Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 5/22 p. 11-13
  • Napakaraming Diyos, Hanggang Masumpungan Ko ang Tunay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Napakaraming Diyos, Hanggang Masumpungan Ko ang Tunay
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Naging Aktibo ang Aking Budhi
  • Dumalaw ang mga Saksi
  • Paglilingkod Kung Saan May Malaking Pangangailangan
  • Ang Malaon Ko Nang Pakikipagbaka Upang Masumpungan ang Tunay na Pananampalataya
    Gumising!—1995
  • Ang Paglapit sa Diyos ang Tumulong sa Akin na Magbata
    Gumising!—1993
  • Sa Pakinig ng Isang Paslit
    Gumising!—1997
  • Nagkakaisa Na ang Aming Pamilya sa Wakas!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 5/22 p. 11-13

Napakaraming Diyos, Hanggang Masumpungan Ko ang Tunay

AKO’Y isinilang sa Croydon, Inglatera, noong 1921, ang panganay na babae sa tatlong babae at dalawang lalaki. Nang ako’y tatlong taóng gulang, ang ilan sa amin na mga bata ay nagkasakit ng dipterya. Ako’y naospital. Namatay ang kapatid kong si Johnnie, at dahil sa hindi siya nabinyagan, ayaw pumayag ng Simbahang Anglikano na magkaroon ng seremonya sa libing. Nabalisa ang aking ama dahil dito at hiniling ang isa sa mga klero kung maaari ba siyang manalangin kapag ibinababa ang kabaong ni Johnnie sa lupa. Tumanggi ito.

Sinabi ng aking nanay na ito ang permanenteng nagpalayo sa aking ama sa relihiyon. Takot na takot si nanay na baka may mangyari sa akin o sa aking mga kapatid na babae anupat lingid sa kaalaman ng aking tatay, dinala niya kami sa simbahan at kami’y pinabinyagan. Ang aking tatay ay naging aktibong miyembro ng partido Komunista at hinimok niya kaming magbasa ng materyal na nauugnay sa dialectical materialism, pati na ng mga aklat ni Huxley, Lenin, at Marx. Ang Diyos ay hindi kailanman binabanggit sa bahay maliban kung sasabihin ni tatay na walang Diyos.

Noong 1931, nang ako’y sampung taon, kung minsa’y naglalakad ako sa lansangan upang dalawin ang mga magulang ng aking tatay. Si Lolo ay madalas na pinupulaan ng iba, subalit may kislap sa kaniyang magandang asul na mga mata at lagi siyang maligaya. Karaniwang binibigyan niya ako ng ilang kendi at isang bagay na mababasa habang ako’y naglalakad pauwi ng bahay. Kinakain ko ang kendi at itinatapon ang babasahin. Hindi ko maunawaan noon kung bakit ang iba ay nagsasalita nang negatibo tungkol sa kaniya.

Nang ako’y magtin-edyer, sumama ako sa Young Communist League at nang maglaon ay naging kalihim. Nagbigay ako ng mga pahayag sa bulwagang bayan at namahagi ako sa lansangan ng pahayagang Challenge, inaalok ito sa sinuman na makikinig. Nang panahong iyon, isang grupong Pasista na tinatawag na Blackshirts ang aktibo at marahas na sumasalansang sa Komunismo. Natatandaan ko na habang ako’y nakatayo sa bangketa at nag-aalok ng Challenge, lalapitan ako ng mga miyembro ng Blackshirts at kakausapin ako, tinatawag akong Sunshine, isang palayaw na ibinigay nila sa akin. Natuklasan ng nakatatandang mga miyembro ng partido Komunista na binabalak ng mga Pasista na ako’y bugbugin sa pamamagitan ng mga knuckle-duster, kaya binigyan nila ako ng isang eskorte.

Noong minsan, natuklasan namin na ang mga Pasista ay magmamartsa sa East End ng London (noo’y tinitirhan ng karamihan ng mga Judio). Kami’y sinabihan na harapin sila at magdala kami ng mga supot ng holen, na ihahagis namin sa paa ng mga kabayo ng pulis habang ang mga ito’y sumasalakay upang buwagin ang magkalabang panig. Marami ang naaresto noong araw na iyon, mabuti na lamang, hindi ako kabilang sa kanila, yamang nagpasiya akong huwag sumama.

Naging Aktibo ang Aking Budhi

Noong minsan, ako’y sinabihang magsalita sa isang pagtitipong publiko ng isang bagay na alam kong hindi totoo. Tumanggi ako at ako’y tinanong, “Ano ba ang halaga niyan basta ba maipahayag natin ang ating pangmalas?” Sa pagkakataong ito inusig ako ng aking budhi, at nagsimula akong mag-alinlangan tungkol sa maraming bagay.

Noong minsan sa simula ng aking pagiging tin-edyer, pinatibay ako ng aking nanay na dumalo sa isang serbisyo ng simbahan, upang makita lamang kung ano ang nagaganap doon. Nagugunita kong ako’y sinabihang magtungo sa altar upang mangumpisal ng aking mga kasalanan. Samantalang naroroon, napansin ko na ang burda sa takip ng altar ay may tatlong magkasalabid na mga argolya. Nagtanong ako kung ano ang kinakatawan nito at sinabi sa akin na ito’y kumakatawan sa “Santa Trinidad​—ang Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo.” Naisip ko, ‘Kakatwa ito. Naniniwala sila sa tatlong diyos, ngunit sabi ni tatay na wala ni isang diyos!’ Nang magtanong pa ako, ipinaliwanag na ang isang itlog ay may tatlong bahagi subalit sa totoo ay isa lamang ang itlog. Hindi rin ako nasiyahan dito. Saka ako sinabihan na masyado akong maraming itinatanong. Umuwi ako ng bahay at sinabi ko sa aking nanay na ayaw ko nang magsimba, at hindi nga ako nagsimba!

Nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II, hindi na ako aktibo sa Young Communist League. Nag-asawa ako ng isang taga-Canada na naglilingkod sa militar, at kami’y nagkaroon ng isang anak na lalaki. Ang aming unang bahay sa London ay binomba. Isang V-1 missile ang bumagsak sa harap ng aming bahay nang kami ng anak ko ay nasa bahay. Nawala namin ang lahat ng aming materyal na tinatangkilik. Natabunan kami ng mga durog na bato subalit mabuti na lamang at kami’y nakaligtas. Ang aking asawa ay nasa Normandy, Pransiya, nang panahong iyon.

Halos nang panahon ding iyon, natatandaan kong ako’y nakipag-usap sa dalawang kabataang babae at tinanong ko sila, “Kung mayroong Diyos, bakit niya ipinahihintulot na mangyari ang lahat ng pagdurusang ito?” Mayroon silang sinabi tungkol kay Satanas na diyos ng sanlibutang ito. “O,” naisip ko, “isa na namang diyos na wala akong kaalam-alam!” Pagkatapos, isang binata ang dumating. Marami akong itinanong sa kaniya, at sinabi niyang siya’y naghahanap ng tupa, hindi ng mga kambing. Dahil sa hindi ako pamilyar sa ilustrasyon ni Jesus, tinanong ko siya kung siya ba’y isang ministro o isang magbubukid. Lumipas pa ang mga taon, at nagwakas ang Digmaang Pandaigdig II. Umuwi ang aking asawa pagkatapos makita na 95 porsiyento ng Saskatoon Light Infantry kung saan siya naglilingkod ay nasawi sa digmaan. Tumira kami sa isa pang bahay sa Croydon.

Dumalaw ang mga Saksi

Isang Linggo, dalawang Saksi ni Jehova ang dumating at tumimbre. Ang asawa ko ang nagbukas ng pinto at matagal na nakipag-usap sa kanila. Masama ang loob niya sa lahat ng relihiyon dahil sa pagpapaimbabaw na nasaksihan niya noong panahon ng digmaan. Humanga siya sa neutral na paninindigan ng mga Saksi. Sinabi niya sa akin na inanyayahan niya silang bumalik para pag-usapan ang Bibliya. Lubha akong nabahala kaya’t tinanong ko ang tatay ko kung ano ang dapat kong gawin. Sinabi niyang hindi ako dapat masangkot at na kung magpatuloy ang aking asawa sa baliw na relihiyong ito, mabuti pang magharap ako ng diborsiyo.

Nagpasiya akong makisama sa isa sa mga talakayang ito upang alamin kung ano nga ba ito. Lahat kami ay naupo sa palibot ng mesa, at sinabi ng Saksi: “Balang araw maaari ninyong yapusin ang isang leon na gaya ng pagyapos ninyo sa isang aso.” ‘O, nababaliw sila,’ naisip ko. Hindi ako makapagtuon ng isip sa anumang bagay na sinabi nang gabing iyon. Pagkatapos, sinabi ko sa aking asawa na ayaw ko na silang bumalik muli. Maraming luha ang tumulo, at pinag-usapan namin ang pagkuha ng diborsiyo.

Di-nagtagal pagkatapos nito, isa pang Saksi ang dumalaw. Nang maglaon ay natuklasan namin na siya ay isang tagapangasiwa ng sirkito na dumadalaw sa lokal na kongregasyon at nabalitaan niya ang tungkol sa amin. Natatandaan ko siya nang husto. Mayroon siyang asul na mga mata at isang napakabait at matiyagang kalooban. Ipinagugunita niya sa akin ang aking lolo. Inilabas ko ang isang talaan ng 32 tanong na isinulat ko. “Isa-isa nating talakayin ito,” sabi niya, at gayon nga ang ginawa namin. Tinulungan niya akong pahalagahan na upang lubusang maunawaan ang sinasabi ng Bibliya, kailangan kong basahin at pag-aralan ito. Iminungkahi niyang may dumalaw sa amin nang palagian upang makipag-aral ng Bibliya sa amin. Sumang-ayon naman ako.

Habang unti-unti kong nauunawaan ang tungkol sa ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, napaiyak ako. Naalaala kong ako’y pumasok sa kuwarto at nanalangin kay Jehova na pakisuyong patawarin ako at tulungan akong maunawaan ang Bibliya at ang kaniyang mga layunin. Kami ng aking asawa, at ng aking anak na lalaki ay nabautismuhan noong 1951. Lubhang nabahala ang aking tatay nang mabalitaan niya ang tungkol dito at sinabing gugustuhin pa niyang makita akong patay kaysa isang Saksi ni Jehova.

Paglilingkod Kung Saan May Malaking Pangangailangan

Ang aking asawa ay nagpasiyang bumalik sa Canada, at noong 1952 kami’y lumipat sa Vancouver, British Columbia. Ayaw ng aking tatay na magpaalam, at hinding-hindi ko na siya muling nakita o nakabalita mula sa kaniya. Pagkaraang kami’y manirahan sa Vancouver ng ilang taon, nagkaroon ng panawagan na magtungo kung saan may malaking pangangailangan, lalo na sa mga lugar na gaya ng Quebec, kung saan si Premier Duplessis ay may tulad-Hitler na saloobin sa mga Saksi ni Jehova.

Noong 1958 ay inimpake namin ang lahat ng aming makalupang mga ari-arian sa aming kotse at nagtungo sa internasyonal na kombensiyon sa New York. Mula roon ay nagtungo kami sa Montreal, Quebec, kung saan kami’y inatasan sa isang kongregasyong Pranses sa Ville de Jacques-Cartier. Marami kaming kawili-wiling mga karanasan samantalang naglilingkod kay Jehova sa Quebec. Minsan, itinaob ang aming kotse, kami’y binato, at binasa kami ng isang babae sa pamamagitan ng pandilig. Ito’y sa isang lugar na tinatawag na Magog.

Noong minsan naman, kami ng aking kasama ay nagdaraan sa isang simbahan habang ang mga tao’y pumipila palabas. May nakakilala sa amin at sumigaw: “Témoins de Jéhovah!” (“Mga Saksi ni Jehova!”) Nagkaroon ng habulan, sa pangunguna ng pari, subalit mas mabilis kaming tumakbo. Maraming ulit kaming naaresto. Gayunman, nagkaroon ako ng kaluguran ng pagtulong sa ilang tao na matuto tungkol kay Jehova, marami sa kanila ay aktibo pa ring naglilingkod sa kaniya.

Maaga noong mga taon ng 1960, inilipat ang aking asawa ng kaniyang amo sa Los Angeles, at kami’y naglingkod sa isang kongregasyon doon sa loob ng mahigit na 30 taon. Isang kaluguran para sa amin na magsalita tungkol sa katotohanan sa mga tao na lumipat sa Los Angeles mula sa lahat ng bahagi ng lupa! Ako’y nagkapribilehiyo na makipag-aral sa mga tao mula sa Lebanon, Ehipto, Tsina, Hapon, Pransiya, at Italya, upang banggitin lamang ang ilan. Natatandaan ko pa ang pagkakatagpo ko ng isang kabataang babae na hindi nagsasalita ng Ingles​—mabuti na lamang, nagsasalita ng Ingles ang asawa niya. Kaya kaming mag-asawa ang magkasamang nakipag-aral sa kanila. Nang maglaon ay bukod na ang pag-aaral ko sa kaniya. Ginamit ko ang aklat na Let God Be True sa Ingles, at hahanapin naman niya ang mga kasulatan sa kaniyang Bibliya sa wikang Tsino at sasagutin ang mga tanong sa wikang Tsino. Pagkatapos, sasabihin ko ang sagot sa Ingles, at uulitin naman niya ito sa Ingles. Sa wakas, naging bihasa siya sa Ingles, bagaman sinasalita niya ito na may puntong Britano. Natutuwa akong ibalita na silang mag-asawa ay mga nag-alay na lingkod ngayon ni Jehova.

Lumipat kami kamakailan sa Tucson, Arizona, at nagkaroon ng karagdagang pribilehiyo na makita ang lahat ng miyembro ng aming pamilya na tapat na naglilingkod kay Jehova, pati na ang aming apo sa tuhod, na tinuturuan tungkol sa ating Dakilang Maylalang, si Jehova.

Siyanga pala, natutuwa akong malaman mula sa mga kapatid sa Croydon na ang aking lolo na may kumikislap na asul na mga mata ay isang Saksi ni Jehova.​—Gaya ng inilahad ni Cassie Bright.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share