‘Pansamantala Lamang Ito!’—Ang Mabuhay Nang May Sakit sa Bato
Natatandaan ko pa ang araw na iyon maaga noong Enero 1980 na parang kahapon lamang. Ako ay inutusan ng aking ina na magtungo sa tindahan upang bumili ng tinapay, subalit nang papaalis na ako ng bahay, tumunog ang telepono. Doktor ko ang tumawag upang sabihin sa amin ang resulta ng mga pagsubok sa akin sa laboratoryo. Walang anu-ano, biglang umiyak si Inay. Sa pagitan ng mga paghikbi, sinabi niya sa akin ang masamang balita. Ang aking mga bato ay humihina. Isang taon na lamang ang natitira, ang pinakamatagal ay dalawang taon, upang magtrabaho ang aking bato. Tama ang doktor—pagkalipas ng isang taon ako ay ginagamot na sa pamamagitan ng “dialysis.”
AKO’Y isinilang noong Mayo 20, 1961, ang panganay sa anim na anak. Nang ako’y mga anim na buwang gulang, napansin ng aking nanay ang dugo sa ihi sa aking mga lampin. Pagkatapos ng maraming pagsubok, ang aking kalagayan ay nasuri bilang Alport’s syndrome, isang pambihirang depekto mula sa pagsilang. Sa di-malamang mga dahilan, ang mga lalaking may ganitong sakit ay nagkakaroon ng sakit sa bato paglipas ng panahon. Kami ng mga magulang ko ay hindi sinabihan nito, kaya hindi ako nag-alala tungkol sa sakit sa bato.
Pagkatapos, noong tag-araw ng 1979, napansin ko ang tulad-amonya na amoy ng aking hininga sa umaga. Hindi ko ito pinansin, subalit nagsimula akong makadama ng pagkapagod. Akala ko’y wala lamang ako sa kondisyon, kaya hindi ko ito pinansin. Nagpatingin ako para sa aking taunang pagpapasuri noong Disyembre, at noong Enero ay tinanggap ko ang tawag sa telepono na nabanggit kanina.
Habang ako’y nagmamaneho patungo sa tindahan—sa paano man, kailangan pa rin ng nanay ko ang tinapay—ako’y balisa. Hindi ako makapaniwala na nangyayari ito sa akin. “Ako’y 18 anyos lamang!” ang panangis ko. Itinabi ko ang kotse at huminto. Ang tindi ng nangyayari sa akin ay nauunawaan ko na.
“Bakit Ako Pa?”
Habang nakaupo ako roon sa tabi ng daan, humagulhol ako. Taglay ang mga luhang tumutulo sa aking mukha, ako’y napabulalas: “Bakit ako pa, Diyos ko? Bakit ako pa? Huwag po ninyong itulot na hindi na magtrabaho ang aking mga bato!”
Habang lumilipas ang mga buwan ng 1980, lalo akong nanghina; at ang aking mga panalangin ay naging matinding pagsamo at may mga pagluha. Sa pagtatapos ng taon, ako’y nahihimatay at madalas na nagsusuka dahil sa naiipong lason sa aking dugo, na hindi nasasala ng aking humihinang mga bato. Noong Nobyembre ay sumama ako sa huling kamping na kasama ng ilang kaibigan. Subalit masamang-masama ang pakiramdam ko kaya naupo na lamang ako sa kotse noong Sabado’t Linggo, na nanginginig sa ginaw. Hindi ako makadama ng init, anuman ang gawin ko. Sa wakas, noong Enero 1981, nangyari na ang hindi maiiwasan—ganap nang hindi nagtatrabaho ang aking mga bato. Kailangan kong mag-dialysis kung hindi, ako’y mamamatay.
Ang Mabuhay sa Dialysis
Mga ilang buwan bago nito, sinabi sa akin ng doktor ng aming pamilya ang tungkol sa isang bagong uri ng dialysis na hindi nagsasangkot ng mga heringgilya at na nililinis ang dugo sa loob ng katawan. Ang proseso ay tinatawag na peritoneal dialysis (PD). Ito agad ay nakaakit sa akin, yamang takot ako sa mga heringgilya. Ang proseso ay naging isang madaling mapagpipilian para sa ilang pasyente ng dialysis.
Kahanga-hanga, ang ating katawan ay may lamad na maaaring kumilos na gaya ng isang artipisyal na bato. Ang peritoneum—isang makinis, naaaninag na lamad na nagiging parang supot sa palibot ng mga sangkap sa panunaw—ay maaaring gamitin bilang isang panala upang linisin ang dugo. Ang pinakaloob ng lamad na ito ang sumasapin sa isang puwang na tinatawag na peritoneal cavity. Ang peritoneum ay parang isang impis na bag, na nasa pagitan ng mga sangkap sa sikmura.
Ganito gumagawa ang PD: Isang pantanging likido ng dialysis ang inilalagay sa peritoneal cavity sa pamamagitan ng isang catheter (tubo) na ipinapasok sa gawing ibaba ng sikmura. Ang likido ay naglalaman ng dextrose, at sa pamamagitan ng osmosis, ang mga dumi at sobrang likido sa dugo ay hinihigop na pinadaraan sa peritoneum tungo sa likido ng dialysis, na nasa loob ng peritoneal cavity. Ang mga dumi na normal sanang inilalabas bilang ihi ay nasa likido ng dialysis ngayon. Apat na beses isang araw, dapat mong gawin ang pagpapalit na ito—na patuluin ang nagamit nang likido at saka punuin ang puwang ng bagong likido. Ang pagpapalit ay kumukuha ng mga 45 minuto upang matapos. Para itong pagpapalit ng langis—patuluin mo ang luma at palitan mo ng bago upang humaba ang iyong buhay at tulungan ang iyong katawan na tumakbo nang maayos!
Noong pasimula ng Enero 1981, nilagyan ako ng kinakailangang catheter sa bandang ibaba sa gawing kanan ko. Pagkatapos, nagsanay ako sa pamamaraang ito sa loob ng dalawang linggo. Kung ang proseso ay hindi gagawin nang tama, na gumagamit ng istriktong malinis na pamamaraan, ang isang tao ay maaaring magkaroon ng peritonitis—isang malubha at nakamamatay na impeksiyon ng peritoneum.
Noong tag-araw ng 1981, mga anim na buwan pagkatapos kong simulan ang PD, ang aking mga magulang ay tumanggap muli ng isang tawag sa telepono na magkakaroon ng matinding epekto sa aking buhay.
Paghahanap ng Isang Bagong Bato
Mula noong Enero 1981, ako’y nasa pambansang talaan para sa isang transplant ng bato.a Inaasahan kong sa pamamagitan ng isang transplant ay maibabalik sa dati ang aking buhay. Wala akong kamalay-malay sa kung ano ang naghihintay bukas!
Ipinaalam sa amin ng isang tawag sa telepono noong kalagitnaan ng Agosto na nasumpungan na ang isang magkakaloob. Pagdating ko sa ospital, noong bandang alas-10 n.g., kumuha ng mga sampol ng dugo upang matiyak na katugma ko ito para sa transplant. Ang bato ay ipinagkaloob ng pamilya ng isang binata na namatay sa isang aksidente maaga noong araw na iyon.
Ang operasyon ay itinakda kinaumagahan. Bago maisagawa ang operasyon, isang mahalagang isyu ang dapat harapin, yamang ako’y isa sa mga Saksi ni Jehova at hindi ipinahihintulot ng aking budhing sinanay sa Bibliya na magpasalin ng dugo. (Gawa 15:28, 29) Nang unang gabing iyon dumalaw sa akin ang anesthesiologist. Hinimok niya akong sumang-ayon na maghanda ng dugo sa silid na pag-ooperahan, sakaling kailanganin. Hindi ako pumayag.
“Ano ang gagawin ko kung may mangyaring hindi mabuti? Hahayaan ba kitang mamatay?” ang tanong niya.
“Gawin ninyo ang lahat ng magagawa ninyo, subalit huwag ninyo akong bibigyan ng dugo, anuman ang mangyari.”
Pagkaalis niya, dumating naman ang mga siruhano. Ipinakipag-usap ko sa kanila ang isyu ring iyon, at sa laking ginhawa ko, sila’y sumang-ayon na mag-opera nang walang dugo.
Naging maayos naman ang tatlo-at-kalahating-oras na operasyon. Sinabi ng siruhano na kakaunting dugo lamang ang nawala sa akin. Paggising ko sa recovery room, tatlong bagay ang nadama ko—una’y gutom at uhaw at saka kirot! Subalit lahat ng iyan ay naglaho nang makita ko ang isang bag sa sahig, na napupuno ng kulay rosas-dilaw na likido. Ito’y ihi mula sa aking bagong bato. Sa wakas ako’y naglalabas ng ihi! Nang alisin ang catheter mula sa aking pantog at ako’y nakaiihi na tulad ng iba, tuwang-tuwa ako.
Subalit, ang kagalakan ko ay sandali lang. Pagkaraan ng dalawang araw nakatanggap ako ng nakapanlulumong balita—ang aking bagong bato ay hindi nagtatrabaho. Kailangan kong mag-dialysis na muli sa pag-asang bibigyan nito ang bagong bato ng sigla na magtrabaho. Nagpatuloy ako sa dialysis sa loob ng ilang linggo.
Ngayon ay kalagitnaan na ng Setyembre, at ako’y naospital sa loob halos ng isang buwan. Ang ospital ay 80 kilometro mula sa bahay ko, kaya mahirap para sa aking Kristiyanong mga kapatid na dumalaw. Sabik na sabik na ako sa aking kongregasyon. Tumanggap ako ng mga tape recording ng mga pulong sa kongregasyon, subalit kapag pinakikinggan ko ang mga ito, ako’y naiiyak. Ginugol ko ang maraming oras na ako’y nag-iisa sa pakikipag-usap sa Diyos na Jehova sa panalangin, na humihingi sa kaniya ng lakas upang patuloy na makapagbata. Hindi ko alam noon, subalit mas mahirap pang mga pagsubok ang nasa unahan.
Hindi Takot Mamatay
Mayroon nang anim na mahahabang linggo mula nang isagawa ang transplant, at ngayon ay maliwanag na tinatanggihan ng aking katawan ang bato. Ang aking tiyan ay lubhang namaga; at sinabi sa akin ng mga doktor na kailangang alisin ang tinanggihang bato. Minsan pa, bumangon ang isyu tungkol sa dugo. Ipinaliwanag ng mga doktor na sa pagkakataong ito ang operasyon ay mas maselan, sapagkat napakababa ng bilang ng aking dugo. Matiyaga subalit matatag kong ipinaliwanag ang aking salig-Bibliyang paninindigan, at sila sa wakas ay sumang-ayon na gawin ang operasyon nang walang dugo.b
Pagkatapos ng operasyon, napakabilis na lumala ang mga bagay-bagay. Habang ako ay nasa recovery room, napuno ng tubig ang aking mga baga. Pagkatapos ng magdamag na matinding dialysis, bumuti-buti ang aking kalagayan. Subalit pagkalipas ng dalawang araw ay napuno na naman ng tubig ang aking mga baga. Isa pang gabi ng dialysis ang sumunod. Wala akong gaanong natatandaan noong gabing iyon, subalit natatandaan kong nasa tabi ko ang aking tatay, na nagsasabi: “Isa pang hinga, Lee! Sige na. Kaya mo iyan! Isa pang hinga. Hayan, sige patuloy kang huminga!” Pagod na pagod ako, mas pagod higit kailanman. Gusto ko nang matapos ito at gumising sa bagong sanlibutan ng Diyos. Hindi ako takot mamatay.—Apocalipsis 21:3, 4.
Kinaumagahan ay grabe ang kalagayan ko. Ang aking hematocrit, ang dami ng mga pulang selula ng dugo sa tumatakbong dugo, ay bumaba tungo sa 7.3—ang normal ay mahigit na 40! Ang mga doktor ay nawawalan na ng pag-asa tungkol sa aking kalagayan. Paulit-ulit nilang sinikap na ako’y pasalin ng dugo, na sinasabi nilang mahalaga sa aking paggaling.
Ako’y inilipat sa isang intensive care unit, at pagkatapos ang aking hematocrit ay bumaba tungo sa 6.9. Subalit sa tulong ng aking ina, ang aking hematocrit ay unti-unting tumaas. Sa pamamagitan ng isang blender sa bahay, iginagawa niya ako ng mga inumin na mula sa mga pagkaing mayaman sa iron at dinadala ito sa akin. Sinasamahan pa nga niya ako sa pag-inom nito upang himukin ako. Ang pag-ibig ng isang ina sa kaniyang mga anak ay isang kamangha-manghang bagay.
Nang ako’y lumabas ng ospital noong kalagitnaan ng Nobyembre, ang aking hematocrit ay 11. Maaga noong 1987, nagsimula akong gumamit ng EPO (erythropoietin), isang sintetik na hormone na nagpapasigla sa utak sa buto na magpadala ng bagong pulang mga selula ng dugo sa daluyan ng dugo, at ngayon ang aking hematocrit ay halos 33 na.c
‘Pansamantala Lamang Ito, Lee!’
Sumailalim pa ako ng ibang malalaking operasyon noong 1984, 1988, 1990, 1993, 1995, at 1996—lahat ay bunga ng aking mga batong hindi na nagtatrabaho. Sa mga panahong ito ng pamumuhay na may sakit sa bato, isang kaisipan ang nakatulong sa akin na magpatuloy, ‘Pansamantala lamang ito.’ Anuman ang ating mga problema, pisikal o iba pa, ang mga ito’y maitutuwid sa ilalim ng Kaharian ng Diyos sa dumarating na bagong sanlibutan. (Mateo 6:9, 10) Kailanma’t may nakakaharap akong bagong hamon at nanlulumo, basta sinasabi ko sa aking sarili, ‘Pansamantala lamang ito, Lee!’ at nakatutulong ito sa akin na ibalik ang mga bagay-bagay sa tamang pangmalas.—Ihambing ang 2 Corinto 4:17, 18.
Ang taóng 1986 ay nagdulot ng pinakamalaking sorpresa sa akin—ako’y nag-asawa. Akala ko’y hinding-hindi na ako makapag-aasawa. ‘Sino ang magkakagustong magpakasal sa akin?’ naitanong ko. Subalit dumating si Kimberly. Nakita niya kung ano ako sa loob, hindi kung ano ako sa panlabas na unti-unting nanghihina. Nakita rin niya na ang aking kalagayan ay pansamantala lamang.
Noong Hunyo 21, 1986, kami ni Kimberly ay nagpakasal sa aming lokal na Kingdom Hall sa Pleasanton, California. Kami’y nagpasiyang huwag mag-anak, yamang ang aking sakit ay namamana. Subalit marahil ito man ay pansamantala lamang. Sa bagong sanlibutan ng Diyos, gusto naming magkaanak kung loloobin ni Jehova.
Ngayon ako ay may pribilehiyong maglingkod bilang isang matanda sa Highland Oaks Congregation sa California, at si Kimberly ay naglilingkod bilang isang buong-panahong ebanghelisador. Mabuti naman ang aking kalusugan sa ngayon; ang mahigpit na pagsubok noong 1981 ay sumalanta sa aking katawan at nagpahina sa akin. Mula noon, ang aking kapatid na babae ay nagkaroon ng banayad na anyo ng Alport’s syndrome, at dalawa sa aking kapatid na lalaki, na may ganito ring sakit, ay pinahihirapan ng sakit sa bato at nagda-dialysis. Ang dalawa kong kapatid na lalaki ay napakalulusog.
Nagpapatuloy ako sa peritoneal dialysis, at ako’y nagpapasalamat dahil dito ay nakakakilos ako. Tumatanaw ako sa hinaharap taglay ang pag-asa at pagtitiwala sapagkat, sa paano man, ang mga problema sa ngayon—pati na ang sakit sa bato—ay pansamantala lamang.—Gaya ng inilahad ni Lee Cordaway.
Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng anumang partikular na paraan ng paggagamot. Ang artikulong ito ay hindi nilayon upang siraan ang ibang uri ng paggamot, gaya ng hemodialysis. May mga bentaha at disbentaha sa bawat pamamaraan, at ang indibiduwal ay dapat na maingat na magpasiya sa kung anong pamamaraan ang gagamitin niya.
[Mga talababa]
a Kung ang isang Kristiyano ba ay tatanggap ng isang transplant o hindi ay isang personal na desisyon.—Tingnan The Watchtower ng Marso 15, 1980, pahina 31.
b Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pagsasagawa ng malaking operasyon nang walang dugo, tingnan ang Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay?, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., mga pahina 16-17.
c Kung tatanggapin ba o hindi ng isang Kristiyano ang EPO ay isang personal na pasiya.—Tingnan Ang Bantayan ng Oktubre 1, 1994, pahina 31.
[Dayagram sa pahina 13]
Kung paano gumagana ang peritoneal dialysis
Atay
Mga silo ng maliit na bituka
Catheter (tumatanggap ng malinis na solusyon; naglalabas ng lumang solusyon)
Peritoneum
Peritoneal cavity
Pantog
[Larawan sa pahina 12]
Kasama ng aking asawa, si Kimberly