Pagmamasid sa Daigdig
Ang Mataas na Kabayaran ng Krimen
Tinataya ng Kagawaran ng Hustisya na halos 94,000 krimen ang naisasagawa sa Estados Unidos sa araw-araw. Gaano kalaking halaga ang nagagawa ng mga krimeng ito sa mga mamamayan sa Estados Unidos? Ayon sa tagaanalisa ng ekonomiya na si Ed Rubenstein, ang tuwirang gastusin—kasali na ang nawawalang personal na mga ari-arian, gaya ng mga kotse, salapi, at alahas—ay umaabot sa 20 bilyong dolyar sa isang taon. Gayunman, karagdagan pa rito ay ang mga halagang may kaugnayan sa nagpapatupad ng batas, mga korte, bilangguan, at sistema sa parol. Ito ay nagpapataas sa halaga nang halos 100 bilyong dolyar. Gayundin, yamang ang mga biktima ng krimen ay kalimitang nakararanas ng pabalik-balik na takot, trauma, o panlulumo, binabata ng marami ang negatibong mga emosyon na ito sa pamamagitan ng pananatili sa bahay kaysa magtrabaho. Kaya, ang kawalan na ito sa produksiyon ay madaling umabot sa “$250 hanggang $500 bilyon sa bawat taon,” na siyang “kabuuang halaga sa mga biktima ng krimen,” sabi ni Rubenstein.
Buktot na mga Monghe
Sa Thailand isang baguhang mongheng Budista na naging sugapa sa amphetamines ang umamin sa paghalay at pagpaslang sa 23-taóng-gulang na turistang Britano, ang ulat ng World Press Review. Gayunman, ang krimeng ito ay isa lamang sa “sunud-sunod na iskandalo” na sumalot sa mga klerigong Budista kamakailan. “Karagdagan pa sa tumataas na bilang ng mga krimeng ginagawa, ang kasakiman sa materyal ay pumipinsala sa Budismo.” Sa anong paraan? “Ang pagbebenta ng mga anting-anting ay isang negosyo na malaki ang kita para sa ilang monghe, na naglalakbay sakay ng mga limo na minamaneho ng mga tsuper.” Bilang resulta, ang “pananampalataya ng mga tao sa dating iginagalang na klerong Budista ay hinahamon.” Sinasabi pa ng magasing ito na dahil sa pagsisikap na masugpo ang “pag-abuso sa droga” sa gitna ng mga monghe, “ang mga monasteryo ay nagbukas ng mga center na nag-aalis ng nakasusugapang mga elemento sa katawan dahil sa pag-abuso.”
May Tagas na mga Guwantes
Ang isang pares ng mga guwantes na latex ay hindi sapat upang maingatan ang nagsusuot nito laban sa HIV o hepatitis, ang ulat ng magasing New Scientist. Iyan ang nabuong konklusyon ng mga mananaliksik sa Medical College of Wisconsin nang kanilang matuklasan na “isa sa tatlong guwantes ang napapasok ng mga virus na kasinliit niyaong sa HIV o hepatitis.” Sinimulang suriin ni Jordan Fink, ang pangulo ng dibisyon sa alerdyi ng pamantasan, ang mga guwantes na latex pagkatapos na magreklamo ang mga doktor at nars tungkol sa mga alerdyi noong 1992. Iyan ang taon na ang pamahalaan ng Estados Unidos ay nagsimulang nag-utos sa mga tauhan sa panggagamot na magsuot ng gomang mga guwantes kung hahawak ng dugo ng pasyente o mga likido sa katawan. Ayon kay Fink, ang mga manggagawa na nangangalaga sa kalusugan na may mga sugat o iba pang hiwa sa kanilang balat ay dapat na magsuot ng higit sa isang pares ng mga guwantes, sabi ng magasin. Gayunman, ang mga kawani sa panggagamot na walang sugat sa balat ay hindi kinakailangang mabahala. “Ang balat na walang hiwa ay mabuting pananggalang,” sabi ni Fink.
Pagtutol sa mga Manloloko
Pagkatapos na gumugol ng 17 taon bilang isang consumer reporter sa isang lokal na istasyon ng TV sa Boston, Massachusetts, tinipon ni Paula Lyons ang isang talaan ng mga pamamaraan upang madaig ang “mapanlinlang na kahusayan at kawalang-habag ng mga manloloko.” Ayon sa isang artikulo sa Ladies’ Home Journal, kalakip sa mga mungkahi ni Lyons ang ganito: Tumangging makipagnegosyo sa telepono sa isang di-kilala na tumatawag sa iyo. Huwag kailanman mamuhunan sa hindi mo nauunawaan. Huwag kailanman magbayad sa isang “libreng” premyo. Huwag labis na magtiwala sa mga garantiya na ibabalik ang pera. Iwasang magdonasyon sa mga kawanggawa na hindi mo alam. Huwag kailanman bumili ng segunda manong kotse nang hindi muna pinatitingnan ito sa ibang mekaniko. “Ang mga alituntuning ito ay waring konserbatibo,” sabi ni Lyons, subalit “maiingatan ka ng mga ito mula sa malulubhang pang-aabuso sa larangan ng bilihan.”
Mga Problema sa Kalusugan sa Brazil
Ganito ang paghihinanakit ng direktor ng pambansang sentro ng siyensiya sa pagsugpo ng sakit ng mga tao sa Brazil, na si Dr. Eduardo Levcovitz: “Ang ating mga kababayan ay sinamang-palad dahil sa dumaranas kapuwa ng mga problema sa kalusugan ng mga industriyalisadong Bansa sa Kanluran at ang naiiwasang mga sakit sa Third World.” Sinipi sa The Medical Post, binabanggit ni Dr. Levcovitz ang pangunahing mga sanhi ng problema sa kalusugan ng mga taga-Brazil. Nangunguna sa talaan ang sakit sa puso, kanser, at sakit sa palahingahan. Sumunod ang pagkamatay dahil sa marahas na krimen at mga aksidente. Kasunod ng mga sakit sa “Bansa sa Kanluran” ay ang nakahahawang mga sakit na bunga ng mahirap na kalagayan sa pamumuhay. “Tinataya na kalahati sa populasyon ng taga-Brazil ay nakararanas ng ilang uri ng impeksiyon dahil sa parasito,” sabi ng The Medical Post. Ang malarya lamang ay nagpapahirap sa halos 500,000 taga-Brazil taun-taon. Ang iba pang karaniwang mga sakit na dahil sa parasito na masusumpungan sa Brazil ay ang Chagas’ disease, schistosomiasis, hookworm, leishmaniasis, at filariasis.
Kakulangan sa Sangkap sa Katawan
Noong 1994 “ang bilang ng mga taong nangangailangan ng mga organ transplant” sa Estados Unidos ay “nalampasan pa ang bilang ng mga nagkaloob nang halos tatlumpu’t tatlong porsiyento,” sabi ng The Journal of the American Medical Association. Mula 1988 hanggang 1994, ang bilang ng mga tao na tumatanggap ng transplant ay dumami ng 49 na porsiyento, samantalang ang mga nagkaloob ng sangkap ng katawan ay tumaas ng 37 porsiyento lamang. Dahil sa nahihigitan ng pangangailangan sa sangkap ang naitutustos, ang ilang nag-aagaw-buhay na mga pasyente ay namatay sa kahihintay ng makukuhang sangkap ng katawan. Nagkokomento tungkol sa suliraning ito, ganito ang sabi ng magasing New Scientist: “Habang nagiging karaniwan ang operasyon ng transplant, mas maraming tao ang may ibig nito at marami ang nasa talaan na naghihintay.” Kaya binanggit ng ulat na ang “organ transplant ay naging biktima ng kanilang sariling tagumpay.”
Magastos na Kapitbahay
Sa Britanya, kapag ipinagbibili ng mga may-ari ng bahay ang kanilang mga tahanan, mayroon silang legal na obligasyon na isiwalat ang mga detalye ng anumang nakaraang di-pagkakaunawaan nila sa kanilang mga kapitbahay, ang ulat ng The Sunday Times ng London. Isang 80-taóng-gulang na balo na hindi ipinagbigay-alam sa mga bumibili na dalawang ulit na siyang nagreklamo sa lokal na mga awtoridad tungkol sa maingay na kapitbahay ang matagumpay na ipinagsakdal dahil sa pagsisinungaling. Nakakaharap niya ngayon ang pagkabangkarote pagkatapos ng hatol na $45,000. Ang bagong mga may-ari ay nanirahan sa bahay sa loob ng anim na taon, subalit hindi na nila makayanan ang tumira katabi ng kanilang kapitbahay at walang ibang mapagpipilian kundi ipagbili ito, ang sabi nila sa korte. Upang maiwasan ang gayong mga problema, ang ilang bumibili ay bumaling sa pag-upa ng pribadong mga tiktik upang suriin ang paggawi ng kanilang magiging mga kapitbahay. Ang madaliang pagsusuri ay nagkakahalaga ng kasimbaba ng $75, subalit ang ilang bumibili ay handang magbayad ng $1,500 para sa higit pang pagsusuri.
Ang Tapat na Sea Horse
Natuklasan ng zoologist sa Oxford na si Amanda Vincent na ang mga sea horse ay waring nananatiling tapat sa kanilang kabiyak sa buong buhay. Dahil sa pinag-aaralan niya ang sampung-sentimetrong-haba na uri ng Hippocampus whitei sa timog-silangang baybayin ng Australia, nagulat si Dr. Vincent na matuklasan ang gayong katapatan sa gitna ng mga isda, sabi ng The Times ng London. Napansin na tuwing umaga ay naghihintay ang lalaki sa kaniyang kabiyak sa isang patiunang isinaayos na lugar. Kapag nagtagpo na, nagbabago ang kulay ng mga sea horse at pagkatapos ay magsasayaw. Ang pag-aanak ay isang bagay na pinagsasaluhan. Ang babae ay nangingitlog at inilalagay ito sa isang pantanging lukbutan sa buntot ng lalaki. Saka ito pinipertilisa ng lalaki, at ito’y nananatili sa lukbutan hanggang sa maisilang. Kung mamatay ang kabiyak, ang nabubuhay na sea horse ay makikisama lamang sa ibang walang kaparehang sea horse. Nakalulungkot nga, ang kaligtasan ng magagandang nilikhang ito ay nasa panganib, yamang ang milyun-milyon ay nahuhuli taun-taon para sa mga aquarium at para gamitin sa tradisyunal na gamot sa Asia.
Gutom sa Mabibigat na Metal
Kapag ang mabibigat na metal, gaya ng nikel, tingga, zinc, at cadmium, ay nagparumi sa lupa, ang lupa ay nagiging mapanganib at hindi na magagamit. Ang kasalukuyang pamamaraan sa paglilinis ay humihiling ng pag-aalis sa pang-ibabaw na lupa at pagtatapon nito sa mga tambakan o pag-aalis ng narumihang lupa at paghahantad dito sa matatapang na asido na naglalabas sa metal na napaloob. Gayunman, ang mga pamamaraang ito ng paglilinis ay napakamahal. Pinag-aaralan ngayon ng mga siyentipiko ang mas mura at mas malinis na paraan upang makatulong sa paglutas ng problema. Ito’y tinatawag na phytoremediation. Kasama sa proseso ang paggamit ng mga halaman na sumisipsip ng mabibigat na metal mula sa lupa at dinadala ang metal sa mga dahon, tangkay, at iba pang bahagi ng halaman nang hindi sayad sa lupa. Minsang makuha ang mabibigat na metal mula sa lupa, maaaring iproseso ang mga halaman at magamit na muli ang mas kinakailangang mga metal, sabi ng magasing Science.
“Pagluluto sa Pamamagitan ng—at Paghingal na may Huni Dahil sa—Gas”
Sa ilalim ng ulong balita na iyon, iniulat ng Science News na natuklasan ng mga Britanong mananaliksik na “ang mga babaing nagluluto sa pamamagitan ng gas ay makalawang ulit na mas malamang na makaranas ng paghingal na may huni, pangangapos ng hininga, at iba pang sintomas ng hika kaysa yaong mga nagluluto ng pagkain na gumagamit ng de-koryenteng mga lutuan o hurno.” Ang pagsusuri, na isinagawa ng St. Thomas’ Hospital sa London, ay nagsabi na ang mga sintomas ay nanatili kahit na gumagamit ng mga exhaust fan. At bagaman kapuwa lalaki at babae ang nakibahagi sa surbey, ang “mga epekto ay lumabas lamang sa mga babae—marahil dahil sa mas maraming oras ang kanilang ginugugol sa kusina.”