Kung Paano Ka Naaapektuhan ng Organisadong Krimen
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA HAPÓN
Tinusok ng don (lider) ng isang pangkat ng Mafia ang daliri ng baguhan. Tumulo ang dugo sa larawan ng isang “santo.” Sumunod, nilamon ng apoy ang larawan. ‘Kapag ibinunyag mo ang anumang lihim ng organisasyon, ang iyong kaluluwa ay masusunog kagaya ng santong ito,’ sabi ng don sa kabataang lalaki.
ANG panata ng katahimikan—sa Italyano, omertà—sa kalakhang bahagi ang siyang nagpanatiling lihim sa organisadong krimen sa loob ng maraming taon. Subalit nasa mga ulong-balita sa ngayon ang mga gang ng mga kriminal sapagkat nagiging mga tagapagsuplong ang ilang miyembro ng gang. Ang pinakakilalang tao na inakusahan ng mga pentiti, o mga balimbing na ito ng Mafia, ay si Giulio Andreotti, na pitong beses na naging punong ministro ng Italya at ngayo’y nililitis dahil sa kaniyang mga kaugnayan sa Mafia.
Pinalaganap ng mga sindikato sa lahat ng lugar ang kanilang mga galamay tungo sa lahat ng antas ng pamumuhay: ang Mafia sa Italya at sa Estados Unidos, kung saan tinatawag din itong Cosa Nostra; ang mga kartel ng droga sa Timog Amerika; ang Triads ng Tsina; ang yakuza sa Hapón. Ang kanilang mga imbing gawain ay nakaaapekto sa ating lahat at nagpapalaki sa mga gastos sa pamumuhay.
Sinasabi na sa Estados Unidos, hinati ng Mafia ang lunsod ng New York sa limang sindikato, anupat kumikita ng bilyun-bilyon sa pamamagitan ng pangingikil, sapilitang paghingi ng salapi kapalit ng proteksiyon, pagpapautang na may napakataas na tubo, pagsusugal, pagbebenta ng droga, at prostitusyon. Sinasabi na mahigpit ang hawak ng mga sindikato ng Mafia sa mga organisasyon ng mga manggagawa sa pangongolekta ng basura, trucking, konstruksiyon, paghahatid ng pagkain, at industriya ng damit. Dahil sa impluwensiya nila sa mga organisasyon ng mga manggagawa, maaari nilang malutas ang mga alitan sa trabaho o maaari nilang isabotahe ang isang proyekto. Halimbawa, sa isang lugar ng konstruksiyon, isang araw ay hindi paaandarin ang isang buldoser, sa iba pang araw ay hindi pagaganahin ang preno ng backhoe, at “pinababagal ang takbo” ng proyekto ng mga nagpapaandar ng mga makina—ang mga pangyayaring ito at iba pa ay magpapatuloy hanggang sa ang tagapagtayo ay pumayag sa mga hinihingi ng sindikato, maging ang mga ito man ay mga suhol o mga kontrata sa paggawa. Sa katunayan “ang mga suhol sa Sindikato ay tumitiyak sa mga negosyante ng mabilis na paghahatid, mapayapang kaugnayan sa mga manggagawa at mga manggagawang may mas mababang pasahod,” ulat ng magasing Time.
Dalawang kartel ng droga sa Colombia ang nagpaligsahan hanggang sa mabaril noong 1993 si Pablo Escobar, ang pinuno ng kartel sa Medellín. Pagkatapos nito, ang kartel sa Cali ang siya nang may hawak sa pagbebenta ng ilegal na cocaine sa daigdig. Palibhasa’y kumita ng $7 bilyon noong 1994 sa Estados Unidos lamang, ito marahil ang naging pinakamalaking sindikato ng organisadong krimen sa daigdig. Ngunit ang pagkakaaresto sa pinakautak nito noong 1995, si José Santacruz Londoño, ay naging isang malaking dagok sa kartel. Gayunpaman, laging may isang sabik na kahalili na naghihintay upang maging siyang susunod na pinuno.
Dahil sa pagbagsak ng Kurtinang Bakal, nagsimulang makatawag ng pansin sa daigdig ang Mafia ng Russia. Bunga nito, “lahat ng negosyo sa Russia ay kailangang makitungo sa mafia,” sabi ng isang bangkero na sinipi ng Newsweek. Kahit na sa Brighton Beach, New York, naiulat na ang Mafia ng Russia ay nagkakamal ng tubo mula sa masalimuot na mga sistema sa pandaraya na nagsasangkot sa gasolina. Nauwi ito sa pagbabayad ng mas malaking halaga ng mga may-ari ng sasakyan, at nalulugi sa buwis ang pamahalaan. Ang gang ng mga Ruso ay nagpapatakbo rin ng mga grupo sa prostitusyon sa Silangang Europa. Nakalulusot sila sa kanilang maraming krimen nang hindi nalilitis. Sino ang magtatangkang humarap sa lubhang armadong mga dating atleta at mga beterano ng digmaan sa Afghanistan?
Hindi naiiba ang situwasyon sa Oryente. Sa Hapón ay maaasahan niyaong nasa negosyo ng pagtatanghal ang lahat ng uri ng problema kung hindi nila kikilalanin ang lokal na grupong yakuza at magbabayad ng buwis sa kanila. Dito rin naman ay sapilitang humihingi ng salapi mula sa mga bar at maging sa mga taong nagbebenta ng aliw bilang kapalit ng proteksiyon. Karagdagan, napasok na nang husto ng yakuza ang ekonomiya ng Hapón sa pamamagitan ng pagtatatag ng kanilang sariling mga kompanya, pangingikil ng salapi mula sa malalaking negosyo, at pakikisosyo sa mga sindikato ng krimen sa ibang bansa.
Ang mga sindikato na ang pinakabase ay nasa Hong Kong at Taiwan ay mayroon ding lumalawak na operasyon sa buong daigdig. Maliban sa kanilang pangalan, ang Triads, kakaunti ang nalalaman tungkol sa kung paano sila binubuo. Ang kanilang kasaysayan ay mula pa noong ika-17 siglo, nang magsama-sama ang mga mongheng Tsino laban sa mga taga-Manchuria na sumakop sa Tsina. Bagaman sampu-sampung libo ang kanilang mga miyembro, sinasabi na ang Triads sa Hong Kong ay bumubuo ng temporaryong mga sindikato para sa isang espesipikong krimen o sunud-sunod na mga krimen, anupat nagiging mahirap para sa pulisya na matunton ang kanilang pagkakakilanlan. Bilyun-bilyong dolyar ang kinikita nila sa pamamagitan ng pangangalakal ng heroin at ginagawang isang sentro ng panghuhuwad ng mga credit card ang Hong Kong.
Sa kaniyang aklat na The New Ethnic Mobs, ganito ang isinulat ni William Kleinknecht tungkol sa krimen sa Estados Unidos: “Sa bagong daigdig ng organisadong krimen, walang lahi ng mga gangster ang may mas malaking kinabukasan kaysa sa mga Tsino. . . . Ang mga grupo ng mga kriminal na Tsino ay mabilis na nagiging makapangyarihan sa mga lunsod sa buong bansa. . . . Pangalawa lamang sila sa Mafia sa New York.”
Hinggil sa isa pang anyo ng ilegal na pagbebenta na nagsisimula sa Hong Kong, ganito ang sabi ng isang opisyal ng Kagawaran ng Katarungan ng Estados Unidos: “Ang pagpupuslit ng mga dayuhan ay isang anyo ng organisadong krimen.” Tinataya ng ilang opisyal na 100,000 Tsino ang pumapasok nang ilegal sa Estados Unidos taun-taon. Ang pangkaraniwang ipinuslit na nandayuhan ay kailangang magbayad ng di-kukulangin sa $15,000 para sa paghahatid sa kaniya sa isang nakaririwasang bansa, anupat binabayaran ang halos kabuuan nito pagdating niya sa kaniyang destinasyon. Kaya naman, para sa maraming nandayuhan ang buhay sa lupain ng kanilang mga pangarap ay nagiging isang masamang panaginip ng sapilitang pagtatrabaho sa maruruming pabrika at mga bahay aliwan.
Dahil sa hindi ka nasasangkot sa kriminal na mga gawain, baka madama mo na hindi ka apektado ng organisadong krimen. Ngunit talaga nga bang gayon? Maraming sugapa sa droga, na nakatira sa ilang kontinente, ay bumabaling sa paggawa ng krimen upang mabayaran ang mga drogang isinusuplay ng mga kartel ng droga sa Timog Amerika. Tinitiyak ng organisadong krimen na ang mga kontrata para sa mga serbisyo publiko ay mapupunta sa mga kompanya na may kaugnayan dito; bunga nito, nagbabayad ng mas malaki ang mga mamamayan. Sinabi minsan ng Commission on Organized Crime na inatasan ng Presidente na sa Estados Unidos, “binabago ng organisadong krimen ang mga halaga sa pamamagitan ng pagnanakaw, pangingikil, panunuhol, pagtatakda ng mga presyo at pagkontrol sa pangangalakal” at ang mga mamimili ay napipilitang magbayad ng “sa aktuwal ay maituturing na patong na singil” ng mga Mafia. Kaya, walang nakaliligtas mula sa mga epekto ng krimen. Lahat tayo ay nagbabayad.
Subalit bakit umuunlad sa ngayon ang organisadong krimen?
[Kahon sa pahina 5]
Ang Mafia—Ang Pinagmulan Nito
“Ang Mafia ay lumitaw sa Sicily noong dakong huli ng Edad Medya, kung saan ito’y posibleng nagsimula bilang lihim na organisasyon na iniukol sa paggupo ng pamamahala ng iba’t ibang banyagang manlulupig ng isla—kabilang dito ang mga Saracen, taga-Normandy, at mga Kastila. Ang pinanggalingan ng Mafia at ang pinagkunan ng mga miyembro nito ay mula sa maraming maliliit na pribadong hukbo, o mafie, na inupahan ng mga may-ari ng lupa na hindi personal na nangangasiwa upang bigyang proteksiyon ang kanilang mga ari-arian mula sa mga tulisang walang kinikilalang batas na naglipana sa kalakhan ng Sicily sa loob ng mga dantaon. Noong ika-18 at ika-19 na siglo, ang malalakas na mandarambong ng pribadong mga hukbo ay nag-organisa mismo ng kanilang sarili at naging lubos na makapangyarihan anupat binalingan nila ang mga may-ari ng lupa at naging nag-iisang namamahala sa maraming ari-arian, nangingikil ng salapi mula sa mga may-ari ng lupa bilang kapalit ng pangangalaga sa mga ani ng huling nabanggit.” (The New Encyclopædia Britannica) Naging pamamaraan nila ang pangingikil ng salapi kapalit ng proteksiyon. Dinala nila ang kanilang pamamaraan sa Estados Unidos, na doo’y pinasok nila ang pagsusugal, pangingikil sa mga manggagawa, pagpapautang na may napakalaking tubo, pagbebenta ng droga, at prostitusyon.