Nauubusan na ba ng Tubig ang Daigdig?
“Ang pagkakaroon ng ligtas, malinis at sapat na mapagkukunan ng sariwang tubig ay isang pangunahing pangangailangan para sa kaligtasan, kapakanan, panlipunan at pang-ekonomiyang pagsulong ng buong sangkatauhan. Gayunman, patuloy tayong gumagawi na para bang ang sariwang tubig ay isang kayamanan na lagi na lamang sagana. Hindi totoo iyan.”—KOFI ANNAN, KALIHIM-PANLAHAT NG UNITED NATIONS.
KAPAG katanghaliang-tapat tuwing Huwebes sa loob ng nakalipas na sanlibong taon, isang kakaibang tribunal ang nagpupulong sa lunsod ng Valencia sa Espanya. Tungkulin nito na lutasin ang mga pagtatalo hinggil sa tubig.
Ang mga lokal na magsasaka sa mabungang kapatagan ng Valencia ay umaasa sa irigasyon, at ang irigasyon ay nangangailangan ng maraming tubig—na lagi namang kapos ang suplay sa bahaging ito ng Espanya. Maaaring umapela ang mga magsasaka sa tribunal ng tubig kailanma’t nadarama nilang hindi sapat ang napupunta sa kanila sa hatian. Ang mga pagtatalo hinggil sa tubig ay hindi na bago, ngunit bihirang malutas ang mga ito nang makatarungan na gaya sa Valencia.
Halos 4,000 taon na ang nakalilipas, sumiklab ang isang marahas na pagtatalo sa gitna ng mga pastol hinggil sa pag-igib sa isang balon malapit sa Beer-sheba sa Israel. (Genesis 21:25) At lalo pang lumubha ang mga problema sa tubig sa Gitnang Silangan mula noon. Di-kukulangin sa dalawang prominenteng lider sa rehiyon ang nagsabi na tubig ang siyang isyu na maaaring umakay sa kanila na magdeklara ng pakikidigma sa isang kalapit na Estado.
Sa medyo-tigang na mga bansa sa daigdig, ang tubig ay lagi nang pumupukaw ng matitinding damdamin. Simple lamang ang dahilan: Ang tubig ay mahalaga sa buhay. Gaya ng sinabi ni Kofi Annan, “ang sariwang tubig ay mahalaga: hindi tayo mabubuhay kung wala nito. Walang maipapalit dito: walang mga panghalili rito. At ito’y maselan: malaki ang epekto ng gawain ng tao sa dami at kalidad ng sariwang tubig na makukuha.”
Ngayon higit kailanman, kapuwa ang dami at kalidad ng sariwang tubig sa ating planeta ay nanganganib. Hindi tayo dapat palinlang sa waring saganang suplay sa ilang bahagi ng daigdig na nagkataong masagana sa tubig.
Ang Umuunting Suplay
“Ang isa sa pinakamalalaking pagkakasalungatan sa kalikasan ng tao ay na pinahahalagahan lamang natin ang mga bagay kapag kakaunti na ang mga ito,” sabi ng Pangalawang-Kalihim-Panlahat ng UN na si Elizabeth Dowdeswell. “Pinahahalagahan lamang natin ang tubig kapag natuyo na ang balon. At ang mga balon ay natutuyuan hindi lamang sa mga lugar na madalas magtagtuyot kundi gayundin sa mga lugar na hindi karaniwang iniuugnay sa kasalatan sa tubig.”
Alam na alam ng mga napapaharap sa kasalatan sa tubig sa araw-araw ang suliraning ito. Si Asokan, isang nag-oopisina sa Madras, India, ay kailangang bumangon dalawang oras bago magbukang-liwayway tuwing umaga. May dala-dalang limang timba, nagtutungo siya sa pampublikong gripo ng tubig, na limang minuto ang layo kapag nilakad. Yamang may tubig lamang sa pagitan ng 4:00 n.u. at 6:00 n.u., kailangan niyang pumila nang maaga. Ang tubig na nasa kaniyang mga timba na iniuuwi niya ay kailangang pagkasyahin sa maghapon. Maraming kapuwa niya taga-India—at isang bilyon pang tao sa planetang ito—ang walang ganitong bentaha. Wala silang gripo, ilog, o balon na malapit sa kanilang tahanan.
Si Abdullah, isang batang lalaki na naninirahan sa rehiyon ng Sahel sa Aprika, ay isa sa mga iyon. Ang karatula sa daan na nagpapakilala sa kaniyang maliit na nayon ay naglalarawan dito bilang isang oasis; ngunit matagal nang naglaho ang tubig, at halos walang punungkahoy na makikita. Trabaho ni Abdullah na mag-igib ng tubig para sa kanilang pamilya mula sa isang balon na mahigit na isang kilometro ang layo.
Sa ilang bahagi ng daigdig, nagsimula nang mahigitan ng pangangailangan para sa sariwa at malinis na tubig ang suplay nito. Simple lamang ang dahilan: Malaking bahagi ng sangkatauhan ang naninirahan sa tigang o medyo-tigang na mga lugar, kung saan malaon nang may kasalatan sa tubig. (Tingnan ang mapa sa pahina 3.) Ayon sa Stockholm Environment Institute, sangkatlo na ng populasyon ng daigdig ang naninirahan sa mga lugar na dumaranas ng mula katamtaman hanggang sa malubhang kakapusan sa tubig. At ang pangangailangan para sa tubig ay lumaki nang mahigit sa dalawang ulit ng bilis ng pagdami ng populasyon.
Sa kabilang panig, ang suplay ng tubig ay halos di-nagbabago. Ang mas malalalim na balon at mga bagong imbakan ng tubig ay maaaring magdulot ng pansamantalang ginhawa, ngunit ang dami ng ulan na lumalagpak sa lupa at ang dami ng tubig na naiimbak sa ilalim ng lupa ay hindi naman talaga nagbabago. Dahil dito, tinataya ng mga meteorologo na sa loob ng 25 taon, ang dami ng tubig na magagamit ng bawat tao sa lupa ay maaaring bumaba ng 50 porsiyento.
Epekto sa Kalusugan at Pagkain
Paano nakaaapekto sa mga tao ang kasalatan sa tubig? Una sa lahat, pinipinsala nito ang kanilang kalusugan. Hindi naman sa mamamatay sila sa uhaw; sa halip, maaari silang magkasakit dahil sa mababang uri ng tubig na magagamit para sa pagluluto at pag-inom. Sinabi ni Elizabeth Dowdeswell na “mga 80 porsiyento ng lahat ng sakit at mahigit na isang-katlo ng lahat ng namamatay sa papaunlad na mga bansa ay dahil sa maruming tubig.” Sa medyo-tigang na mga bansa sa papaunlad na daigdig, ang mga suplay ng tubig ay madalas na narurumhan ng dumi ng tao o hayop, mga pestisidyo, mga pataba, o mga kimikal mula sa industriya. Ang isang mahirap na pamilya ay maaaring walang ibang mapagpipilian kundi gumamit ng gayong maruming tubig.
Kung paanong nangangailangan ang ating katawan ng tubig upang mailabas ang mga dumi nito, kailangan ang saganang tubig para sa tamang sanitasyon—tubig na talagang walang mapagkunan ang karamihan sa sangkatauhan. Ang bilang ng mga tao na walang sapat na sanitasyon ay tumaas mula 2.6 bilyon noong 1990 tungo sa 2.9 bilyon noong 1997. Ito’y halos kalahati ng mga tao sa planetang ito. At ang sanitasyon ay talagang nangangahulugan ng buhay at kamatayan. Sa isang magkasamang pahayag, nagbabala ang mga opisyal ng United Nations na sina Carol Bellamy at Nitin Desai: “Kapag ang mga bata ay kulang sa tubig na angkop para sa pag-inom at sanitasyon, halos lahat ng aspekto ng kanilang kalusugan at paglaki ay nanganganib.”
Ang produksiyon ng pagkain ay nakasalalay sa tubig. Sabihin pa, maraming pananim ang dinidilig ng ulan, ngunit nitong nakalipas na mga panahon ay naging napakahalagang elemento ang irigasyon sa pagpapakain sa lumalaking populasyon ng daigdig. Sa ngayon, 36 na porsiyento ng inaani sa daigdig ang umaasa sa irigasyon. Ngunit ang kabuuang laki ng taniman sa daigdig na may irigasyon ay umabot na sa sukdulan nito mga 20 taon na ang nakalilipas, at patuloy itong lumiliit mula noon.
Kung sagana ang tubig na lumalabas sa bawat gripo sa ating tahanan at kung mayroon tayong malinis na palikuran na maalwang nakapagpa-flush ng dumi, maaaring mahirap paniwalaan na nauubusan na ng sapat na suplay ng tubig ang daigdig. Gayunman, dapat nating tandaan na 20 porsiyento lamang ng sangkatauhan ang nagtatamasa ng gayong mga kaalwanan. Sa Aprika, maraming kababaihan ang gumugugol ng hanggang anim na oras bawat araw sa pag-iigib ng tubig—at kadalasan pang ito’y marumi. Higit na mas maliwanag na nauunawaan ng mga babaing ito ang mapait na katotohanan: Ang malinis at ligtas na tubig ay kakaunti, at ito’y lalo pang kumakaunti.
Malulutas ba ng teknolohiya ang problema? Maaari bang gamitin nang mas matipid ang makukuhang tubig? Saan napunta ang lahat ng tubig? Sisikaping sagutin ng sumusunod na mga artikulo ang mga katanungang ito.
[Kahon/Dayagram sa pahina 4]
KUNG NASAAN ANG SARIWANG TUBIG
Mga 97 porsiyento ng tubig dito sa lupa ay nasa mga karagatan at masyadong maalat para gamitin sa pag-inom, pagsasaka, at paggawa.
Mga 3 porsiyento lamang ng tubig sa daigdig ang sariwa. Gayunman, ang karamihan nito ay hindi madaling makuha, gaya ng ipinakikita ng kalakip na ilustrasyon.
[Dayagram]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Permanenteng yelo at niyebe 68.7%
Tubig sa ilalim ng lupa 30.1%
Permafrost, yelo sa ilalim ng lupa 0.9%
Mga lawa, ilog, at latian 0.3%
[Kahon sa pahina 5]
ANG KRISIS SA TUBIG
◼ PAGPAPARUMI NG TUBIG Sa Poland, 5 porsiyento lamang ng tubig sa ilog ang maaaring inumin, at ang 75 porsiyento nito ay napakarumi para gamitin kahit sa industriya man lamang.
◼ MGA SUPLAY SA LUNSOD Sa Mexico City, ang ikalawang pinakamalaking metropolis sa daigdig, ang taas ng tubig sa ilalim ng lupa, na nagsusuplay ng 80 porsiyento ng tubig sa lunsod, ay patuloy na bumababa. Mas marami ng 50 porsiyento ang tubig na binobomba kaysa sa likas na bumabalik sa ilalim ng lupa. Ang Beijing, kabisera ng Tsina, ay dumaranas ng gayunding suliranin. Ang aquifer [likas na tubig sa lupa] nito ay bumababa nang mahigit na isang metro bawat taon, at sangkatlo sa mga balon nito ang natuyo na.
◼ IRIGASYON Ang malaking Ogallala aquifer sa Estados Unidos ay lubhang nasaid anupat ang lupaing may irigasyon sa hilagang-kanlurang Texas ay lumiit nang sangkatlo dahil sa kakulangan ng tubig. Kapuwa ang Tsina at India, ang ikalawa at ikatlo sa pinakamalalaking pinagmumulan ng pagkain, ay napapaharap sa katulad na krisis. Sa timugang estado ng Tamil Nadu sa India, irigasyon ang naging dahilan ng pagbaba ng tubig sa ilalim ng lupa nang mahigit na 23 metro sa loob ng sampung taon.
◼ NAGLALAHONG MGA ILOG Kapag tag-araw, ang napakalaking Ganges ay hindi na umaabot sa dagat, yamang ang lahat ng tubig nito ay inililihis na bago pa makarating sa dagat. Nangyayari rin ito sa Ilog Colorado sa Hilagang Amerika.
[Mapa sa pahina 3]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
KUNG SAAN KULANG ANG SUPLAY NG TUBIG
Mga lugar na kapos sa tubig