Patungo Na sa Pagkalipol Nito ang Huwad na Relihiyon!
UPANG malaman kung malapit na sa kanilang wakas ang mga relihiyong ito sa daigdig, ating suriing mainam ang isa sa pinakamadulang hula ng Bibliya. Ito’y tungkol sa mahiwagang makasagisag na babaing inilalarawan sa huling aklat ng Bibliya, ang Apocalipsis.
Mailalarawan mo ba sa isip ang isang babae na nagpuno sa mga bansa bilang isang reyna, anupat iniimpluwensiyahan ang buhay ng bilyun-bilyong tao sa buong kasaysayan—isang mayamang babae na magandang nagagayakan ng kulay purpura at matingkad-pula, marangyang napalalamutian ng ginto, mamahaling bato, at perlas? Sa kaniyang noo ay nakasulat ang mahabang pangalan, isang hiwaga: “Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot at ng kasuklam-suklam na mga bagay sa lupa.” Siya’y tiyak na tinandaan dahil sa kaniyang magulo at handalapak na buhay, sapagkat siya’y “nakiapid” sa mga pinuno ng sanlibutan. Ang kaniyang mga kasalanan ay abot na hanggang langit. Siya’y nakasakay sa isang napakapangit, pitong-ulo, sampung-sungay, kulay matingkad-pulang mabangis na hayop.—Apocalipsis 17:1-6; 18:5.
Kung mailalarawan mo sa isip ang babaing ito, may ideya ka tungkol sa pangunahing tauhan sa makahulang drama na nakita ng apostol ni Jesus na si Juan sa isang pangitain na ibinigay sa kaniya sa pamamagitan ng isang anghel. Detalyado niyang inilarawan ito sa Apocalipsis mga kabanatang 17 at 18. Basahin ang mga kabanatang ito sa iyong sariling Bibliya. Masusundan mo ang sunud-sunod na mga pangyayari mula sa pagpapakilala sa mahiwagang babaing ito hanggang sa kaniyang lubusang pagkawasak.
Pagkilala sa Patutot
Isang himaton sa pagkaunawa sa pagkakakilanlan ng babae ay masusumpungan sa dalawang bagay na doon makasagisag na nakaupo ang patutot-reyna. Sa Apocalipsis 17:18, siya ay inilalarawan bilang “ang dakilang lunsod na may isang kaharian sa mga hari sa lupa.” Ito’y nagpapangyari sa kaniya na maupo sa “maraming tubig,” na nangangahulugang “mga bayan at mga pulutong at mga bansa at mga wika,” gaya ng ipinakikita sa Apocalipsis 17:1, 15. Ayon sa Apoc 17 talatang 3 sa kabanata ring iyon, siya ay nakita ring nakaupo sa isang pitong-ulong mabangis na hayop—ang mga hayop ay karaniwang ginagamit sa Bibliya bilang sagisag ng makasanlibutang pulitikal na mga kapangyarihan, o mga organisasyon.
Ipinahihiwatig nito na ang patutot, ang Babilonyang Dakila, ay isa na kumakatawan sa isang itinaas na imperyo, isa na nangingibabaw sa ibang mga awtoridad at sa kanilang mga sakop. Ito’y walang iba kundi ang imperyo ng huwad na mga relihiyon ng daigdig.
Ang impluwensiya ng mga lider ng relihiyon sa mga bagay na may kinalaman sa patakaran ng estado at mga pulitika ay kilalang-kilalang bahagi ng kasaysayan. Ganito ang sabi ng The World Book Encyclopedia: “Nang bumagsak ang Kanlurang Imperyong Romano [ika-5 siglo], ang papa ay nagkaroon ng higit na awtoridad kaysa sinumang tao sa Europa. . . . Ang papa ay gumaganap ng pulitikal gayundin ng espirituwal na awtoridad. Noong taóng 800, pinutungan ng korona ni Papa Leo III ang pinunong Franks na si Charlemagne [Carlo na Dakila] emperador ng mga Romano. . . . Itinatag ni Leo III ang karapatan ng papa na gawing legal ang awtoridad ng emperador.”
Ang awtoridad sa mga pinuno na hawak ng Iglesya Katolika at ng “mga prinsipe” nito ay ipinaghalimbawa pa ni kardinal Thomas Wolsey (1475?-1530). Siya’y inilarawan bilang “ang pinakamakapangyarihang tao sa Inglatera sa loob ng maraming taon.” Sa ilalim ng pamamahala ni Haring Henry VIII, siya “ang agad nangasiwa sa lahat ng bagay may kinalaman sa estado. . . . Namuhay siya sa maharlikang karangyaan at nagpakalabis sa kaniyang kapangyarihan.” Ang ulat ng ensayklopidiya ay nagpapatuloy: “Ginugol ni Kardinal Wolsey ang kaniyang dakilang mga kakayahan bilang isang estadista at administrador lalo na sa pangangasiwa sa ugnayang panlabas ng Inglatera para kay Henry VIII.”
Isa pang litaw na halimbawa ng awtoridad ng Katoliko sa sekular na mga bagay may kinalaman sa estado ay si Kardinal Richelieu ng Pransiya (1585-1642), na “sa loob ng mahigit na 18 taon . . . ay siyang aktuwal na pinuno ng Pransiya.” Ang sinipi kanina na ensayklopidiya ay nagsasabi: “Siya’y lubhang ambisyoso at hindi makapaghintay para sa mas mataas na tungkulin.” Siya’y ginawang kardinal noong 1622 “at di-nagtagal ay naging ang nangungunang impluwensiya sa pamahalaang Pranses.” Maliwanag, siya’y taong kilala sa gawa, sapagkat “pinangunahan niya mismo ang hukbo ng hari sa pagkubkob ng La Rochelle.” Sinabi pa ng artikulo: “Ang pinakamalaking interes ni Richelieu ay sa ugnayang panlabas.”
Ang patuloy na pagkasangkot ng Batikano sa pulitikal na mga awtoridad ay maliwanag na nakikita sa madalas na mga patalastas sa pahayagang Batikano na L’Osservatore Romano tungkol sa dayuhang mga diplomatiko na naghaharap ng kanilang mga kredensiyal sa soberanong papa. Maliwanag na ang Batikano ay may magkakaugnay na grupo ng matapat na mga Katoliko na nagbibigay ng impormasyon sa papa tungkol sa pulitikal at diplomatikong mga pangyayari sa buong daigdig.
Marami pang halimbawa ang maaaring ibigay upang ilarawan ang makapangyarihang impluwensiya ng mga lider ng relihiyon—kapuwa sa loob at labas ng Sangkakristiyanuhan—sa pulitikal na mga pangyayari sa daigdig. Ang bagay na ang makasagisag na patutot ay nakaupo sa lahat ng “maraming tubig” (na kumakatawan sa “mga bayan at mga pulutong at mga bansa”) at sa mabangis na hayop (na kumakatawan sa lahat ng pulitikal na mga kapangyarihan sa daigdig) ay nagpapahiwatig din na ang kaniyang impluwensiya sa mga bayan, bansa, at mga kapangyarihan ay naiiba, mas mataas kaysa pulitikal na pangingibabaw lamang. Tingnan natin kung anong uri ito.
Bahagi ng mahabang pangalan sa kaniyang noo ay “Babilonyang Dakila.” Ito’y isang pagtukoy sa sinaunang Babilonya, na naitatag mga 4,000 taon na ang nakalipas sa pamamagitan ni Nimrod, na “nasa pagsalansang kay Jehova,” ang tunay na Diyos. (Genesis 10:8-10) Ang pagtataglay niya ng pangalang ito ay nagpapakitang siya ay isang pinalaking larawan ng sinaunang Babilonya, na may katulad na mga katangian. Anong katangian? Laganap sa sinaunang Babilonya ang mistikong relihiyon, masasamang tradisyon, pagsamba sa idolo, mahiko, astrolohiya, at pamahiin—na pawang hinahatulan ng Salita ni Jehova.
Ang The New International Dictionary of New Testament Theology ay nagsasabi na noong ika-18 siglo B.C.E., si Marduk ay ginawang “ang panlunsod na diyos ng Babilonya, at siyang pinuno ng Sumerian-Accad. libingan ng mga 1300 diyos. Pinagsama nito ang lahat ng relihiyosong tradisyon sa isang sistema. . . . Sa Gen. 11:1-9 ang arkitektura ng pagkalaki-laking templo ng Babilonya ay inilarawan bilang ang kapahayagan ng pagmamataas ng tao na naghahangad na sakupin ang langit.”
Sa gayon, ang sinaunang Babilonya ang sentro ng huwad na relihiyon, na sa paglipas ng panahon ay nakahawa sa buong daigdig. Ang mga relihiyosong gawain, doktrina, tradisyon, at sagisag na maka-Babilonya ay lumaganap sa lahat ng bahagi ng lupa at masasalamin sa nakalilitong libu-libong relihiyon ng daigdig. Bumangon at bumagsak ang pulitikal na mga kaharian at mga imperyo, subalit ang maka-Babilonyang relihiyon ay umiiral pa rin.
Bakit Napakalapit Na ng Pagkalipol?
Gaya ng madalas ipaliwanag sa naunang mga labas ng magasing ito, hindi mapag-aalinlanganang ipinahihiwatig ng hula sa Bibliya at ng yumayanig-sa-daigdig na mga pangyayari mula noong 1914 na tayo ngayon ay nabubuhay na sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3) Nangangahulugan ito na ang wakas ng makahayop na sistema ng daigdig ay nalalapit na, gaya ng wakas ng sampung-sungay na “kulay matingkad-pulang mabangis na hayop,” kung saan nakasakay ngayon ang patutot. (Apocalipsis 17:3) Maliwanag na ang hayop na ito ay kumakatawan sa pulitikal na kalipunan ng halos lahat ng mga bansa sa lupa—ang Nagkakaisang mga Bansa. Ang inihulang wakas ay nangangahulugan ng pag-aalis sa nagkakabaha-bahagi, hindi maka-Diyos na pulitikal na pamamahala sa sangkatauhan. Subalit kumusta naman ang tungkol sa patutot-reyna na nakasakay sa hayop?
Ganito ang paliwanag ng anghel ng Diyos: “Ang sampung sungay na iyong nakita, at ang mabangis na hayop, ang mga ito ay mapopoot sa patutot at gagawin siyang wasak at hubad, at uubusin ang malalaman niyang bahagi at susunugin siya nang lubusan sa apoy. Sapagkat inilagay iyon ng Diyos sa kanilang mga puso upang isakatuparan ang kaniyang kaisipan, maging ang pagsasakatuparan ng kanilang isang kaisipan sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang kaharian sa mabangis na hayop, hanggang sa ang mga salita ng Diyos ay maganap.”—Apocalipsis 17:16, 17.
Sa gayo’y ipinakikita ng hula na bago magtungo sa pagkalipol ang pulitikal na mabangis na hayop, mapopoot ito sa nakasakay rito at babaling laban sa kaniya. Bakit? Maliwanag na madarama ng mga pinuno at ng mga pamahalaan na ang kanilang kapangyarihan at awtoridad ay pinagbabantaan ng organisadong relihiyon na kumikilos sa loob ng kanilang mga hangganan. Walang anu-ano, udyok ng isang nagbubunsod na puwersa, isasagawa nila ang “kaisipan” ng Diyos, ang kaniyang pasiya, sa pamamagitan ng paggawad ng kaniyang hatol sa mapangalunya, puno ng dugong pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon.a—Ihambing ang Jeremias 7:8-11, 34.
Ang wakas ng mga huwad na relihiyong ito ng sanlibutan ay darating samantalang ang mga ito’y tila masigla at maimpluwensiya pa. Oo, ipinakikita ng hula na bago mapuksa ang patutot, sinasabi pa rin niya sa kaniyang puso: “Ako ay nakaupong isang reyna, at hindi ako babaing balo, at hindi ko makikita kailanman ang pagdadalamhati.” (Apocalipsis 18:7) Subalit, ang kaniyang pagkalipol ay makagugulat sa bilyun-bilyon niyang mga nasasakupan. Ito’y magiging isa na lubhang hindi inaasahan at kapaha-pahamak na mga pangyayari sa kasaysayan ng tao.
Mula nang lumitaw ang sinaunang Babilonya, ang mga huwad na relihiyon ay nagkaroon ng matinding impluwensiya sa sangkatauhan sa pamamagitan ng kanilang mga lider at mga tagatangkilik; ng kanilang mga doktrina, tradisyon, at mga gawain; ng kanilang maraming kahanga-hangang mga gusali sa pagsamba; at ng kanilang hindi kapani-paniwalang kayamanan. Tiyak na halatang-halata ang paglaho nito. Kaya nga, malinaw ang mga salita ng anghel na pinagkatiwalaang maghatid ng mensahe ng kahatulan sa patutot nang kaniyang sabihin: “Sa isang araw ang kaniyang mga salot ay darating, kamatayan at pagdadalamhati at taggutom, at siya ay lubusang susunugin sa apoy, sapagkat ang Diyos na Jehova, na humatol sa kaniya, ay malakas.” Kaya ang wakas ng Babilonyang Dakila ay darating na parang di-inaasahang kidlat at mabilis na lilipas, gaya ng “sa isang araw.”—Apocalipsis 18:8; Isaias 47:8, 9, 11.
Ang mapuwersang pananalita ng anghel ay umaakay sa tanong na, May matitira pa bang anumang relihiyon, at kung mayroon, alin at bakit? Ano ang ipinakikita ng hula? Ito ang tatalakayin sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Para sa detalyadong pagsasaalang-alang ng mga hulang ito, tingnan ang Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, kabanata 33, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Kahon sa pahina 6]
Pagkakasala sa Dugo ng Sangkakristiyanuhan sa Aprika
Sa Apocalipsis 18:24, sinasabi ng Bibliya na nasumpungan sa Babilonyang Dakila ang dugo ng “lahat niyaong mga pinatay sa lupa.” Isip-isipin ang mga digmaan na ipinakipagbaka dahil sa mga pagkakaiba sa relihiyon at dahil sa hindi ito hinadlangan ng mga lider ng relihiyon. Isang halimbawa nito kamakailan ay makikita sa paglipol ng lahi sa Rwanda, kung saan mga 500,000 katao ang pinaslang—sangkatlo sa mga ito ay mga bata.
Ang awtor na taga-Canada na si Hugh McCullum ay nag-uulat buhat sa Rwanda: “Isang paring Hutu sa Kigali [Rwanda] ang nagsasabi na ang kabiguan ng simbahan na maglaan ng moral na pangunguna ay hindi maipaliwanag. Ang katayuan ng mga obispo sa lipunan ng Rwanda ay dapat sanang naging napakahalaga. Batid nila ang tungkol sa nalalapit na kapahamakan bago sinimulan ang mga pagpatay. Ang mga pulpito ng simbahan ay maaari sanang naglaan ng pagkakataon para marinig ng halos lahat ng populasyon ang matinding mensahe na maaari sanang nakahadlang sa paglipol ng lahi. Sa halip ang mga lider ay nanahimik.”
Pagkatapos ng matinding masaker noong 1994, si Justin Hakizimana, isang elder ng simbahan, ay nagsabi sa isang maliit na miting na ginanap sa isang simbahang Presbiteryano sa Kigali: “Ang simbahan ay matalik na nakisama sa pulitika ni Habyarimana [presidente ng Rwanda]. Hindi natin kinondena ang nangyayari sapagkat tayo’y naging tiwali. Wala ni isa man sa ating mga relihiyon, lalo na ang mga Katoliko, ang nagkondena sa mga masaker.”
Si Aaron Mugemera, isang pastor ng simbahan, ay nagsabi sa isa pang miting sa Rwanda pagkatapos ng paglipol ng lahi: “Ang simbahan ay nakahihiya. . . . Naranasan na natin ang mga pagpatay dito mula pa noong 1959. Walang sinuman ang nagkondena nito. . . . Hindi tayo nagsalita sapagkat natatakot tayo, at sapagkat komportable tayo.”
[Larawan sa pahina 7]
Apektado ng “patutot” na ito ang buong daigdig
[Credit Line]
Globo: Mountain High Maps® Karapatang-sipi © 1995 Digital Wisdom, Inc.