Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 11/22 p. 8-10
  • Ang Ating Matalik na Kaibigan ay Nasa Dako ng mga Espiritu

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Ating Matalik na Kaibigan ay Nasa Dako ng mga Espiritu
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Hangad ng mga Demonyo ang Ating Pagsamba
  • Nauukol kay Jehova ang Pagsamba
  • Lilipulin ang Balakyot na mga Puwersa
  • Isang Kinabukasang Walang Kasamaan
  • Mga Tagapamahala sa Dako ng mga Espiritu
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Paghihimagsik sa Dako ng mga Espiritu
    Espiritu ng mga Patay—Maaari ba Nila Kayong Tulungan o Pinsalain? Talaga Bang Umiiral Sila?
  • Sulyap sa mga Nasa Langit
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2016
  • Puwede Mo Bang Makita ang mga Espiritu?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 11/22 p. 8-10

Ang Ating Matalik na Kaibigan ay Nasa Dako ng mga Espiritu

ANG Bibliya ay nagbibigay sa atin ng maliwanag na paglalarawan niyaong mga nakatira sa dako ng mga espiritu. Ang Diyos na Jehova ang kataas-taasan sa langit. Si Jesu-Kristo ang susunod kay Jehova sa kapangyarihan at awtoridad. Ang mga anghel na tapat sa Diyos ay naglilingkod bilang mga ministro kapuwa ng Diyos at ng kaniyang bayan sa lupa. Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay sumasalansang sa Diyos at inililigaw ang mga tao. Ang mga patay ay natutulog sa kamatayan hanggang sila’y buhaying-muli ng Diyos.

Hangad ng mga Demonyo ang Ating Pagsamba

Yamang ang mga patay ay walang buhay, walang matatamo sa pagsamba sa kanila. Ang paghahain sa mga patay ay nagtataguyod lamang sa mga kasinungalingan ni Satanas at ng mga demonyo.

Hangad ba ng mga anghel ng Diyos ang ating pagsamba? Tiyak na hindi! Ang tapat na mga anghel ay lumuluwalhati sa Diyos at hinihimok ang mga tao na gawin din ang gayon. Makalawang ulit, sinikap ni apostol Juan na sambahin ang mga anghel, subalit pinagwikaan nila siya, na ang sabi: “Mag-ingat ka! Huwag mong gawin iyan! . . . Sambahin mo ang Diyos.”​—Apocalipsis 19:10; 22:8, 9.

Kabaligtaran ng tapat na mga anghel, hangad ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo na sila’y sambahin at luwalhatiin. Maliwanag ito nang tuksuhin ni Satanas si Jesus nang si Jesus ay isang tao noon sa lupa. Ganito ang sabi ng Bibliya: “Dinala siya [si Jesus] ng Diyablo sa isang bundok na di-pangkaraniwan ang taas, at ipinakita sa kaniya ang lahat ng mga kaharian ng sanlibutan at ang kanilang kaluwalhatian, at sinabi niya sa kaniya: ‘Lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay ko sa iyo kung susubsob ka at gagawa ng isang gawang pagsamba sa akin.’ ”​—Mateo 4:8, 9.

Sumagot si Jesus: “Lumayas ka, Satanas! Sapagkat nasusulat, ‘Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.’ ” (Mateo 4:10) Alam ni Jesus ang Batas ni Jehova, at tumanggi siyang labagin ito.​—Deuteronomio 6:13.

Bagaman hindi nagawa ni Satanas na sambahin siya ni Jesus, nagtagumpay siya sa iba. Mangyari pa, iilang tao ang kusang sumasamba kay Satanas. Gayunman, sa pamamagitan ng pandaraya, panlilinlang, kasinungalingan, at takot, naitalikod ni Satanas at ng mga demonyo ang napakaraming tao mula sa dalisay na pagsamba ni Jehova anupat si apostol Juan ay sumulat: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Yaong sumasamba sa mga paraang salungat sa Salita ng Diyos ay nagpaparangal kay Satanas, hindi kay Jehova. Ang Bibliya ay nagbababala: “Ang mga bagay na inihahain ng mga bansa ay inihahain nila sa mga demonyo, at hindi sa Diyos.”​—1 Corinto 10:20.

Nauukol kay Jehova ang Pagsamba

Ang ating pagsamba ay dapat na iukol lamang sa Diyos. Sinabi ni Jehova kay Moises: “Huwag kang magkakaroon ng ibang diyos sa harap ko. Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng ano mang anyong nasa langit sa itaas o nasa lupa sa ibaba o nasa tubig sa ilalim ng lupa. Huwag mong yuyukuran sila o mahihikayat ka mang maglingkod sa kanila, sapagkat akong si Jehova na iyong Diyos ay isang Diyos na humihingi ng bukod-tanging debosyon.”​—Exodo 20:3-5.

Bagaman nakasisindak sa karangalan si Jehova, siya ay madaling lapitan. Ang alagad na si Santiago ay sumulat: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:8) Ang apostol Pablo ay sumulat: “Hindi siya [ang Diyos] malayo sa bawat isa sa atin.” (Gawa 17:27) At si apostol Juan ay sumulat: “Ito ang pagtitiwala na taglay natin sa kaniya [kay Jehova], na, anumang bagay ang hingin natin alinsunod sa kaniyang kalooban, ay pinakikinggan niya tayo. Karagdagan pa, kung alam nating pinakikinggan niya tayo may kinalaman sa anumang ating hinihingi, alam natin na tataglayin natin ang mga bagay na hiningi yamang ating hiningi ang mga iyon sa kaniya.”​—1 Juan 5:14, 15.

Pansinin na isinulat ni Juan na ipagkakaloob ni Jehova ang ating mga kahilingan kung tayo’y hihingi “alinsunod sa kaniyang kalooban.” Upang malaman kung ano ang kalooban ng Diyos, dapat nating pag-aralan kung ano ang itinuturo ng Bibliya. Ang mga Saksi ni Jehova ay magagalak na tumulong sa iyo na maunawaan ang Bibliya.

Habang natututo ka nang higit tungkol kay Jehova, magtatamo ka ng higit na kaalaman tungkol sa mga nakatira sa dako ng mga espiritu. Ang kaalamang ito ay nagdudulot ng kalayaan mula sa mga pamahiin, paniniwala, at mga tradisyon na ginagamit ni Satanas upang panatilihin ang mga tao sa pagkatakot at pagkaalipin. Sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos, matututuhan mong magtiwala sa kaniya na tulungan kang maiwasan o mapagtagumpayan ang araw-araw na mga suliranin sa buhay. Maaari kang maging kaibigan ng Diyos. At ang Diyos ay magiging “isang kanlungan at kalakasan, handang saklolo sa panahon ng kabagabagan.”​—Awit 46:1.

Lilipulin ang Balakyot na mga Puwersa

Huwag kailanman pag-alinlanganan na ang mga puwersang espiritu ng kabutihan ay magtatagumpay sa mga puwersang espiritu ng kasamaan. Ngayon pa lamang, nagkaroon na ng digmaan sa dako ng mga espiritu na nagpalayas mula sa mga langit kay Satanas at sa kaniyang masamang kasamahan. Ganito ang sabi ng aklat ng Apocalipsis: “Sumiklab ang digmaan sa langit: Si Miguel [ang binuhay-muling si Jesu-Kristo] at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon, at ang dragon at ang mga anghel nito ay nakipagbaka ngunit hindi ito nanaig, ni wala rin namang nasumpungan pang dako para sa kanila sa langit. Kaya inihagis ang malaking dragon, ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa; siya ay inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya.”​—Apocalipsis 12:7-9.

Ano ang resulta ng digmaang iyon? Ang ulat ay nagpapatuloy: “Dahil dito ay matuwa kayo, kayong mga langit at kayo na tumatahan sa mga iyon! Kaabahan para sa lupa at para sa dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na maikli na ang kaniyang yugto ng panahon.” (Apocalipsis 12:12) Yaong mga nasa langit ay maaaring magsaya, yamang si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay wala na roon upang lumikha ng kaguluhan. Gayunman, ang pagpapaalis sa kaniya mula sa langit, ay nagdala ng labis na kaabahan, matinding kaguluhan, sa mga nasa lupa. Tayo’y nabubuhay sa panahong iyan ng kaabahan ngayon.​—2 Timoteo 3:1-5.

Isang Kinabukasang Walang Kasamaan

Subalit, ang Bibliya ay nagbibigay rin ng pag-asa. Tinitiyak nito sa atin na ang Diyablo ay may “maikling yugto ng panahon” bago siya iligpit. Kapag nangyari iyon, si Jehova ay magdadala ng kamangha-manghang mga pagpapala sa lahat sa lupa na nakikipagkaibigan sa kaniya. Isaalang-alang ang ilan sa kaniyang mga pangako sa hinaharap:

“Magkakaroon ng saganang trigo sa lupa; aapawan ang taluktok ng mga bundok.”​—Awit 72:16.

“Ang aking mga pinili ay magagalak na malaon sa gawa ng kanilang mga kamay. Sila’y hindi magpapagal sa walang kabuluhan.”​—Isaias 65:22, 23.

“Walang mamamayan ang magsasabi: ‘Ako’y may sakit.’ ”​—Isaias 33:24.

“Sa panahong iyon ang mga mata ng bulag ay madidilat, at ang mga pakinig ng bingi ay mabubuksan. Sa panahong iyon ang pilay ay lulukso na parang usa, at ang dila ng pipi ay aawit sa kagalakan.”​—Isaias 35:5, 6.

“At papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”​—Apocalipsis 21:4.

“Ang matuwid mismo ay magmamana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.”​—Awit 37:29.

Tanging si Jehova, ang tunay na Diyos, ang makatutupad ng dakilang mga pangakong iyon. Walang makapipigil sa kaniya sa pagsasagawa ng kaniyang layunin. “Sa Diyos ay walang kapahayagan ang magiging imposible.”​—Lucas 1:37.

[Mga larawan sa pahina 9]

Minsang ikaw ay maging kaibigan ng Diyos, tutulungan ka niyang maharap mo ang mga suliranin sabuhay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share