Seksuwal na Pagsasamantala sa mga Bata—Isang Pandaigdig na Problema
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA SWEDEN
Ang lipunan ng tao ay niyayanig ng nakasisindak na anyo ng pag-abuso sa bata na ang lawak at kalikasan ay hindi napabalita nang husto hanggang nito na lamang nakalipas na mga taon. Upang maunawaan kung ano ang maaaring gawin hinggil dito, nagtipon ang mga kinatawan ng 130 bansa sa Stockholm, Sweden, sa unang World Congress Against Commercial Sexual Exploitation of Children. Isang kabalitaan ng Gumising! sa Sweden ang naroroon din.
NANG si Magdalen ay 14, siya’y naakit na magtrabaho bilang isang “hostes” sa isang beer house sa Manila, Pilipinas. Ang totoo, ang trabaho niya ay dalhin ang mga lalaking parokyano sa isang maliit na silid at siya’y maghuhubad para sa kanilang seksuwal na kasiyahan—may katamtamang bilang na 15 lalaki sa isang gabi at 30 kung Sabado. Kung minsan, kapag sinabi niyang hindi na niya kaya, pipilitin siya ng kaniyang amo na ipagpatuloy ito. Malimit na siya’y natatapos sa kaniyang trabaho ng alas kuwatro ng umaga, nakadarama ng pagkahapo, panlulumo, at pagkamiserable.
Si Sareoun ay isang kabataang lalaki na batang lansangan na naulila sa Phnom Penh, Cambodia. Siya’y may sipilis at kilala na ‘lumalabas’ na kasama ng mga banyaga. Siya’y binigyan ng matitirhan sa pagoda, kung saan siya’y ‘inaaruga’ ng isang dating monghe. Gayunman, ang lalaking ito ay seksuwal na umaabuso sa batang lalaki at nagbubugaw para siya’y makipagtalik sa mga banyaga. Nang gibain ang tirahan ni Sareoun sa pagoda, nakitira siya sa kaniyang tiyahin subalit napilitan pa rin siyang magbili ng aliw.
Ito ay dalawa lamang sa mga halimbawa ng karima-rimarim na problemang hinawakan noong nakaraang taon ng World Congress Against Commercial Sexual Exploitation of Children. Gaano kalaganap ang gawaing ito? Daan-daang libong bata ang nasasangkot—ang totoo, sinasabi ng iba na ito’y milyun-milyon. Ganito binuod ng isang delegado ang problema: “Ang mga bata ay binibili at ibinebenta na parang mga bilihin para sa sekso at sa negosyo. Ang mga ito’y ibinebenta sa loob at sa labas ng bansa gaya ng kontrabandong kalakal, ibinibilanggo sa mga bahay-aliwan at sapilitang ipinagagamit sa napakaraming mapagsamantala sa sekso.”
Sa kaniyang pambukas na pananalita sa pagtitipon, tinagurian ng punong ministro ng Sweden, si Göran Persson, ang pagsasamantala na ito bilang “ang pinakamalupit, pinakamakahayop at pinakakasuklam-suklam na uri ng krimen.” Isang kinatawan ng United Nations ang nagsabi na ito “ay isang pagsalakay sa mga bata sa lahat ng paraan . . . , ubod nang sama at pinakabuktot na paglabag sa mga karapatang pantao na maiisip.” Ang maraming katulad na kapahayagan ng galit sa seksuwal na pagsasamantala sa mga bata ang sinabi mula sa entablado hanggang sa buong konggreso habang ang lawak, kalikasan, sanhi, at mga epekto nito ay pinag-uusapan.
“Ang lawak nito ay lumalampas sa mga hangganan ng bansa, ang mga epekto nito ay umaabot sa sali’t saling lahi,” ang sabi ng isang pinagmulan ng impormasyon. Ganito ang sabi ng isa pa: “Tinatayang 1 milyong bata ang ipinalalagay na pumapasok sa multibilyong-dolyar na ilegal na negosyo ng sekso sa bawat taon.” Ano ang epekto? “Ang pagkadama ng mga bata sa dignidad, pagkakakilanlan at paggalang sa sarili ay gumuguho at pumupurol ang kanilang kakayahan na magtiwala. Naisasapanganib ang kanilang pisikal at emosyonal na kalusugan, nalalabag ang kanilang mga karapatan at nasisira ang kanilang kinabukasan.”
Ang Ilang Sanhi
Ano ang ilang sanhi ng biglang pagdami ng ganitong problema? Sinabi na ang ilang bata ay “naitulak sa prostitusyon dahil sa mga kalagayan, bilang isang paraan upang makaraos sa dustang kalagayan sa buhay, upang makatulong sa kani-kanilang pamilya, o makabili ng mga damit at gamit. Ang iba ay naaakit ng napakaraming nakikitang mamimili na ipinatatalastas sa media.” Ang iba naman ay dinudukot at sapilitang ipinapasok sa prostitusyon. Ang mabilis na pagguho ng mga pamantayan sa moral saanman, gayundin ang karaniwang pagkadama ng kawalang-pag-asa, ay binanggit na kasama sa mga sanhi.
Maraming batang babae at lalaki ang ginagawang hanapbuhay ang sekso dahil sa pag-abuso sa pamilya—ang karahasan at insesto sa tahanan ang nagtulak sa kanila sa mga lansangan. Doon, sila’y nanganganib sa pag-abuso ng mga pedopilya at ng iba pa, maging ng ilang pulis pa nga. Inilahad ng Kids for Hire ang ulat tungkol sa problemang ito tungkol sa anim-na-taóng-gulang na si Katia, sa Brazil. Nang siya’y mahuli ng isang pulis, sapilitan siyang pinagawa ng mahahalay na akto at binantaang papatayin ang kaniyang pamilya kapag nagsumbong siya sa kaniyang hepe. Kinabukasan bumalik ang pulis kasama ang lima pang lalaki, na ang ibig ng lahat ay kaniyang gawin muli ang seksuwal na mga akto para sa kanila.
Sinabi ng Children’s Ombudsman, isang institusyon sa Sweden, ang ganito sa mga delegado: “Kapag isinagawa ang mga pagsisiyasat tungkol sa mga sanhi ng prostitusyon sa bata, walang alinlangan na ang turismo [na nagtataguyod ng sekso] ang isa sa pangunahing mga dahilan.” Isang ulat ang nagsabi: “Ang di-kapani-paniwalang pagdami ng prostitusyon sa bata sa nakalipas na sampung taóng nakalipas ay dahil mismo sa negosyo ng turismo. Ang prostitusyon ng mga bata ang pinakabagong pang-akit sa turista na iniaalok ng mga nagpapaunlad na bansa.” Ang mga “sex tour” (turismong nagtataguyod ng sekso) mula sa Europa, Estados Unidos, Hapon, at saanman ang lumilikha ng napakalaking pangangailangan para sa mga batang nagbibili ng aliw sa buong mundo. Isang airline sa Europa ang gumamit ng drowing na cartoon ng isang bata na mahalay ang ayos upang itaguyod ang turismo sa sekso. Ang mga ahensiya sa paglalakbay ay nagsasaayos ng turismong nagtataguyod ng sekso para sa libu-libong turista sa bawat taon.
Kabilang sa mahabang talaan ng mga sanhi ay ang internasyonal na pagtataguyod ng industriya ng sekso sa bata sa pamamagitan ng bagong teknolohiya. Ang Internet, kasama ang iba pang nauugnay na mga teknolohiya sa computer, ay iniuulat na nag-iisang pinakamalaking pinagmumulan ng pornograpya. Ang kagamitan sa video na mababa ang presyo ang nagpadali sa paggawa ng pornograpya sa bata.
Sinu-sino Sila?
Marami sa mga adulto na seksuwal na umaabuso sa mga bata ay mga pedopilya. Ang isang pedopilya ay may lisyang seksuwal na pagkaakit sa mga bata. Ayon sa Children’s Ombudsman ng Sweden, “hindi naman nangangahulugang sila’y may edad na, nanlilimahid na mga lalaking nakakapote o tipong mararahas na mga lalaking malalaki ang katawan. Ang isang karaniwang pedopilya ay isang edukadong lalaki na nasa katamtamang edad, malimit na kasa-kasama ng mga bata bilang kanilang guro, doktor, social-worker o isang pari.”
Ibinangon ng isang grupo ng taga-Sweden ang halimbawa ni Rosario, isang 12-anyos na Pilipina na seksuwal na inabuso ng isang turista, isang doktor mula sa Austria, na naglalakbay dahil sa sekso. Ang kaniyang pag-abuso ay nagbunga ng pagkamatay ng bata.
Sinabi ni Carol Bellamy, punong direktor ng UNICEF (United Nations Children’s Fund) sa Geneva, ang sumusunod tungkol sa 12-anyos na Pilipina: “Malimit na ang mga adulto mismo na pinagtiwalaang mangalaga at magbigay ng proteksiyon sa mga bata ang nagpapahintulot at nagpapatuloy sa napakabuktot na gawaing ito. May mga guro, propesyonal sa kalusugan, pulis, pulitiko, at mga miyembro ng klero ang gumagamit ng kanilang kabantugan at awtoridad upang seksuwal na pagsamantalahan ang mga bata.”
Pagkasangkot ng Relihiyon
Isang delegado ng Simbahang Romano Katoliko sa konggreso sa Stockholm ang nagsabi na ang pagsasamantala sa mga bata ang “pinakakarumal-dumal na krimen” at “resulta ng sukdulang pagkapilipit at pagguho ng mga alituntuning moral.” Subalit, ang Simbahang Katoliko ay labis na apektado ng gayong mga gawa ng sarili mismong klero nito.
Noong Agosto 16, 1993, iniulat ng labas ng Newsweek, sa isang artikulong pinamagatang “Mga Pari at ang Pag-abuso” ang “pinakamalalang iskandalo ng mga pari sa makabagong kasaysayan ng Simbahang Katoliko sa Estados Unidos.” Ganito ang sabi nito: “Bagaman isinampa ang mga paratang laban sa tinatayang 400 pari sapol noong 1982, tinataya ayon sa pagsusuri ng ilang klero na kasindami ng 2,500 pari ang nagsamantala sa mga bata o mga tin-edyer. . . . Maliban pa sa salapi, napakalaking kahihiyan ang idinulot ng iskandalo sa simbahan—at sa moral na impluwensiya nito.” Ganito rin ang kalagayan ng ibang relihiyon sa daigdig.
Si Ray Wyre, isang kasangguni sa krimen sa sekso mula sa United Kingdom, ang naglahad sa konggreso sa Stockholm tungkol sa dalawang batang lalaki na may pagkasadistang inabuso ng isang pari. Isa sa mga batang lalaking ito ngayon ang nagpapalakad ng ahensiya para sa mga biktima ng pag-abuso sa bata ng mga pari, at ang isa naman ay nang-aabuso mismo.
Si Mettanando Bhikkhu, isang Budistang iskolar mula sa Thailand, ang nag-ulat na “ang ilang uri ng kaugalian ng Budismo ay may pananagutan sa komersiyal na seksuwal na pagsasamantala sa mga bata sa Thailand sa paano man. Sa lokal na mga nayon sa Thailand, ang mga monghe kung minsan ang nakikinabang sa salaping iniuuwi sa komunidad ng mga batang sapilitang nagtrabaho sa prostitusyon.”
Ano ang Maaaring Gawin?
Hinimok ni Dr. Julia O’Connell Davidson, ng Leicester University sa United Kingdom, ang konggreso na hamunin ang pagbibigay-katuwiran ng mga nagsasamantala sa kanilang paggawi. Malimit na itinutuon ng mga nag-aabuso ang pansin sa pagkamalaswa at pagkaimoral ng bata, na nangangatuwirang ang bata ay mahalay at bulok na. Ginagamit ng ibang nagsasamantala ang pilipit at maling pangangatuwiran na walang mangyayaring masama sa kanilang ginagawa at nakikinabang pa ang bata.
Isang hurado na tumatalakay sa turismong nagtataguyod ng sekso ang nagmungkahing sugpuin ito sa pamamagitan ng edukasyon na nakapaloob sa balangkas-aralin ng paaralan. Karagdagan pa, ang impormasyon laban sa seksuwal na pagsasamantala sa mga bata ay dapat na maipaalam sa mga naglalakbay sa buong paglalakbay nila—bago sila umalis, sa panahon ng paglalakbay, at sa patutunguhan nila.
May kinalaman sa bagong mga teknolohiya sa komunikasyon, iminungkahi ng isang hurado na ang mga bansa ay dapat na magbigay ng mga alituntunin para sa pag-aalis ng materyal na nagsasamantala sa mga bata. Isinaalang-alang ang pagtatatag ng iisang internasyonal na ahensiya na siyang mag-aayos sa larangang ito. Inirekomenda ng isa pang hurado na ang pornograpya sa bata sa pamamagitan ng computer at pagkakaroon ng pornograpya sa bata sa pangkalahatan ay dapat gawing kriminal na kasalanan sa lahat ng bansa, na may parusang ipapataw ng batas.
Ano ang maaaring gawin ng mga magulang? Iminungkahi ng isang hurado na humahawak sa bahaging ginagampanan ng media na dapat balikatin ng mga magulang ang pananagutan ng pangangalaga sa kanilang mga anak. Ganito ang sabi nito: “Hindi lamang mapapatnubayan ng mga magulang ang mga bata habang sila’y lumalaki at nahahantad sa media kundi makapagbibigay sila ng karagdagang impormasyon, paliwanag at iba’t ibang pinagmumulan ng impormasyon upang gawing timbang ang malakas na impluwensiya ng media at matulungan ang bata na sumulong sa kaunawaan.”
Isang programa sa TV sa Sweden na nag-uulat tungkol sa kongreso ang nagdiin sa pangangailangan ng mga magulang na maging higit na mapagbantay sa kanilang mga anak at babalaan sila sa mga panganib. Gayunman, ganito ang payo nito: “Huwag basta babalaan ang mga bata laban sa mga ‘dirty old man,’ sapagkat iisipin ng mga bata . . . na dapat lamang silang mag-ingat sa matatanda, nanlilimahid na mga lalaki, samantalang ang taong gumagawa ng gayong krimen ay maaaring bihis na bihis na nakauniporme o malinis ang kasuutan. Kaya, babalaan sila laban sa mga estranghero na may di-pangkaraniwang interes sa kanila.” Mangyari pa, ang mga bata ay dapat ding babalaan tungkol sa—at himuking magsuplong sa awtoridad—sinumang mahalay na nagsasamantala sa kanila, kasali na ang mga taong kilala nila.
Ang Tanging Solusyon
Ang hindi masabi ng konggreso sa Stockholm ay kung paano madaraig ang mga sanhi ng seksuwal na pagsasamantala sa mga bata. Kasali sa mga ito ang mabilis na pagguho ng mga pamantayang moral saanman; ang tumitinding kasakiman at paghahangad sa mga materyal na bagay; ang lumalalang kawalang-galang sa ginawang mga batas upang ingatan ang mga tao sa kawalang-katarungan; ang lumalagong pagwawalang-bahala sa kapakanan, dignidad, at buhay ng iba; ang mabilis na pagkawasak ng kaayusan ng pamilya; ang laganap na karukhaan dahil sa labis-labis na populasyon, kawalang-trabaho, paglawak ng lunsod, at pandarayuhan; ang tumitinding pagtatangi ng lahi laban sa mga banyaga at mga takas; ang patuloy na paggawa at pagnenegosyo ng droga; at buktot na relihiyosong mga pangmalas, kaugalian, at mga tradisyon.
Bagaman ang paksa tungkol sa seksuwal na pagsasamantala sa mga bata ay nakagigitla, ang gayong kasamaan ay hindi kataka-taka para sa isang palaisip na nagbabasa ng Bibliya. Bakit gayon? Sapagkat tayo ngayo’y nabubuhay sa tinatawag ng Bibliya na “ang mga huling araw” at, ayon sa Salita ng Diyos, “ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan” ay narito na. (2 Timoteo 3:1-5, 13) Kaya ipagtataka pa ba na ang moralidad ay sumama nang sumama?
Gayunman, itinuturo ng Bibliya ang tanging solusyon sa malalaking problema sa daigdig—ang lubusang paglilinis ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Hindi na magtatagal ipakikita niya ang kaniyang kapangyarihan at pagpuksa sa lahat ng nasa lupa na hindi sumusunod sa kaniyang matuwid na mga simulain at mga batas: “Ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang matitira rito. Ang mga balakyot, sila’y lilipulin sa mismong lupa.”—Kawikaan 2:21, 22; 2 Tesalonica 1:6-9.
Kasali sa mga “lilipulin” ang lahat ng nagpapasok sa mga bata sa prostitusyon at nagsusulsol sa mga tao na abusuhin ang mga bata. Ang sabi ng Salita ng Diyos: “Hindi ang mga mapakiapid . . . ni ang mga mangangalunya . . . ni ang mga lalaking sumisiping sa mga lalaki [o mga batang lalaki] . . . ang magmamana ng kaharian ng Diyos.” (1 Corinto 6:9, 10) Sinasabi pa nito na ang ‘mga kasuklam-suklam sa kanilang karumihan . . . at mga mapakiapid’ ay itatalaga sa “ikalawang kamatayan”—ang walang-hanggang pagkapuksa.—Apocalipsis 21:8.
Lilinisin ng Diyos ang lupa at dadalhin ang isang lubusang bago at matuwid na sistema ng mga bagay, “mga bagong langit at isang bagong lupa.” (2 Pedro 3:13) Sa gayon, sa bagong sanlibutan na kaniyang ginawa, ang mga taong ubod nang sama at buktot ay hindi na kailanman magsasamantala sa mga bata. At hindi na kailanman matatakot ang mga bata na maging biktima, sapagkat “walang tatakot sa kanila.”—Mikas 4:4.
[Blurb sa pahina 12]
“Ang pinakamakahayop at pinakakasuklam-suklam na uri ng krimen.”—Punong ministro ng Sweden
[Blurb sa pahina 13]
“Linggu-linggo, 10 milyon hanggang 12 milyong lalaki ang nagpupunta sa mga kabataang nagbibili ng aliw.”—The Economist, London
[Blurb sa pahina 14]
Ang turismo na nagtataguyod ng sekso ang pangunahing sanhi ng pagsasamantala sa bata sa nagpapaunlad na mga bansa
[Kahon sa pahina 13]
Turismo na Nagtataguyod ng Sekso–Bakit?
(Ilang dahilan kung bakit nakikipagtalik ang mga turista sa mga bata)
(1) Ang pagiging hindi kilala ng turista ay nagpapalaya sa kaniya sa panlipunang mga paghihigpit sa kanilang bansa
(2) Dahil sa kakaunting alam o hindi pagkaunawa sa lokal na wika, madaling malinlang ang mga turista sa pag-aakalang ang pagbabayad para makipagtalik sa bata ay sinasang-ayunan o isang paraan upang matulungan ang mga bata na makaahon sa karukhaan
(3) Ang saloobin ng pagtatangi ng lahi ang nagpapangyaring pagsamantalahan ng mga turista ang iba na ipinalalagay nilang mababang uri
(4) Ipinalalagay ng mga turista na sila’y mayaman kapag kayang-kaya nilang magbayad para sa mga seksuwal na serbisyo sa nagpapaunlad na mga bansa
[Kahon sa pahina 15]
Ang Pandaigdig na Lawak ng Problema
(Ang sumusunod ay mga tantiya ng iba’t ibang awtoridad ng pamahalaan at iba pang organisasyon)
Brazil: Humigit-kumulang 250,000 bata ang nagbibili ng aliw
Canada: Libu-libong tin-edyer na babae ang ipinapasok sa prostitusyon ng organisadong mga samahan na nagbubugaw
Tsina: Mula sa 200,000 hanggang 500,000 ang mga batang nagbibili ng aliw. Nitong nakaraang mga taon halos 5,000 batang babaing Tsina ang inakit na tumawid ng hangganan ng bansa at ipinagbili bilang mga nagbibili ng aliw sa Myanmar
Colombia: Ang dami ng mga batang seksuwal na pinagsasamantalahan sa mga lansangan ng Bogotá ay limang ulit ang kahigitan sa nakaraang pitong taon
Silangang Europa: May 100,000 batang lansangan. Ang marami ay ipinadadala sa mga bahay-aliwan sa Kanlurang Europa
India: May 400,000 bata ang ginagawang hanapbuhay ang sekso
Mozambique: Inakusahan ng mga ahensiyang tumutulong ang mga sundalo ng UN na nagpapanatili ng kapayapaan ng seksuwal na pagsasamantala sa mga bata
Myanmar: May 10,000 batang babae at mga babae ang dinadala sa mga bahay-aliwan sa Thailand taun-taon
Pilipinas: 40,000 bata ang nasasangkot
Sri Lanka: May 10,000 bata na ang mga edad ay 6 hanggang 14 ang ginawang mga alipin sa mga bahay-aliwan at 5,000 sa pagitan ng mga edad na 10 hanggang 18 ang hiwa-hiwalay na nagtatrabaho sa mga bahay-bakasyunan ng mga turista
Taiwan: 30,000 bata ang kasangkot
Thailand: 300,000 bata ang kasangkot
Estados Unidos: Sinasabi ng opisyal na pinagmumulan ng mga impormasyon na mahigit na 100,000 bata ang kasangkot