Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 11/8 p. 8-9
  • Isang Relihiyon ang Mananatili

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Relihiyon ang Mananatili
  • Gumising!—1996
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pinagmumulan ng Maaasahang Lakas ng Loob
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Pagsasagawa ng Dalisay na Relihiyon Para sa Kaligtasan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Pag-alpas Buhat sa Huwad na Relihiyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Malapit Na ang Wakas ng Huwad na Relihiyon!
    Malapit Na ang Wakas ng Huwad na Relihiyon!
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 11/8 p. 8-9

Isang Relihiyon ang Mananatili

GUNIGUNIHIN kung ano ang mangyayari kapag ang lahat ng tao sa lupa ay nagkakaisa sa isang relihiyon, sa isang dalisay na pagsamba sa isang tanging tunay na Diyos. Iyon ay tunay na magiging isang pinagmumulan ng pagkakaisa! Wala nang pag-aaway, alitan, o digmaan dahil sa relihiyon. Pangarap ba lamang ito? Hindi. Ang pangitain ni apostol Juan tungkol sa pagkapuksa ng patutot, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ay nagpapahiwatig na isang anyo ng pagsamba ang mananatili pagkapuksa niya. Alin kaya?

Ang tinig na narinig ni Juan buhat sa langit ay nagbibigay sa atin ng isang himaton: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na makibahagi sa kaniya sa mga kasalanan niya, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.” (Apocalipsis 18:4) Maliwanag na ang Diyos mismo ang nagsasalita rito sa kaniyang bayan. Pansinin na hindi niya inuutusan ang kaniyang bayan na makisama sa patutot sa isang ekumenikal na pagsisikap upang iligtas ito sa pamamagitan ng pagtulong dito na magbago tungo sa isang disenteng buhay. Hindi, wala na itong lunas. Kaya nga, inuutusan niya sila na lumabas at lumayo rito upang makaiwas na mahawa sa malubhang kasalanan nito at makaiwas na mahatulan at mapuksang kasama nito pagsapit ng panahon.

Ang makalangit na utos na “lumabas kayo sa kaniya” ay tumutulong din sa taimtim na mga humahanap ng katotohanan na makilala ang bayan ng Diyos. Maitatanong nila sa kanilang sarili, ‘Aling bayan sa lupa ngayon ang sumunod sa utos na ito sa pamamagitan ng pagbibitiw mula sa anumang relihiyon, organisasyon, o lupon ng mga mananamba na kaugnay sa “Babilonyang Dakila”? (Apocalipsis 18:2) Aling bayan sa lupa ngayon ang sa gayo’y kumalas na mula sa lahat ng maka-Babilonyang doktrina, kredo, gawain, at mga tradisyon?’ Sino pa nga ba kundi ang mga Saksi ni Jehova? Sa mahigit na 5.2 milyong mga Saksi sa mahigit na 230 lupain, na pawang dati’y kaugnay sa isang maka-Babilonyang relihiyon, ito man ay mula sa pagkasilang o sa pagkakumberte, ang nagpahayag ng pagbibitiw mula rito​—kung minsan sa kabila ng mga pagtutol at pagsalansang mula sa mga kamag-anak, kaibigan, at mga lider ng relihiyon.

Isang halimbawa ay si Henry, isang lalaking taga-Timog Aprika, na dating ingat-yaman ng kaniyang simbahan at lubhang nanghahawakan dito. Subalit siya’y naghahanap ng katotohanan, at isang araw ay tinanggap niya ang isang libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Nang maglaon, nang magpasiya siyang maging isang Saksi, sinabi niya sa kaniyang pastor, na isa rin niyang malapit na kapitbahay, na nais niyang magbitiw mula sa simbahan.

Nagulat ang pastor at nang maglaon ay isinama ang tagapangasiwa at ang iba pang miyembro ng simbahan upang dalawin si Henry. Tinanong nila kung bakit niya iniwan ang kanilang simbahan upang maging miyembro ng isang relihiyon na, ayon sa kanila, ay walang banal na espiritu ng Diyos. “Sa simula, natakot akong sagutin sila,” sabi ni Henry, “sapagkat sa tuwina’y may malaking impluwensiya sila sa akin. Subalit ako’y humingi ng tulong kay Jehova sa panalangin, at pinangyari niya akong gawin ang pagtatanggol na ito: ‘Sa lahat ng internasyonal na relihiyon, alin lamang ang palaging gumagamit sa pangalan ng Diyos, na Jehova? Hindi ba’t ang mga Saksi ni Jehova? Sa palagay ninyo, kung pinahihintulutan sila ng Diyos na taglayin ang kaniyang pangalan, hindi rin kaya niya ibigay sa kanila ang kaniyang banal na espiritu?’ ” Hindi napabulaanan ng mga opisyal ng simbahan ang pangangatuwirang ito, at si Henry ngayon ay isa na sa mga Saksi ni Jehova.

Kaya kapag ang tinig mula sa langit ay nag-utos: “Lumabas kayo mula sa kaniya,” mayroon kang pupuntahan. (Apocalipsis 18:4) May bayan, mga mananamba ng tunay na Diyos, si Jehova, na mapupuntahan ka. Milyun-milyon na ang tumakas. Kilala bilang mga Saksi ni Jehova, sila’y binubuo ng isang internasyonal na kapatirang Kristiyano, na inorganisa sa mahigit na 78,600 kongregasyon, at ngayo’y dumaranas ng pinakamalaking pagsulong sa kanilang kasaysayan. Sila’y nagbautismo ng mahigit na 1,200,000 katao sa nakalipas na apat na taon! Bago ang bautismo, natapos ng lahat ng mga ito ang isang espirituwal na nakapagpapasiglang kurso ng pag-aaral sa Bibliya, anupat pinangyayari silang gumawa ng isang personal, makatuwirang pasiya na magbitiw mula sa lahat ng dating pakikipag-ugnayan sa ibang relihiyon.​—Zefanias 2:2, 3.

Kung hindi ka pa nakadadalo sa isang pulong ng mga Saksi ni Jehova sa isa sa kanilang mga Kingdom Hall, bakit hindi mo gawin sa linggong ito? Malamang na humanga ka sa iyong makikita at maririnig. At kung nais mong maunawaan ang Bibliya, bakit hindi hilingan ang isa sa mga Saksi ni Jehova na pag-aralan ito na kasama mo, gaya ng ginawa na ng milyun-milyon? Kung dalangin mo ang tunay na pagkaunawa sa Salita ng Diyos pati na ang daan ng buhay na kasuwato ng Salitang iyon, masusumpungan mo ang sagot sa iyong panalangin.

[Mga larawan sa pahina 9]

Milyun-milyon ang bumabaling sa pagsamba sa Diyos na Jehova

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share