Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 9/8 p. 4-6
  • Saan Sila Nagmula?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Saan Sila Nagmula?
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Katutubong Amerikano​—Ang Kanilang Pinagmulan at Paniniwala
  • Pag-unawa sa mga Pilosopiya ng mga Katutubong Amerikano
  • Kung Paano Naglaho ang Kanilang Daigdig
    Gumising!—1996
  • Mga Katutubong Amerikano at ang Bibliya
    Gumising!—1999
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1997
  • Anong Kinabukasan ang Naghihintay sa Kanila?
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 9/8 p. 4-6

Saan Sila Nagmula?

“ANO ba ang tawag namin sa aming sarili bago dumating si Columbus? . . . Sa bawat tribo, maging sa ngayon, kapag isinasalin mo ang salitang nauukol sa bawat isa sa amin, bagaman hindi nagkakakilala sa isa’t isa, iyon ay karaniwan nang may pagkakatulad sa kahulugan. Sa aming wika [na Narragansett] ay Ninuog, o mga tao [sa Navajo, Diné], na nangangahulugang mga tao rin. Iyan ang tawag namin sa aming sarili. Kaya nang dumating dito ang mga [Europeong] pilgrim, kilala namin kung sino kami, ngunit hindi namin kilala kung sino sila. Kaya tinawag namin silang Awaunageesuck, o ang mga estranghero, sapagkat sila ang mga banyaga, sila ang hindi namin kilala, ngunit nakikilala namin ang isa’t isa. At kami nga ang mga tao.”​—Tall Oak, tribong Narragansett.

Napakaraming teoriya kung tungkol sa pinagmulan ng mga Katutubong Amerikano.a Si Joseph Smith, tagapagtatag ng Mormons, ay isa sa ilan, kasali na ang Quaker na si William Penn, na naniniwalang ang mga Indian ay mga Hebreo, mga inapo ng diumano’y sampung nawawalang tribo ng Israel. Ang paliwanag na tinatanggap ng karamihan sa mga antropologo ngayon ay na kung ito man ay sa pamamagitan ng pinakatulay na lupa o ng barko, ang mga tribo sa Asia ay lumipat sa ngayo’y Alaska, Canada, at Estados Unidos. Maging ang mga pagsusuri sa DNA ay sumusuporta sa ideyang ito.

Mga Katutubong Amerikano​—Ang Kanilang Pinagmulan at Paniniwala

Ang Katutubong Amerikanong mga editor na sina Tom Hill (Seneca) at Richard Hill, Sr., (Tuscarora) ay sumulat sa kanilang aklat na Creation’s Journey​—Native American Identity and Belief: “Karamihan sa mga katutubo ay tradisyunal na naniniwalang sila’y nilalang mula sa lupa mismo, mula sa mga tubig, o mula sa mga bituin. Sa kabilang dako naman, ang mga arkeologo ay may teoriya ng isang napakalaking pinakatulay na lupa patawid sa Bering Strait, na dinaanan ng mga taga-Asia upang mandayuhan sa mga lupain sa Amerika; ang mga taga-Asia na ito, ayon pa sa iginigiit ng teoriya, ay mga ninuno ng mga katutubo sa Kanlurang Hemispero.” Ang ilang Katutubong Amerikano ay waring nag-aalinlangan hinggil sa teoriyang ito ng Bering Strait ng mga puti. Mas pinaniniwalaan nila ang kanilang mga alamat at kuwento. Itinuturing nila ang kanilang mga sarili na taál na mga tagaroon sa halip na mga nanggagalugad na mga dayuhan mula sa Asia.

Sa kaniyang aklat na An Indian Winter, si Russell Freedman ay nagpapaliwanag: “Ayon sa paniniwala ng mga Mandan [isang tribo na malapit sa gawing itaas ng Missouri River], ang Unang Tao ay isang makapangyarihang espiritu, isang diyos. Noong unang panahon ay nilalang siya ng Panginoon ng Buhay, ang lumalang ng lahat ng bagay, upang magsilbing tagapamagitan sa gitna ng karaniwang mga tao at sa di-mabilang na mga diyos, o mga espiritu, na naninirahan sa sansinukob.” Lakip pa man din sa paniniwala ng mga Mandan ang isang alamat tungkol sa baha. “Minsan, nang apawan ng isang napakalaking baha ang buong daigdig, iniligtas ng Unang Tao ang mga tao sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila na gumawa ng isang pananggalang na tore, o ‘daong,’ na lulutang sa ibabaw ng mga tubig ng baha. Bilang pagpaparangal sa kaniya, bawat nayon ng Mandan ay may isang munting replika ng maalamat na toreng iyan​—isang poste ng sedro na may limang talampakan ang taas, na nababakuran ng makakapal na tabla.”

Bilang isang relihiyosong sagisag, ang mga Mandan ay mayroon ding “isang mataas na poste na nababalutan ng mga pakpak at balahibo at sa tuktok nito ay may nakapangingilabot na ulong yari sa kahoy, na pinintahan ng itim.” Sino kaya ang kinakatawanan nito? “Ang larawang ito ay kumakatawan kay Ochkih-Haddä, isang balakyot na espiritu na may napakalaking impluwensiya sa mga tao ngunit walang kapangyarihang gaya ng Panginoon ng Buhay o ng Unang Tao.” Para naman sa mga Indian sa Plains, “ang paniniwala sa daigdig ng mga espiritu ay isang walang-pag-aalinlangang bahagi ng pang-araw-araw na buhay. . . . Walang malaking desisyon ang maaabot, walang proyektong maisasagawa, nang hindi muna hinihiling ang tulong at pagsang-ayon ng mga sagradong persona na siyang umuugit sa mga gawain ng mga tao.”

Sa kaniyang aklat na The Mythology of North America, ganito ang paliwanag ni John Bierhorst: “Bago pa magkaroon ng mga angkan, sinasabing ang mga Osage ay nagpapagala-gala na kung saan-saan sa isang kalagayang kilala bilang ganítha (walang batas o kaayusan). Pinanghahawakan ng isang tradisyunal na palagay na noong sinaunang panahon ang ilang palaisip na ang tawag ay Little Old Men . . . ay bumalangkas ng teoriya hinggil sa isang tahimik, mapanlikhang kapangyarihan na pumupuno sa langit at sa lupa at nagpapanatili sa mga bituin, buwan, at araw upang kumilos sa isang sakdal na kaayusan. Tinawag nila itong Wakónda (mahiwagang kapangyarihan) o Eáwawonaka (tagapagpangyari ng ating pag-iral).” Ang ideya ring ito ang pinaniniwalaan ng mga Zuni, ng Sioux, at ng Lakota sa Kanluran. Ang mga Winnebago man ay may alamat ng paglalang may kinalaman sa “Gumawa ng Lupa.” Sabi ng ulat: “Hiniling niya ang liwanag at nagkaroon ng liwanag. . . . Pagkatapos ay naisip niya muli ang lupa at humiling nito, at ang lupang ito ay umiral.”

Para sa mga estudyante ng Bibliya, tunay na kapansin-pansing makita ang ilang pagkakahawig sa mga paniniwala ng mga Katutubong Amerikano at sa mga turong ipinahayag sa Bibliya, lalo na kung tungkol sa Dakilang Espiritu, sa “tagapagpangyari ng ating pag-iral,” na nakapagpapagunita ng kahulugan ng banal na pangalang, Jehova, “Pinapangyayari Niyang Maging.” Kasali sa pagkakahawig ang Baha at ang balakyot na espiritu na kilala sa Bibliya bilang si Satanas.​—Genesis 1:1-5; 6:17; Apocalipsis 12:9.

Pag-unawa sa mga Pilosopiya ng mga Katutubong Amerikano

Ang Katutubong Amerikanong mga manunulat na sina Tom Hill at Richard Hill ay nagpapaliwanag ng limang kaloob na anila’y tinanggap ng mga Katutubong Amerikano mula sa kanilang mga ninuno. “Ang unang kaloob . . . ay ang aming labis-labis na pagmamahal sa lupain.” At kung titingnan ang kanilang kasaysayan bago at pagdating ng mga Europeo, sino pa nga ba ang makapagtatatwa nito? Ang kanilang lupain, na madalas ituring ng mga Katutubong Amerikano na sagrado, ay buong-katusuhang inagaw sa dahas, sa panlilinlang, o sa di-pagtupad sa mga kasunduan.

“Ang sumunod na kaloob ay ang kapangyarihan at espiritung tinatamasa ng aming bayan at gayundin ng mga hayop.” Ang paggalang ng mga Katutubong Amerikano sa mga hayop ay naipamalas na sa maraming paraan. Sila’y nangangaso para lamang sa pagkain, damit, at tirahan. Hindi mga katutubo ang talagang lumipol sa mga bupalo (bison) kundi ang mga puti, dahil sa kanilang pagkauhaw sa dugo at pagkagahaman sa biglang pakinabang.

“Ang ikatlo ay ang mga puwersang espiritu, na mga kamag-anak naming patuloy na nabubuhay at nakikipag-usap sa amin sa pamamagitan ng mga imahen na ginawa namin ukol sa kanila.” Narito ang karaniwang tema ng napakaraming relihiyon sa buong daigdig​—ang pananatili ng ilang espiritu o kaluluwa pagkamatay.b

“Ang ikaapat ay ang pagkakilala kung sino kami, na ipinahahayag at pinatutunayan sa pamamagitan ng aming mga tradisyong pantribo.” Sa ngayon ay tiyakang napapansin ito sa mga seremonyang pantribo, na doo’y nagtitipun-tipon ang bayan upang pag-usapan ang mga gawaing pantribo, o sa sosyal na pagtitipon, na doon ay may sayawan at tugtugang pantribo. Ang kasuutang Indian, ang maindayog na paghataw sa mga tambol, ang mga sayaw, ang mga muling-pagkikita ng pamilya at ng angkan​—lahat ay nagpapahiwatig ng tradisyong pantribo.

“Ang huling kaloob ay ang malikhaing paggawa​—ang aming paniniwala ay pinapagiging totoo sa pagyari ng mga bagay ayon sa aming pananampalataya at dangal mula sa likas na mga materyales.” Ito man ay paggawa ng basket, paghabi, paghugis at pagpipinta ng mga pasô, paggawa ng mga alahas at panghiyas, o anumang malikhaing gawain, ito’y nauugnay sa kanilang sinaunang tradisyon at kultura.

Napakaraming tribo anupat nangangailangan ng maraming aklat upang ipaliwanag ang lahat ng tradisyunal na mga paniniwala at gawain. Ang kumukuha ng ating interes ngayon ay, Anong epekto mayroon ang paghugos ng milyun-milyong Europeo, na ang karamihan ay ipinalalagay na mga Kristiyano, sa mga Katutubong Amerikano?

[Mga talababa]]

a Maliwanag na kabilang sa terminong “mga Katutubong Amerikano” yaong mga tribo na naninirahan sa Canada. Marami ang naniniwala na ang naunang mga dayuhan mula sa Asia ay dumaan sa hilagang-kanluran ng Canada patimog tungo sa mas maiinit na klima.

b Walang ibinibigay na suporta ang Bibliya para sa paniniwala sa isang imortal na kaluluwa o espiritu na nananatili pa rin pagkamatay. (Tingnan ang Genesis 2:7; Ezekiel 18:4, 20.) Para sa mas detalyadong impormasyon sa paksang ito, tingnan ang aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos, pahina 52-7, 75, at sa indise nito sa ilalim ng “Kaluluwang di-namamatay, paniwala sa.” Ang aklat na ito ay inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share