Karahasan Laban sa Kababaihan
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA NIGERIA
MULA sa sinapupunan hanggang sa kamatayan, ang mga babae ay nagiging biktima ng karahasan, ayon sa ulat ng Human Development Report 1995 ng United Nations. Ang mga pagsusuri sa buong daigdig ay nagsisiwalat ng sumusunod:
Bago ang pagsilang. Sa ilang bansa ay isinasagawa ang mga pagsusuri upang matiyak kung ang di pa naisisilang na sanggol ay lalaki o babae. Ang mga babae ay karaniwang ipinalalaglag.
Sa panahon ng pagkabata. Sa Barbados, Canada, Netherlands, New Zealand, Norway, at Estados Unidos, 1 sa 3 babae ang iniuulat na inabuso sa sekso noong kanilang pagkabata o pagdadalaga. Sa Asia at saanman, halos isang milyong bata—karamihan ay mga batang babae—ang sapilitang ipinasok sa prostitusyon bawat taon. Milyun-milyong batang babae sa buong daigdig ang nakararanas ng pagtutuli sa babae.
Sa pagiging adulto. Sa Chile, Mexico, Papua New Guinea, at Republika ng Korea, 2 sa bawat 3 babaing may-asawa ay mga biktima ng karahasan sa tahanan. Sa Canada, New Zealand, United Kingdom, at Estados Unidos, 1 sa 6 na babae ang nahalay na.
Sa pagtanda. Mahigit sa kalahati ng mga babaing pinatay sa Bangladesh, Brazil, Kenya, Papua New Guinea, at Thailand ay pinaslang ng kanilang kinakasama noon o sa kasalukuyan. Sa Aprika, Timog Amerika, ilang isla sa Pasipiko, at sa Estados Unidos, ang karahasan sa pag-aasawa ay nangungunang sanhi ng pagpapatiwakal ng mga babae.
Ang karahasan laban sa kababaihan ay karaniwan sa tinagurian ng Bibliya na “ang mga huling araw,” kung saan marami ang magiging “abusado,” “walang puso,” at “malupit.” (2 Timoteo 3:1-5, New American Bible) Tayo’y makapagpapasalamat sapagkat ang pangako ng Diyos na Jehova ay na pagkatapos ng maligalig na “mga huling araw” na ito, siya’y magtatatag ng isang mapayapang bagong sanlibutan kung saan ang mga naninirahan ay “tatahang tiwasay, at walang tatakot sa kanila.” (Ezekiel 34:28; 2 Pedro 3:13) Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, “ililigtas niya [ni Jesu-Kristo] ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang nagdadalamhati at sinumang walang katulong. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa pang-aapi at karahasan.”—Awit 72:12, 14.