasak ang huwad na mga gamot na maaaring magsapanganib sa buhay ng mga mamimili. Ang mga kamatayan sa buong daigdig dahil sa huwad na mga gamot ay maaaring makagulat.
Dumarami ang pagkabahala sa huwad na maliliit na elektrikal na mga kagamitan sa bahay. “Ang ilan sa mga produktong ito ay may palsipikadong mga markang pangalan o mga awtorisasyon na gaya ng talaan ng Underwriters Laboratory,” iniulat ng American Way. “Subalit ang mga produktong ito ay hindi ginawa sa katulad na mga pamantayang pangkaligtasan, kaya ang mga ito ay sasabog, maaaring pagmulan ng sunog sa bahay at gawing di-ligtas ang buong instalasyon,” sabi ng isang inhenyerong pangkaligtasan.
Sa Estados Unidos at sa Europa, nangangamba rin ang mga pangkat ng abyasyon. Sa Alemanya, halimbawa, nasumpungan ng mga kompanya ng eruplano ang palsipikadong makina at mga piyesa ng preno sa kanilang imbentaryo. Ang mga imbestigasyon ay “isinasagawa sa Europa, Canada at sa United Kingdom, kung saan ang hindi aprobadong mga piyesa (mga turnilyo sa rotor shaft sa buntot) ay iniugnay sa isang nakamamatay na pagbagsak ng helikopter kamakailan,” sabi ng mga opisyal ng transportasyon. “Nasamsam ng mga ahente ang maraming palsipikadong mga piyesa ng makina ng jet, koleksiyon ng mga piyesa ng preno, mahinang klaseng mga turnilyo at pangkabit, may depektong mga piyesa sa sistema ng gatong at paglipad, di-aprobadong mga kagamitan sa kinaroroonan ng piloto at mga bahagi ng computer para sa kontrol ng paglipad na napakahalaga sa ligtas na paglipad,” ulat ng Flight Safety Digest.
Noong 1989 isang arkiladong eruplanong patungong Alemanya mula sa Norway ay biglang bumulusok mula sa paglipad nito sa taas na 6,600 metro. Ang bahagi sa gawing buntot ay nahiwalay, na lalo pang marahas na nagpabulusok sa eruplano anupat ang dalawang pakpak nito ay nabali. Lahat ng 55 kaluluwang nakasakay rito ay namatay. Pagkatapos ng tatlong-taóng imbestigasyon, natuklasan ng mga Norwegong dalubhasa sa abyasyon na ang sanhi ng pagbagsak ay ang may depektong mga turnilyo, na tinatawag na mga locking pin, na nagdurugtong sa bahaging buntot sa katawan ng eruplano. Ipinakikita ng pagsusuri sa diin (stress) na ang mga turnilyo ay yari sa metal na napakahina ang klase upang matagalan ang humahampas na puwersa ng paglipad. Ang may depektong mga locking pin ay palsipikado—isang salitang napakapamilyar sa mga dalubhasa sa kaligtasan sa abyasyon saanman, sapagkat ang panghuhuwad ay isang lumalagong problema na nagsasapanganib sa buhay ng mga tripulante at mga pasahero ng eruplano.
Nang kapanayamin ng pambansang telebisyon, ang panlahat na inspektor para sa Kagawaran ng Transportasyon sa Estados Unidos, sabi niya: “Lahat ng mga kompanya ng eruplano ay tumanggap ng palsipikadong mga piyesa. Silang lahat ay mayroon nito. Silang lahat ay may problema.” Ang industriya ay umaamin, sabi pa niya, “na marahil ay mayroon silang dalawa o tatlong bilyong dolyar na halaga ng hindi magagamit na mga piyesang naimbentaryo.”
Sa panayam ding iyon, isang kasangguni sa kaligtasan sa abyasyon, na nagsabi sa FBI tungkol sa iba’t ibang lihim na mga operasyon na nagsasangkot ng palsipikadong mga piyesa, ay nagbabala na ang palsipikadong mga piyesa ay kumakatawan ng isang tunay na panganib. “Inaakala kong makikita natin ang isang malaking sakuna sa eruplano sa malapit na hinaharap bilang resulta nito,” aniya.
Ang araw ng pagtutuos ay malapit na para sa mga taong ang kasakiman ay nagpapangyari sa kanila na unahin ang kanilang sariling mapag-imbot na naisin kaysa buhay ng iba. Tuwirang binabanggit ng kinasihang Salita ng Diyos na ang mga taong sakim ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos.—1 Corinto 6:9-10.
[Mga larawan sa pahina 9]
Damit, alahas, mga painting, paggawa at pagbebenta ng mga gamot, mga piyesa ng eruplano—lahat ng mahalaga ay pinagsasamantalahan ng mga nanghuhuwad
[Larawan sa pahina 10]
Ang huwad na mga piyesa ng makina, may depektong mga turnilyo, mga gamit sa cockpit, mga component sa computer, at iba pang huwad na mga piyesa ang naging sanhi ng mga pagbagsak ng eruplano na sumawi ng mga buhay