Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 4/8 p. 9-11
  • Biláng na Ba ang mga Araw ng Relihiyon?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Biláng na Ba ang mga Araw ng Relihiyon?
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Huling Araw ng Relihiyon?
  • Pagpunô sa Espirituwal na Kahungkagan
  • Mahalaga Higit Kailanman ang Tunay na Relihiyon
  • Pag-alpas Buhat sa Huwad na Relihiyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Pagsasagawa ng Dalisay na Relihiyon Para sa Kaligtasan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Bahagi 24—Ngayon at Kailanman—Ang Walang-Hanggang mga Kagandahan ng Tunay na Relihiyon
    Gumising!—1989
  • Natagpuan Mo Na ba ang Tamang Relihiyon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 4/8 p. 9-11

Biláng na Ba ang mga Araw ng Relihiyon?

“Ang lupa ay tiyak na mapúpunô ng kaalaman ni Jehova gaya ng mga tubig na tumatakip sa mismong dagat.”

ISAIAS, PROPETANG ISRAELITA NOONG IKA-8 SIGLO B.C.E.

GAYON inihula ng Hebreong propetang si Isaias na isang araw ang lahat sa lupa ay magkakaisa sa pagsamba sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Subalit, sa ngayon ang gayong pag-asa ay maaaring lumitaw na may kalayuan pa higit kailanman.

Halimbawa, maaga sa siglong ito ang mga rebolusyonaryong Komunista sa Russia ay naniniwalang ang pagkawasak ng relihiyon ay isang mahalagang hakbang upang mapalaya ang mga dukha. Ang ateismo, sabi nila, ay ‘magpapalaya sa nagtatrabahong masa mula sa pasanin ng maling opinyon at mga kakatwang guniguni ng nakalipas.’ Noong 1939, binawasan ni Stalin ang bilang ng mga simbahang Ortodokso sa Unyong Sobyet tungo sa 100, kung ihahambing sa mahigit na 40,000 bago ang 1917.

Minalas din ni Hitler ang relihiyon bilang isang hadlang sa kaniyang landas tungo sa ganap na kapangyarihan. “Ang isa ay alin sa isang Kristiyano o isang Aleman. Hindi ka maaaring maging Kristiyano at Aleman,” minsa’y nasabi niya. Nilayon niyang unti-unting alisin ang lahat ng anyo ng pagsamba na hindi niya masupil. Taglay ang layuning iyan, ang mga Nazi ay gumawa ng sarili nilang medyo-relihiyosong mga panalangin, kapistahan, bautismo, at mga paglilingkod pa nga sa libing. Si Hitler ang kanilang mesiyas, at ang inang bayan ang kanilang diyos. Anumang kalupitan ay maaaring gawin kung gugustuhin ni Hitler.

Mga Huling Araw ng Relihiyon?

Si Stalin man o si Hitler ay hindi nagtagumpay sa kanilang kampanya na sugpuin ang relihiyon. Subalit ngayon, waring napalitan ng kawalang interes ang pamamahala ng kalupitan. Para sa mga estudyante ng Bibliya ang mga pangyayaring ito ay hindi nakagugulat. Sinabi ni apostol Pablo kay Timoteo na sa “mga huling araw” ang mga tao ay magiging “maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos.”​—2 Timoteo 3:1-4.

Itinuturo ba ng Bibliya na ang “mga huling araw” na ito, na kakikitaan ng kawalang interes sa relihiyon, ay magiging isang pasimula ng wakas ng lahat ng relihiyon? Hindi. Sa halip na ihula ang wakas ng lahat ng relihiyon, ipinaliliwanag ng Bibliya na ang huwad na relihiyon​—na binigyan ng makasagisag na pangalang Babilonyang Dakila​—ay magwawakas.a Ang aklat ng Apocalipsis ay nagsasabi: “Binuhat ng isang malakas na anghel ang isang bato na tulad ng isang malaking gilingang-bato at inihagis ito sa dagat, na sinasabi: ‘Gayon sa isang matulin na paghagis ibubulid ang Babilonya na dakilang lungsod, at hindi na siya masusumpungan pang muli.’”​—Apocalipsis 18:21.

Subalit, ang paglaho ng huwad na relihiyon ay hindi magbubunga ng isang daigdig na walang Diyos. Sa kabaligtaran, ang Awit 22:27 ay humuhula: “Lahat ng mga wakas ng lupa ay makaaalaala at magsisipanumbalik kay Jehova. At lahat ng mga angkan ng mga bansa ay yuyuko sa harap mo.” Gunigunihin na lamang ang panahon kapag ang “lahat ng mga angkan ng mga bansa” ay magkakaisa sa pagsamba sa isang tunay na Diyos! Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, ang kahanga-hangang pangakong iyan ay magkakaroon ng maluwalhating katuparan. (Mateo 6:10) Pagdating ng panahong iyon, ang relihiyon​—tunay na relihiyon​—ay magiging lubhang mahalaga. Subalit kumusta naman sa ngayon?

Pagpunô sa Espirituwal na Kahungkagan

Ang espirituwal na kahungkagan na napakapalasak sa Europa ngayon ay katulad na katulad ng kalagayan sa Imperyong Romano noong unang siglo. Inilalarawan ng mananalaysay na si Will Durant kung paano matagumpay na natugunan ng unang-siglong Kristiyanismo ang espirituwal na pangangailangan nang panahong iyon: “Sa moral na kahungkagan ng isang namamatay na paganismo, sa kalamigan ng Istoisismo at ng kabulukan ng Epikureanismo, sa isang daigdig na punô ng kabangisan, kalupitan, paniniil, at seksuwal na kalisyaan, sa isang tahimik na imperyo na para bang hindi na nangangailangan ng mga kagalingang panlalaki o ng mga diyos ng digmaan, ito’y nagdala ng isang bagong moralidad ng kapatiran, kabaitan, kagandahang-asal, at kapayapaan.”

Ang moral at espirituwal na kahungkagan sa buhay ng mga tao sa ating panahon ay maaaring punan ng gayunding makapangyarihang mensaheng ipinangaral sa buong Imperyong Romano ng sinaunang mga Kristiyano. At may mga taong nakikinig. Maraming Europeo, bagaman hindi relihiyoso sa tingin, ay nakadarama pa rin na ang Diyos ay gumaganap ng isang mahalagang bahagi sa kanilang buhay. Maaaring hindi na sila dumadalo sa tradisyonal na mga serbisyo ng simbahan, ngunit pinunan ng ilan ang kanilang espirituwal na kahungkagan sa ibang dako.

Si Juan José, isang binata mula sa Palma de Mallorca, Espanya, ay nag-aral sa isang paaralang Katoliko at naglingkod bilang isang sakristan hanggang sa edad na 13 anyos. Siya’y dumadalo sa Misa tuwing Linggo na kasama ng kaniyang pamilya, subalit siya’y huminto sa pagsisimba nang siya’y maging tin-edyer. Bakit? “Sa isang bagay, ang pagtungo sa Misa ay nakababagot sa akin,” sabi ni Juan José. “Saulado ko na ang liturhiya. Ang lahat ay para bang isang pag-uulit ng narinig ko na noon. Isa pa, kadalasang pinagmamalupitan kaming mga sakristan ng aming paring paroko. At naisip ko na hindi tama na dapat bayaran ng mahihirap ang pari upang isagawa ang isang serbisyo sa libing.

“Naniniwala pa rin ako sa Diyos, subalit inaakala kong mapaglilingkuran ko siya sa aking sariling paraan, sa labas ng simbahan. Kasama ng isang grupo ng mga kaibigan, sinikap kong tamasahin ang buhay sa pinakamabuting paraang magagawa ko. Sa palagay ko’y masasabi mong ang paglilibang ang naging pangunahing bagay sa aking buhay.

“Ngunit nang ako’y 18, nagsimula akong mag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Ano kaya ang maiaalok nila sa akin na hindi ko nasumpungan sa simbahan? Isang tiyak na pananampalataya na nasasalig sa Bibliya sa halip na sa tradisyon at ‘mga misteryo’ na hindi ko kailanman maunawaan. Subalit, ang aking bagong paniniwala ay nangahulugan ng malaking pagbabago sa akin. Sa halip na gugulin ang bawat dulo ng sanlinggo sa pagsasaayos ng mga parti sa mga discotheque, nagsimula akong magtungo sa bahay-bahay upang ibahagi sa aking mga kapitbahay ang aking bagong sumpong na pananampalataya. Ang pagiging aktibo sa pagtulong sa iba ay nagbigay ng kabuluhan sa aking buhay. Sa nakalipas na pitong taon, ako’y naging isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova.”

Hindi lamang ang mga kabataan ang nagnanais na punan ang kanilang relihiyosong kahungkagan. Si Antonia, isang may edad nang babae mula sa Extremadura, Espanya, ay gumugol ng karamihan ng kaniyang buhay sa “paghanap sa Diyos,” gaya ng sabi niya. Noong siya’y tin-edyer pa, siya’y nagtutungo sa Misa araw-araw at sa wakas ay pumasok sa isang kumbentong Katoliko, yamang siya’y naniniwala “na kung ang Diyos ay hindi masumpungan sa isang kumbento, siya’y hindi masusumpungan saanman.” Subalit pagkalipas ng tatlong taon siya’y umalis sa kumbento, nakadarama ng higit na pagkasiphayo at kahungkagan kaysa dati.

Sa wakas, nang siya ay nasa kaniyang mga edad 50, siya’y naging isa sa mga Saksi ni Jehova. “Maligayang-maligaya ako nang dumalaw sa akin ang mga Saksi at sinagot ang aking mga tanong mula sa sarili kong Bibliya,” sabi niya. “Mula nang maging isa ako sa mga Saksi ni Jehova, ang aking buhay ay nagkaroon ng layunin. May mga problema ako, subalit nababata ko ang mga ito sapagkat nasumpungan ko ngayon ang tunay na Diyos.”

Ang dalawang karanasang ito ay hindi natatangi. Nilalabanan ang relihiyosong kausuhan, parami nang paraming tao ang nakikisama sa mga Saksi ni Jehova at nasumpungan na ang pamumuhay na kasuwato ng kanilang pananampalataya at ang pangangaral sa iba hinggil dito ay nagbibigay ng kabuluhan at layunin sa kanilang buhay.

Mahalaga Higit Kailanman ang Tunay na Relihiyon

Bagaman tayo ay nabubuhay sa isang panahon kung kailan marami ang tumatanggi sa relihiyon, hindi matalinong hatulan ang lahat ng relihiyon bilang walang-kabuluhan. Totoo, sa ika-20 siglo, iniwawaksi ng mga tao ang walang kabuluhang ritwal at lipás na sa panahon at hindi maka-Kasulatang doktrina, at kanilang nililibak anupat ang pagsisimba para masabi lamang na relihiyoso. Sa katunayan, iminumungkahi ng Bibliya na iwasan natin ang mapagpaimbabaw na relihiyon. Inihula ni apostol Pablo na sa “mga huling araw,” ang ilang tao ay ‘magkakaroon ng anyo ng maka-Diyos na debosyon, ngunit magbubulaan sila sa kapangyarihan nito.’ Iniingatan ng gayong mga tao ang isang panlabas na relihiyon, subalit ikinakaila ng kanilang paggawi ang bisa nito. Paano tayo dapat kumilos sa gayong relihiyosong pagpapaimbabaw? “Mula sa mga ito ay lumayo ka,” ang payo ni Pablo.​—2 Timoteo 3:1, 5.

Ngunit sinabi rin ni Pablo na “ang relihiyon ay umaani ng maraming pakinabang.” (1 Timoteo 6:6, New English Bible) Hindi tinutukoy ni Pablo ang tungkol sa basta anumang uri ng relihiyon. Ang salitang Griego na isinalin ditong “relihiyon” ay eu·seʹbei·a, na nangangahulugan ng “debosyon o pagpipitagan sa Diyos.” Ang tunay na relihiyon, ang totoong maka-Diyos na debosyon, ay “hawak nito ang pangako sa buhay ngayon at yaong darating.”​—1 Timoteo 4:8.

Gaya ng ipinakikita ng nabanggit na mga halimbawa kanina, ang tunay na relihiyon ay maaaring magbigay ng kabuluhan sa ating buhay at tumulong sa atin na harapin ang mga problema nang may tibay ng loob. Higit pa riyan, ang tunay na relihiyon ay tumitiyak ng isang walang-hanggang kinabukasan. Ang anyong iyon ng pagsamba ay sulit itaguyod, yamang tinitiyak sa atin na ito sa wakas ay ‘pupunô sa lupa.’b (Isaias 11:9; 1 Timoteo 6:11) Walang alinlangan tungkol dito, ngayon na ang panahon kung kailan ang tunay na relihiyon ay mahalaga higit kailanman.

[Mga talababa]

a Ginagamit ng Bibliya ang sinaunang lungsod ng Babilonya bilang isang sagisag ng pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, sapagkat sa lungsod na ito nagmula ang maraming hindi maka-Kasulatang relihiyosong mga idea. Sa nakalipas na mga dantaon ang mga ideang ito mula sa Babilonya ay nakapasok sa pangunahing mga relihiyon ng daigdig.

b Para sa isang pagtalakay kung paano makikilala ang tunay na relihiyon, tingnan ang kabanata 5, “Kaninong Pagsamba ang Sinasang-ayunan ng Diyos?” ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, inilathala noong 1995 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 10]

Isang Kuwento ng Dalawang Gusali

Ang Espanya ay punô ng relihiyosong mga gusali, subalit ang sigasig na dating sumustini sa pagtatayo ng magastos na mga katedral ay tila naglaho. Halimbawa, sa Mejorada del Campo, sa labas ng bayan ng Madrid, isang magarang simbahang Katoliko ang ginagawa. Si Justo Gallego Martínez, isang dating mongheng Benedictine, ang nagpasimula sa proyekto mga 20 taon na ang nakalipas. Subalit ang gusali ay hindi pa rin tapos. Si Martínez, ang nag-iisang tagapagtayo, ay nasa kaniyang mga edad 60 na, kaya malamang na hindi na kailanman matatapos ang simbahan. Subalit, 300 kilometro sa gawing timog, isang kakaibang pangyayari naman ang nagaganap.

“Napalilipat ng Pananampalataya ang mga Bundok” ganiyan inilarawan ng isang lokal na pahayagan ang dalawang-araw na pagtatayo ng isang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Martos, Jaén, Espanya. “Paano nangyari ito,” tanong ng lokal na pahayagan, “na sa kasalukuyang daigdig na ito na nasasalig sa kasakiman, mga boluntaryo mula sa iba’t ibang rehiyon [ng Espanya] ay walang pag-iimbot na naglakbay tungo sa Martos upang magtayo ng isang gusali na nahigitan ang lahat ng rekord sa bilis, kahusayan, at organisasyon?” Bilang sagot sa katanungang ito, sinipi ng artikulo ang pananalita ng isa sa mga boluntaryo: “Ang merito ay nakasalalay sa bagay na kami’y isang bayan na tinuruan ni Jehova.”

[Mga larawan sa pahina 10]

Mejorada del Campo

Kingdom Hall sa Martos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share